Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Salmo 104:24-34

24 Kay dami ng inyong mga ginawa, Panginoon.
    Nilikha nʼyo ang lahat ayon sa inyong karunungan.
    Ang buong mundo ay puno ng inyong nilikha.
25 Ang dagat ay napakalawak,
    at hindi mabilang ang inyong mga nilalang dito, may malalaki at maliliit.
26 Ang mga barko ay parooʼt parito sa karagatan,
    at doon din lumalangoy-langoy ang nilikha nʼyong dragon na Leviatan.
27 Lahat ng inyong nilikha ay umaasa sa inyo ng kanilang pagkain, sa oras na kanilang kailanganin.
28 Binibigyan nʼyo sila ng pagkain at kinakain nila ito,
    at silaʼy nabubusog.
29 Ngunit kung pababayaan nʼyo sila, matatakot sila;
    at kapag binawi nʼyo ang kanilang buhay, silaʼy mamamatay at babalik sa lupa.
30 Nalilikha sila kapag binigyan mo ng hininga,
    at sa ganoong paraan, binibigyan nʼyo ng bagong nilalang ang mundo.

31 Panginoon, sana ay magpatuloy ang inyong kaluwalhatian magpakailanman.
    Sanaʼy magalak kayo sa lahat ng inyong nilikha.
32 Nayayanig ang mundo kapag inyong tinitingnan.
    Kapag hinipo nʼyo ang bundok, itoʼy umuusok.

33 Aawit ako sa Panginoon habang nabubuhay.
    Aawit ako ng papuri sa aking Dios habang may hininga.
34 Sanaʼy matuwa siya sa aking pagbubulay-bulay.
    Akoʼy magagalak sa Panginoon.

Salmo 104:35

35 Lipulin sana ang masasama, at ang mga makasalanan sa mundo ay tuluyan nang mawala.
    Pupurihin ko ang Panginoon.

    Purihin ang Panginoon!

Isaias 44:1-4

Ang Panginoon Lamang ang Dios

44 “Pero ngayon, makinig ka, O Israel na aking lingkod, ang mga mamamayan na aking pinili, na mga lahi ni Jacob. Ako, ang Panginoon, na lumikha at tumutulong sa iyo. Huwag kang matakot, ikaw na aking lingkod at pinili ko. Sapagkat binigyan kita ng tubig na pamatid uhaw at babasa sa iyong lupang tigang. Ibibigay ko ang aking Espiritu sa iyong lahi at pagpapalain ko sila. Lalago sila na parang halaman na nasa tabi ng masaganang tubig o mga puno sa tabi ng ilog.

Galacia 6:7-10

Huwag ninyong linlangin ang inyong sarili. Ang Dios ay hindi madadaya ninuman. Kung ano ang itinanim ng tao, iyon din ang kanyang aanihin. Kung ang ninanasa ng laman ang sinusunod ng isang tao, kamatayan ang aanihin niya. Pero kung ang Banal na Espiritu ang sinusunod ng isang tao, matatanggap niya mula sa Espiritu ang buhay na walang hanggan. Kaya huwag tayong magsasawa sa paggawa ng mabuti, dahil sa tamang panahon matatanggap natin ang ating gantimpala kung hindi tayo susuko. 10 Kaya nga sa tuwing may pagkakataon, gumawa tayo ng kabutihan sa lahat ng tao, lalo na sa mga kapatid natin sa pananampalataya.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®