Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Book of Common Prayer

Daily Old and New Testament readings based on the Book of Common Prayer.
Duration: 861 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Salmo 69

Ang Dalangin ng Taong Inuusig

69 O Dios, iligtas nʼyo ako dahil para akong isang taong malapit nang malunod.
Tila lulubog na ako sa malalim na putik at walang matutungtungan.
    Para akong nasa laot at tinatabunan ng mga alon.
Pagod na ako sa paghingi ng tulong at masakit na ang aking lalamunan.
    Dumidilim na ang paningin ko sa paghihintay ng tulong nʼyo, O Dios.
Marami ang napopoot sa akin, mas marami pa sila kaysa sa aking buhok.
    Gusto nila akong patayin ng walang dahilan.
    Pinipilit nilang isauli ko ang mga bagay na hindi ko naman ninakaw.
O Dios, alam nʼyo ang aking kahangalan;
    hindi lingid sa inyo ang aking mga kasalanan.
O Panginoong Dios na Makapangyarihan, Dios ng Israel,
    huwag sanang malagay sa kahihiyan ang mga nagtitiwala at lumalapit sa inyo nang dahil sa akin.
Dahil sa inyo, iniinsulto ako at inilalagay sa kahihiyan.
Parang ibang tao ang turing sa akin ng mga kapatid ko,
    parang isang dayuhan sa aming sariling tahanan.
Dahil sa labis-labis na pagpapahalaga ko sa inyong templo,[a] halos mapahamak na ako.
    Tuwing iniinsulto kayo ng mga tao, nasasaktan din ako.
10 Kapag akoʼy umiiyak at nag-aayuno, hinihiya nila ako.
11 Kapag nakadamit ako ng sako upang ipakita ang aking pagdadalamhati,
    ginagawa nila akong katatawanan.
12 Pinagbubulung-bulungan din ako ng mga nakaupo sa pintuang bayan.
    At ang mga lasing ay kumakatha ng awit ng pangungutya tungkol sa akin.
13 Ngunit dumadalangin ako sa inyo, Panginoon.
    Sa inyong tinakdang panahon, sagutin nʼyo ang dalangin ko ayon sa tindi ng inyong pagmamahal sa akin.
    Dahil sa tapat kayo sa inyong pagliligtas,
14 tulungan nʼyo akong huwag lumubog sa putikan.
    Iligtas nʼyo ako sa aking mga kaaway na parang inililigtas nʼyo ako mula sa malalim na tubig.
15 Huwag nʼyong hayaang tabunan ako ng mga alon at mamatay.
16 Sagutin nʼyo ako, Panginoon,
    dahil sa inyong kabutihan at pagmamahal sa akin.
    Kahabagan nʼyo ako at bigyang pansin.
17 Huwag kayong tumalikod sa akin na inyong lingkod.
    Sagutin nʼyo agad ako dahil nasa kagipitan ako.
18 Lumapit kayo sa akin at iligtas ako sa aking mga kaaway.
19 Alam nʼyo kung paano nila ako hinihiya at iniinsulto.
    Alam nʼyo rin kung sino ang lahat ng kaaway ko.
20 Nasaktan ako sa kanilang panghihiya sa akin
    at sumama ang loob ko.
    Naghintay ako na may dadamay at aaliw sa akin,
    ngunit wala ni isa man.
21 Nilagyan nila ng lason ang aking pagkain at nang akoʼy mauhaw binigyan nila ako ng suka.
22 Habang kumakain sila at nagdiriwang,
    mapahamak sana sila at ang kanilang mga kasama.
23 Mabulag sana sila at laging manginig.[b]
24 Ibuhos at ipakita nʼyo sa kanila ang inyong matinding galit.
25 Iwanan sana nila ang mga toldang tinitirhan nila
    para wala nang tumira sa mga ito.
26 Dahil inuusig nila ang mga taong inyong pinarurusahan,
    at ipinagsasabi sa iba ang paghihirap na nararanasan ng mga ito.
27 Idagdag nʼyo ito sa kanilang mga kasalanan at huwag nʼyo silang iligtas.
28 Burahin nʼyo sana ang kanilang pangalan sa aklat ng buhay[c]
    at huwag isama sa talaan ng mga matuwid.
29 Nasasaktan ako at nagdurusa,
    kaya ingatan nʼyo ako, at iligtas, O Dios.

30 Pupurihin ko ang Dios sa pamamagitan ng awit.
    Pararangalan ko siya sa pamamagitan ng pasasalamat.
31 Kalulugdan ito ng Panginoon higit sa handog na mga baka.
32 Kapag nakita ito ng mga dukha, matutuwa sila.
    Lahat ng lumalapit sa Dios ay magagalak.
33 Dinidinig ng Panginoon ang mga dukha
    at hindi niya nalilimutan ang mga mamamayan niyang nabihag.
34 Purihin ninyo ang Dios kayong lahat ng nasa langit,
    nasa lupa at nasa karagatan.
35 Dahil ililigtas ng Dios ang Jerusalem[d] at muli niyang itatayo ang mga lungsod ng Juda.
    At doon titira ang kanyang mga mamamayan at aariin ang lupain na iyon.
36 Mamanahin ito ng kanilang lahi
    at ang mga umiibig sa Dios ay doon maninirahan.

Salmo 73

Ang Makatarungang Hatol ng Dios

73 Tunay na mabuti ang Dios sa Israel,
    lalo na sa mga taong malilinis ang puso.
Ngunit ako, halos mawalan na ako ng pananampalataya.
Nainggit ako nang makita ko na ang mayayabang at masasama ay umuunlad.
Malulusog ang kanilang mga katawan
    at hindi sila nahihirapan.
Hindi sila naghihirap at nababagabag na tulad ng iba.
Kaya ipinapakita nila ang kanilang kayabangan at kalupitan.[a]
Ang kanilang puso ay puno ng kasamaan,
    at ang laging iniisip ay paggawa ng masama.
Kinukutya nila at pinagsasabihan ng masama ang iba.
    Mayayabang sila at nagbabantang manakit.
Nagsasalita sila ng masama laban sa Dios at sa mga tao.
10 Kaya kahit na ang mga mamamayan ng Dios ay lumilingon sa kanila at pinaniniwalaan ang mga sinasabi nila.
11 Sinasabi nila, “Paano malalaman ng Dios?
    Walang alam ang Kataas-taasang Dios.”

12 Ganito ang buhay ng masasama:
    wala nang problema, yumayaman pa.
13 Bakit ganoon? Wala bang kabuluhan ang malinis kong pamumuhay at paglayo sa kasalanan?
14 Nagdurusa ako buong araw.
    Bawat umaga akoʼy inyong pinarurusahan.
15 Kung sasabihin ko rin ang sinabi nila,
    para na rin akong nagtraydor sa inyong mga mamamayan.
16 Kaya sinikap kong unawain ang mga bagay na ito,
    ngunit napakahirap.
17 Pero nang pumunta ako sa inyong templo,
    doon ko naunawaan ang kahihinatnan ng masama.
18 Tunay na inilalagay nʼyo sila sa madulas na daan,
    at ibinabagsak sa kapahamakan.
19 Bigla silang mapapahamak;
    mamamatay silang lahat at nakakatakot ang kanilang kahahantungan.
20 Para silang isang panaginip na pagsapit ng umaga ay wala na.
    Makakalimutan na sila kapag pinarusahan nʼyo na.

21 Nang nasaktan ang aking damdamin at nagtanim ako ng sama ng loob,
22 para akong naging hayop sa inyong paningin,
    mangmang at hindi nakakaunawa.
23 Ngunit patuloy akong lumapit sa inyo at inakay nʼyo ako.
24 Ginagabayan ako ng inyong mga payo,
    at pagkatapos ay tatanggapin nʼyo ako bilang isang pangunahing pandangal.
25 Walang sinuman sa langit ang kailangan ko kundi kayo lamang.
    At walang sinuman sa mundo ang hinahangad ko maliban sa inyo.
26 Manghina man ang aking katawan at isipan, kayo, O Dios, ang aking kalakasan.
    Kayo lang ang kailangan ko magpakailanman.
27 Ang mga taong lumalayo sa inyo ay tiyak na mapapahamak.
    Ang mga nagtaksil sa inyo ay lilipuling lahat.
28 Ngunit ako, minabuti kong maging malapit sa Dios.
    Kayo, Panginoong Dios, ang pinili kong kanlungan,
    upang maihayag ko ang lahat ng inyong mga ginawa.

Genesis 24:1-27

Asawa para kay Isaac

24 Matandang matanda na si Abraham at pinagpala siya ng Panginoon sa lahat ng bagay. Isang araw, kinausap niya ang tagapamahalang alipin[a] niya na nag-aasikaso ng lahat ng ari-arian niya, “Ilagay mo ang kamay mo sa pagitan ng dalawang hita[b] ko, at sumumpa ka sa akin sa pangalan Panginoon, ang Dios ng kalangitan at ng lupa, na hindi ka pipili ng taga-rito sa Canaan, na kasama nating naninirahan dito, para mapangasawa ng anak kong si Isaac. Pumunta ka sa lugar na pinanggalingan ko, at doon ka pumili ng babaeng mapapangasawa ng anak kong si Isaac, na mula sa mga kamag-anak ko.”

Pero nagtanong ang alipin, “Paano po kung ayaw sumama ng babae sa lugar na ito? Dadalhin ko na lang po ba si Isaac doon?”

Sumagot si Abraham, “Huwag mong dalhin si Isaac doon! Dinala ako rito ng Panginoon, ang Dios ng kalangitan, mula sa sambahayan ng aking ama, sa lugar kung saan ako isinilang. At sumumpa siya na ibibigay niya ang lupaing ito ng Canaan sa mga lahi ko. Kaya lumakad ka dahil magpapadala ang Panginoon ng anghel niya na sasama sa iyo para makakita ka roon ng mapapangasawa ng anak ko. Kapag hindi sumama sa iyo ang babae, wala kang pananagutan sa pagsumpa mong ito sa akin. Pero huwag mong dadalhin doon ang anak ko.” Kaya inilagay ng alipin ang kamay niya sa pagitan ng dalawang hita ni Abraham na kanyang amo, at sumumpa siya na susundin ang iniutos sa kanya.

10 Pagkatapos, kumuha ang alipin ng sampung kamelyo at mga mamahaling regalo mula sa amo niyang si Abraham. Lumakad siya agad papunta sa Aram Naharaim,[c] ang bayan na tinitirhan ni Nahor. 11 Pagdating ng alipin sa bayan, pinaluhod niya ang mga kamelyo malapit sa balon sa labas ng bayan. Dapit-hapon noon at oras na ng pag-igib ng mga kababaihan.

12 Nanalangin ang alipin, “Panginoon, Dios ng amo kong si Abraham, nawaʼy magtagumpay po ako sa pakay ko rito, at ipakita nʼyo ang kabutihan ninyo sa aking amo. 13 Nakatayo po ako sa tabi ng balon habang umiigib ang mga babae sa bayan na ito. 14 Kung hihingi po ako ng tubig na nasa banga ng isang dalaga, at pumayag siyang painumin ako pati ang mga kamelyo ko, nawaʼy siya na po ang babaeng pinili ninyong maging asawa ng lingkod ninyong si Isaac. Sa ganito ko po malalaman ang pagpapakita nʼyo ng inyong kabutihan sa amo kong si Abraham.”

15 Hindi pa siya natatapos sa pananalangin, dumating si Rebeka na may pasan-pasan na banga sa balikat niya. Si Rebeka ay anak ni Betuel na anak nina Nahor at Milca. Si Nahor ay kapatid ni Abraham. 16 Magandang dalaga si Rebeka at birhen pa. Bumaba siya papunta sa balon at nilagyan niya ng tubig ang kanyang banga. Pagkatapos, umakyat siya para umuwi.

17 Nagmamadali ang alipin sa pagsalubong sa kanya at sinabi, “Pwede mo ba akong painumin sa banga mo kahit kaunti lang.”

18 Sumagot si Rebeka, “Sige Ginoo, uminom ka.” Mula sa balikat niya, ibinaba niya agad ang banga at hinawakan ito habang umiinom ang alipin.

19 Pagkatapos niyang painumin ang alipin, sinabi niya, “Iigib naman ako para sa mga kamelyo mo hanggang sa makainom silang lahat.” 20 Dali-dali niyang ibinuhos ang tubig sa inuman ng mga hayop at bumalik siya sa balon para muling umigib. At patuloy siya sa pag-igib hanggang sa makainom ang lahat ng kamelyo. 21 Habang nakamasid ang alipin kay Rebeka, iniisip niya kung iyon na ang sagot ng Panginoon sa panalangin niya sa pagpunta niya sa lugar na iyon.

22 Pagkatapos uminom ng mga kamelyo, inilabas ng alipin ang dala niyang gintong singsing na ang bigat ay anim na gramo. Inilabas din niya ang dalawang pulseras na ginto na ang bigat ay mga 120 gramo. At ibinigay niya ito kay Rebeka. 23 Pagkatapos, nagtanong siya kay Rebeka, “Kanino kang anak? May lugar pa ba sa inyo na maaari naming matulugan ngayong gabi?”

24 Sumagot si Rebeka, “Anak ako ni Betuel na anak na lalaki nina Nahor at Milca. 25 May matutulugan kayo roon sa amin, at marami ring dayami at pagkain para sa mga kamelyo ninyo.”

26 Yumukod agad ang alipin at sumamba sa Dios. 27 Sinabi niya, “Purihin ang Panginoon, ang Dios ng aking amo na si Abraham. Ipinakita niya ang kanyang kabutihan sa aking amo. Ako mismo ay ginabayan niya sa pagpunta ko sa mga kamag-anak ng aking amo.”

Hebreo 12:3-11

Isipin nʼyo ang mga tiniis ni Jesus na paghihirap sa kamay ng mga makasalanang tao, para hindi kayo panghinaan ng loob. Kung tutuusin, wala pa namang pinatay sa inyo dahil sa pakikipaglaban sa kasalanan. Baka nakalimutan nʼyo na ang pangaral ng Dios sa inyo bilang mga anak niya:

    “Anak, huwag mong balewalain ang pagdidisiplina ng Panginoon,
    at huwag kang panghinaan ng loob kung sinasaway ka niya.
Sapagkat dinidisiplina ng Panginoon ang mga minamahal niya,
    at pinapalo niya ang itinuturing niyang mga anak.”[a]

Tiisin nʼyo ang lahat ng paghihirap bilang pagdidisiplina ng Dios sa inyo dahil itinuturing niya kayong mga anak. Sino bang anak ang hindi dinidisiplina ng ama? Kung hindi kayo dinidisiplina ng Dios gaya ng pagdidisiplina niya sa lahat ng anak niya, hindi kayo mga tunay na anak kundi mga anak sa labas. Kahit ang mga ama natin dito sa lupa ay dinidisiplina tayo, at sa kabila nito, iginagalang natin sila. Kaya lalong dapat tayong magpasakop sa pagdidisiplina ng ating Ama na nasa langit, para maging mabuti ang pamumuhay natin. 10 Sa maikling panahon, dinidisiplina tayo ng mga ama natin dito sa lupa ayon sa inaakala nilang mabuti. Ngunit ang pagdidisiplina ng Dios ay laging para sa ikabubuti natin upang maging banal tayong gaya niya. 11 Habang dinidisiplina tayo, hindi tayo natutuwa kundi nasasaktan. Ngunit ang ibubunga naman nito sa bandang huli ay ang mapayapa at matuwid na pamumuhay.

Juan 7:1-13

Si Jesus at ang Kanyang mga Kapatid

Pagkatapos nito, nilibot ni Jesus ang Galilea. Iniwasan niyang pumunta sa Judea dahil gusto siyang patayin ng mga pinuno ng mga Judio roon. Nang malapit na ang pista ng mga Judio na tinatawag na Pista ng Pagtatayo ng mga Kubol,[a] sinabi ng mga kapatid ni Jesus sa kanya, “Bakit hindi ka umalis dito at pumunta sa Judea para makita ng mga tagasunod mo ang mga ginagawa mo? Dahil walang taong gumagawa nang patago kung gusto niyang sumikat. Gumagawa ka na rin lang ng himala, ipakita mo na sa lahat!” (Sinabi ito ng mga kapatid ni Jesus dahil kahit sila ay hindi sumasampalataya sa kanya.) Kaya sinabi ni Jesus sa kanila, “Hindi pa ngayon ang panahon para sa akin, pero kayo, pwede nʼyong gawin kahit anong oras ang gusto ninyo. Hindi sa inyo napopoot ang mga taong makamundo, ngunit sa akin sila napopoot, dahil inilalantad ko ang kasamaan nila. Kayo na lang ang pumunta sa pista. Hindi ako pupunta dahil hindi pa ito ang panahon ko.” Pagkasabi niya nito, nagpaiwan siya sa Galilea.

Pumunta si Jesus sa Pista

10 Pagkaalis ng mga kapatid ni Jesus papunta sa pista, pumunta rin si Jesus pero palihim. 11 Doon sa pista, hinahanap siya ng mga pinuno ng mga Judio. “Nasaan kaya siya?” tanong nila. 12 Maraming bulung-bulungan ang mga tao tungkol kay Jesus. May nagsasabi, “Mabuti siyang tao.” Sabi naman ng iba, “Hindi, niloloko lang niya ang mga tao.” 13 Pero walang nagsasalita tungkol sa kanya nang hayagan dahil sa takot sa mga pinuno ng mga Judio.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®