Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Salmo 20

Dalangin para Magtagumpay ang Kaibigan

20 Sa oras ng kaguluhan, pakinggan sana ng Panginoon ang iyong mga daing.
    At sanaʼy ingatan ka ng Dios ni Jacob.
Sanaʼy tulungan ka niya mula sa kanyang templo roon sa Zion.
Sanaʼy tanggapin niya ang iyong mga handog,
    pati na ang iyong mga haing sinusunog.
Sanaʼy ibigay niya ang iyong kahilingan,
    at ang iyong mga binabalak ay magtagumpay.
Sa pagtatagumpay mo kami ay sisigaw sa kagalakan,
    at magdiriwang na nagpupuri sa ating Dios.
    Ibigay nawa ng Panginoon ang lahat mong kahilingan.
Ngayon ay alam kong ang Dios ang nagbibigay ng tagumpay sa haring kanyang hinirang,
    at sinasagot niya mula sa banal na langit ang kanyang dalangin,
    at lagi niyang pinagtatagumpay sa pamamagitan ng kanyang kapangyarihan.
May mga umaasa sa kanilang mga kabayo at karwaheng pandigma,
    ngunit kami ay umaasa sa Panginoon naming Dios.
Silaʼy manghihina at tuluyang babagsak,
    ngunit kami ay magiging matatag at magtatagumpay.

Panginoon, pagtagumpayin nʼyo ang hinirang nʼyong hari.
    At sagutin nʼyo kami kapag kami ay tumawag sa inyo.

Exodus 40:1-15

Ang Pagtatayo ng Toldang Sambahan

40 Sinabi ng Panginoon kay Moises, “Itayo mo ang Toldang Sambahan na tinatawag ding Toldang Tipanan sa unang araw ng unang buwan. Ilagay mo sa loob ang Kahon ng Kasunduan, at tabingan mo ito ng kurtina. Ipasok mo ang mesa sa Tolda at ayusin mo ang mga kagamitan nito. Ipasok mo rin ang mga lalagyan ng ilaw at ilagay ang mga ilaw nito. Ilagay mo ang mga gintong altar na pagsusunugan ng insenso sa harap ng Kahon ng Kasunduan, at ikabit ang kurtina sa pintuan ng Tolda.

“Ilagay mo ang altar na pagsusunugan ng mga handog sa harapan ng pintuan ng Toldang Sambahan na tinatawag ding Toldang Tipanan. Ang planggana ay ilagay sa pagitan ng Tolda at ng altar, at lagyan ito ng tubig. Ilagay ang mga kurtina sa bakuran ng Tolda, pati ang kurtina sa pintuan ng bakuran.

“Pagkatapos, kunin mo ang langis at wisikan ang Tolda at ang lahat ng kagamitan nito bilang pagtatalaga nito sa akin, at magiging banal ito. 10 Wisikan mo rin ang altar na pagsusunugan ng mga handog at ang lahat ng kagamitan nito bilang pagtatalaga nito sa akin, at magiging pinakabanal ito. 11 Wisikan mo rin ang planggana at ang patungan nito bilang pagtatalaga nito sa akin.

12 “Dalhin mo si Aaron at ang mga anak niyang lalaki sa pintuan ng Toldang Tipanan at paliguin mo sila roon. 13 Ipasuot mo kay Aaron ang banal na mga damit at italaga siya sa akin sa pamamagitan ng pagpapahid sa kanya ng langis para makapaglingkod siya sa akin bilang pari. 14 Dalhin mo rin ang mga anak niya at ipasuot ang damit-panloob nila. 15 Pahiran mo rin sila ng langis gaya ng ginawa mo sa kanilang ama, para makapaglingkod din sila sa akin bilang mga pari sa lahat ng susunod pang mga henerasyon.”

Hebreo 10:19-25

Lumapit Tayo sa Dios

19 Kaya mga kapatid, malaya na tayong makakapasok sa Pinakabanal na Lugar dahil sa dugo ni Jesus. 20 Sa pamamagitan ng paghahandog ng kanyang katawan, binuksan niya para sa atin ang bagong daan patungo sa Pinakabanal na Lugar na nasa kabila ng tabing. At ang daang ito ang nagdadala sa atin sa buhay na walang hanggan. 21 At dahil mayroon tayong dakilang punong pari na namamahala sa pamilya ng Dios, 22 lumapit tayo sa kanya nang may tapat na puso at matatag na pananampalataya, dahil nilinis[a] na ng dugo ni Jesus ang mga puso natin mula sa maruming pag-iisip, at nahugasan na ang mga katawan natin ng malinis na tubig. 23 Magpakatatag tayo sa pag-asa natin at huwag tayong mag-alinlangan, dahil tapat ang Dios na nangako sa atin. 24 At sikapin nating mahikayat ang isaʼt isa sa pagmamahalan at sa paggawa ng kabutihan. 25 Huwag nating pababayaan ang mga pagtitipon natin gaya ng nakaugalian na ng ilan. Sa halip, palakasin natin ang loob ng bawat isa, lalo na ngayong nalalapit na ang huling araw.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®