Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Mga Awit 28

Panalangin Upang Tulungan ng Diyos

Katha ni David.

28 Tagapagtanggol kong Yahweh, ako'y nananawagan,
    sana'y iyong pakinggan itong aking karaingan.
Kung katugunan ay hindi mo ibibigay,
    para na rin akong nasa daigdig ng mga patay.
Pakinggan mo sana ang paghingi ko ng saklolo,
    kapag itinataas ang kamay ko sa iyong banal na Templo.
Huwag mo akong ibilang sa mga masasama,
    na pawang kalikuan ang mga ginagawa;
    kung magsalita'y parang mga kaibigan,
    ngunit sa puso'y may pagkamuhing taglay.
Parusahan(A) mo sila sa kanilang ginagawa,
    pagkat mga gawa nila'y pawang masasama.
Parusa sa kanila'y iyong igawad,
    ibigay sa kanila ang hatol na dapat.
Mga gawa ni Yahweh ay di nila pinapansin,
    mabubuti niyang gawa'y ayaw intindihin;
kaya't sila'y kanyang pupuksain,
    at hindi na muling pababangunin.

Si Yahweh ay dapat purihin!
    Dininig niya ang aking mga daing.
Si Yahweh ang lakas ko at kalasag,
    tiwala ko'y sa kanya nakalagak.
Tinutulungan niya ako at pinasasaya,
    sa awiti'y pinasasalamatan ko siya.

Iniingatan ni Yahweh ang kanyang sambayanan;
    siya ang kanlungan ng kanyang haring hinirang.
Iligtas mo, Yahweh, ang iyong bayan,
    ang mga sa iyo, ay iyong basbasan.
Alagaan mo sila magpakailanman,
    tulad ng pastol sa kanyang kawan.

Genesis 39

Si Jose at ang Asawa ni Potifar

39 Dinala nga si Jose sa Egipto at doo'y ipinagbili siya ng mga Ismaelita kay Potifar, isang Egipcio na pinuno sa pamahalaan ng Faraon at kapitan ng mga tanod sa palasyo. Sa(A) buong panahon ng paglilingkod ni Jose sa bahay ni Potifar ay pinatnubayan siya ni Yahweh. Anumang kanyang gawin ay nagtatagumpay. Napansin ni Potifar na tinutulungan ni Yahweh si Jose, kaya ginawa niya itong katiwala sa bahay at sa lahat niyang ari-arian. Mula noon, dahil kay Jose ay pinagpala ni Yahweh ang buong sambahayan ni Potifar pati ang kanyang mga bukirin. Ipinagkatiwala ni Potifar kay Jose ang lahat, maliban sa pagpili ng kanyang kakainin.

Si Jose'y matipuno at magandang lalaki. Dumating ang panahon na pinagnasaan siya ng asawa ni Potifar. Sinabi nito, “Sipingan mo ako.”

Tumanggi si Jose at ang sabi, “Panatag po ang kalooban ng aking panginoon sapagkat ako'y narito. Ginawa niya akong katiwala, at ipinamahala niya sa akin ang lahat sa bahay na ito, maliban sa inyo na kanyang asawa. Hindi ko po magagawa ang ganyan kalaking kataksilan at pagkakasala sa Diyos.” 10 Hindi pinapansin ni Jose ang babae kahit araw-araw itong nakikiusap na sumiping sa kanya.

11 Ngunit isang araw, nasa bahay si Jose upang gampanan ang kanyang tungkulin. Nagkataong wala roon ang ibang mga utusan. 12 Walang anu-ano'y hinablot ng babae ang kanyang balabal at sinabi, “Halika't sipingan mo na ako!” Patakbo siyang lumabas ngunit naiwan ang kanyang balabal sa babae. 13 Sa pangyayaring ito, 14 nagsisigaw ito at tinawag ang mga katulong na lalaki, “Tingnan ninyo! Dinalhan tayo ng asawa ko ng Hebreong ito para hamakin tayo. Sukat ba namang pasukin ako sa aking silid at gusto akong pagsamantalahan! Mabuti na lamang at ako'y nakasigaw. 15 Pagsigaw ko'y kumaripas siya ng takbo, at naiwan sa akin ang kanyang damit.”

16 Itinago niya ang balabal ni Jose hanggang sa dumating ang asawa. 17 Sinabi niya rito, “Ang Hebreong dinala mo rito'y bigla na lamang pumasok sa aking silid at gusto akong pagsamantalahan. 18 Nang ako'y sumigaw, kumaripas ng takbo at naiwan sa akin ang kanyang balabal.”

19 Nagalit si Potifar nang marinig ang sinabi ng asawa, 20 kaya't ipinahuli niya si Jose at isinama sa mga bilanggong tauhan ng Faraon. 21 Ngunit(B) si Jose ay hindi pinabayaan ni Yahweh. Ang bantay ng bilangguan ay naging napakabait sa kanya. 22 Si Jose ay ginawa niyang tagapamahala ng lahat ng mga bilanggo, at siya ang tanging nagpapasya kung ano ang gagawin sa loob ng bilangguan. 23 Hindi na halos nakikialam ang bantay ng bilangguan sa ginagawa ni Jose, sapagkat si Yahweh ay kasama nito at pinagtatagumpay siya sa lahat niyang gawain.

Roma 9:14-29

14 Masasabi ba nating hindi makatarungan ang Diyos dahil dito? Hinding-hindi! 15 Sapagkat(A) ganito ang sabi niya kay Moises, “Mahahabag ako sa nais kong kahabagan at maaawa ako sa nais kong kaawaan.” 16 Maliwanag kung gayon, na ang pasya ng Diyos ay nababatay sa kanyang habag, at hindi sa kagustuhan o pagsisikap ng tao. 17 Sapagkat(B) ayon sa kasulatan ay sinabi niya sa hari ng Egipto, “Ginawa kitang hari upang sa pamamagitan mo'y maipakita ko ang aking kapangyarihan, at maipahayag ang aking pangalan sa buong daigdig.” 18 Kaya nga't kinahahabagan ng Diyos ang sinumang nais niyang kahabagan, at pinagmamatigas ang nais niyang maging matigas ang ulo.

Ang Poot at Habag ng Diyos

19 Sasabihin mo naman sa akin, “Kung gayon, bakit pa sinisisi ng Diyos ang tao? Sino ba ang makakasalungat sa kanyang kalooban?” 20 Tao(C) ka lamang, sino kang mangangahas na sumagot nang ganoon sa Diyos? Masasabi kaya ng isang hinuhubog sa kanyang manghuhubog, “Bakit ninyo ako ginawang ganito?” 21 Wala(D) bang karapatan ang gumagawa ng palayok na bumuo ng mamahalin o mumurahing sisidlan mula sa iisang tumpok ng putik?

22 Kaya,(E) kahit nais nang ipakita noon ng Diyos ang kanyang poot at ipakilala ang kanyang kapangyarihan, buong tiyaga pa rin niyang pinagtiisan ang mga taong dapat sana'y parusahan at lipulin. 23 Ginawa niya iyon upang ipakilala ang kanyang walang kapantay na kadakilaan sa mga taong kanyang kinahabagan, na noong una pa'y inihanda na niya para sa kaluwalhatian. 24 Tayo ang mga taong iyon na tinawag niya hindi lamang mula sa mga Judio subalit mula rin sa mga Hentil. 25 Ganito(F) ang sinasabi niya sa aklat ni Oseas,

“Ang dating hindi ko bayan
    ay tatawaging ‘Bayan ko,’
at ang dating hindi ko mahal
    ay tatawaging ‘Mahal ko.’
26 At(G) sa lugar kung saan sinabing ‘Kayo'y hindi ko bayan,’
    sila'y tatawaging mga anak ng Diyos na buháy.”

27 Ito(H) naman ang ipinahayag ni Isaias tungkol sa Israel, “Kahit na maging kasindami ng buhangin sa dagat ang bilang ng mga anak ni Israel, kaunti lamang ang matitira sa kanila na maliligtas. 28 Sapagkat mahigpit at mabilis na hahatulan ng Panginoon ang daigdig.” 29 Si(I) Isaias din ang nagsabi, “Kung ang Makapangyarihang Panginoon ay hindi nagtira ng ilan sa ating lahi, tayo sana'y naging katulad ng Sodoma at Gomorra.”

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.