Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Salmo 23

Ang Panginoon ay Tulad ng Isang Pastol

23 Ang Panginoon ang aking pastol,
    hindi ako magkukulang ng anuman.
Tulad ng tupa, pinagpapahinga niya ako sa masaganang damuhan,
    patungo sa tahimik na batisan akoʼy kanyang inaakay.
Panibagong kalakasan akoʼy kanyang binibigyan.
    Pinapatnubayan niya ako sa tamang daan,
    upang siyaʼy aking maparangalan.

Kahit dumaan ako sa pinakamadilim na libis, hindi ako matatakot
    dahil kayo ay aking kasama.
    Ang dala nʼyong pamalo[a] ang sa akin ay nag-iingat;
    ang inyo namang tungkod ang gumagabay at nagpapagaan sa aking kalooban.
Ipinaghanda nʼyo ako ng piging sa harap ng aking mga kaaway.
    Pinahiran nʼyo ng langis ang aking ulo, tanda ng inyong pagtanggap at parangal sa akin.
    At hindi nauubusan ng laman ang aking inuman.
Tiyak na ang pag-ibig at kabutihan nʼyo ay mapapasaakin habang akoʼy nabubuhay.
    At titira[b] ako sa bahay nʼyo,[c] Panginoon, magpakailanman.

Ezekiel 11

Ang Parusa ng Dios sa Jerusalem

11 Pagkatapos, dinala ako ng Espiritu sa templo ng Panginoon, sa may pintuan na nakaharap sa silangan. May 25 tao roon, dalawa sa kanila ay sina Jaazania na anak ni Azur at Pelatia na anak ni Benaya na mga tagapamahala ng mga tao. Sinabi sa akin ng Panginoon, “Anak ng tao, sila ang mga taong nagpaplano at nagpapayo ng masama sa lungsod na ito. Sinasabi nila, ‘Hindi baʼt malapit na ang panahon para magtayo ng mga bahay? Ang lungsod natin ay katulad ng kaldero at tayo naman ay parang mga karne sa loob na hindi masusunog ng apoy.’ Kaya anak ng tao, magsalita ka laban sa kanila.”

Pagkatapos, nilukuban ako ng Espiritu ng Panginoon at inutusang sabihin ito: “Ito ang sinasabi ng Panginoon sa inyo mga mamamayan ng Israel: Alam ko kung ano ang sinasabi at iniisip ninyo. Marami kayong pinatay sa lungsod na ito at nagkalat ang mga bangkay sa lansangan. Kaya ako, ang Panginoong Dios, ang nagsasabi nito sa inyo: Ang lungsod na ito ay natulad sa kaldero, at ang mga bangkay na inyong kinalat sa lungsod ay ang nagsilbing karne. At kayo naman ay papalayasin ko sa lungsod na ito. Natatakot kayo sa digmaan[a] pero ipapalasap ko ito sa inyo. Ako, ang Panginoong Dios, ang nagsasabi nito. Palalayasin ko kayo sa lungsod na ito at ipapabihag sa mga dayuhan at uudyukan ko silang parusahan kayo. 10 Mamamatay kayo sa digmaan at hahatulan ko kayo hanggang sa mga hangganan ng Israel at malalaman ninyong ako ang Panginoon. 11 Ang lungsod na itoʼy hindi magiging tulad ng kaldero para sa inyo, at kayoʼy hindi magiging tulad ng karne sa loob nito. Sapagkat hahatulan ko kayo hanggang sa hangganan ng Israel. 12 At malalaman ninyo na ako ang Panginoon. Gagawin ko ito dahil hindi ninyo sinunod ang mga utos at tuntunin ko. Sa halip, sinunod ninyo ang tuntunin ng ibang bansa sa palibot ninyo.”

13 Habang sinasabi ko ang ipinasasabi ng Dios, namatay si Pelatia na anak ni Benaya. Nagpatirapa ako at sumigaw, “O Panginoong Dios, uubusin ba ninyo ang lahat ng natitirang mga Israelita?” 14 Sinabi sa akin ng Panginoon, 15 “Anak ng tao, ang mga natitira sa Jerusalem ay nagsabi ng ganito tungkol sa kapwa nila Israelitang binihag. ‘Malayo sila sa Panginoon, kaya sa atin na ibinigay ng Panginoon ang lupaing ito.’

16 “Kaya sabihin mo sa mga kasamahan mong bihag na ako, ang Panginoong Dios, ay nagsasabi ‘Kahit ipinabihag ko kayo at ipinangalat sa ibaʼt ibang bansa, kasama nʼyo pa rin ako sa mga lugar na iyon. 17 Kaya ako, ang Panginoong Dios, ay nagsasabing muli ko kayong titipunin mula sa mga bansa kung saan kayo nangalat at ibibigay kong muli sa inyo ang lupain ng Israel. 18 At sa inyong pagbabalik, alisin ninyo ang lahat ng kasuklam-suklam na dios-diosan. 19 Babaguhin ko ang inyong puso at pag-iisip nang hindi na kayo maging masuwayin kundi maging masunurin at tapat sa akin. 20 Tutuparin na ninyo ang mga utos koʼt mga tuntunin. Magiging mga mamamayan ko kayo at akoʼy magiging Dios ninyo. 21 Pero ang mga sumasamba sa mga kasuklam-suklam na dios-diosan ay parurusahan ko ayon sa mga ginawa nila. Ako, ang Panginoong Dios, ang nagsasabi nito.’ ”

22 Pagkatapos, lumipad ang mga kerubin kasama ang mga gulong sa gilid nila at ang makapangyarihang presensya ng Dios ng Israel ay nasa itaas nila. 23 At pumailanlang ito mula sa lungsod at bumaba sa bundok, sa silangan ng lungsod. 24 Pagkatapos, nakita ko sa pangitaing ibinigay sa akin ng Espiritu ng Dios, na ibinalik ako sa mga bihag doon sa Babilonia. Pagkatapos ay nawala ang pangitain. 25 At isinalaysay ko sa mga bihag ang lahat ng pangitain na ipinakita sa akin ng Panginoon.

Pahayag 5:1-10

Ang Kasulatan at ang Tupa

Pagkatapos nito, nakita ko ang nakarolyong kasulatan na hawak-hawak ng nakaupo sa trono sa kanang kamay niya. May nakasulat sa magkabilang panig nito, at may pitong selyo[a] para hindi mabuksan. At nakita ko ang isang makapangyarihang anghel na sumisigaw, “Sino ang karapat-dapat na magtanggal ng mga selyo at nang mabuksan ang kasulatang ito?” Pero walang isa man sa langit, sa lupa o sa ilalim ng lupa na makapagbukas ng kasulatan upang mabasa ang nakasulat doon. Umiyak ako nang labis dahil walang natagpuang karapat-dapat na magbukas at bumasa ng kasulatang iyon. Sinabi sa akin ng isa sa mga namumuno, “Huwag kang umiyak dahil si Jesus na tinaguriang Leon mula sa lahi ni Juda, ang anak ni David ay nagtagumpay at karapat-dapat siyang magtanggal ng pitong selyo upang mabuksan ang kasulatan.”

Pagkatapos, nakita ko ang isang Tupa[b] na mukhang pinatay, pero nakatayo na sa pagitan ng mga namumuno at ng tronong napapaligiran ng apat na buhay na nilalang. Mayroon itong pitong sungay at pitong mata, na siyang pitong Espiritu ng Dios[c] na isinugo sa lahat ng lugar sa mundo. Lumapit ang Tupa sa trono at kinuha niya ang kasulatan sa kanang kamay ng nakaupo roon. Nang kunin niya iyon, lumuhod sa harap ng Tupa ang apat na buhay na nilalang at ang 24 na namumuno at sumamba sa kanya. Ang bawat isa sa kanila ay may hawak na gintong sisidlan na puno ng insenso, na siyang panalangin ng mga pinabanal.[d] May alpa[e] rin silang tinutugtog, at umaawit sila ng bagong awit na ito:

    “Kayo po ang karapat-dapat na kumuha ng kasulatan at magtanggal ng mga selyo nito,
    dahil kayo ay pinatay, at sa pamamagitan ng inyong dugo ay tinubos nʼyo ang mga tao para sa Dios.
    Ang mga taong ito ay mula sa bawat angkan, wika, lahi, at bansa.
10 Ginawa nʼyo silang mga hari at mga pari upang maglingkod sa ating Dios.
    At maghahari sila sa mundo.”

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®