Book of Common Prayer
Panalangin para Ingatan ng Dios
61 O Dios, pakinggan nʼyo ang aking panawagan.
Dinggin nʼyo ang aking dalangin.
2 Mula sa dulo ng mundo,
tumatawag ako sa inyo dahil nawalan na ako ng pag-asa.
Dalhin nʼyo ako sa lugar na ligtas sa panganib,[a]
3 dahil kayo ang aking kanlungan,
tulad kayo ng isang toreng matibay
na pananggalang laban sa kaaway.
4 Hayaan nʼyo akong tumira sa inyong templo magpakailanman
at ingatan nʼyo ako tulad ng manok na nag-iingat ng kanyang mga sisiw sa ilalim ng kanyang mga pakpak.
5 Dahil napakinggan nʼyo, O Dios, ang aking mga pangako sa
at binigyan nʼyo ako ng mga bagay na ibinibigay nʼyo sa mga may takot sa inyo.
6 Pahabain nʼyo ang buhay ng hari at paghariin nʼyo siya sa mahabang panahon sa pamamagitan ng kanyang mga lahi.
7 Sanaʼy maghari siya magpakailanman na kasama nʼyo, O Dios,
at ingatan nʼyo siya sa inyong pag-ibig at katapatan.
8 At akoʼy palaging aawit ng papuri sa inyo,
at tutuparin kong lagi ang aking mga pangako sa inyo.
Magtiwala sa Pag-iingat ng Dios
62 Sa Dios lang ako may kapahingahan;
ang kaligtasan koʼy nagmumula sa kanya.
2 Siya lang ang aking batong kanlungan at kaligtasan.
Siya ang aking tanggulan, kaya ligtas ako sa kapahamakan.
3 Kayong mga kaaway ko, hanggang kailan kayo sasalakay upang akoʼy patayin?
Tulad koʼy pader na malapit nang magiba at bakod na malapit nang matumba.
4 Gusto lamang ninyong maalis ako sa aking mataas na katungkulan.
Tuwang-tuwa kayo sa pagsisinungaling.
Kunwariʼy pinupuri ninyo ako ngunit sa puso ninyoʼy isinusumpa ako.
5 Sa Dios ko lang matatamo ang kapahingahan dahil binibigyan niya ako ng pag-asa.
6 Siya lang ang aking batong kanlungan at kaligtasan.
Siya ang aking tanggulan kaya ligtas ako sa kapahamakan.
7 Nasa Dios ang aking kaligtasan at karangalan.
Siya ang matibay kong batong kanlungan.
Siya ang nag-iingat sa akin.
8 Kayong mga mamamayan ng Dios, magtiwala kayo sa kanya sa lahat ng oras!
Sabihin sa kanya ang lahat ng inyong suliranin,
dahil siya ang nag-iingat sa atin.
9 Ang tao, dakila man o mangmang, ay hindi mapagkakatiwalaan.
Pareho lang silang walang kabuluhan.
Magaan pa sila kaysa sa hangin kapag tinimbang.
10 Huwag kayong umasa sa perang nakuha sa pangingikil at pagnanakaw.
Dumami man ang inyong kayamanan,
huwag ninyo itong mahalin.
11 Hindi lang isang beses kong narinig na sinabi ng Dios na nasa kanya ang kapangyarihan
12 at tapat ang kanyang pag-ibig.
Tiyak na gagantimpalaan ng Panginoon ang tao ayon sa kanyang mga ginawa.
Awit ng Pagtatagumpay
68 Kumilos sana ang Dios, at ikalat ang kanyang mga kaaway.
Magsitakas na sana palayo silang mga galit sa kanya.
2 Itaboy sana sila ng Dios gaya ng usok na tinatangay ng hangin.
Mamatay sana sa harapan niya ang mga masasama, gaya ng kandilang natutunaw sa apoy.
3 Ngunit ang matutuwid ay sisigaw sa galak sa kanyang harapan.
4 Awitan ninyo ang Dios,
awitan ninyo siya ng mga papuri.
Purihin nʼyo siya,[a] na siyang may hawak sa mga ulap.[b]
Ang kanyang pangalan ay Panginoon.
Magalak kayo sa kanyang harapan!
5 Ang Dios na tumatahan sa kanyang banal na templo ang nangangalaga[c] sa mga ulila at tagapagtanggol ng mga biyuda.
6 Ibinibigay niya sa isang pamilya ang sinumang nag-iisa sa buhay.
Pinalalaya rin niya ang mga binihag nang walang kasalanan
at binibigyan sila ng masaganang buhay.
Ngunit ang mga suwail, sa mainit at tigang na lupa maninirahan.
7 O Dios, nang pangunahan nʼyo sa paglalakbay sa ilang ang inyong mga mamamayan,
8 nayanig ang lupa at bumuhos ang ulan sa inyong harapan,
O Dios ng Israel na nagpahayag sa Sinai.
9 Nagpadala kayo ng masaganang ulan at ang lupang tigang na ipinamana nʼyo sa inyong mga mamamayan ay naginhawahan.
10 Doon sila nanirahan, at sa inyong kagandahang-loob ay binigyan nʼyo ang mga mahihirap ng kanilang mga pangangailangan.
11 Panginoon, nagpadala kayo ng mensahe,
at itoʼy ibinalita ng maraming kababaihan:
12 “Nagsisitakas ang mga hari at ang kanilang mga hukbo!
Ang mga naiwan nilang kayamanan ay pinaghati-hatian ng mga babae ng Israel.
13 Kahit na ang mga tagapag-alaga ng hayop
ay nakakuha ng mga naiwang bagay gaya ng imahen ng
kalapati, na ang mga pakpak ay nababalutan ng pilak
at ang dulo nito ay nababalutan ng purong ginto.”
14 Nang ikalat ng makapangyarihang Dios ang mga haring iyon,
pinaulanan niya ng yelo ang lugar ng Zalmon.[d]
15 Napakataas at napakaganda ng bundok ng Bashan; maraming taluktok ang bundok na ito.
16 Ngunit bakit ito nainggit sa bundok ng Zion na pinili ng Dios bilang maging tahanan niya magpakailanman?
17 Dumating ang Panginoong Dios sa kanyang templo mula sa Sinai kasama ang libu-libo niyang karwahe.
18 Nang umakyat siya sa mataas na lugar,[e] marami siyang dinalang bihag.
Tumanggap siya ng regalo mula sa mga tao, pati na sa mga naghimagsik sa kanya.
At doon maninirahan ang Panginoong Dios.[f]
19 Purihin ang Panginoon,
ang Dios na ating Tagapagligtas na tumutulong sa ating mga suliranin sa bawat araw.
20 Ang ating Dios ang siyang Dios na nagliligtas!
Siya ang Panginoong Dios na nagliligtas sa atin sa kamatayan.
21 Tiyak na babasagin ng Dios ang ulo ng kanyang mga kaaway na patuloy sa pagkakasala.
22 Sinabi ng Panginoon, “Pababalikin ko ang aking mga kaaway mula sa Bashan;
pababalikin ko sila mula sa kailaliman ng dagat,
23 upang patayin sila at tapak-tapakan ninyo ang kanilang dugo
at magsasawa ang inyong mga aso sa paghimod ng kanilang dugo.”
24 O Dios na aking Hari, nakita ng lahat ang inyong parada ng tagumpay papunta sa inyong templo.
25 Nasa unahan ang mga mang-aawit at nasa hulihan ang mga tumutugtog;
at sa gitna naman ay ang mga babaeng tumutugtog ng tamburin.
26 Sumisigaw sila, “Purihin ang Dios sa inyong mga pagtitipon!
Purihin ninyo ang Panginoon, kayong mula sa lahi ng Israel.”
27 Nauuna ang maliit na lahi ni Benjamin,
kasunod ang mga pinuno ng Juda kasama ang kanilang lahi,
at sinusundan ng mga pinuno ng Zebulun at Naftali.
28 O Dios, ipakita nʼyo ang inyong kapangyarihan,[g]
katulad ng ginawa nʼyo sa amin noon.
29 Dahil sa inyong templo sa Jerusalem magkakaloob ng mga regalo ang mga hari para sa inyo.
30 Sawayin nʼyo ang bansang kaaway na parang mabagsik na hayop sa talahiban.
Pati na rin ang mga taong tila mga torong kasama ng mga guya
hanggang sa silaʼy sumuko at maghandog ng kanilang mga pilak sa inyo.
Ikalat nʼyo ang mga taong natutuwa kapag may digmaan.
31 Magpapasakop ang mga taga-Egipto sa inyo.
Ang mga taga-Etiopia ay magmamadaling magbigay ng kaloob sa inyo.
32 Umawit kayo sa Dios, kayong mga mamamayan ng mga kaharian sa mundo.
Umawit kayo ng mga papuri sa Panginoon,
33 na naglalakbay sa kalangitan mula pa nang pasimula.
Pakinggan ninyo ang kanyang dumadagundong na tinig.
34 Ipahayag ninyo ang kapangyarihan ng Dios na naghahari sa buong Israel.
Ang kalangitan ang nagpapakita ng kanyang kapangyarihan.
35 Kahanga-hanga ang Dios ng Israel habang siyaʼy lumalabas sa kanyang banal na tahanan.
Binibigyan niya ng kapangyarihan at kalakasan ang kanyang mga mamamayan.
Purihin ang Dios!
Ang Pagsilang ni Isaac
21 Ngayon, inalala ng Panginoon si Sara ayon sa kanyang ipinangako. 2 Nagbuntis si Sara at nanganak ng lalaki kahit matanda na si Abraham. Isinilang ang sanggol sa panahon na sinabi noon ng Dios. 3 Pinangalanan ni Abraham ang sanggol na Isaac.
4 Nang walong araw na ang sanggol, tinuli siya ni Abraham ayon sa iniutos sa kanya ng Dios. 5 Nang ipinanganak si Isaac, 100 taong gulang na si Abraham. 6 Sinabi ni Sara, “Pinatawa ako ng Dios, at kahit sinong makarinig ng tungkol sa nangyari sa akin ay matatawa rin. 7 Sino kaya ang makapagsasabi kay Abraham na makakapagpasuso pa ako ng sanggol? Pero nagkaanak pa ako kahit matanda na siya.”
8 Lumaki si Isaac, at nang araw na naawat na siya sa pagsuso sa kanyang ina, nagdaos si Abraham ng isang malaking handaan.
Pinalayas si Hagar at si Ishmael
9 Isang araw, nakita ni Sara na tinutukso ni Ishmael si Isaac. (Si Ishmael ay anak ni Abraham kay Hagar na Egipcio.) 10 Kaya sinabi ni Sara kay Abraham, “Palayasin mo ang babaeng alipin at ang anak niya, dahil ang anak ng babaeng alipin ay hindi maaaring makibahagi sa mamanahin ng anak kong si Isaac.” 11 Labis itong ikinalungkot ni Abraham dahil anak din niya si Ishmael. 12 Pero sinabi ng Dios sa kanya, “Hindi mo dapat ikalungkot ang tungkol kay Ishmael at kay Hagar. Sundin mo ang sinabi ni Sara, dahil kay Isaac magmumula ang mga lahi na aking ipinangako. 13 At tungkol naman kay Ishmael, bibigyan ko rin siya ng maraming lahi at magiging isang bansa rin sila, dahil anak mo rin siya.”
14 Kinabukasan, maagang kumuha si Abraham ng pagkain at tubig na nakalagay sa sisidlang-balat, at inilagay niya ito sa balikat ni Hagar. Pagkatapos, umalis si Hagar kasama ang kanyang anak. Naglakbay sila sa ilang ng Beersheba na hindi alam kung saan sila pupunta. 15 Nang naubos na ang kanilang tubig, iniwan niya ang anak niya sa ilalim ng isa sa mga mababang punongkahoy 16 at lumakad siya na may layong mga 100 metro mula sa kanyang anak. Doon siya umupo at umiiyak na nagsabi sa kanyang sarili, “Hindi ko matitiis na pagmasdan ang kamatayan ng anak ko.”
17 Ngayon, narinig ng Dios ang iyak ng bata. Kaya sinabi ng anghel ng Dios kay Hagar mula roon sa langit, “Ano ang gumugulo sa iyo Hagar? Huwag kang matakot; narinig ng Dios ang iyak ng anak mo. 18 Tumayo ka at ibangon mo ang bata, dahil gagawin kong malaking bansa ang kanyang mga lahi.” 19 Pagkatapos, may ipinakita ang Dios sa kanya na isang balon. Pumunta siya roon at nilagyan ng tubig ang sisidlan niya. Pagkatapos, pinainom niya ang kanyang anak.
20-21 Hindi pinabayaan ng Dios si Ishmael hanggang lumaki ito. Doon siya tumira sa ilang ng Paran at naging isa siyang mahusay na mamamana. Dumating ang panahon na pinapag-asawa siya ng kanyang ina sa isang Egipcio.
13 Ang lahat ng taong itoʼy namatay na sumasampalataya. Hindi man nila natanggap ang mga pangako ng Dios noong nabubuhay pa sila, natitiyak naman nilang darating ang araw na matatanggap nila ang kanilang hinihintay. Itinuring nilang mga dayuhan ang sarili nila at naninirahan lang sa mundong ito. 14 Ang mga taong may ganitong pananaw ay nagpapahiwatig na naghahanap sila ng sariling bayan. 15 Kung ang bayang iniwan nila ang iniisip nila, may pagkakataon pa silang makabalik. 16 Ngunit hinahangad nila ang mas mabuting lugar, at itoʼy walang iba kundi ang lungsod na nasa langit. Kaya hindi ikinakahiya ng Dios na siyaʼy tawagin nilang Dios, dahil ipinaghanda niya sila ng isang lungsod.
17-18 Dahil sa pananampalataya, handang ihandog ni Abraham ang kaisa-isa niyang anak na si Isaac nang subukin siya ng Dios. Kahit na alam niyang si Isaac ang ipinangako ng Dios na pagmumulan ng kanyang lahi, handa pa rin niya itong ialay.[a] 19 Sapagkat nanalig si Abraham na kung mamamatay si Isaac, muli siyang bubuhayin ng Dios. At ganoon nga ang nangyari – parang bumalik sa kanya si Isaac mula sa kamatayan.
20 Dahil sa pananampalataya, binasbasan ni Isaac sina Jacob at Esau para maging mabuti ang hinaharap nila.
21 Dahil sa pananampalataya, binasbasan ni Jacob ang mga anak ni Jose bago siya namatay. At sumamba siya sa Dios habang nakatukod sa kanyang tungkod.
22 Dahil sa pananampalataya, sinabi ni Jose nang malapit na siyang mamatay na aalis ang mga Israelita sa Egipto, at ipinagbilin niyang dalhin nila ang mga buto niya kapag umalis na sila.
41 Samantala, nagbulung-bulungan ang mga Judio dahil sinabi ni Jesus na siya ang tinapay na mula sa langit. 42 Kaya sinabi nila, “Hindi baʼt si Jesus lang naman iyan na anak ni Jose? Bakit sinasabi niyang bumaba siya mula sa langit, samantalang kilala natin ang mga magulang niya?” 43 Sinabi sa kanila ni Jesus, “Huwag kayong magbulung-bulungan. 44 Walang makakalapit sa akin maliban kung papalapitin siya ng Amang nagsugo sa akin. At ang mga lalapit sa akin ay bubuhayin kong muli sa huling araw. 45 Ayon sa isinulat ng mga propeta, ‘Tuturuan silang lahat ng Dios.’[a] Kaya ang lahat ng nakikinig at natututo sa Ama ay lalapit sa akin. 46 Hindi ito nangangahulugang may nakakita na sa Ama. Ako lang na nagmula sa Dios Ama ang nakakita sa kanya.
47 “Sinasabi ko sa inyo ang totoo, ang sumasampalataya sa akin ay may buhay na walang hanggan, 48 dahil ako ang tinapay na nagbibigay-buhay. 49 Kumain ng ‘manna’ ang mga ninuno ninyo noong nasa ilang sila, ngunit namatay din silang lahat. 50 Pero narito ang tinapay na mula sa langit, at hindi na mamamatay ang sinumang kumain nito. 51 Ako ang tinapay na mula sa langit. Mabubuhay magpakailanman ang sinumang kumain ng tinapay na ito. Sapagkat ang ibibigay kong tinapay para magkaroon ng buhay na walang hanggan ang mga tao sa mundo ay walang iba kundi ang aking katawan.”
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®