Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Panalangin Upang Tulungan ng Diyos
Isang Awit ng Pag-akyat upang Sumamba.
130 Sa gitna ng paghihirap, kay Yahweh ay dumalangin.
2 Panginoon, ako'y dinggin kapag ako'y tumataghoy,
dinggin mo ang pagtawag ko't paghingi ng iyong tulong.
3 Kung ikaw ay may talaan nitong aming kasalanan,
lahat kami ay tatanggap ng hatol mong nakalaan.
4 Ngunit iyong pinatawad, kasalanan ay nilimot,
pinatawad mo nga kami upang sa iyo ay matakot.
5 Sabik akong naghihintay, O Yahweh, sa iyong tugon,
pagkat ako'y may tiwala sa pangako mong pagtulong.
6 Yaring aking pananabik, Panginoon, ay higit pa
sa bantay na naghihintay ng pagsapit ng umaga.
7 Magtiwala ka, Israel, magtiwala ka kay Yahweh,
matatag at di kukupas ang pag-ibig niyang dulot,
lagi siyang nakahandang sa sinuman ay tumubos.
8 Ililigtas(A) ang Israel, bansang kanyang minamahal,
ililigtas niya sila sa kanilang kasalanan.
Ang Nawawalang Kopa
44 Inutusan ni Jose ang kanyang katiwala, “Punuin mo ng trigo ang kanilang mga sako at bago mo isara ay ilagay mo ang salaping ibinayad nila. 2 At sa sako ng pinakabunso, ilagay mo pa ang aking kopang pilak.” Ginawa naman ng katiwala ang iniutos sa kanya. 3 Kinabukasan, maaga pa'y umalis na ang magkakapatid, sakay ng kanilang mga asno. 4 Hindi pa sila nakakalayo sa lunsod, inutusan ni Jose ang kanyang katiwala, “Habulin mo ang mga taong iyon, at sabihin mo sa kanila, ‘Bakit naman ginantihan ninyo ng masama ang kabutihang ipinakita namin sa inyo? 5 Bakit ninyo ninakaw ang kopang pilak ng aking panginoon? Iyon ang iniinuman ng aking panginoon, at ginagamit din niya iyon sa panghuhula. Napakalaking kasalanan ang ginawa ninyong ito!’”
6 Inabutan sila ng katiwala, at gayon nga ang sinabi sa kanila. 7 Sumagot naman sila, “Ano pong ibig ninyong sabihin? Bakit kayo nagsalita ng ganyan? Ni sa isip ay hindi namin magagawa iyan! 8 Nakita naman ninyo, nakarating na kami sa Canaan, gayunma'y ibinalik pa rin namin sa inyo ang salaping nakita namin sa loob ng aming sako. Bakit kami magnanakaw ng pilak o ginto sa tahanan ng inyong panginoon? 9 Ginoo, kung makita po ninyo sa sinuman sa amin ang kopang sinasabi ninyo ay dapat mamatay, at alipinin ninyo kaming lahat.”
10 “Mabuti,” tugon ng katiwala. “Kung kanino makita ang kopa, siya ang gagawing alipin; makakalaya na ang iba.” 11 Ibinabâ nila ang kanilang mga sako at pinagbubuksan. 12 Isa-isa itong hinalughog ng katiwala mula sa pinakamatanda hanggang sa pinakabata, at natagpuan ang kopa sa sako ni Benjamin. 13 Pinunit nila ang kanilang damit sa tindi ng kalungkutan, ikinargang muli sa asno ang kanilang mga sako, at bumalik sa lunsod.
14 Nasa bahay pa si Jose nang magbalik si Juda at ang kanyang mga kapatid. Pagdating doon, sila'y yumukod sa kanyang harapan. 15 Sinabi ni Jose, “Ano itong ginawa ninyo? Hindi ba ninyo alam na marunong akong manghula? Wala kayong maitatago sa akin!”
16 “Wala na po kaming masasabi,” sagot ni Juda. “Wala po kaming maikakatuwiran sa mga pangyayari. Diyos na po ang nagbunyag ng aming pagkakasala. Kaya, hindi lamang ang kinakitaan ng kopa, kundi lahat kami'y alipin na ninyo ngayon.”
17 Sinabi ni Jose, “Hindi! Hindi ko gagawin iyon. Kung kanino nakita ang kopa, siya ang gagawin kong alipin; ang iba ay makakauwi na sa inyong ama.”
Nagmakaawa si Juda
18 Lumapit si Juda kay Jose at ang sabi, “Nakikiusap po ako, ginoo, kung inyong mamarapatin. Huwag sana ninyong ikagagalit. Ang turing ko sa inyo'y para na kayong Faraon. 19 Ginoo, tinanong ninyo kung mayroon pa kaming ama at kapatid. 20 Ang sabi po nami'y may ama kaming matanda na at bunsong kapatid na anak niya sa katandaan. Patay na ang kapatid nito at siya na lamang ang buháy na anak ng kanyang ina, kaya mahal na mahal siya ng aming ama. 21 Iniutos ninyong dalhin namin siya rito upang inyong makita. 22 Ipinaliwanag po naming mahirap ilayo sa aming ama ang bata sapagkat maaaring ikamatay niya ito. 23 Ngunit ang sabi naman ninyo'y hindi na ninyo kami tatanggapin dito kung hindi namin siya maihaharap sa inyo.
24 “Ang lahat ng ito'y sinabi namin sa aming ama nang umuwi kami. 25 Muli kaming inutusan ng aming ama na pumarito upang bumili ng kaunting pagkain. 26 Ipinaalala namin sa kanya na hindi ninyo kami tatanggapin kung hindi kasama ang bunso naming kapatid. 27 Sinabi po niya sa amin, ‘Alam naman ninyong dalawa lamang ang anak ng kanilang ina. 28 Wala na ang isa; maaaring siya'y niluray ng mabangis na hayop. 29 At kung ang natitira ay isasama pa ninyo, maaaring mamatay ako sa dalamhati.’
30 “Ang buhay po ng aming ama ay karugtong na ng buhay ng bata, kaya kung babalik kami na hindi ito kasama, 31 tiyak na siya'y mamamatay. Kapag nakita niyang hindi namin kasama ang bata, malalagutan siya ng hininga dahil sa kalungkutan. 32 Ang isa pa'y itinaya ko ang aking buhay para sa bata. Sinabi ko po na kung siya'y hindi ko maibabalik, ako ang buntunan niya ng sisi. 33 Kaya kung papayag kayo, ako na ang alipinin ninyo sa halip na itong aking bunsong kapatid. Pahintulutan na ninyong isama siya ng iba kong mga kapatid. 34 Hindi po ako makakauwi kung hindi kasama si Benjamin. Hindi ko po makakayanan ang matinding dagok na darating sa aming ama, kung iyon ang mangyayari.”
Ang Kaligtasan ng mga Hentil
13 Ito naman ang sasabihin ko sa inyo, mga Hentil. Dahil ako'y apostol para sa inyo, ipinagmamalaki ko ang aking katungkulan. 14 Ginagawa ko ito upang inggitin ang aking mga kababayang Judio, at nang sa gayon ay maligtas kahit ang ilan sa kanila. 15 Kung ang pagkatakwil sa kanila ay naging daan upang ipagkasundo sa Diyos ang sanlibutan, ang muling pagtanggap sa kanila ng Diyos ay matutulad sa muling pagkabuhay ng patay!
16 Kung banal ang unang tinapay mula sa masa ng harina, gayundin ang buong masa. At kung ang ugat ng punongkahoy ay banal, gayundin ang mga sanga nito. 17 Kung pinutol ang ilang sanga ng punong olibo, at ikaw na sanga ng olibong ligaw ang idinugtong sa puno upang makabahagi sa buhay na nanggagaling sa ugat ng punong ito, 18 huwag kang magmalaki sa mga sangang pinutol. Alalahanin mong hindi ikaw ang bumubuhay sa mga ugat; ang mga ugat ang bumubuhay sa iyo.
19 Sasabihin mo naman, “Pinutol ang mga sanga upang ako'y maidugtong.” 20 Totoo iyan. Pinutol sila dahil hindi sila sumampalataya, ngunit ikaw naman ay nananatili sa puno dahil sa iyong pananampalataya. Kaya't huwag kang magmalaki, sa halip ay matakot ka. 21 Sapagkat kung ang mga tunay na sanga ay hindi pinanghinayangan ng Diyos, ikaw pa kaya ang panghinayangan niya? 22 Dito'y nakikita natin ang kabutihan at kabagsikan ng Diyos. Naging mabagsik siya sa mga hindi sumasampalataya sa kanya, subalit mabuti siya sa inyo, kung mananatili kayo sa kanyang kabutihan. Kung hindi, kayo ma'y puputulin din. 23 Ang mga Judio'y idudugtong niyang muli sa puno kung sila ay sasampalataya, sapagkat kayang gawin iyon ng Diyos. 24 Kung ikaw na sangang galing sa olibong ligaw ay naidugtong sa tunay na olibo, kahit na ito'y salungat sa kalikasan, lalo pang madaling idugtong sa puno ang mga talagang sanga nito.
Nahahabag ang Diyos sa Lahat
25 Mga kapatid, isang hiwaga ang nais kong malaman ninyo upang hindi maging mataas ang palagay ninyo sa inyong sarili. Ang pagmamatigas ng Israel ay sa isang bahagi lamang hanggang sa mabuo ang takdang bilang ng lahat ng mga Hentil na lalapit sa Diyos. 26 Sa paraang ito, maliligtas ang buong Israel; tulad ng nasusulat:
“Magmumula sa Zion ang Tagapagligtas.
Papawiin niya ang kasamaan sa lahi ni Jacob.
27 At(A) ito ang gagawin kong kasunduan namin
kapag pinawi ko na ang kanilang mga kasalanan.”
28 Dahil tinanggihan ng mga Israelita ang Magandang Balita, sila'y naging kaaway ng Diyos, at kayong mga Hentil ang nakinabang. Ngunit dahil sa sila ang mga hinirang ng Diyos, sila'y mahal pa rin niya, alang-alang sa kanilang mga ninuno. 29 Sapagkat hindi nagbabago ng isip ang Diyos tungkol sa kanyang mga kaloob at pagtawag.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.