Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Salmo 93

Ang Dios ang ating Hari

93 Kayo ay hari, Panginoon;
    nadadamitan ng karangalan at kapangyarihan.
    Matatag ninyong itinayo ang mundo kaya hindi ito mauuga.
Ang inyong trono ay naitatag na simula pa noong una,
    naroon na kayo noon pa man.
Panginoon, umuugong ang dagat at nagngangalit ang mga alon.
Ngunit Panginoong nasa langit, higit kayong makapangyarihan kaysa sa mga nagngangalit na alon.
Mapagkakatiwalaan ang inyong mga utos Panginoon,
    at ang inyong temploʼy nararapat lamang na ituring na banal magpakailanman.

2 Cronica 34:20-33

20 Nag-utos agad siya kina Hilkia, Ahikam na anak ni Shafan, Abdon na anak ni Micas, Shafan na kalihim, at Asaya na kanyang personal na lingkod. Sinabi niya, 21 “Magtanong kayo sa Panginoon para sa akin at para sa mga naiwang mamamayan ng Israel at Juda tungkol sa nakasulat sa natagpuang aklat. Matindi ang galit ng Panginoon sa atin dahil hindi natupad ang mga nakasulat sa aklat.”

22 Kaya pumunta si Hilkia at ang mga kasama niya sa isang propetang babae na si Hulda, na nakatira sa bagong bahagi ng Jerusalem. Si Hulda ay asawa ni Shalum na anak ni Tokat at apo ni Hasra. Si Shalum ang nagbabantay ng mga damit sa templo.

23-24 Sinabi ni Hulda sa kanila, “Sabihin nʼyo sa mga tao na nagpadala sa inyo sa akin na ito ang sinasabi ng Panginoon, ang Dios ng Israel: ‘Lilipulin ko ang lugar na ito at ang mga mamamayan nito, ayon sa nakasulat sa aklat na binasa sa inyong harapan. 25 Ipapakita ko ang galit ko sa lugar na ito at hindi ito titigil, dahil itinaboy ako ng aking mga mamamayan at sumamba sila[a] sa ibang mga dios. Ginalit nila ako sa kanilang mga ginawa.’[b]

26 “Pero sabihin ninyo sa hari ng Juda na nagpadala sa inyo para magtanong sa Panginoon, na hindi siya dapat mabahala sa mensaheng ito, dahil ito ang sinasabi ng Panginoon, ang Dios ng Israel: 27 Pinakinggan ko ang panalangin mo dahil nagsisi ka at nagpakumbaba sa harapan ko nang marinig mo ang sinabi ko laban sa lugar na ito at sa mga naninirahan dito. Pinunit mo pa ang iyong damit at umiyak sa harapan ko dahil sa pagsisisi. Kaya ako, ang Panginoon, ay nagsasabing 28 habang buhay ka pa, hindi darating ang paglipol na ipapadala ko sa lugar na ito at sa mga naninirahan dito. Mamamatay ka nang mapayapa.” At sinabi nila sa hari ang isinagot ni Hulda.

Nangakong Tutuparin ni Josia ang Utos ng Dios(A)

29 Pagkatapos, ipinatawag ni Haring Josia ang lahat ng tagapamahala ng Juda at Jerusalem. 30 Pumunta siya sa templo ng Panginoon kasama ang lahat ng mamamayan ng Juda at Jerusalem mula sa pinakatanyag hanggang sa pinakamababa. Sumama rin ang mga pari at mga Levita. Binasa sa kanila ni Josia ang lahat ng nakasulat sa Aklat ng Kautusan ng Dios, na nakita sa templo ng Panginoon. 31 Pagkatapos, tumayo si Josia sa tabi ng haligi na madalas tayuan ng hari. At gumawa siya ng kasunduan sa presensya ng Panginoon na susundin niya ang Panginoon sa pamamagitan ng pagtupad ng kanyang mga utos, katuruan, at tuntunin nang buong pusoʼt kaluluwa. Nangako siyang tutuparin niya ang mga ipinapatupad ng kasunduan ng Dios na nakasulat sa aklat. 32 At sinabi rin niya sa mga mamamayan ng Jerusalem at Benjamin na mangako sila na tutuparin nila ang kasunduan ng Dios. Kaya sinunod nila ang kautusan ng Dios, ang Dios ng kanilang mga ninuno.

33 Pagkatapos, ipinaalis ni Josia ang lahat ng kasuklam-suklam na mga dios-diosan sa buong lupain ng Israel, at pinaglingkod ang mga tao sa Panginoon na kanilang Dios. Habang buhay siya, sinunod nila ang Panginoon, ang Dios ng kanilang mga ninuno.

Lucas 2:25-38

25 May isang tao roon sa Jerusalem na ang pangalan ay Simeon. Matuwid siya, may takot sa Dios, at sumasakanya ang Banal na Espiritu. Naghihintay siya sa pagdating ng haring magliligtas sa Israel. 26 Ipinahayag sa kanya ng Banal na Espiritu na hindi siya mamamatay hanggaʼt hindi niya nakikita ang haring ipinangako ng Panginoon. 27 Nang araw na iyon, sa patnubay ng Banal na Espiritu ay pumunta siya sa templo. At nang dalhin doon nina Maria at Jose si Jesus upang ihandog sa Panginoon ayon sa Kautusan, nakita ni Simeon ang sanggol. 28 Kinarga niya ito at pinuri ang Dios. Sinabi niya:

29 “Panginoon, maaari nʼyo na akong kunin na inyong lingkod,
    dahil natupad na ang pangako nʼyo sa akin.
    Mamamatay na ako nang mapayapa,
30 dahil nakita na ng sarili kong mga mata ang Tagapagligtas,
31 na inihanda ninyo para sa lahat ng tao.
32 Siya ang magbibigay-liwanag sa isipan ng mga hindi Judio na hindi nakakakilala sa iyo,
    at magbibigay-karangalan sa inyong bayang Israel.”

33 Namangha ang ama at ina ng sanggol sa sinabi ni Simeon tungkol sa sanggol. 34 Binasbasan sila ni Simeon at sinabi niya kay Maria, “Ang batang itoʼy itinalaga upang itaas at ibagsak ang marami sa Israel. Magiging tanda siya mula sa Dios. Pero marami ang magsasalita ng laban sa kanya. 35 Kaya ikaw mismo ay masasaktan, na parang sinaksak ng patalim ang puso mo. At dahil sa gagawin niya, mahahayag ang kasamaang nasa isip ng maraming tao.”

36 Naroon din sa templo ang isang babaeng propeta na ang pangalan ay Ana. Anak siya ni Fanuel na mula sa lahi ni Asher. Matandang-matanda na siya. Pitong taon lang silang nagsama ng kanyang asawa 37 bago siya nabiyuda. At ngayon, 84 na taon na siya.[a] Palagi siyang nasa templo; araw-gabi ay sumasamba siya sa Dios sa pamamagitan ng pananalangin at pag-aayuno. 38 Lumapit siya nang oras ding iyon kina Jose at Maria at nagpasalamat sa Dios. At nagsalita rin siya tungkol sa bata sa lahat ng naghihintay sa araw ng pagliligtas ng Dios sa Jerusalem.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®