Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Purihin ang Panginoon
150 Purihin ang Panginoon!
Purihin ninyo ang Dios sa kanyang templo.
Purihin nʼyo siya sa langit, ang kanyang matibay na tirahan.
2 Purihin nʼyo siya dahil sa kanyang dakilang mga ginagawa.
Purihin nʼyo siya dahil sa kanyang kapangyarihang walang kapantay.
3 Purihin nʼyo siya sa pamamagitan ng pagpapatunog ng mga trumpeta!
Purihin nʼyo siya sa pamamagitan ng mga alpa at lira!
4 Purihin nʼyo siya sa pamamagitan ng mga tamburin at mga sayaw.
Purihin nʼyo siya sa pamamagitan ng mga instrumentong may kwerdas at mga plauta.
5 Purihin nʼyo siya sa pamamagitan ng mga matutunog na mga pompyang.
6 Ang lahat ng may buhay ay magpuri sa Panginoon.
Purihin ninyo ang Panginoon!
Si David at si Goliat
17 Tinipon ng mga Filisteo ang mga sundalo nila sa Soco na sakop ng Juda para makipagdigma. Nagkampo sila sa Efes Damim, sa gitna ng Soco at Azeka. 2 Tinipon din ni Saul ang mga Israelita, at nagkampo sila malapit sa Lambak ng Elah. Naghanda sila sa pakikipagdigma laban sa mga Filisteo. 3 Ang mga Filisteoʼy nasa isang burol at ang mga Israelita namaʼy nasa kabilang burol, nasa gitna nila ang lambak.
4 Ngayon, may isang mahusay at matapang na mandirigmang taga-Gat na ang pangalan ay Goliat. Lumabas siya sa kampo ng mga Filisteo, at lumapit sa kampo ng mga Israelita. May siyam na talampakan[a] ang kanyang taas. 5 Tanso ang helmet niya at tanso rin ang kanyang panangga sa dibdib na tumitimbang ng 60 kilo. 6 Tanso rin ang nakabalot sa kanyang binti at hita, at may tansong sibat na nakasukbit sa kanyang balikat. 7 Ang hawakan naman ng kanyang sibat ay mabigat at makapal; ang dulo nitoʼy tumitimbang ng pitong kilo. Nasa unahan naman niya ang tagapagdala ng kanyang kalasag.
8 Huminto si Goliat at sumigaw sa mga Israelita, “Kailangan nʼyo pa ba ng buong hukbo para makipaglaban? Ako ang Filisteo at kayo ang mga utusan ni Saul. Pumili na lang kayo ng isang taong kakatawan sa inyo na lalaban sa akin. 9 Kung mapapatay niya ako, magpapaalipin kami sa inyo; pero kung mapapatay ko siya, magpapaalipin kayo at maglilingkod sa amin. 10 Ngayon, hinahamon ko kayo! Papuntahin ninyo rito ang makikipaglaban sa akin.” 11 Nang marinig ito ni Saul at ng mga Israelita, natakot sila nang husto.
12 Ngayon, may anak si Jesse na nagngangalang David. Si Jesse ay taga-Betlehem, na mula sa lahi ni Efraim sa lupain ng Juda. Matanda na si Jesse nang mga panahong iyon. May walo siyang anak na lalaki. 13 Ang tatlong nakatatanda ay sumama kay Saul sa digmaan – ang panganay na si Eliab, ang sumunod ay si Abinadab at si Shama naman ang pangatlo. 14 Si David ang bunso sa magkakapatid. Habang kasama ni Saul sa digmaan ang tatlo, 15 si David ay nagpapabalik-balik sa paglilingkod kay Saul at sa pagpapastol ng mga tupa ng kanyang ama sa Betlehem.
16 Sa loob ng 40 araw, paulit-ulit na hinahamon ni Goliat ang mga Israelita, araw at gabi.
17 Isang araw, sinabi ni Jesse kay David, “Anak, dalhin mo agad itong kalahating sako ng binusang trigo at sampung pirasong tinapay sa mga kapatid mo na nasa kampo. 18 Dalhin mo rin itong sampung pirasong keso sa pinuno ng hukbo. Kumustahin mo rin ang kalagayan ng mga kapatid mo roon. At sa pagbalik mo rito, magdala ka ng katunayan na mabuti ang kalagayan nila. 19 Naroon sila ngayon sa Lambak ng Elah at nakikipaglaban sa mga Filisteo kasama ni Saul at ng iba pang mga Israelita.” 20 Kaya kinabukasan, madaling-araw pa lang ay bumangon na si David at inihanda ang mga pagkaing dadalhin niya. Iniwan niya ang mga tupa sa isang pastol at siyaʼy umalis ayon sa iniutos ni Jesse. Nang dumating siya sa kampo ng mga Israelita, palabas na ang mga sundalong nagsisigawan para makipaglaban. 21 Maya-maya, magkaharap na ang mga Israelita at mga Filisteo na handa nang maglaban. 22 Iniwan ni David ang mga dala-dala niya sa tagapag-asikaso ng mga kailangan ng hukbo, at tumakbo siya sa lugar ng labanan at kinamusta ang mga kapatid niya. 23 Habang kinakausap niya sila, lumabas si Goliat, ang mahusay na mandirigma na taga-Gat, at pumunta sa unahan ng mga Filisteo, at hinamon na naman niya ang mga Israelita. Narinig ito ni David.
Mga Himala at mga Kamangha-manghang Gawa
12 Maraming himala at kamangha-manghang ginawa ang mga apostol sa mga tao. Laging nagtitipon ang lahat ng mga mananampalataya sa Balkonahe ni Solomon. 13 Kahit na mataas ang pagtingin sa kanila ng mga tao, ang ibaʼy hindi nangahas na sumama sa kanila. 14 Sa kabila nito, nadagdagan pa ang bilang ng mga lalaki at babaeng sumasampalataya sa Panginoon. 15 Dahil sa mga himalang ginawa ng mga apostol, dinala ng mga tao ang mga may sakit sa tabi ng daan at inilagay sa mga higaan, para pagdaan ni Pedro ay madadaanan sila kahit anino man lang nito. 16 Hindi lang iyan, kundi marami ring mga tao mula sa mga kalapit baryo ang dumating sa Jerusalem na may dalang mga may sakit at mga taong sinasaniban ng masamang espiritu. At gumaling silang lahat.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®