Book of Common Prayer
Ang Masasamang Bansa
83 O Dios, huwag kayong manahimik.
Kumilos po kayo!
2 Masdan ang inyong mga kaaway,
maingay silang sumasalakay at ipinagyayabang na mananalo sila.
3 Nagbabalak sila ng masama laban sa inyong mga mamamayan na inyong kinakalinga.
4 Sinabi nila, “Halikayo, wasakin natin ang bansang Israel upang makalimutan na siya magpakailanman.”
5 At nagkasundo sila sa masamang plano nila.
Gumawa sila ng kasunduan laban sa inyo.
6 Sila ay mga taga-Edom, mga Ishmaelita, mga taga-Moab, mga Hagreo,
7 mga taga-Gebal, taga-Ammon, taga-Amalek, mga taga-Filistia at mga taga-Tyre.
8 Kumampi rin sa kanila ang Asiria, isang bansang malakas na kakampi ng lahi ni Lot.[a]
9 Talunin nʼyo sila Panginoon,
katulad ng ginawa nʼyo sa mga Midianita at kina Sisera at Jabin doon sa Lambak ng Kishon.
10 Namatay sila sa Endor at ang mga bangkay nilaʼy nabulok at naging pataba sa lupa.
11 Patayin nʼyo ang mga pinuno nila katulad ng ginawa ninyo kina Oreb at Zeeb at kina Zeba at Zalmuna.
12 Sinabi nila, “Agawin natin ang lupain ng Dios.”
13 O Dios ko, ikalat nʼyo sila na parang alikabok o ipa na nililipad ng hangin.
14-15 Tulad ng apoy na tumutupok sa mga puno sa kagubatan at kabundukan,
habulin nʼyo sila ng inyong bagyo at takutin ng malalakas na hangin.
16 Hiyain nʼyo sila Panginoon hanggang sa matuto silang lumapit sa inyo.
17 Sana nga ay mapahiya at matakot sila habang buhay.
Mamatay sana sila sa kahihiyan.
18 Para malaman nilang kayo, Panginoon, ang tanging Kataas-taasang Dios sa buong mundo.
Papuri sa Dios na Tagapagligtas
146 Purihin ang Panginoon!
Karapat-dapat na purihin ang Panginoon.
2 Buong buhay akong magpupuri sa Panginoon.
Aawitan ko ang aking Dios ng mga papuri habang akoʼy nabubuhay.
3 Huwag kayong magtiwala sa mga makapangyarihang tao o kaninuman,
dahil silaʼy hindi makapagliligtas.
4 Kapag silaʼy namatay, babalik sila sa lupa,
at ang kanilang mga binabalak ay mawawalang lahat.
5 Mapalad ang tao na ang tulong ay nagmumula sa Dios ni Jacob,
na ang kanyang pag-asa ay sa Panginoon na kanyang Dios,
6 na siyang gumawa ng langit at lupa, ng dagat at ang lahat ng narito.
Mananatiling tapat ang Panginoon magpakailanman.
7 Binibigyan niya ng katarungan ang mga inaapi,
at binibigyan ng pagkain ang mga nagugutom.
Pinalalaya ng Panginoon ang mga bilanggo.
8 Pinagagaling niya ang mga bulag para makakita,
pinalalakas ang mga nanghihina,
at ang mga matuwid ay minamahal niya.
9 Iniingatan niya ang mga dayuhan,
tinutulungan ang mga ulila at mga biyuda,
ngunit hinahadlangan niya ang mga kagustuhan ng masasama.
10 Mga taga-Zion, ang Panginoon na inyong Dios ay maghahari magpakailanman.
Purihin ang Panginoon!
Papuri sa Dios na Makapangyarihan
147 Purihin ang Panginoon!
Napakabuting umawit ng pagpupuri sa ating Dios.
Napakabuti at nararapat lang na siya ay purihin.
2 Itinatayong muli ng Panginoon ang Jerusalem,
at muli niyang tinitipon ang mga nabihag na Israelita.
3 Pinagagaling niya ang mga pusong nabigo,
at ginagamot ang kanilang mga sugat.
4 Ang bilang ng mga bituin ay kanyang nalalaman
at ang bawat isa ay binigyan niya ng pangalan.
5 Makapangyarihan ang ating Panginoon.
Ang kanyang karunungan ay walang hangganan.
6 Tinutulungan ng Panginoon ang mga inaapi,
ngunit nililipol niya nang lubos ang masasama.
7 Umawit kayo ng pasasalamat sa Panginoon.
Tumugtog kayo ng alpa para sa ating Dios.
8 Pinupuno niya ng mga ulap ang kalawakan,
at pinauulanan niya ang mundo,
at pinatutubo ang mga damo sa kabundukan.
9 Binibigyan niya ng pagkain ang mga hayop at ang mga inakay na uwak kapag dumadaing ang mga ito.
10 Hindi siya nalulugod sa lakas ng mga kabayo o sa kagitingan ng mga kawal.
11 Ang Panginoon ay nalulugod sa mga may takot sa kanya
at nagtitiwala sa kanyang pag-ibig.
12 Purihin ninyo ang Panginoon na inyong Dios, kayong mga naninirahan sa Zion, ang bayan ng Jerusalem!
13 Dahil pinatitibay niya ang pintuan ng inyong bayan,
at kayoʼy kanyang pinagpapala.
14 Binibigyan niya ng kapayapaan ang inyong lugar,
at binubusog niya kayo ng pinakamabuting trigo.
15 Inuutusan niya ang mundo,
at agad naman itong sumusunod.
16 Inilalatag niya sa lupa ang nyebe na parang mga puting kumot,
at ikinakalat na parang abo.
17 Nagpapadala siya ng ulan na yelo na parang maliliit na bato.
Kahit sino ay walang makatagal sa lamig nito.
18 Sa kanyang utos, ang yelo ay natutunaw.
Pinaiihip niya ang hangin, at ang yelo ay nagiging tubig na umaagos.
19 Ipinahayag niya ang kanyang mga salita, mga tuntunin at mga utos sa mga taga-Israel na lahi ni Jacob.
20 Hindi niya ito ginawa sa ibang mga bansa;
hindi nila alam ang kanyang mga utos.
Purihin ang Panginoon!
Panalangin para sa Kabutihan ng Bansa
85 Panginoon, naging mabuti kayo sa inyong lupain.
Ibinalik nʼyo sa magandang kalagayan ang Israel.[a]
2 Pinatawad nʼyo ang kasamaan ng inyong mga mamamayan;
inalis nʼyo ang lahat ng aming kasalanan.
3 Inalis nʼyo na rin ang inyong matinding galit sa amin.
4 Minsan pa, O Dios, na aming Tagapagligtas, ibalik nʼyo kami sa magandang kalagayan.
Kalimutan nʼyo na ang inyong galit sa amin.
5 Habang buhay na ba kayong magagalit sa amin,
hanggang sa aming mga salinlahi?
6 Hindi nʼyo na ba kami ibabalik sa magandang kalagayan upang kami ay magalak sa inyo?
7 Panginoon, ipakita nʼyo sa amin ang inyong pag-ibig at kami ay iligtas.
8 Pakikinggan ko ang sasabihin ng Panginoong Dios,
dahil mangangako siya ng kapayapaan sa atin na kanyang mga tapat na mamamayan;
iyan ay kung hindi na tayo babalik sa ating mga kamangmangan.
9 Tunay na ililigtas niya ang may takot sa kanya,
upang ipakita na ang kapangyarihan niya ay mananatili sa ating lupain.
10 Ang pag-ibig at katapatan ay magkasama at ganoon din ang katarungan at kapayapaan.
11 Ang katapatan ng tao sa mundo ay alam ng Dios sa langit,
at ang katarungan ng Dios sa langit ay matatanggap ng tao sa mundo.
12 Tiyak na ibibigay sa atin ng Panginoon ang mabuti
at magkakaroon ng ani ang ating lupain.
13 Ang katarungan ay parang tagapagbalita na mauunang dumating para ihanda ang daan ng Panginoon.
Panalangin ng Paghingi ng Tulong sa Dios
86 Panginoon, dinggin nʼyo at sagutin ang aking panalangin sapagkat akoʼy naghihirap at nangangailangan.
2 Ingatan nʼyo ang buhay ko dahil akoʼy tapat sa inyo.
Kayo ang aking Dios, iligtas nʼyo ang inyong lingkod na nagtitiwala sa inyo.
3 Panginoon, maawa kayo sa akin dahil buong araw akong tumatawag sa inyo.
4 Bigyan nʼyo ng kagalakan ang inyong lingkod, Panginoon, dahil sa iyo ako nananalangin.
5 Tunay na napakabuti nʼyo at mapagpatawad,
at puno ng pag-ibig sa lahat ng tumatawag sa inyo.
6 Pakinggan nʼyo ang aking dalangin, Panginoon.
Ang pagsusumamo koʼy inyong dinggin.
7 Tumatawag ako sa inyo sa oras ng kagipitan dahil sinasagot nʼyo ako.
8 Walang dios na katulad nʼyo, Panginoon;
walang sinumang makakagawa ng mga ginawa ninyo.
9 Ang lahat ng bansa[b] na ginawa nʼyo ay lalapit at sasamba sa inyo.
Pupurihin nila ang inyong pangalan,
10 dahil makapangyarihan kayo at ang mga gawa nʼyo ay kahanga-hanga.
Kayo ang nag-iisang Dios.
11 Panginoon, ituro nʼyo sa akin ang inyong pamamaraan,
at susundin ko ito nang may katapatan.[c]
Bigyan nʼyo ako ng pusong may takot sa inyo.
12 Panginoon kong Dios, buong puso ko kayong pasasalamatan.
Pupurihin ko ang inyong pangalan magpakailanman,
13 dahil ang pag-ibig nʼyo sa akin ay dakila.
Iniligtas nʼyo ako sa kamatayan.
14 O Dios, sinasalakay ako ng grupo ng mayayabang na tao para patayin.
Malulupit sila at hindi kumikilala sa inyo.
15 Ngunit kayo, Panginoon, ay Dios na nagmamalasakit at mahabagin.
Wagas ang pag-ibig nʼyo, at hindi madaling magalit.
16 Bigyang pansin nʼyo ako at kahabagan;
bigyan nʼyo ako ng inyong kalakasan at iligtas ako na inyong lingkod.
17 Ipakita sa akin ang tanda ng inyong kabutihan,
upang makita ito ng aking mga kaaway at nang silaʼy mapahiya.
Dahil kayo, Panginoon, ang tumutulong at umaaliw sa akin.
Nagmakaawa si Esau na Basbasan din Siya
30 Pagkatapos basbasan ni Isaac si Jacob, lumakad agad si Jacob. Kaaalis lang niya ay dumating naman agad si Esau mula sa pangangaso. 31 Nagluto rin siya ng masarap na pagkain at dinala niya sa kanyang ama. Sinabi niya, “Ama, bumangon po kayo at kumain ng pinangaso ko para mabasbasan po ninyo ako.” 32 Nagtanong si Isaac sa kanya, “Sino ka?” Sumagot siya, “Ako po si Esau, ang panganay nʼyong anak.” 33 Nang marinig ito ni Isaac, nanginig siya at sinabi, “Sino kaya ang unang nangaso at nagdala rito sa akin ng pagkain? Katatapos ko lang kainin iyon nang dumating ka. Ibinigay ko na sa kanya ang aking basbas at hindi ko na iyon mababawi.”
34 Pagkarinig nito ni Esau, umiyak siya nang labis. Sinabi niya, “Ama, basbasan nʼyo rin po ako!”
35 Pero sumagot si Isaac, “Niloko ako ng nakababatang kapatid mo at nakuha na niya ang basbas ko na para sana sa iyo.”
36 Sinabi ni Esau, “Pangalawang beses na ito na niloko niya ako. Kaya pala Jacob[a] ang pangalan niya. Kinuha na niya ang karapatan ko bilang panganay at ngayon, kinuha pa niya ang basbas na para sa akin.” Pagkatapos, nagtanong siya, “Ama, wala na po bang natitirang basbas na para sa akin?”
37 Sumagot si Isaac, “Ginawa ko na siya na maging iyong amo at ginawa ko rin ang lahat ng kamag-anak niya na maging mga alipin niya. Ibinigay ko na sa kanya ang saganang pagkain at inumin. Kaya ano pa ang maibibigay ko para sa iyo anak?”
38 Nagmakaawa pa si Esau sa kanyang ama, “Ama, wala na po bang kahit isang basbas? Basbasan nʼyo rin po ako.” At patuloy ang kanyang paghagulgol.
39 Sinabi ni Isaac sa kanya,
“Hindi aani ng sagana ang lupaing titirhan mo,
at palagi itong walang hamog na biyaya ng Dios.
40 Palagi kang makikipaglaban,
at maglilingkod ka sa iyong kapatid.
Pero kung lalaban ka sa kanya,
makakalaya ka sa kanyang kapangyarihan.”
41 Kinapootan ni Esau si Jacob dahil sa basbas na ibinigay ng kanyang ama kay Jacob. Sinabi ni Esau sa kanyang sarili, “Malapit nang mamatay si ama; kapag namatay na siya, papatayin ko si Jacob.”
42 Pero nabalitaan ni Rebeka ang balak ni Esau, kaya ipinatawag niya si Jacob at sinabi, “Ang kuya mong si Esau ay balak kang patayin para mawala ang galit niya sa iyo. 43 Kaya makinig ka sa sasabihin ko: Tumakas ka at pumunta sa Haran, doon sa kapatid kong si Laban. 44 Doon ka muna hanggang mawala ang galit ng iyong kuya, 45 at makalimutan na niya ang iyong ginawa sa kanya. Ipapasundo na lang kita roon kapag hindi na siya galit sa iyo. Hindi ko hahayaang mawala kayong dalawa sa akin, baka isang araw magpatayan kayo.”
9 Magmahalan kayo nang tapat. Iwasan ninyo ang masama at laging gawin ang mabuti. 10 Magmahalan kayo bilang magkakapatid kay Cristo at maging magalang sa isaʼt isa. 11 Huwag kayong maging tamad kundi magpakasipag at buong pusong maglingkod sa Panginoon. 12 At dahil may pag-asa kayo sa buhay, magalak kayo. Magtiis kayo sa mga paghihirap at laging manalangin. 13 Tulungan ninyo ang mga pinabanal[a] ng Dios na nangangailangan, at patuluyin ninyo sa inyong mga tahanan ang walang matutuluyan. 14 Idalangin ninyo sa Dios na pagpalain ang mga taong umuusig sa inyo. Pagpalain ninyo sila sa halip na sumpain. 15 Makigalak kayo sa mga nagagalak, at makiramay kayo sa mga naghihinagpis. 16 Mamuhay kayo nang mapayapa sa isaʼt isa.[b] Huwag kayong magmataas, sa halip ay makipagkaibigan kayo sa mga taong mababa ang kalagayan. Huwag kayong magmarunong.
17 Huwag ninyong gantihan ng masama ang mga gumagawa sa inyo ng masama. Gawin ninyo ang mabuti sa paningin ng lahat. 18 Hanggaʼt maaari, mamuhay kayo nang mapayapa sa lahat ng tao. 19 Mga minamahal, huwag kayong maghihiganti. Ipaubaya ninyo iyan sa Dios. Sapagkat sinabi ng Panginoon sa Kasulatan, “Ako ang maghihiganti; ako ang magpaparusa.”[c] 20 Kaya, “Kung nagugutom ang iyong kaaway, pakainin mo. Kung siyaʼy nauuhaw, painumin mo. Dahil kapag ginawa mo ang mga ito, mapapahiya siya sa kanyang sarili.”[d] 21 Huwag kayong patatalo sa masama kundi talunin ninyo ang masama sa pamamagitan ng paggawa ng mabuti.
Si Jesus ay Hindi Taga-mundo
21 Muling nagsalita si Jesus sa mga pinuno ng mga Judio, “Aalis ako at hahanapin nʼyo ako, ngunit mamamatay kayo na hindi pa napapatawad ang mga kasalanan ninyo. At hindi kayo makakapunta sa pupuntahan ko.” 22 Kaya nag-usap-usap ang mga pinuno ng mga Judio, “Magpapakamatay kaya siya? Ano ang ibig niyang sabihin na hindi tayo makakapunta sa pupuntahan niya?” 23 Sinabi ni Jesus sa kanila, “Kayoʼy makamundo at akoʼy makalangit. 24 Kaya sinasabi kong mamamatay kayo na hindi pa napapatawad ang mga kasalanan ninyo. Sapagkat kung hindi kayo maniniwala na ako ang Cristo, tiyak na mamamatay kayo na hindi pa napapatawad ang mga kasalanan ninyo.” 25 “Bakit, sino ka ba talaga?” tanong nila. Sumagot si Jesus, “Hindi baʼt noong una pa ay sinabi ko na sa inyo kung sino ako? 26 Marami akong masasabi at maihahatol laban sa inyo. Sinasabi ko sa inyo ang totoo, wala akong ipinapahayag sa mga tao sa mundo maliban sa mga ipinapasabi ng nagsugo sa akin. At mapagkakatiwalaan ang mga sinasabi niya.”
27 Hindi nila naintindihan na nagsasalita si Jesus tungkol sa Ama. 28 Kaya sinabi ni Jesus, “Kapag itinaas na ninyo[a] ako na Anak ng Tao, malalaman ninyo na ako nga ang Cristo. At malalaman din ninyo na ang lahat ng bagay na ginagawa at sinasabi ko ay ayon sa itinuro sa akin ng aking Ama. 29 Lagi kong kasama ang nagsugo sa akin, at hindi niya ako pababayaang mag-isa, dahil lagi kong ginagawa ang mga bagay na kalugod-lugod sa kanya.” 30 Nang marinig ng mga tao ang mga sinabi ni Jesus, marami sa kanila ang sumampalataya sa kanya.
Ang Katotohanang Nagpapalaya sa Tao
31 Sinabi ni Jesus sa mga Judiong sumampalataya sa kanya, “Kung patuloy kayong susunod sa aral ko, totoo ngang mga tagasunod ko kayo. 32 Malalaman ninyo ang katotohanan, at ang katotohanan ang magpapalaya sa inyo.”
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®