Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Mga Awit 17:1-7

Panalangin ng Isang Walang Sala

Panalangin ni David.

17 Pakinggan mo, Yahweh, ang sigaw ng katarungan,
    dinggin mo ako sa aking kahilingan;
    dalangin ko sana'y iyong pakinggan, sapagkat labi ko nama'y hindi nanlilinlang.
Hahatol ka para sa aking panig,
    pagkat alam mo kung ano ang matuwid.

Kaibuturan ng puso ko ay iyong nababatid,
    kahit sa gabi'y ikaw sa aki'y nagmamasid.
    Siniyasat mo ako at napatunayang matuwid,
    walang kasamaan maging sa aking bibig.
Ang salita ko nga'y tapat, di tulad ng karamihan;
    tapat akong sumusunod sa utos mong ibinigay,
    ako ay umiiwas sa landas ng karahasan.
Lagi kong nilalakaran ang iyong daan,
    hindi ako lumihis doon kahit kailan.

Tumatawag ako sa iyo, O Diyos, sapagkat ako'y iyong sinasagot;
    kaya ngayo'y pakinggan mo ako at pansinin ang karaingan ko.
Ipakita mo sa akin ang kahanga-hanga mong pagmamahal,
    at ang iyong kanang kamay ang sa aki'y umalalay.

Mga Awit 17:15

15 Dahil ako'y matuwid, ang mukha mo'y makikita;
    at sa aking paggising, sa piling mo'y liligaya.

Isaias 43:1-7

Ililigtas ng Diyos ang Kanyang Bayan

43 Israel, ito ang sinasabi ni Yahweh na lumikha sa iyo,
“Huwag kang matatakot sapagkat ililigtas kita.
    Tinawag kita sa iyong pangalan, ikaw ay akin.
Kapag dumaan ka sa malalim na tubig, sasamahan kita;
    tumawid ka man sa mga ilog, hindi ka malulunod;
dumaan ka man sa apoy, hindi ka masusunog,
    hindi ka matutupok.
Sapagkat ako si Yahweh na iyong Diyos,
    ang Banal na Diyos ng Israel na iyong Tagapagligtas.
Ibibigay ko ang Egipto,
    Etiopia[a] at Sheba bilang pantubos sa iyo upang ikaw ay makalaya.
Ibibigay ko ang mga bansa para lang maligtas ka,
    sapagkat mahalaga ka sa akin;
    mahal kita, kaya't pararangalan kita.
Huwag kang matakot, sapagkat ako'y kasama mo!
Titipunin ko kayo mula sa dulong silangan hanggang sa kanluran,
    at ibabalik ko kayo sa inyong dating tahanan.
Sasabihin ko sa mga bansa sa hilaga na kayo'y palayain.
    Sasabihin ko rin sa mga bansa sa timog na huwag kayong pigilan,
hayaan ninyong magbalik ang aking bayan, mula sa malalayong dako;
    mula sa lahat ng panig ng daigdig.
Sila ang aking bayan na aking nilalang,
    upang ako'y bigyan ng karangalan.”

Mateo 15:32-39

Ang Pagpapakain sa Apat na Libo(A)

32 Tinawag ni Jesus ang kanyang mga alagad at sinabi sa kanila, “Nahahabag ako sa mga taong ito. Tatlong araw na ngayong kasama natin sila at wala na silang pagkain. Ayokong paalisin sila nang gutom, baka sila mahilo sa daan.”

33 Sinabi naman ng mga alagad, “Saan po tayo kukuha ng sapat na pagkain para sa ganito karaming tao sa ilang na ito?”

34 “Ilan ang tinapay ninyo riyan?” tanong ni Jesus sa kanila.

“Pito po, at mayroon pang ilang maliliit na isda,” sagot nila.

35 Pinaupo ni Jesus sa lupa ang mga tao. 36 Kinuha niya ang pitong tinapay at ang mga isda at nagpasalamat siya sa Diyos. Pagkatapos, pinaghati-hati niya ang mga iyon at ibinigay sa mga alagad upang ipamahagi sa mga tao. 37 Nakakain at nabusog ang lahat, at nang ipunin ng mga alagad ang tinapay na lumabis, nakapuno pa sila ng pitong kaing. 38 May apat na libong lalaki ang nakakain, bukod pa sa mga babae at mga bata.

39 Nang napauwi na ni Jesus ang mga tao, sumakay siya sa bangka at nagtungo sa lupain ng Magadan.[a]

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.