Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Panalangin Upang Tulungan ng Diyos
Isang Awit ng Pag-akyat upang Sumamba.
130 Sa gitna ng paghihirap, kay Yahweh ay dumalangin.
2 Panginoon, ako'y dinggin kapag ako'y tumataghoy,
dinggin mo ang pagtawag ko't paghingi ng iyong tulong.
3 Kung ikaw ay may talaan nitong aming kasalanan,
lahat kami ay tatanggap ng hatol mong nakalaan.
4 Ngunit iyong pinatawad, kasalanan ay nilimot,
pinatawad mo nga kami upang sa iyo ay matakot.
5 Sabik akong naghihintay, O Yahweh, sa iyong tugon,
pagkat ako'y may tiwala sa pangako mong pagtulong.
6 Yaring aking pananabik, Panginoon, ay higit pa
sa bantay na naghihintay ng pagsapit ng umaga.
7 Magtiwala ka, Israel, magtiwala ka kay Yahweh,
matatag at di kukupas ang pag-ibig niyang dulot,
lagi siyang nakahandang sa sinuman ay tumubos.
8 Ililigtas(A) ang Israel, bansang kanyang minamahal,
ililigtas niya sila sa kanilang kasalanan.
Nagbalik kay Jose ang Magkakapatid
43 Lalong tumindi ang taggutom sa Canaan. 2 Nang maubos na ng pamilya ni Jacob ang pagkaing binili sa Egipto, sinabi niya sa kanyang mga anak, “Bumili uli kayo kahit kaunting pagkain sa Egipto.”
3 Sinabi ni Juda sa kanya, “Mahigpit po ang bilin sa amin ng gobernador doon na huwag na kaming magpapakita sa kanya kung hindi namin kasama ang kapatid naming bunso. 4 Kung pasasamahin ninyo siya, bibili po kami ng pagkain doon. 5 Kung hindi ninyo pahihintulutan, hindi po kami maaaring humarap sa gobernador.”
6 Sinabi ni Israel, “Bakit kasi sinabi ninyong mayroon pa kayong ibang kapatid? Ako ang pinahihirapan ninyo sa nangyayaring ito.”
7 Nagpaliwanag sila, “Inusisa pong mabuti ang ating pamilya. Itinanong sa amin kung mayroon pa kaming ama at iba pang kapatid. Sinagot po lamang namin ang kanyang mga tanong. Hindi po namin alam na pati si Benjamin ay pipiliting iharap namin sa kanya.”
8 Kaya sinabi ni Juda kay Israel, “Ama, mamamatay tayo sa gutom. Pasamahin na ninyo si Benjamin at nang makaalis na kami. 9 Itinataya ko ang aking buhay para sa kanya. Ako po ang bahala sa kanya. Kung hindi ko siya maibalik nang buháy, ako ang buntunan ninyo ng lahat ng sisi. 10 Kung hindi ninyo kami pinaghintay nang matagal, marahil ay nakadalawang balik na kami ngayon.”
11 Sinabi ni Israel, “Kung iyon ang mabuti, sige, payag na ako. Ngunit magdala kayo ng handog sa gobernador, kaunting balsamo, pulot-pukyutan, astragalo, laudano, alponsigo at almendra. 12 Doblehin ninyo ang dalang salapi, sapagkat kailangan ninyong ibalik ang salaping nailagay sa inyong mga sako. Maaaring isang pagkakamali lamang iyon. 13 Isama na ninyo ang inyong kapatid at lumakad na kayo. 14 Loobin nawa ng Makapangyarihang Diyos na kahabagan kayo ng taong iyon upang mabalik sa akin si Simeon at si Benjamin. Kung hindi man sila maibalik, handa na ang loob ko.”
15 Nagdala nga sila ng mga kaloob at salaping dapat dalhin, at nagbalik sa Egipto, kasama si Benjamin. 16 Nang makita ni Jose si Benjamin, iniutos niya sa aliping namamahala sa kanyang tahanan, “Isama mo sila sa bahay. Sila'y kasalo ko mamayang pananghalian. Magkatay ka ng hayop at iluto mo.” 17 Sinunod ng alipin ang utos ni Jose at isinama ang magkakapatid.
18 Natakot sila nang sila'y dalhin sa bahay ni Jose. Sa loob-loob nila, “Marahil, dinala tayo rito dahil sa salaping ibinalik sa ating mga sako nang una tayong pumarito. Maaaring bigla na lamang tayong dakpin, kunin ang ating mga asno, at tayo'y gawing mga alipin.”
19 Kaya't nilapitan nila ang katiwala ni Jose at kinausap sa may pintuan ng bahay nito. 20 Sinabi nila, “Ginoo, galing na po kami ritong minsan at bumili ng pagkain. 21 Nang kami'y nagpapahinga sa daan, binuksan namin ang aming mga sako at nakita sa loob ang lahat ng salaping ibinayad namin sa pagkain. Heto po't dala namin para ibalik sa inyo. 22 May dala po kaming bukod na pambili ng pagkain. Hindi po namin alam kung sino ang naglagay ng mga salaping iyon sa mga sako namin.”
23 “Huwag kayong mag-alaala,” sabi ng alipin. “Huwag kayong matakot. Ang inyong Diyos na siya ring Diyos ng inyong ama ang naglagay ng salaping iyon. Tinanggap ko na ang inyong kabayaran sa binili ninyong una.” Pagkatapos ay inilabas ng katiwala si Simeon at isinama sa kanila.
24 Sila'y pinapasok ng katiwala sa bahay ni Jose, pinaghugas ng mga paa, at pinakain ang kanilang mga asno. 25 Pagkatapos, inilabas ng magkakapatid ang kanilang handog para ipagkaloob kay Jose pagdating nito. Narinig nilang doon sila magsasalu-salo. 26 Pagdating ni Jose, yumukod silang lahat sa kanyang harapan at ibinigay ang dala nilang handog. 27 Kinumusta sila ni Jose at pagkatapos ay tinanong, “Kumusta naman ang inyong ama? Malakas pa ba siya?”
28 “Ginoo, buháy pa po siya at malakas,” tugon nila. At sila'y lumuhod at yumukod muli sa harapan niya.
29 Pagkakita ni Jose kay Benjamin, siya ay nagtanong, “Ito ba ang sinasabi ninyong bunsong kapatid? Pagpalain ka ng Diyos, anak!” 30 Hindi mapaglabanan ni Jose ang kanyang damdamin, at halos siya'y mapaiyak dahil sa pagkakita sa kanyang kapatid. Kaya't siya'y pumasok sa kanyang silid at doon umiyak. 31 Nang mapayapa na niya ang kanyang kalooban, naghilamos siya, lumabas, at nagpahain ng pagkain. 32 Si Jose ay ipinaghaing mag-isa sa isang mesa, at ang kanyang mga kapatid ay sa ibang mesa. Magkakasalo naman ang mga Egipcio, sapagkat ikinahihiya nilang makasalo ang mga Hebreo. 33 Kaharap ni Jose ang kanyang mga kapatid na sunud-sunod ang pagkaupo ayon sa gulang. Nagkatinginan sila at takang-taka sa gayong pagkakaayos ng kanilang upô. 34 Idinudulot mula sa mesa ni Jose ang pagkain nila, at limang beses ang dami ng pagkaing idinulot kay Benjamin. Masaya silang kumain at nag-inuman.
Ang Pagpupulong sa Jerusalem
15 May(A) dumating doon na ilang taong mula sa Judea at nagturo sa mga kapatid, “Kapag hindi kayo nagpatuli ayon sa kaugaliang itinuturo ni Moises, hindi kayo maliligtas.”
2 Mahigpit itong tinutulan nina Pablo at Bernabe at naging mainitan ang kanilang pagtatalo. Kaya't napagpasyahang papuntahin sa Jerusalem sina Pablo at Bernabe at ilan pang kapatid na taga-Antioquia, upang ang suliraning ito ay isangguni sa mga apostol at sa matatandang pinuno ng iglesya.
3 Isinugo nga sila ng iglesya at pagdaan nila sa Fenicia at Samaria, ibinalita nila roon na marami nang mga Hentil ang nahikayat sa pananampalataya. Ito nama'y labis na ikinagalak ng mga kapatid. 4 Pagdating nila sa Jerusalem, malugod silang tinanggap ng mga apostol, ng mga matatandang pinuno, at ng buong iglesya. Isinalaysay nila ang lahat ng ginawa ng Diyos sa pamamagitan nila. 5 Ngunit tumayo naman ang ilang mananampalatayang kabilang sa pangkat ng mga Pariseo at kanilang sinabi, “Kailangang tuliin at utusang tumupad sa Kautusan ni Moises ang mga Hentil na sumasampalataya.”
6 Nagpulong ang mga apostol at ang matatandang namumuno sa iglesya upang pag-aralan ang suliraning ito. 7 Pagkatapos(B) ng mahabang pagtatalo, tumayo si Pedro at nagsalita, “Mga kapatid, nalalaman ninyo na noong mga nakaraang araw, hinirang ako ng Diyos upang mangaral ng Magandang Balita sa mga Hentil, at sila naman ay sumampalataya. 8 Ang(C) Diyos na nakakasaliksik ng puso ang nagpatotoo na sila'y tinatanggap niya nang ipagkaloob niya sa kanila ang Espiritu Santo tulad ng pagkakaloob niya sa atin. 9 Walang pagkakaiba ang pagtingin ng Diyos sa kanila at sa atin; nilinis din niya ang kanilang puso sa pamamagitan ng kanilang pananampalataya. 10 Bakit sinusubok ninyo ang Diyos? Bakit ninyo iniaatang sa mga mananampalataya ang isang pasaning hindi nakayang dalhin ng ating mga ninuno at hindi rin natin kayang pasanin? 11 Sumasampalataya tayo na tayo'y maliligtas sa pamamagitan ng kagandahang-loob ng Panginoong Jesus at gayundin sila.”
12 Tumahimik ang buong kapulungan at nakinig sila habang isinasalaysay nina Bernabe at Pablo ang mga himalang ginawa ng Diyos sa mga Hentil sa pamamagitan nila.
13 Pagkatapos, si Santiago naman ang nagsalita, “Mga kapatid, makinig kayo sa akin. 14 Katatapos pa lamang isalaysay ni Simon kung paano unang ipinamalas ng Diyos ang kanyang pagkalinga sa mga Hentil upang mula sa kanila ay may mga mapabilang sa kanyang bayan. 15 Ito ay sumasang-ayon sa ipinahayag ng mga propeta, tulad ng nasusulat,
16 ‘Pagkatapos(D) nito ay babalik ako,
at muli kong itatayo ang bumagsak na kaharian ni David.
Muli ko itong ibabangon mula sa kanyang pagkaguho,
17 upang ang Panginoon ay hanapin ng iba pang mga tao,
ng lahat ng mga Hentil na tinawag ko upang maging akin.
18 Ganoon ang sinabi ng Panginoon na nagpahayag ng mga bagay na ito mula pa noong una.’”
19 Nagpatuloy si Santiago, “Kaya't ang pasya ko'y huwag nating pahirapan ang mga Hentil na lumalapit sa Diyos. 20 Sa(E) halip, sulatan natin sila na huwag kumain ng anumang inihandog sa diyus-diyosan, huwag makikiapid, at huwag kakain ng hayop [na binigti][a] at ng dugo. 21 Sapagkat mula pa noong unang panahon, ang Kautusan ni Moises ay binabasa na sa mga sinagoga tuwing Araw ng Pamamahinga at ang aral niya ay itinuturo sa bawat bayan.”
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.