Book of Common Prayer
Dalangin para Tulungan ng Dios
(Salmo 40:13-17)
70 Panginoong Dios,
iligtas nʼyo ako at kaagad na tulungan.
2 Mapahiya sana at malito ang mga nagnanais na mamatay ako.
Magsitakas sana na hiyang-hiya ang mga nagnanais na akoʼy mapahamak.
3 Mapaatras sana sa kahihiyan ang mga kumukutya sa akin.
4 Ngunit labis sanang magalak sa inyo ang mga lumalapit sa inyo.
Ang lahat sana ng nagnanais ng inyong pagliligtas ay laging magsabi, “Dakila ka, o Dios!”
5 Ngunit ako, akoʼy dukha at nangangailangan.
O Dios, agad nʼyo po akong lapitan!
Kayo ang tumutulong sa akin at aking Tagapagligtas.
Panginoon, agad nʼyo po akong tulungan.
Panalangin para sa Habang Buhay na Pagliligtas
71 Panginoon, sa inyo ako humihingi ng kalinga.
Huwag nʼyong pabayaang akoʼy mapahiya.
2 Tulungan nʼyo ako at iligtas sapagkat ikaw ay matuwid.
Dinggin nʼyo ako at iligtas.
3 Kayo ang aking maging batong kanlungan na lagi kong malalapitan.
Ipag-utos nʼyo na iligtas ako, dahil kayo ang aking matibay na batong pananggalang.
4 O Dios ko, iligtas nʼyo ako mula sa kamay ng masasama at malulupit na tao.
5 Kayo ang aking pag-asa, O Panginoong Dios.
Mula noong akoʼy bata pa, nagtiwala na ako sa inyo.
6 Mula nang akoʼy isilang, kasama na kita at akoʼy inyong iningatan.
Pupurihin ko kayo magpakailanman.
7 Naging halimbawa ang buhay ko para sa marami,
dahil kayo ang aking naging kalakasan at tagapag-ingat.
8 Maghapon ko kayong pinapupurihan dahil sa inyong kahanga-hangang kagandahan.
9 Huwag nʼyo akong iiwan kapag akoʼy matanda na.
Huwag nʼyo akong pababayaan kapag akoʼy mahina na.
10 Dahil nag-uusap-usap ang aking mga kaaway at nagpaplano na akoʼy patayin.
11 Sinasabi nilang, “Pinabayaan na siya ng Dios,
kaya habulin natin siya at dakpin dahil wala namang magliligtas sa kanya.”
12 O Dios ko, huwag nʼyo po akong layuan;
at agad akong tulungan.
13 Nawa silang nagpaparatang sa akin ay mapahiya at mapahamak.
Ang mga nagnanais na akoʼy saktan ang siya sanang kutyain at malagay sa kahihiyan.
14 Ngunit ako, O Dios ay palaging aasa at lalo pang magpupuri sa inyo.
15 Maghapon kong sasabihin
na matuwid kayo at nagliligtas,
kahit na hindi ko lubusang maunawaan.
16 Pupunta ako sa inyong templo Panginoong Dios
at pupurihin ko ang inyong mga kahanga-hangang ginawa.
Ihahayag ko sa mga tao na kayo ay makatarungan.
17 O Dios, mula pagkabataʼy itinuro nʼyo na sa akin ang tungkol sa inyong mga kahanga-hangang gawa at hanggang ngayon,
inihahayag ko ito sa mga tao.
18 At ngayong akoʼy matanda na at maputi na ang buhok,
huwag nʼyo akong pabayaan, O Dios.
Maihayag ko sana ang inyong lakas at kapangyarihan sa susunod na henerasyon,
at sa lahat ng mga darating sa hinaharap.
19 O Dios, ang inyong katuwiran ay hindi kayang maunawaan ng lubusan.
Kahanga-hanga ang inyong mga gawa.
Tunay ngang walang sinuman ang tulad ninyo.
20 Bagamaʼt pinaranas nʼyo ako ng maraming hirap, bibigyan nʼyo akong muli ng bagong buhay.
Katulad koʼy patay na muli nʼyong bubuhayin.
21 Bibigyan nʼyo ako ng mas higit na karangalan,
at muli akong aaliwin.
22 O Dios ko, dahil sa inyong katapatan pupurihin ko kayo sa pamamagitan ng pagtugtog ng alpa.
O Banal na Dios ng Israel,
aawit ako ng mga papuri sa inyo sa pamamagitan ng pagtugtog ng lira.
23 Dahil akoʼy iniligtas nʼyo, sisigaw ako sa tuwa habang tumutugtog
at umaawit ng papuri sa inyo.
24 Lagi kong ipapahayag na kayo ay matuwid dahil nabigo at nalagay sa kahihiyan ang mga nagnais na mapahamak ako.
Panalangin para sa Bansa sa Oras ng Kaguluhan
74 O Dios, hanggang kailan mo kami itatakwil?
Bakit kayo nagagalit sa mga taong inyong kinakalinga?
2 Alalahanin nʼyo ang mga mamamayan na inyong pinili, ang lahing tinubos nʼyo, mula pa noong una at ginawa nʼyong pinakatangi-tanging kayamanan.
Alalahanin nʼyo rin ang bundok ng Zion na inyong tahanan.
3 Puntahan nʼyo ang lugar na sira pa rin hanggang ngayon;
tingnan nʼyo kung paanong sinira ng mga kaaway ang lahat sa templo.
4 Sumigaw sila sa loob ng inyong templo.
Nagtaas pa sila roon ng mga bandila bilang simbolo ng kanilang tagumpay.
5 Sinibak nila ang templo na parang pumuputol ng punongkahoy sa gubat gamit ang palakol.
6 Winasak nila ang mga inukit na mga kagamitan sa pamamagitan ng mga palakol.
7 Nilapastangan at sinunog nila ang inyong tahanan.
8 Sinabi nila sa kanilang sarili, “Lipulin natin silang lahat!”
Sinunog nila ang lahat ng lugar na pinagsasambahan sa inyo, O Dios.
9 Wala nang palatandaan na kasama namin kayo.
Wala nang propetang naiwan at walang nakakaalam kung hanggang kailan matatapos ang mga nangyayaring ito sa amin.
10 O Dios, hanggang kailan kayo kukutyain ng aming mga kaaway?
Papayagan nʼyo ba silang lapastanganin ang inyong pangalan habang buhay?
11 Bakit wala kayong ginagawa?
Kumilos na kayo![a]
Puksain nʼyo na sila!
12 Kayo, O Dios, ang aming Hari mula pa noong una.
Paulit-ulit nʼyo nang iniligtas ang mga tao sa mundo.[b]
13 Hinati nʼyo ang dagat sa pamamagitan ng inyong kapangyarihan at dinurog ang ulo ng mga dambuhalang hayop sa dagat.
14 Dinurog nʼyo ang ulo ng dragon na Leviatan at ipinakain ang bangkay nito sa mga hayop sa ilang.
15 Kayo ang nagpapadaloy ng mga bukal at mga batis, at ang ilog na hindi natutuyo ay pinapatuyo ninyo.
16 Kayo ang gumawa ng araw at ng gabi at naglagay ng araw at ng buwan sa kanilang kinalalagyan.
17 Kayo rin ang naglagay ng mga hangganan sa mundo
at lumikha ng tag-araw at taglamig.
18 Alalahanin nʼyo Panginoon, kung paano kayo pinahiya at kinutya ng mga hangal na kaaway.
Kung paano nilapastangan ng mga mangmang na ito ang inyong pangalan.
19 Huwag nʼyong ibigay sa kanilang mga kaaway na parang mababangis na hayop ang inyong mga mamamayan na parang kalapati.
Huwag nʼyong lubusang kalimutan ang inyong mga mamamayan na laging inaapi.
20 Alalahanin nʼyo ang kasunduan ninyo sa amin,
dahil laganap ang kalupitan sa madidilim na lugar ng lupaing ito.
21 Huwag nʼyong payagang mapahiya ang mga mahihirap at nangangailangan.
Purihin sana nila kayo.
22 Sige na po, O Dios, ipagtanggol nʼyo ang inyong karangalan.
Alalahanin nʼyo kung paano kayo laging hinihiya ng mga hangal na ito.
23 Huwag nʼyong balewalain ang walang tigil na paghiyaw ng inyong mga kaaway upang ipakita ang kanilang galit.
Namatay si Sara, at Bumili si Abraham ng Paglilibingan.
23 Nabuhay si Sara ng 127 taon. 2 Namatay siya sa Kiriat Arba (na tinatawag ding Hebron) sa lupain ng Canaan. Labis ang paghihinagpis ni Abraham sa pagkamatay ni Sara.
3 Ngayon, iniwan muna ni Abraham ang bangkay ng asawa niya at nakipagkita siya sa mga Heteo at sinabi sa kanila, 4 “Nakatira ako rito sa lugar ninyo bilang isang dayuhan, kaya kung maaari ay pagbilhan din ninyo ako ng lupa na maaari kong paglibingan ng asawa ko.” 5 Sumagot ang mga Heteo, 6 “Ginoo, makinig ka muna sa amin. Kilala ka namin na isang tanyag na tao, kaya maaari mong ilibing ang asawa mo kahit saan na pinakamabuting libingan dito sa amin. Walang sinuman sa amin ang magkakait sa iyo ng kanyang libingan para mailibing mo ang asawa mo.”
7 Yumukod agad si Abraham sa harapan ng mga Heteo. 8 Pagkatapos, sinabi niya, “Kung payag kayo na rito ko ilibing ang asawa ko, tulungan nʼyo ako na kausapin si Efron na anak ni Zohar 9 na ibenta niya sa akin ang kweba niya na nasa tabi ng bukirin niya sa Macpela. Sabihin ninyo sa kanya na babayaran ko siya sa tamang halaga rito mismo sa harapan ninyo para maging akin ito at gawing libingan.”
10 Naroon pala si Efron na nakaupo kasama ng mga kababayan niyang Heteo. Kaya sumagot siya kay Abraham na naririnig ng lahat ng Heteo na nagtitipon doon sa pintuan ng lungsod. 11 Sinabi niya, “Sa harap ng mga kababayan ko ay ibinibigay ko sa iyo ang buong bukirin pati na ang kweba. Kaya maaari mo nang ilibing ang asawa mo.”
12 Muling yumukod si Abraham tanda ng pagpapasalamat sa harapan ng mga Heteo. 13 Kaya sinabi niya kay Efron na naririnig ng lahat, “Makinig kayo sa akin. Babayaran ko ang halaga ng bukirin. Tanggapin mo ang bayad ko para mailibing ko na doon ang asawa ko.”
14 Sumagot si Efron, 15 “Ginoo, ang lupa ay nagkakahalaga ng 400 pirasong pilak. Pero ano naman iyon sa ating dalawa. Sige, ilibing mo na ang asawa mo.”
16 Pumayag si Abraham sa halagang sinabi ni Efron. Kaya nagkilo siya ng 400 pirasong pilak ayon sa bigat na pinagbabasihan noon ng mga mangangalakal. At ibinayad niya ito kay Efron sa harap ng mga Heteo.
17-18 Kaya naging pag-aari ni Abraham ang bukid ni Efron sa Macpela, sa silangan ng Mamre, pati na ang kweba at ang mga punongkahoy sa paligid ng bukid. Saksi ang lahat ng Heteo na nagtipon doon sa pintuan ng lungsod. 19 Inilibing agad ni Abraham si Sara sa kweba na nasa bukirin ng Macpela, na sakop ng lupain ng Canaan. Ang Macpela ay malapit sa Mamre na siyang Hebron. 20 Kaya ang bukid pati ang kweba, na dating pagmamay-ari ng mga Heteo ay naging kay Abraham na at ginawa niya itong libingan.
32 Kailangan ko pa bang magbigay ng maraming halimbawa? Kakapusin ako ng panahon kung iisa-isahin ko pa ang mga ginawa nina Gideon, Barak, Samson, Jefta, David, Samuel, at ng iba pang mga propeta. 33 Dahil sa pananampalataya nila, nilupig nila ang mga kaharian, namahala sila nang may katarungan, at tinanggap nila ang mga ipinangako ng Dios. Dahil sa pananampalataya nila, hindi sila ginalaw ng mga leon, 34 hindi sila napaso sa nagliliyab na apoy, at nakaligtas sila sa kamatayan sa pamamagitan ng espada. Ang iba sa kanilaʼy mahihina, pero pinalakas sila ng Dios. At naging makapangyarihan sila sa digmaan at nilupig ang mga dayuhang hukbo. 35 May mga babae naman na dahil sa pananampalataya nila sa Dios ay muling nabuhay ang kanilang mga anak na namatay. Ang iba namang sumasampalataya sa Dios ay pinahirapan hanggang sa mamatay. Tinanggihan nila ang alok na kalayaan kapalit ng pagtalikod nila sa kanilang pananampalataya dahil nalalaman nilang darating ang araw na bubuhayin sila ng Dios at matatanggap nila ang mas mabuting gantimpala. 36 Ang iba naman ay dumanas ng mga panlalait at panghahagupit dahil sa pananampalataya nila, at ang iba ay ikinadena at ibinilanggo. 37 Pinagbabato ang iba hanggang sa mamatay, ang iba naman ay nilagari hanggang mahati ang katawan nila, at mayroon ding pinatay sa espada. Ang ilan sa kanila ay nagdamit na lang ng balat ng tupa at kambing. Naranasan nilang maghikahos, usigin at apihin. 38 Nagtago sila sa mga ilang, mga kabundukan, mga kweba at mga lungga sa lupa. Hindi karapat-dapat ang mundong ito para sa kanila.
39 Kinalugdan silang lahat ng Dios dahil sa pananampalataya nila. Ngunit hindi nila natanggap sa panahon nila ang ipinangako ng Dios sa kanila. 40 Itoʼy dahil may mas mabuting plano ang Dios para sa atin, dahil nais niyang makasama nila tayo kapag tinupad na niya ang ipinangako niya sa kanila.
Ang Dios na Ama Natin
12 Napapaligiran tayo ng maraming tao na nagpapatotoo tungkol sa pananampalataya nila sa Dios. Kaya talikuran na natin ang kasalanang pumipigil sa atin at alisin ang anumang hadlang sa pagtakbo natin. Buong tiyaga tayong magpatuloy sa takbuhing itinakda ng Dios para sa atin. 2 Ituon natin ang ating paningin kay Jesus na siyang sandigan ng pananampalataya natin mula sa simula hanggang sa katapusan. Tiniis niya ang paghihirap sa krus at hindi niya ito ikinahiya, dahil inisip niya ang kaligayahang naghihintay sa kanya. At ngayon nga ay nakaupo na siya sa kanan ng trono ng Dios.
Ang mga Salitang Nagbibigay ng Buhay na Walang Hanggan
60 Nang marinig iyon ng mga tagasunod ni Jesus, marami sa kanila ang nagsabi, “Mabigat ang itinuturo niya. Sino ang makakatanggap nito?” 61 Kahit na walang nagsabi sa kanya, alam ni Jesus na nagbubulung-bulungan ang mga tagasunod niya dahil sa mga itinuro niya. Kaya sinabi niya sa kanila, “Hindi ba ninyo matanggap ang mga sinabi ko? 62 Paano pa kaya kung makita ninyo ako na Anak ng Tao na pumapaitaas pabalik sa aking pinanggalingan? 63 Ang Banal na Espiritu ang nagbibigay-buhay; hindi ito magagawa ng tao. Ang mga salitang sinabi ko sa inyo ay mula sa Espiritu at nakakapagbigay-buhay. 64 Pero may ilan sa inyo na hindi sumasampalataya.” Sinabi ito ni Jesus dahil alam niya sa simula pa kung sino ang mga hindi sumasampalataya, at kung sino ang magtatraydor sa kanya. 65 “Ito ang dahilan kaya sinabi ko sa inyong walang makakalapit sa akin malibang ipahintulot ng Ama.” Dagdag pa ni Jesus.
66 Mula noon, marami sa mga tagasunod niya ang tumalikod at hindi na sumunod sa kanya. 67 Kaya tinanong ni Jesus ang 12 apostol, “Kayo ba, gusto rin ninyong umalis?” 68 Sumagot si Simon Pedro, “Panginoon, kanino pa po kami pupunta? Kayo lang ang may mensaheng nagbibigay ng buhay na walang hanggan. 69 Sumasampalataya kami sa inyo at alam naming kayo ang Banal na sugo ng Dios.” 70 Sinabi ni Jesus sa kanila, “Hindi baʼt pinili ko kayong 12? Pero ang isa sa inyo ay diyablo!” 71 Ang tinutukoy ni Jesus ay si Judas na anak ni Simon Iscariote,[a] dahil kahit kabilang si Judas sa 12 apostol, tatraydurin niya si Jesus sa bandang huli.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®