Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Si Jose at ang Kanyang mga Kapatid
37 Si Jacob ay nanatili sa Canaan, sa lupaing tinirhan ng kanyang ama. 2 Ito ang kasaysayan ng sambahayan ni Jacob:
Nang si Jose ay labimpitong taon na, nag-aalaga siya ng kawan kasama ng kanyang mga kapatid sa ama, ang mga anak nina Bilha at Zilpa, na mga asawang-lingkod ng kanyang ama. Alam niya ang masasamang gawain ng kanyang mga kapatid kaya't ang mga ito'y isinumbong niya sa kanilang ama.
3 Mas mahal ni Israel si Jose kaysa ibang mga anak, sapagkat matanda na siya nang ito'y isinilang. Iginawa niya ito ng damit na mahaba at may manggas.[a] 4 Nang mahalata ng mga kapatid ni Jose na mas mahal siya ng kanilang ama, kinamuhian siya ng mga ito at ayaw siyang pakisamahang mabuti.
Ipinagbili si Jose at Dinala sa Egipto
12 Isang araw, nasa Shekem ang mga kapatid ni Jose at pinapastol doon ang kawan ng kanilang ama. 13 Sinabi ni Israel kay Jose, “Gumayak ka at sumunod sa iyong mga kapatid.”
“Opo,” tugon ni Jose.
14 Sinabi pa ng kanyang ama, “Tingnan mo kung sila'y nasa mabuting kalagayan. Pagkatapos, bumalik ka agad at nang malaman ko.” Lumakad nga si Jose mula sa libis ng Hebron at nakarating sa Shekem. 15 Sa kanyang paglalakad, nakita siya ng isang lalaki at tinanong kung anong hinahanap niya.
16 “Hinahanap ko po ang aking mga kapatid na nagpapastol ng aming kawan,” sagot niya. “Saan ko po kaya sila makikita?”
17 Sinabi ng lalaki, “Umalis na sila at ang dinig ko'y sa Dotan pupunta.” Sumunod si Jose at natagpuan nga roon ang mga kapatid.
18 Malayo pa'y natanaw na siya ng mga ito. Nagkaisa silang patayin siya. 19 Sinabi nila, “Ayan na ang mahilig managinip! 20 Patayin natin siya at ihulog sa balon, at sabihing siya'y sinila ng mabangis na hayop. Tingnan natin kung ano ang mangyayari sa kanyang mga panaginip.”
21 Narinig ito ni Ruben at binalak niyang iligtas si Jose. Sabi niya, “Huwag, huwag nating patayin. 22 Huwag natin siyang pagbuhatan ng kamay; ihulog na lamang natin sa balon.” Sinabi niya ito, sapagkat ang balak niya ay iligtas ang kapatid at dalhin ito sa kanyang ama. 23 Paglapit ni Jose, hinubad nila ang mahabang damit nito na may manggas,[a] 24 at inihulog sa isang tuyong balon.
25 Habang sila'y kumakain, may natanaw silang pangkat ng mga Ismaelitang mula sa Gilead. Ang kanilang mga kamelyo ay may kargang mga gagawing pabango na dadalhin sa Egipto. 26 Sinabi ni Juda sa kanyang mga kapatid, “Wala tayong mapapala kung papatayin natin ang ating kapatid. 27 Mabuti pa'y ipagbili na lamang natin siya sa mga Ismaelita kaysa ating saktan! Siya'y kapatid din natin, laman ng ating laman at dugo ng ating dugo.” At sila'y nagkasundo. 28 Kaya't(A) nang may dumaraang mga mangangalakal na Midianita, iniahon nila si Jose at ipinagbili sa halagang dalawampung pirasong pilak. At si Jose'y dinala ng mga Ismaelita sa Egipto.
Awit sa Paggunita sa Kasaysayan ng Bansang Israel(A)
105 Dapat na si Yahweh, ating Panginoon, ay pasalamatan,
ang kanyang ginawa sa lahat ng bansa'y dapat ipaalam.
2 Siya ay purihin, handugan ng awit, ating papurihan,
ang kahanga-hangang mga gawa niya'y dapat na isaysay.
3 Tayo ay magalak yamang lahat tayo ay tunay na kanya,
ang kanyang pangalan, ang pangalang banal, napakadakila,
lahat ng may nais maglingkod kay Yahweh, dapat na magsaya.
4 Siya ay hanapin, at ang kanyang lakas ay siyang asahan,
siya ay hanapin upang mamalagi sa kanyang harapan.
5 Ating gunitain ang kahanga-hanga niyang mga gawa,
ang kanyang paghatol, gayon din ang kanyang ginawang himala.
6 Ito'y nasaksihan ng mga alipi't anak ni Abraham,
gayon din ng lahat na anak ni Jacob na kanyang hinirang.
16 Sa(A) lupain nila'y mayroong taggutom na ipinarating
itong Panginoon, kung kaya nagdahop sila sa pagkain.
17 Subalit(B) ang Diyos sa unahan nila'y may sugong lalaki,
tulad ng alipin, ibinenta nila ang batang si Jose;
18 mga(C) paa nito'y nagdanas ng hirap nang maikadena,
pinapagkuwintas ng kolyar na bakal pati leeg niya.
19 Hanggang sa dumating ang isang sandali na siya'y subukin nitong si Yahweh,
na siyang nangakong siya'y tutubusin.
20 Ang(D) ginamit ng Diyos ay isang hari upang lumaya,
pinalaya siya nitong haring ito na namamahala.
21 Doon(E) sa palasyong tahanan ng hari pinapamahala,
sa buong lupain, si Jose'y ginawa niyang katiwala.
22 Siya'ng sinusunod ng mga prinsipe doon sa palasyo,
siya ang pag-asa ng mga matandang ang gawa'y magpayo.
45 Ginawa niya ito upang ang tuntuni'y kanilang mahalin,
yaong kautusan, ang utos ni Yahweh ay kanilang sundin.
Purihin si Yahweh!
Ang Kaligtasan ay para sa Lahat
5 Ganito(A) ang isinulat ni Moises tungkol sa pagiging matuwid batay sa Kautusan, “Ang tumutupad sa Kautusan ay mabubuhay ayon dito.” 6 Ngunit(B) ganito naman ang sinasabi tungkol sa pagiging matuwid batay sa pananampalataya, “Huwag mong sabihin sa iyong sarili, ‘Sino ang aakyat sa langit?’” upang pababain si Cristo. 7 “Huwag mo ring sabihin, ‘Sino ang bababâ sa kailaliman?’” upang muling buhayin si Cristo. 8 Sapagkat ganito ang sinasabi, “Malapit sa iyo ang mensahe, nasa iyong bibig at nasa iyong puso.” Ang tinutukoy dito'y ang salitang ipinapangaral namin tungkol sa pananampalataya. 9 Kung ipahahayag ng iyong bibig na si Jesus ay Panginoon at buong puso kang sasampalataya na siya'y muling binuhay ng Diyos, maliligtas ka. 10 Sapagkat sumasampalataya ang tao sa pamamagitan ng kanyang puso at sa gayon ay itinuturing na matuwid ng Diyos. Nagpapahayag naman siya sa pamamagitan ng kanyang bibig at sa gayon ay naliligtas. 11 Sinabi(C) nga ng kasulatan, “Ang sinumang sumasampalataya sa kanya ay hindi mapapahiya.” 12 Kaya't walang pagkakaiba ang katayuan ng Judio at ng Hentil. Iisa ang Panginoon ng lahat at siya'y masaganang nagbibigay sa lahat ng tumatawag sa kanya, 13 dahil(D) sinasabi sa kasulatan, “Maliligtas ang lahat ng tumatawag sa pangalan ng Panginoon.”
14 Paano naman sila tatawag sa kanya kung hindi sila sumasampalataya? Paano sila sasampalataya kung wala pa silang napakinggan tungkol sa kanya? Paano naman sila makakapakinig kung walang mangangaral sa kanila? 15 At(E) paanong makakapangaral ang sinuman kung hindi siya isinugo? Tulad ng nasusulat, “O kay gandang pagmasdan ang pagdating ng mga nagdadala ng Magandang Balita!”
Lumakad si Jesus sa Ibabaw ng Tubig(A)
22 Agad pinasakay ni Jesus sa bangka ang mga alagad at pinauna sa kabilang ibayo. Samantala, pinauwi naman niya ang mga tao. 23 Matapos niyang paalisin ang mga ito, mag-isa siyang umakyat sa bundok upang manalangin. Nag-iisa siyang inabutan doon ng gabi. 24 Samantala, ang bangka ay nasa laot na ngunit sinasalpok ito ng mga alon dahil pasalungat ito sa hangin. 25 Nang madaling-araw na'y sumunod sa kanila si Jesus na naglalakad sa ibabaw ng tubig. 26 Kinilabutan sa takot ang mga alagad nang makita nilang may lumalakad sa ibabaw ng tubig. “Multo!” sigaw nila. 27 Ngunit nagsalita agad si Jesus at sinabi sa kanila, “Huwag kayong matakot, ako ito!”
28 Sinabi ni Pedro, “Panginoon, kung talagang ikaw nga iyan, papuntahin mo ako diyan sa kinaroroonan mo sa ibabaw ng tubig.”
29 Sumagot siya, “Halika.”
Mula sa bangka ay lumakad si Pedro sa ibabaw ng tubig papunta kay Jesus. 30 Ngunit nang mapansin niya na malakas ang hangin,[a] siya'y natakot at nagsimulang lumubog. “Panginoon, sagipin ninyo ako!” sigaw niya.
31 Agad siyang hinawakan ni Jesus. “Bakit ka nag-alinlangan? Napakaliit ng iyong pananampalataya!” sabi niya kay Pedro.
32 Pagkasakay nila sa bangka, tumigil ang hangin 33 at sinamba siya ng mga nasa bangka. “Tunay nga pong kayo ang Anak ng Diyos!” sabi nila.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.