Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Book of Common Prayer

Daily Old and New Testament readings based on the Book of Common Prayer.
Duration: 861 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Salmo 75-76

Ang Dios ang Hukom

75 O Dios, nagpapasalamat kami sa inyo.
    Nagpapasalamat kami dahil malapit kayo sa amin.
    Ipinapahayag ng mga tao ang inyong mga kahanga-hangang ginawa.
Sinabi nʼyo O Dios, “May itinakda akong panahon ng paghatol at hahatol ako nang may katuwiran.”
Kapag yumanig ang mundo at ang mga taoʼy magkagulo sa takot,
    ako ang magpapatibay ng pundasyon ng mundo.
Sinasabi ko sa mga hambog, “Huwag kayong magyabang”
    at sa masasama, “Huwag ninyong ipagmalaki ang inyong kakayahan.
Tigilan nʼyo na ang pagmamalaki na kayo ay nanalo at magpakumbaba na kayo.”
Dahil ang tagumpay ng taoʼy hindi nagmumula sa kung saan-saan,[a]
kundi sa Dios lamang.
Siya ang humahatol;
    kung sino ang ibababa at kung sino ang itataas.
Dahil ang Panginoon ang humahawak ng kopa na puno ng bumubulang matapang na alak na nagpapahiwatig ng kanyang galit.
    Ibinubuhos niya ito at ipinaiinom sa masasama hanggang sa huling patak.
Ngunit ako, walang tigil kong ipahahayag ang tungkol sa Dios ni Jacob,
    aawit ako ng mga papuri para sa kanya.
10 Aalisin niya[b] ang kakayahan ng masasama,[c]
    ngunit dadagdagan niya ang kapangyarihan ng matutuwid.

Sa Dios ang Tagumpay

76 Kilalang-kilala ang Dios sa Juda,
    at sa Israel ay dakila siya.
Nakatira siya sa bundok ng Zion sa Jerusalem[d]
Doon, sinira niya ang mga nagniningas na palaso ng kaaway,
    ang kanilang mga pananggalang, espada at iba pang kagamitang pandigma.
O Dios, makapangyarihan kayo at higit na dakila habang bumababa kayo sa bundok na kung saan pinatay nʼyo ang inyong mga kaaway.[e]
Binawi nʼyo sa matatapang na sundalo ang kanilang mga sinamsam.
Silang lahat ay namatay na;
    wala nang makakapagbuhat pa ng kamay sa amin.
O Dios ni Jacob, sa inyong sigaw,[f] ang mga kawal[g] at ang kanilang mga kabayo ay namatay.
Kaya dapat kayong katakutan.
    Sinong makakatagal sa inyong harapan kapag kayoʼy nagalit?
Mula sa langit ay humatol kayo.
    Ang mga tao sa mundo ay natakot at tumahimik
nang humatol kayo, O Dios,
    upang iligtas ang lahat ng inaapi sa daigdig.
10 Tiyak na ang galit nʼyo sa mga tao[h] ay magbibigay ng karangalan sa inyo,
    ngunit hindi nʼyo pa lubusang ibinubuhos ang inyong galit.
11 Mangako kayo sa Panginoon na inyong Dios at tuparin ito.
    Lahat kayong mga bansang nasa paligid, magdala kayo ng mga regalo sa Dios na siyang karapat-dapat katakutan.
12 Ibinababa niya ang mapagmataas na mga pinuno;
    kinatatakutan siya ng mga hari rito sa mundo.

Salmo 23

Ang Panginoon ay Tulad ng Isang Pastol

23 Ang Panginoon ang aking pastol,
    hindi ako magkukulang ng anuman.
Tulad ng tupa, pinagpapahinga niya ako sa masaganang damuhan,
    patungo sa tahimik na batisan akoʼy kanyang inaakay.
Panibagong kalakasan akoʼy kanyang binibigyan.
    Pinapatnubayan niya ako sa tamang daan,
    upang siyaʼy aking maparangalan.

Kahit dumaan ako sa pinakamadilim na libis, hindi ako matatakot
    dahil kayo ay aking kasama.
    Ang dala nʼyong pamalo[a] ang sa akin ay nag-iingat;
    ang inyo namang tungkod ang gumagabay at nagpapagaan sa aking kalooban.
Ipinaghanda nʼyo ako ng piging sa harap ng aking mga kaaway.
    Pinahiran nʼyo ng langis ang aking ulo, tanda ng inyong pagtanggap at parangal sa akin.
    At hindi nauubusan ng laman ang aking inuman.
Tiyak na ang pag-ibig at kabutihan nʼyo ay mapapasaakin habang akoʼy nabubuhay.
    At titira[b] ako sa bahay nʼyo,[c] Panginoon, magpakailanman.

Salmo 27

Panalangin ng Pagtitiwala

27 Ang Panginoon ang aking ilaw at Tagapagligtas.
    Sino ang aking katatakutan?
    Siya ang nagtatanggol sa akin kaya wala akong dapat katakutan.
Kapag sinasalakay ako ng masasamang tao o ng aking mga kaaway upang patayin,
    sila ang nabubuwal at natatalo!
Kahit mapaligiran ako ng maraming kawal,
    hindi ako matatakot.
    Kahit salakayin nila ako,
    magtitiwala ako sa Dios.
Isang bagay ang hinihiling ko sa Panginoon, ito ang tanging ninanais ko:
    na akoʼy manirahan sa kanyang templo habang akoʼy nabubuhay,
    upang mamasdan ang kanyang kadakilaan,
    at hilingin sa kanya ang kanyang patnubay.
Sa oras ng kagipitan ay itatago niya ako sa kanyang templo,
    at ilalagay niya ako sa ligtas na lugar.
Kaya mananaig ako sa mga kaaway ko na nakapaligid sa akin.
    Maghahandog ako sa templo ng Panginoon habang sumisigaw sa kagalakan,
    umaawit at nagpupuri.

Dinggin nʼyo Panginoon ang aking pagtawag.
    Kahabagan nʼyo ako at sagutin ang aking dalangin.
Panginoon, hinipo nʼyo ang aking puso na lumapit sa inyo,
    kaya narito ako, lumalapit sa inyo.
Huwag nʼyo po akong pagtaguan!
    Ako na alipin nʼyo ay huwag nʼyong itakwil dahil sa inyong galit.
    Kayo na laging tumutulong sa akin,
    huwag nʼyo akong iwanan at pabayaan,
    O Dios na aking Tagapagligtas.
10 Iwanan man ako ng aking mga magulang,
    kayo naman, Panginoon, ang mag-aalaga sa akin.
11 Ituro nʼyo sa akin ang daang gusto nʼyong lakaran ko.
    Patnubayan nʼyo ako sa tamang daan,
    dahil sa mga kaaway ko na gusto akong gawan ng masama.
12 Huwag nʼyo akong ibigay sa aking mga kaaway,
    dahil akoʼy kanilang pinagbibintangan ng kasinungalingan,
    at nais nilang akoʼy saktan.
13 Ngunit naniniwala ako na mararanasan ko ang kabutihan nʼyo, Panginoon,
    habang akoʼy nabubuhay dito sa mundo.

14 Magtiwala kayo sa Panginoon!
    Magpakatatag kayo at huwag mawalan ng pag-asa.
    Magtiwala lamang kayo sa Panginoon!

Genesis 24:28-38

28 Patakbong umuwi si Rebeka sa bahay ng kanyang ina at sinabi niya sa kanila ang lahat ng nangyari. 29-30 Ang kapatid niyang si Laban ay naroon din na nakikinig sa sinasabi niya tungkol sa binanggit ng tao sa kanya. Nakita ni Laban ang singsing at pulseras na suot-suot ni Rebeka. Kaya tumakbo siya papunta sa balon at pumunta sa taong sinasabi ni Rebeka. Naroon pa rin ang lalaki na nakatayo malapit sa balon, sa tabi ng mga kamelyo. 31 Sinabi ni Laban sa kanya, “Ikaw pala ang taong pinagpala ng Panginoon. Bakit pa kayo nakatayo lang diyan? Halika sa bahay, dahil inihanda ko na ang silid para sa iyo at ang lugar para sa mga kamelyo mo.”

32 Sumama ang alipin kay Laban. Pagdating nila sa bahay, ibinaba ni Laban ang mga karga ng mga kamelyo at binigyan niya agad ang mga kamelyo ng dayami at pagkain. Dinalhan din niya ng tubig ang alipin at ang mga kasama nito, para makapaghugas sila ng paa. 33 Nang mabigyan na sila ng pagkain, sinabi ng alipin, “Hindi ako kakain hanggaʼt hindi ko pa nasasabi ang pakay ko sa pagpunta ko rito.”

Sumagot si Laban, “Sige, sabihin mo sa amin.”

34 Sinabi niya, “Alipin ako ni Abraham. 35 Pinagpala ng Panginoon ang aking amo at napakayaman na niya ngayon. Binigyan siya ng Panginoon ng maraming tupa, kambing, baka, kamelyo, asno, pilak, ginto at mga aliping lalaki at babae. 36 Kahit matanda na ang asawa niyang si Sara, nagkaanak pa rin siya. At ang anak nilang lalaki ang siyang magmamana ng lahat ng ari-arian niya. 37 Pinasumpa ako ng aking amo para tuparin ko ang kanyang utos. Sinabi niya, ‘Huwag kang pipili ng mapapangasawa ng anak ko rito sa mga taga-Canaan na ang lupain ay ang tinitirahan natin ngayon. 38 Pumunta ka sa tahanan ng aking ama, at doon ka pumili ng mapapangasawa ng anak ko, mula sa aking mga kamag-anak.’

Genesis 24:49-51

49 “Ngayon, gusto kong malaman kung ibibigay nʼyo na maging asawa ni Isaac si Rebeka bilang pagpapakita ng kabutihan nʼyo sa aking amo. Sabihin nʼyo na po agad para malaman ko rin kung ano ang gagawin ko.”

50 Sumagot sina Laban at Betuel, “Dahil ito ay kalooban ng Panginoon, wala na kaming masasabi. 51 Narito si Rebeka, isama mo siya sa iyong pag-uwi para maging asawa ng anak ng iyong amo, ayon sa sinabi ng Panginoon.”

Hebreo 12:12-29

Mga Babala at Bilin

12 Kaya palakasin ninyo ang sarili nʼyo at patibayin ang inyong loob. 13 Lumakad kayo sa matuwid na daan upang ang mga kapatid na sumusunod sa inyo, na mahihina ang pananampalataya, ay hindi matisod at mapilayan kundi lumakas. 14 Pagsikapan ninyong mamuhay nang may mabuting relasyon sa lahat ng tao, at magpakabanal kayo. Sapagkat kung hindi banal ang pamumuhay nʼyo, hindi nʼyo makikita ang Panginoon. 15 Ingatan nʼyo na walang sinuman sa inyo ang tatalikod sa biyaya ng Dios. At huwag ninyong hayaang umiral ang samaan ng loob sa inyo at marami ang madamay. 16 Ingatan din ninyo na walang sinuman sa inyo ang gagawa ng sekswal na imoralidad o mamumuhay nang gaya ni Esau, na hindi pinahalagahan ang mga espiritwal na bagay, dahil ipinagpalit niya ang karapatan niya bilang panganay sa isang kainan.[a] 17 At alam nʼyo na rin na pagkatapos ay hiningi ni Esau sa kanyang ama ang pagpapalang nauukol sa panganay, pero tinanggihan siya. Sapagkat hindi na mababago ang ginawa niya anumang pagsisikap at pag-iyak ang gawin niya.

18 Ang paglapit nʼyo sa Dios ay hindi katulad ng paglapit ng mga Israelita noon. Lumapit sila sa isang bundok na nakikita nila – ang Bundok ng Sinai na may nagliliyab na apoy, may kadiliman at malakas na hangin. 19 Nakarinig din sila ng tunog ng trumpeta at boses ng nagsasalita. At nang marinig nila ang boses na iyon, nagmakaawa silang huwag na itong magsalita pa sa kanila 20 dahil hindi nila makayanan ang utos na ito: “Ang sinumang tumapak sa bundok, kahit hayop, ay babatuhin hanggang sa mamatay.”[b] 21 Tunay na kakila-kilabot ang tanawing iyon, kaya maging si Moises ay nagsabi, “Nanginginig ako sa takot!”[c]

22 Ngunit hindi ganito ang paglapit nʼyo sa Panginoon. Dahil ang nilapitan ninyo ay ang Bundok ng Zion, ang lungsod ng Dios na buhay, ang Jerusalem na nasa langit na may libu-libong anghel na nagtitipon nang may kagalakan. 23 Lumapit kayo sa pagtitipon[d] ng mga itinuturing na mga panganay ng Dios, na ang mga pangalan nila ay nakasulat sa langit. Lumapit kayo sa Dios na siyang hukom ng lahat, at sa mga espiritu ng mga taong itinuring na matuwid ng Dios at ginawa na niyang ganap. 24 Lumapit kayo kay Jesus na siyang tagapamagitan natin sa Dios sa bagong kasunduan. Ang kasunduang itoʼy pinagtibay ng kanyang dugo na higit na mabuti kaysa sa dugo ni Abel na humihingi ng katarungan.

25 Kaya mag-ingat kayo at huwag tanggihan ang Dios na nagsasalita sa atin. Ang mga tao noon na hindi nakinig sa mga propeta rito sa lupa ay hindi nakaligtas sa parusa. Paano kaya tayo makakaligtas kung hindi natin pakikinggan ang nagsasalita mula sa langit? 26 Yumanig noon ang lupa nang magsalita ang Dios. At ngayon ay nangako siya, “Minsan ko pang yayanigin ang mundo, pati na rin ang langit.”[e] 27 Ang katagang “minsan pa” ay nagpapahiwatig na aalisin ng Dios ang lahat ng nilikha niya na nayayanig, para manatili ang mga bagay na hindi nayayanig. 28 Kaya magpasalamat tayo sa Dios dahil kabilang na tayo sa kaharian niya na hindi nayayanig. Sambahin natin siya sa paraang kalugod-lugod, na may takot at paggalang sa kanya, 29 dahil kapag nagparusa ang ating Dios, itoʼy parang apoy na nakakatupok.[f]

Juan 7:14-36

14 Nang kalagitnaan na ng pista, pumunta si Jesus sa templo at nangaral. 15 Namangha sa kanya ang mga pinuno ng mga Judio, at sinabi nila, “Paano niya nalaman ang mga bagay na ito, gayong hindi naman siya nakapag-aral?” 16 Kaya sinabi ni Jesus sa kanila, “Hindi galing sa akin ang mga itinuturo ko, kundi sa nagsugo sa akin. 17 Malalaman ng sinumang gustong sumunod sa kalooban ng Dios kung ang itinuturo koʼy galing nga sa Dios o sa akin lang. 18 Ang nagtuturo nang mula sa sarili niyang karunungan ay naghahangad lang na papurihan siya. Ngunit ang naghahangad na papurihan ang nagsugo sa kanya ay tapat at hindi sinungaling. 19 Hindi baʼt ibinigay sa inyo ni Moises ang Kautusan? Ngunit wala ni isa man sa inyo ang sumusunod sa Kautusan. Dahil kung sinusunod ninyo ang Kautusan, bakit gusto nʼyo akong patayin?” 20 Sumagot ang mga tao, “Sinasaniban ka na siguro ng masamang espiritu! Sino naman ang gustong pumatay sa iyo?” 21 Sinabi sa kanila ni Jesus, “Nagtaka kayo dahil may pinagaling ako noong Araw ng Pamamahinga. 22 Hindi baʼt ibinigay sa inyo ni Moises ang utos tungkol sa pagtutuli? (Hindi ito nagmula kay Moises kundi sa mga nauna pang mga ninuno). At dahil dito, tinutuli nʼyo ang bata kahit sa Araw ng Pamamahinga. 23 Ngayon, kung tinutuli nʼyo nga ang bata sa Araw ng Pamamahinga para hindi masuway ang utos ni Moises, bakit kayo nagagalit sa akin dahil pinagaling ko ang isang tao sa Araw ng Pamamahinga? 24 Huwag kayong humusga ayon lang sa nakikita ninyo, kundi humusga kayo ayon sa nararapat.”

Nagtanong ang mga Tao kung si Jesus nga ba ang Cristo

25 Sinabi ng ilang taga-Jerusalem, “Hindi ba ito ang taong gustong patayin ng mga pinuno natin? 26 Pero tingnan ninyo, lantaran siyang nangangaral at walang sinasabi ang mga pinuno laban sa kanya. Baka kinikilala na nilang siya ang Cristo? 27 Pero alam natin kung saan siya nanggaling, pero ang Cristo na darating ay walang nakakaalam kung saan siya manggagaling.”

28 Habang nagtuturo si Jesus sa templo, sinabi niya nang malakas, “Totoo bang kilala ninyo ako at kung saan ako nanggaling? Sinasabi ko sa inyo ang totoo, hindi ako naparito sa sarili kong kagustuhan. Ang tunay na Dios ang nagsugo sa akin, pero hindi ninyo siya kilala. 29 Kilala ko siya dahil nanggaling ako sa kanya, at siya ang nagsugo sa akin.” 30 Dahil sa mga sinabing ito ni Jesus, gusto na sana siyang dakpin ng mga pinuno ng mga Judio, pero walang humuli sa kanya dahil hindi pa ito ang oras niya. 31 Sa kabila nito, marami pa rin sa mga tao ang sumampalataya sa kanya. Sinabi nila, “Siya na nga ang Cristo, dahil walang makakahigit sa mga himalang ginagawa niya.”

Inutusan ang mga Guwardya sa Templo na Dakpin si Jesus

32 Narinig ng mga Pariseo ang usap-usapan ng mga tao tungkol kay Jesus. Kaya inutusan nila at ng mga namamahalang pari ang mga guwardya sa templo na dakpin si Jesus. 33 Sinabi ni Jesus, “Sandali nʼyo na lang akong makakasama, at pagkatapos nitoʼy babalik na ako sa nagsugo sa akin. 34 Hahanapin nʼyo ako, pero hindi nʼyo makikita, dahil hindi kayo makakapunta sa pupuntahan ko.” 35 Nagtanungan ang mga pinuno ng mga Judio, “Saan kaya niya balak pumunta at hindi na raw natin siya makikita? Pupunta kaya siya sa mga lugar ng mga Griego, kung saan nagsipangalat ang mga kapwa natin Judio, para mangaral sa mga Griego? 36 Bakit kaya niya sinabing, ‘Hahanapin ninyo ako ngunit hindi ninyo ako makikita, dahil hindi kayo makakapunta sa aking pupuntahan’?”

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®