Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Ang Makapangyarihang Tinig ng Panginoon
29 Purihin ang Panginoon, kayong mga anak ng makapangyarihang Dios.[a]
Purihin siya sa kanyang kadakilaan at kapangyarihan.
2 Papurihan ang Panginoon ng mga papuring nararapat sa kanyang pangalan.
Sambahin ninyo siya sa kanyang banal na presensya.
3 Ang tinig ng Panginoong Dios na makapangyarihan ay dumadagundong
na parang kulog sa ibabaw ng malalakas na alon ng karagatan.
4 Ang tinig ng Panginoon ay makapangyarihan at kagalang-galang.
5 Ang tinig ng Panginoon ay makakabali
at makakapagpira-piraso ng pinakamatibay na mga puno ng sedro sa Lebanon.
6 Niyayanig ng tinig ng Panginoon ang mga bundok sa Lebanon
at ang bundok ng Hermon[b], na parang bisirong baka na tumatalon-talon.
7 Ang tinig ng Panginoon ang nagpapakidlat.
8 Ang tinig din ng Panginoon ang nagpapayanig sa Disyerto ng Kadesh.
9 Sa tinig ng Panginoon, napapagalaw ang mga puno ng ensina,[c]
at nalalagas ang mga dahon sa kagubatan.
At ang lahat ng nasa templo ay sumisigaw,
“Ang Dios ay makapangyarihan!”
10 Ang Panginoon ang may kapangyarihan sa mga baha.
Maghahari siya magpakailanman.
11 Ang Panginoon ang nagbibigay ng kalakasan sa kanyang mga mamamayan,
at pinagpapala niya sila ng mabuting kalagayan.
Dinala sa Templo ang Kahon ng Kasunduan(A)
2 Ipinatawag ni Haring Solomon sa Jerusalem ang mga tagapamahala ng Israel at ang lahat ng pinuno ng mga lahi at ng mga pamilya sa Israel, para kunin ang Kahon ng Kasunduan ng Panginoon mula sa Zion, ang Lungsod ni David. 3 Pumunta silang lahat kay Haring Solomon noong panahon ng Pista ng Pagtatayo ng mga Kubol, nang ikapitong buwan.
4-5 Nang magkatipon na ang lahat ng tagapamahala ng Israel, kinuha ng mga pari at ng mga Levita ang Kahon, ang Toldang Tipanan at ang mga banal na gamit nito. Dinala nilang lahat ito sa templo. 6 Naghandog si Haring Solomon at ang buong mamamayan ng Israel sa harapan ng Kahon ng Kasunduan. Napakaraming tupa at baka ang kanilang inihandog, hindi ito mabilang dahil sa dami.
7 Pagkatapos, dinala ng mga pari ang Kahon ng Kasunduan ng Panginoon sa lugar nito roon sa pinakaloob ng templo, sa Pinakabanal na Lugar, sa ilalim ng mga pakpak ng mga kerubin. 8 Nakalukob ang pakpak ng mga kerubin kaya natatakpan ang Kahon at ang mga hawakang pasanan nito. 9 Itong mga hawakang pasanan ay mahaba, ang dulo nito ay kita sa Banal na Lugar, sa harapan ng pinakaloob ng templo, pero hindi ito makita sa labas ng Banal na Lugar. At naroon pa ito hanggang ngayon. 10 Walang ibang laman ang Kahon maliban sa dalawang malalapad na bato na inilagay ni Moises noong nandoon siya sa Horeb, kung saan gumawa ng kasunduan ang Panginoon sa mga Israelita pagkatapos nilang lumabas sa Egipto.
11 Pagkatapos, lumabas ang mga pari sa Banal na Lugar. Ang lahat ng pari na naroon ay nagpakalinis, oras man ng kanilang paglilingkod o hindi. 12 Ang mga musikerong Levita na sina Asaf, Heman, Jedutun at ang kanilang mga anak at mga kamag-anak ay tumayo sa bandang silangan ng altar. Nakasuot sila ng pinong linen at tumutugtog ng pompyang, alpa at lira. Sinasamahan sila ng 120 pari na nagpapatunog ng trumpeta. 13 Ang mga mang-aawit ay nagpuri at nagpasalamat sa Panginoon na tinutugtugan ng mga trumpeta, pompyang at iba pang mga instrumento. Ito ang kanilang inaawit:
“Ang Panginoon ay mabuti; ang pag-ibig niyaʼy walang hanggan.”
Pagkatapos, may ulap na bumalot sa templo ng Panginoon. 14 Hindi na makaganap ang mga pari ng kanilang gawain sa templo dahil sa ulap, dahil binalot ng makapangyarihang presensya ng Panginoon ang kanyang templo.
Isinalaysay ni Pablo ang Kanyang Gawain
19 “Kaya Haring Agripa, sinunod ko po ang pangitain na ipinakita sa akin mula sa langit. 20 Ang una kong ginawa ay nangaral ako sa Damascus at pagkatapos ay sa Jerusalem. Mula sa Jerusalem inikot ko ang buong Judea, at pinuntahan ko rin ang mga hindi Judio. Pinangaralan ko sila na dapat silang magsisi sa kanilang kasalanan at lumapit sa Dios, at ipakita nila sa pamamagitan ng kanilang mga gawa na silaʼy totoong nagsisisi. 21 Iyan po ang dahilan kung bakit hinuli ako ng mga Judio roon sa templo at tinangkang patayin. 22 Pero tinulungan ako ng Dios hanggang sa araw na ito. Kaya narito ako ngayon para sabihin sa lahat, sa mga kilalang tao o hindi, ang sinabi noon ng mga propeta at ni Moises na mangyayari: 23 na ang Cristo ay dapat magdusa at mamatay, at unang mabubuhay mula sa kamatayan upang magbigay ng liwanag sa mga Judio at sa mga hindi Judio.”
24 Habang nagsasalita pa si Pablo, sumigaw si Festus, “Pablo, naloloko ka na yata! Sinira na nang labis mong karunungan ang ulo mo!” 25 Sumagot si Pablo, “Kagalang-galang na Festus, hindi po ako naloloko. Totoo ang mga sinasabi ko at matino ang pag-iisip ko. 26 Ang mga bagay na ito ay alam ni Haring Agripa. Kaya hindi ako natatakot magsalita sa kanya. Nasisiguro kong alam niya talaga ang mga bagay na ito, dahil ang mga itoʼy hindi nangyari sa lihim lang. 27 Haring Agripa, naniniwala po ba kayo sa mga sinasabi ng mga propeta? Alam kong naniniwala kayo.” 28 Sumagot si Agripa, “Baka ang akala moʼy madali mo akong mahihikayat na maging Cristiano.” 29 Sumagot si Pablo, “Ang kahilingan ko sa Dios, mangyari man ito agad o hindi ay hindi lang po kayo kundi ang lahat ding nakikinig sa akin ngayon ay maging Cristiano tulad ko, maliban sa aking pagiging bilanggo.”
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®