Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Ang Diyos ang Tagapagtanggol ng Kanyang Bayan
Isang Awit ng Pag-akyat upang Sumamba; katha ni David.
124 Ano kaya't kung si Yahweh ay di pumanig sa atin;
O Israel, ano kaya yaong iyong sasabihin?
2 “Kung ang Diyos na si Yahweh, sa amin ay di pumanig,
noong kami'y salakayin ng kaaway na malupit,
3 maaaring kami noon ay nilamon na nang buháy
sa silakbo ng damdamin at ng galit na sukdulan.
4 Maaaring kami noo'y natangay na niyong agos,
naanod sa karagata't tuluy-tuloy na nalunod;
5 sa lakas ng agos noo'y nalunod nga kaming lubos.
6 Tayo ay magpasalamat, si Yahweh ay papurihan,
pagkat tayo'y iniligtas sa malupit na kaaway.
7 Ang katulad nati'y ibong sa bitag ay nakatakas;
lubos tayong nakalaya nang ang bitag ay mawasak.
8 Tulong nating kailangan ay kay Yahweh nagmumula,
pagkat itong lupa't langit tanging siya ang lumikha.
Binigyan ni Jose ng Kapanatagan ang mga Kapatid
15 Mula nang mamatay ang kanilang ama, nag-alala na ang mga kapatid ni Jose. Sabi nila, “Paano kung galit pa sa atin si Jose at gantihan tayo sa kalupitang ginawa natin sa kanya?” 16 Nagpasugo sila kay Jose at ipinasabi ang ganito: “Bago namatay ang ating ama, ipinagbilin niya na sabihin ito sa iyo, 17 ‘Nakikiusap ako na patawarin mo na ang iyong mga kapatid sa ginawa nila sa iyo.’ Kaya naman ngayon, nagsusumamo kami sa iyo na patawarin mo kaming mga lingkod ng Diyos ng iyong ama.” Napaiyak si Jose nang marinig ito.
18 Lumapit lahat ang kanyang mga kapatid at yumuko sa harapan niya. “Kami'y mga alipin mo,” wika nila.
19 Ngunit sinabi ni Jose, “Huwag kayong matakot! Maaari ko bang palitan ang Diyos? 20 Masama nga ang inyong ginawa sa akin, subalit ipinahintulot iyon ng Diyos para sa kabutihan, at dahil doo'y naligtas ang marami ngayon. 21 Kaya, huwag na kayong mag-alala. Ako ang bahala sa inyo at sa inyong mga anak.” Napanatag ang kanilang kalooban sa mga sinabing ito ni Jose.
Ang Pagkamatay ni Jose
22 Nanatili nga si Jose sa Egipto kasama ang kanyang mga kapatid. Umabot siya ng 110 taon bago namatay. 23 Inabot pa siya ng mga apo ni Efraim, gayundin ng mga apo niya kay Maquir na anak ni Manases. 24 Sinabi niya sa kanyang mga kapatid, “Malapit na akong mamatay, ngunit huwag kayong mag-alala. Iingatan kayo ng Diyos at ibabalik sa lupaing ipinangako niya kina Abraham, Isaac at Jacob.” 25 Pagkatapos,(A) ipinagbilin niya sa mga Israelita ang gagawin sa kanyang bangkay. Wika niya, “Isumpa ninyo sa akin na kapag kayo'y inilabas na ng Diyos sa lupaing ito, dadalhin ninyo ang aking mga buto.” 26 Namatay nga si Jose sa gulang na 110 taon. Siya'y inembalsamo sa Egipto at inilagay sa isang kabaong.
Ang Pampaalsang Ginagamit ng mga Pariseo at mga Saduseo(A)
5 Nang tumawid sa ibayo ang mga alagad, nakalimutan nilang magdala ng tinapay. 6 Sinabi(B) ni Jesus sa kanila, “Mag-ingat kayo sa pampaalsang kinakalat ng mga Pariseo at mga Saduseo.”
7 Nag-usap-usap ang mga alagad, “Wala kasi tayong dalang tinapay, kaya sinabi niya iyon.”
8 Alam ni Jesus ang pinag-uusapan nila kaya't sila'y tinanong, “Bakit ninyo pinag-uusapang wala kayong dalang tinapay? Napakaliit ng inyong pananampalataya! 9 Hindi(C) pa ba ninyo nauunawaan hanggang ngayon? Nakalimutan na ba ninyo ang limang tinapay na pinaghati-hati para sa limanlibong tao? Ilang kaing na tinapay ang lumabis? 10 Gayundin(D) ang pitong tinapay para sa apat na libo. Ilang kaing na tinapay ang lumabis? 11 Hindi tungkol sa tinapay ang sinasabi ko nang sabihin ko sa inyong mag-ingat kayo sa pampaalsang kinakalat ng mga Pariseo at mga Saduseo! Hindi ba ninyo maunawaan ito?” 12 At naunawaan nila na sila'y pinag-iingat niya sa mga katuruan ng mga Pariseo at mga Saduseo, at hindi sa pampaalsang ginagamit sa tinapay.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.