Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Mga Awit 17:1-7

Panalangin ng Isang Walang Sala

Panalangin ni David.

17 Pakinggan mo, Yahweh, ang sigaw ng katarungan,
    dinggin mo ako sa aking kahilingan;
    dalangin ko sana'y iyong pakinggan, sapagkat labi ko nama'y hindi nanlilinlang.
Hahatol ka para sa aking panig,
    pagkat alam mo kung ano ang matuwid.

Kaibuturan ng puso ko ay iyong nababatid,
    kahit sa gabi'y ikaw sa aki'y nagmamasid.
    Siniyasat mo ako at napatunayang matuwid,
    walang kasamaan maging sa aking bibig.
Ang salita ko nga'y tapat, di tulad ng karamihan;
    tapat akong sumusunod sa utos mong ibinigay,
    ako ay umiiwas sa landas ng karahasan.
Lagi kong nilalakaran ang iyong daan,
    hindi ako lumihis doon kahit kailan.

Tumatawag ako sa iyo, O Diyos, sapagkat ako'y iyong sinasagot;
    kaya ngayo'y pakinggan mo ako at pansinin ang karaingan ko.
Ipakita mo sa akin ang kahanga-hanga mong pagmamahal,
    at ang iyong kanang kamay ang sa aki'y umalalay.

Mga Awit 17:15

15 Dahil ako'y matuwid, ang mukha mo'y makikita;
    at sa aking paggising, sa piling mo'y liligaya.

Genesis 32:3-21

Nagpadala siya ng mga sugo sa kapatid niyang si Esau sa lupain ng Seir, sa lupain ng Edom. Ganito ang kanyang ipinasabi: “Ako si Jacob na abang lingkod mo. Matagal akong nanirahan sa Tiyo Laban at ngayon lamang ako uuwi. Marami akong mga baka, asno, tupa, kambing at mga alipin. Pinauna ko ang mga sugong ito upang ipakiusap sa iyo na magkasundo na tayo.”

Pagbalik ng mga sugo, sinabi nila, “Nakausap po namin si Esau at ngayon po'y nasa daan na siya at may kasamang apatnaraang lalaki upang salubungin kayo.” Natakot si Jacob at lubhang nabahala. Kaya't pinagdalawa niyang pangkat ang kanyang mga tauhan pati mga hayop upang, kung salakayin sila ni Esau, ang isang pangkat ay makakatakas.

At nanalangin si Jacob, “Diyos ni Abraham at ni Isaac, tulungan po ninyo ako! Sinabi po ninyong ako'y bumalik sa aming lupain at mga kamag-anak, at hindi ninyo ako pababayaan. 10 Hindi po ako karapat-dapat sa lahat ng kagandahang-loob ninyo sa akin. Nang tumawid po ako sa Jordan, wala akong dala kundi tungkod, ngunit ngayon sa aking pagbabalik, dalawang pangkat na ang aking kasama. 11 Iligtas ninyo ako sa kamay ng aking kapatid na si Esau. Nangangamba po akong sa pagkikita nami'y patayin niya kami pati mga babae at mga bata. 12 Nangako(A) po kayong hindi ninyo ako pababayaan. Sinabi ninyong pararamihin ninyo ang aking lahi, sindami ng mga buhangin sa dagat.”

13 Kinabukasan, si Jacob ay naghanda ng regalo para kay Esau. Pumili siya ng 14 dalawampung barako at dalawandaang inahing kambing, dalawandaang inahing tupa at dalawampung barako, 15 tatlumpung gatasang kamelyo na may mga anak, apatnapung inahing baka at sampung toro, at dalawampung inahing asno at sampung lalaking asno. 16 Bawat kawan ay ipinagkatiwala niya sa isang alipin. Sinabi niya sa kanila, “Mauna kayo sa akin, ngunit huwag kayong magsasabay-sabay; lagyan ninyo ng pagitan ang bawat kawan.” 17 Sinabi niya sa naunang alipin, “Kung masalubong mo ang aking kapatid at tanungin ka, ‘Sino ang iyong panginoon? Saan ka pupunta? Kaninong mga hayop ito?’ 18 Sabihin mong, ‘Ito po'y galing sa inyong lingkod na si Jacob. Regalo po niya ito sa panginoon niyang si Esau.’ Sabihin mo ring kasunod na ninyo ako.” 19 Ganito rin ang iniutos niya sa pangalawa, pangatlo at sa lahat ng aliping kasama ng kawan. 20 Ipinasabi rin niya sa mga ito na siya'y kasunod nila. Inisip ni Jacob na sa ganitong paraa'y patatawarin siya ni Esau, kung sila'y magtagpo, dahil sa mga regalong padala niya. 21 Ang mga regalong ito'y nauna sa kanya; nagpahinga muna siya sa kanyang kampo nang gabing iyon.

Mga Gawa 2:37-47

37 Nabagabag ang kanilang kalooban nang marinig ito, kaya't tinanong nila si Pedro at ang ibang mga apostol, “Mga kapatid, ano ang dapat naming gawin?”

38 Sumagot si Pedro, “Pagsisihan ninyo't talikuran ang inyong mga kasalanan at magpabautismo kayo sa pangalan ni Jesu-Cristo upang kayo'y patawarin; at tatanggapin ninyo ang kaloob ng Espiritu Santo. 39 Sapagkat ang pangako ay para sa inyo at sa inyong mga anak, at sa lahat ng nasa malayo, sa bawat taong tatawagin ng ating Panginoong Diyos.”

40 Marami pang inilahad si Pedro upang patunayan ang kanyang sinabi, at nanawagan siya sa kanila, “Iligtas ninyo ang inyong mga sarili mula sa parusang sasapitin ng masamang lahing ito.”

41 Kaya't ang mga naniwala sa ipinangaral niya ay nagpabautismo, at nadagdagan ang mga alagad ng may tatlong libong katao nang araw na iyon. 42 Inilaan nila ang kanilang mga sarili upang matuto sa turo ng mga apostol, magsama-sama bilang magkakapatid, magsalu-salo sa pagkain ng tinapay, at manalangin.

Ang Pamumuhay ng mga Sumasampalataya

43 Dahil sa maraming himala at kababalaghang ginagawa sa pamamagitan ng mga apostol [sa Jerusalem],[a] naghari sa lahat ang takot. 44 Nagsama-sama(A) ang lahat ng sumasampalataya at ang kanilang mga ari-arian ay itinuring na para sa lahat. 45 Ipinagbili nila ang kanilang mga ari-arian at ang napagbilhan ay ipinamahagi sa bawat isa ayon sa kanyang pangangailangan. 46 Araw-araw, sila'y nagkakatipon sa Templo at nagpipira-piraso ng tinapay sa kanilang mga tahanan, na masaya at may malinis na kalooban. 47 Nagpupuri sila sa Diyos, at kinalulugdan sila ng lahat ng tao. At bawat araw ay idinaragdag sa kanila ng Panginoon ang mga inililigtas.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.