Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Mga Awit 133

Papuri sa Mapayapang Pagkakaisa

Isang Awit ng Pag-akyat upang Sumamba.

133 Napakaligaya at kahanga-hanga sa ating pangmasid,
    ang nagkakaisa't laging sama-sama na magkakapatid!
Langis ng olibo, ang nakakatulad at nakakawangis,
    sa ulo at balbas nitong si Aaron kapag ipinahid,
    umaagos ito't nababasâ pati ang suot na damit.
Katulad din nito'y hamog sa umaga, sa Bundok ng Hermon,
    hamog na dumilig sa dakong maburol na Bundok ng Zion;
sa lugar na ito, nangako si Yahweh,
    ang pangakong buhay na mananatili.

Genesis 41:14-36

14 Ipinatawag agad ng Faraon si Jose. Nang mailabas na sa bilangguan, siya'y nag-ahit, nagbihis at kaagad humarap sa hari. 15 Sinabi ng Faraon sa kanya, “Ako'y nanaginip ngunit walang makapagsabi sa akin ng kahulugan niyon. Nabalitaan kong mahusay kang magpaliwanag ng mga panaginip.”

16 “Hindi po ako ang makapagpapaliwanag, kamahalan,” sabi ni Jose. “Ang Diyos po ang siyang magbibigay ng katugunan sa inyong katanungan.”

17 Sinabi ng Faraon, “Ako raw ay nakatayo sa pampang ng Ilog Nilo. 18 May pitong magaganda at matatabang bakang umahon sa ilog at nanginain. 19 Walang anu-ano'y pitong mga payat na baka, pinakapangit na sa nakita ko sa buong Egipto, ang umahon din sa ilog. 20 Kinain ng mga payat ang matatabang baka, 21 ngunit parang walang anumang nangyari. Matapos kainin ang matataba, iyon pa rin ang ayos ng mga payat, napakapangit pa rin, at ako'y nagising. 22 Muli akong nakatulog at nanaginip na naman. May nakita akong pitong uhay sa isang puno ng trigo na hitik na hitik ng hinog na butil. 23 Sa puno ring ito, may sumibol na pitong uhay, ngunit lanta, napakapayat ng mga butil, at tinuyo ng hanging silangan. 24 Kinain ng mga payat na uhay ang matataba. Isinalaysay ko na ito sa mga salamangkero, ngunit walang makapagpaliwanag sa akin.”

25 “Iisa po ang kahulugan ng dalawa ninyong panaginip,” sabi ni Jose. “Ipinapaalam sa inyo ng Diyos kung ano ang kanyang gagawin. 26 Ang pitong matatabang baka po ay pitong taon; iyon din po ang kahulugan ng pitong uhay na matataba ang butil. 27 Ang sinasabi ninyong pitong payat na baka at ang pitong uhay na payat ang mga butil ay pitong taon ng taggutom. 28 Gaya ng sinabi ko sa inyo, iyan po ang gagawin ng Diyos. 29 Magkakaroon ng pitong taóng kasaganaan sa buong Egipto. 30 Ang kasunod naman nito'y pitong taon ng taggutom at dahil sa kapinsalaang idudulot nito, malilimutan na sa Egipto ang nagdaang panahon ng kasaganaan. 31 Mangyayari ito dahil sa katakut-takot na hirap na daranasin sa panahon ng taggutom. 32 Dalawang ulit po ang inyong panaginip, mahal na Faraon, upang ipaalam sa inyo na itinakda na ng Diyos ang bagay na ito, at malapit na niya itong isagawa.

33 “Ang mabuti po'y pumili kayo ng taong matalino at may kakayahan upang siyang mamahala sa Egipto. 34 Maglagay kayo sa buong bansa ng mga tagalikom ng ikalimang bahagi ng lahat ng aanihin sa loob ng pitong taóng kasaganaan. 35 Lahat ng inaning butil sa panahong iyon ay dapat ipunin, ikamalig sa mga lunsod at pabantayang mabuti. Bigyan ninyo ng kapangyarihan ang mga tagalikom upang maisagawa ang lahat ng ito. 36 Ang maiipong pagkain ay ilalaan para sa pitong taon ng taggutom na tiyak na darating sa Egipto. Sa gayon, hindi mamamatay sa gutom ang mga mamamayan sa buong bansa.”

Pahayag 15:1-4

Ang mga Panghuling Salot

15 Nakita ko rin sa langit ang isa pang kakaiba at kagila-gilalas na palatandaan: may pitong anghel na may dalang pitong salot. Ito ang mga panghuling salot sapagkat dito matatapos ang poot ng Diyos.

May nakita akong parang dagat na kristal na nagliliyab. Nakita ko rin ang mga nagtagumpay laban sa halimaw at sa larawan nito, at sa nagtataglay ng bilang na katumbas ng kanyang pangalan. Nakatayo sila sa tabi ng dagat na kristal, hawak ang mga alpang bigay sa kanila ng Diyos. Inaawit(A) nila ang awit ni Moises na lingkod ng Diyos, at ang awit ng Kordero:

“Panginoong Diyos na Makapangyarihan sa lahat,
    dakila at kahanga-hanga ang iyong mga gawa!
O Hari ng mga bansa[a],
    matuwid at totoo ang iyong mga paraan!
Sino(B) ang hindi matatakot sa iyo, Panginoon?
    Sino ang hindi magpupuri sa iyong pangalan?
    Ikaw lamang ang banal!
Lahat ng mga bansa ay lalapit
    at sasamba sa iyo,
    sapagkat nakita ng lahat ang matuwid mong mga gawa.”

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.