Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Salmo 104:24-34

24 Kay dami ng inyong mga ginawa, Panginoon.
    Nilikha nʼyo ang lahat ayon sa inyong karunungan.
    Ang buong mundo ay puno ng inyong nilikha.
25 Ang dagat ay napakalawak,
    at hindi mabilang ang inyong mga nilalang dito, may malalaki at maliliit.
26 Ang mga barko ay parooʼt parito sa karagatan,
    at doon din lumalangoy-langoy ang nilikha nʼyong dragon na Leviatan.
27 Lahat ng inyong nilikha ay umaasa sa inyo ng kanilang pagkain, sa oras na kanilang kailanganin.
28 Binibigyan nʼyo sila ng pagkain at kinakain nila ito,
    at silaʼy nabubusog.
29 Ngunit kung pababayaan nʼyo sila, matatakot sila;
    at kapag binawi nʼyo ang kanilang buhay, silaʼy mamamatay at babalik sa lupa.
30 Nalilikha sila kapag binigyan mo ng hininga,
    at sa ganoong paraan, binibigyan nʼyo ng bagong nilalang ang mundo.

31 Panginoon, sana ay magpatuloy ang inyong kaluwalhatian magpakailanman.
    Sanaʼy magalak kayo sa lahat ng inyong nilikha.
32 Nayayanig ang mundo kapag inyong tinitingnan.
    Kapag hinipo nʼyo ang bundok, itoʼy umuusok.

33 Aawit ako sa Panginoon habang nabubuhay.
    Aawit ako ng papuri sa aking Dios habang may hininga.
34 Sanaʼy matuwa siya sa aking pagbubulay-bulay.
    Akoʼy magagalak sa Panginoon.

Salmo 104:35

35 Lipulin sana ang masasama, at ang mga makasalanan sa mundo ay tuluyan nang mawala.
    Pupurihin ko ang Panginoon.

    Purihin ang Panginoon!

Isaias 32:11-17

11 Matagal na kayong nakatambay at walang pakialam. Ngayon manginig na kayo sa takot. Hubarin ninyo ang inyong mga damit at magbigkis ng sako sa inyong baywang. 12 Dagukan ninyo ang inyong dibdib sa kalungkutan dahil sa mangyayari sa inyong masaganang bukirin at mabungang ubasan. 13 Ang lupain ng aking mga mamamayan ay tutubuan ng mga damo at matitinik na halaman, at mawawala ang masasayang tahanan at lungsod. 14 Ang mataong lungsod at ang matibay na bahagi nito ay hindi na titirhan. Ang burol at ang bantayang tore nito ay magiging parang ilang magpakailanman. Itoʼy magiging tirahan ng mga maiilap na asno at pastulan ng mga tupa. 15 Mangyayari ito hanggang sa ipadala sa atin ang Espiritu mula sa langit. Kung magkagayon, ang ilang ay magiging matabang lupain at ang matabang lupain ay magiging kagubatan. 16 Lalaganap ang katarungan at katuwiran sa ilang at matabang lupain. 17 At ang bunga ng katuwiran ay ang mabuting kalagayan, kapayapaan, at kapanatagan magpakailanman.

Galacia 5:16-25

Ang Pamumuhay sa Banal na Espiritu

16 Kaya mamuhay kayo nang ayon sa nais ng Banal na Espiritu para hindi ninyo mapagbigyan ang pagnanasa ng laman. 17 Sapagkat ang ninanasa ng laman ay laban sa nais ng Espiritu, at ang nais ng Espiritu ay laban sa ninanasa ng laman. Magkalaban ang dalawang ito, kaya hindi ninyo magawa ang gusto ninyong gawin. 18 Ngunit kung nagpasakop na kayo sa Banal na Espiritu, hindi na kayo sakop ng Kautusan.

19 Ang mga taong sumusunod sa ninanasa ng laman ay makikilala sa gawa nila: sekswal na imoralidad, kalaswaan, kahalayan, 20 pagsamba sa mga dios-diosan, pangkukulam, pagkapoot, pag-aaway-away, pagkasakim,[a] pagkagalit, pagkakawatak-watak, pagkakahati-hati, 21 pagkainggit, paglalasing, pagkahilig sa kalayawan, at iba pang kasamaan. Binabalaan ko kayo tulad ng ginawa ko na noon: Ang mga namumuhay nang ganito ay hindi mapapabilang sa kaharian ng Dios.

22 Ngunit ito ang bungang makikita sa taong namumuhay sa kapangyarihan ng Banal na Espiritu: pag-ibig, kagalakan, kapayapaan, pagtitiis, kabutihan, kagandahang-loob, katapatan, 23 kahinahunan, at pagpipigil sa sarili. Kung ganito ang pamumuhay natin hindi natin malalabag ang mga utos ng Dios. 24 Ipinako na ng mga nakay Cristo ang pagnanasa at masasamang hangarin ng kanilang laman doon sa krus. 25 At dahil nga namumuhay na tayo sa kapangyarihan ng Banal na Espiritu, magpatuloy tayo sa patnubay nito.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®