Book of Common Prayer
Papuri at Pasasalamat
66 Kayong mga tao sa buong mundo,
isigaw ninyo ang inyong papuri sa Dios nang may kagalakan.
2 Umawit kayo ng mga papuri para sa kanya.
Parangalan ninyo siya sa pamamagitan ng inyong mga awit.
3 Sabihin ninyo sa kanya,
“O Dios, kahanga-hanga ang inyong mga gawa!
Dahil sa inyong dakilang kapangyarihan,
luluhod ang inyong mga kaaway sa takot.
4 Ang lahat ng tao sa buong mundo ay sasamba sa inyo
na may awit ng papuri.”
5 Halikayo at tingnan ang kahanga-hangang ginawa ng Dios para sa mga tao.
6 Pinatuyo niya ang dagat;
tinawid ito ng ating mga ninuno na naglalakad.
Tayoʼy mangagalak sa kanyang mga ginawa.
7 Maghahari ang Dios ng walang hanggan
sa pamamagitan ng kanyang kapangyarihan.
Mga bansaʼy kanyang pinagmamasdan,
kaya ang mga sumusuway sa kanya
ay hindi dapat magmalaki sa kanilang sarili.
8 Kayong mga tao, purihin ninyo ang Dios!
Iparinig ninyo sa lahat ang inyong papuri.
9 Iningatan niya ang ating buhay
at hindi niya hinayaang tayoʼy madapa.
10 O Dios, tunay ngang binigyan nʼyo kami ng pagsubok,
na tulad ng apoy na nagpapadalisay sa pilak.
11 Hinayaan nʼyo kaming mahuli sa bitag
at pinagpasan nʼyo kami ng mabigat na dalahin.
12 Pinabayaan nʼyo ang aming mga kaaway na tapakan kami sa ulo;
parang dumaan kami sa apoy at lumusong sa baha.
Ngunit dinala nʼyo kami sa lugar ng kasaganaan.
13 Mag-aalay ako sa inyong templo ng mga handog na sinusunog[a]
upang tuparin ko ang aking mga ipinangako sa inyo,
14 mga pangakong sinabi ko noong akoʼy nasa gitna ng kaguluhan.
15 Mag-aalay ako sa inyo ng matatabang hayop bilang handog na sinusunog,
katulad ng mga tupa, toro at mga kambing.
16 Halikayo at makinig, kayong lahat na may takot sa Dios.
Sasabihin ko sa inyo ang mga ginawa niya sa akin.
17 Humingi ako sa kanya ng tulong habang nagpupuri.
18 Kung hindi ko ipinahayag sa Panginoon ang aking mga kasalanan,
hindi niya sana ako pakikinggan.
19 Ngunit tunay na pinakinggan ako ng Dios at ang dalangin koʼy kanyang sinagot.
20 Purihin ang Dios, na hindi tumanggi sa aking panalangin,
at hindi nagkait ng kanyang tapat na pag-ibig sa akin.
Awit ng Pasasalamat
67 O Dios, kaawaan nʼyo kami at pagpalain.
Ipakita nʼyo sa amin ang inyong kabutihan,
2 upang malaman ng lahat ng bansa ang inyong mga pamamaraan at pagliligtas.
3 Purihin ka sana ng lahat ng tao, O Dios.
4 Magalak sana ang lahat ng tao at umawit ng papuri sa inyo,
dahil sa makatarungan nʼyong paghahatol at pagpapatnubay sa lahat ng bansa.
5 O Dios, purihin sana kayo ng lahat ng bansa.
6-7 Mag-ani sana ng sagana ang mga lupain.
Nawaʼy pagpalain nʼyo kami, O Dios, na aming Dios.
At magkaroon sana ng takot sa inyo ang lahat ng tao sa buong mundo.
Ang Kadakilaan ng Salita ng Dios
19 Ipinapakita ng kalangitan ang kadakilaan ng Dios,
ang gawa ng kanyang kamay.
2 Araw at gabi, ang kalangitan ay parang nagsasabi tungkol sa kanyang kapangyarihan.
3 Kahit na walang salita o tinig kang maririnig,
4 ang kanilang mensahe ay napapakinggan pa rin sa buong daigdig.
Iginawa ng Dios ang araw ng tirahan sa kalangitan.
5 Tuwing umagaʼy sumisikat ang araw,
na parang lalaking bagong kasal na lumalabas sa bahay nila nang may galak.
O katulad din ng isang manlalarong kampeon sa takbuhan, na nasasabik na tumakbo.
6 Itoʼy sumisikat sa silangan, at lumulubog sa kanluran.
At ang kanyang init, hindi mapagtataguan.
Ang Kautusan ng Panginoon
7 Ang kautusan ng Panginoon ay walang kamalian.
Itoʼy nagbibigay sa atin ng bagong kalakasan.
Ang mga turo ng Panginoon ay mapagkakatiwalaan,
at nagbibigay karunungan sa mga walang kaalaman.
8 Ang mga tuntunin ng Panginoon ay tama at sa pusoʼy nagbibigay kagalakan.
Ang mga utos ng Panginoon ay malinaw at nagbibigay liwanag sa kaisipan.
9 Ang pagkatakot sa Panginoon ay nagpapadalisay ng puso; mananatili ito magpakailanman.
Ang mga utos niya ay matuwid at makatarungan.
10 Ang mga itoʼy higit pa kaysa purong ginto,
at mas matamis pa kaysa sa pulot-pukyutan.
11 Ang inyong mga utos Panginoon, ang nagbibigay babala sa akin na inyong lingkod.
May dakilang gantimpala kapag itoʼy sinusunod.
12 Hindi namin napapansin ang aming mga kamalian.
Kaya linisin nʼyo po ako sa mga kasalanang hindi ko nalalaman.
13 Ilayo nʼyo rin ako sa kasalanang sadya kong ginagawa,
at huwag nʼyong payagan na alipinin ako nito.
Para mamuhay akong ganap at walang kapintasan,
at lubos na lalaya sa maraming kasalanan.
14 Sanaʼy maging kalugod-lugod sa inyo Panginoon ang aking iniisip at sinasabi.
Kayo ang aking Bato na kanlungan at Tagapagligtas!
Kasama Natin ang Dios
46 Ang Dios ang ating kanlungan at kalakasan.
Siyaʼy laging nakahandang sumaklolo sa oras ng kagipitan.
2 Kaya huwag tayong matatakot kahit lumindol man,
at gumuho ang mga bundok at bumagsak sa karagatan.
3 Humampas man at umugong ang mga alon na naglalakihan,
at mayanig ang kabundukan.
4 May ilog na nagbibigay ng kagalakan sa bayan ng Dios,
sa banal na tahanan ng Kataas-taasang Dios.
5 Ang Dios ay nakatira sa lungsod na ito kaya hindi ito magigiba.
Itoʼy kanyang ipagtatanggol sa kinaumagahan.
6 Nagkakagulo ang mga bansa; bumabagsak ang mga kaharian.
Sa sigaw ng Dios, ang mga tao sa mundo ay parang matutunaw sa takot.
7 Kasama natin ang Panginoon ng hukbo ng kalangitan.
Ang Dios ni Jacob ang ating kanlungan.
8 Halika, tingnan mo ang mga kahanga-hangang bagay na ginagawa ng Panginoon sa mundo.
9 Kanyang pinatitigil ang mga digmaan sa lahat ng sulok ng mundo.
Binabali niya ang mga sibat, pinuputol ang mga pana, at sinusunog ang mga kalasag.
10 Sinasabi niya,
“Tumigil kayo[a] at kilalanin ninyo na ako ang Dios.
Akoʼy pararangalan sa mga bansa.
Akoʼy papupurihan sa buong mundo.”
11 Kasama natin ang Panginoong Makapangyarihan.
Ang Dios ni Jacob ang ating kanlungan.
20 Kaya naglingkod si Jacob kay Laban ng pitong taon para mapangasawa niya si Raquel. Dahil sa pagmamahal niya kay Raquel, parang ilang araw lang sa kanya ang pitong taon.
21 Pagkalipas ng pitong taon, sinabi ni Jacob kay Laban, “Natapos na ang paglilingkod ko sa inyo, kaya ibigay nʼyo na sa akin si Raquel para magsama na kami.”
22 Pumayag si Laban, kaya nagdaos siya ng handaan at inimbitahan niya ang lahat ng tao sa lugar na iyon. 23 Pero kinagabihan, sa halip na si Raquel ang dalhin ni Laban kay Jacob, si Lea ang dinala niya. At sumiping si Jacob kay Lea. 24 (Ibinigay ni Laban kay Lea ang alipin niyang babae na si Zilpa para maging alipin nito.)
25 Kinabukasan, nalaman ni Jacob na si Lea pala ang kasiping niya. Kaya pinuntahan niya si Laban at sinabi, “Bakit ginawa mo ito sa akin? Naglingkod ako sa iyo para mapangasawa ko si Raquel. Ngayon, bakit niloko mo ako?”
26 Sumagot si Laban, “Hindi kaugalian dito sa aming lugar na maunang makapag-asawa ang nakababatang kapatid kaysa sa nakatatandang kapatid. 27 Hintayin mo lamang na matapos ang isang linggong pagdiriwang ng inyong kasal at ibibigay ko agad sa iyo si Raquel, iyan ay kung muli kang maglilingkod ng pitong taon pa.”
28 Pumayag si Jacob sa sinabi ni Laban. Pagkatapos ng isang linggo na pagdiriwang ng kasal nila ni Lea, ibinigay ni Laban kay Jacob si Raquel. 29 Ibinigay ni Laban kay Raquel ang alipin niyang babae na si Bilha para maging alipin nito. 30 Kaya sumiping din si Jacob kay Raquel. Mas mahal niya si Raquel kaysa kay Lea. Naglingkod si Jacob kay Laban ng pitong taon pa.
Ang mga Anak ni Jacob
31 Nakita ng Panginoon na hindi mahal ni Jacob si Lea, kaya niloob niyang magkaanak si Lea, pero si Raquel naman ay hindi. 32 Nagbuntis si Lea at nanganak ng lalaki at pinangalanan niyang Reuben,[a] dahil sinabi niya, “Nakita ng Panginoon ang paghihirap ko, at ngayoʼy tiyak na mamahalin na ako ng aking asawa.”
33 Muli siyang nagbuntis at nanganak ng isa na namang lalaki. Sinabi niya, “Muli akong binigyan ng Panginoon ng isang anak na lalaki dahil narinig niya na hindi ako minamahal ng aking asawa.” Kaya pinangalanan niya ang sanggol na Simeon.[b]
34 Muling nagbuntis si Lea at nanganak ng isa pang lalaki. Sinabi niya, “Ngayon, magiging malapit na sa akin ang aking asawa dahil tatlo na ang anak naming lalaki.” Kaya pinangalanan niya ang sanggol na Levi.[c]
35 Muling nagbuntis si Lea at nanganak ng isa na namang lalaki. Sinabi niya, “Ngayon, pupurihin ko ang Panginoon.” Kaya pinangalanan niya ang sanggol na Juda.[d] Mula noon, hindi na siya nagkaanak.
Ang Hiwaga ng Ating Pananampalataya
14 Kahit na inaasahan kong makakapunta riyan sa iyo sa lalong madaling panahon, isinulat ko pa rin ang tagubiling ito para 15 kung sakaling maantala ako, alam mo na kung ano ang dapat ugaliin ng mga mananampalataya bilang pamilya ng Dios. Tayong mga mananampalataya ang iglesya ng buhay na Dios, ang haligi at saligan ng katotohanan. 16 Tunay na napakahiwaga ng mga katotohanan ng ating relihiyon:
Nagpakita siya bilang tao,
pinatotohanan ng Banal na Espiritu na siyaʼy matuwid,
nakita siya ng mga anghel,
ipinangaral sa mga bansa,
pinaniwalaan ng mundo,
at dinala sa langit.
Mga Huwad at Sinungaling na Guro
4 Malinaw ang sinasabi ng Banal na Espiritu na sa mga huling araw tatalikod ang iba sa pananampalataya nila sa Dios. Susunod sila sa mga mapanlinlang na mga espiritu at itinuturo ng mga demonyo. 2 Ang mga aral na itoʼy itinuturo ng mga taong mandaraya, sinungaling at walang konsensya. 3 Ipinagbabawal nila ang pag-aasawa at ang ilang uri ng pagkain, kahit na ginawa ng Dios ang mga pagkaing ito para tanggapin nang may pasasalamat ng mga mananampalataya at nakakaalam sa katotohanan. 4 Lahat ng nilikha ng Dios ay mabuti, at dapat walang ituring na masama kung tinatanggap nang may pasasalamat, 5 dahil nilinis ito ng salita ng Dios at ng panalangin.
Ang Mabuting Lingkod ni Cristo Jesus
6 Magiging mabuti kang lingkod ni Cristo Jesus kung ituturo mo sa mga kapatid ang mga bagay na ito. At sa pagtuturo mo sa kanila, lalago ka rin sa pamamagitan ng mga katotohanan ng pananampalataya natin at sa tunay na aral na sinusunod mo. 7 Huwag mong pag-aksayahan ng panahon ang mga walang kabuluhang alamat na sabi-sabi lang ng matatanda. Sa halip, sanayin mo sa kabanalan ang sarili mo. 8 Sapagkat kung may mabuting naidudulot ang pagsasanay natin sa katawan, may mas mabuting maidudulot ang pagsasanay sa kabanalan sa lahat ng bagay, hindi lang sa buhay na ito kundi maging sa buhay na darating. 9 Totoo ang kasabihang ito, at dapat tanggapin at paniwalaan ng lahat. 10 At ito ang dahilan kung bakit nagsisikap at nagtitiyaga tayo sa pagtuturo sa mga tao, dahil umaasa tayo sa Dios na buhay na siyang Tagapagligtas ng lahat ng tao, lalo na ng mga mananampalataya.
23 Tumingin si Jesus sa paligid at sinabi sa mga tagasunod niya, “Napakahirap para sa mayayaman ang mapabilang sa kaharian ng Dios.” 24 Nagtaka sila sa sinabi ni Jesus, kaya sinabi niya, “Mga anak, napakahirap talagang mapabilang sa kaharian ng Dios. 25 Mas madali pang makapasok ang isang kamelyo sa butas ng karayom kaysa sa mapabilang ang isang mayaman sa kaharian ng Dios.” 26 Lalong nagtaka ang mga tagasunod niya, kaya nagtanong sila, “Kung ganoon po, sino na lang ang maliligtas?” 27 Tiningnan sila ni Jesus at sinabi, “Imposible ito sa tao pero hindi sa Dios, dahil ang lahat ay posible sa Dios.”
28 Sinabi sa kanya ni Pedro, “Paano naman po kami? Iniwan namin ang lahat upang sumunod sa inyo.” 29 Sumagot si Jesus, “Sinasabi ko sa inyo ang totoo, ang lahat ng nag-iwan ng bahay, mga kapatid, mga magulang, mga anak, o mga lupa dahil sa akin at sa Magandang Balita 30 ay tatanggap sa panahong ito ng mas marami pa kaysa sa kanyang iniwan: mga bahay, mga kapatid, mga ina, mga anak, mga lupa, pati mga pag-uusig. At tatanggap din siya ng buhay na walang hanggan sa darating na panahon. 31 Maraming dakila ngayon na magiging hamak, at maraming hamak ngayon na magiging dakila.”
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®