Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Purihin ang Panginoon
150 Purihin ang Panginoon!
Purihin ninyo ang Dios sa kanyang templo.
Purihin nʼyo siya sa langit, ang kanyang matibay na tirahan.
2 Purihin nʼyo siya dahil sa kanyang dakilang mga ginagawa.
Purihin nʼyo siya dahil sa kanyang kapangyarihang walang kapantay.
3 Purihin nʼyo siya sa pamamagitan ng pagpapatunog ng mga trumpeta!
Purihin nʼyo siya sa pamamagitan ng mga alpa at lira!
4 Purihin nʼyo siya sa pamamagitan ng mga tamburin at mga sayaw.
Purihin nʼyo siya sa pamamagitan ng mga instrumentong may kwerdas at mga plauta.
5 Purihin nʼyo siya sa pamamagitan ng mga matutunog na mga pompyang.
6 Ang lahat ng may buhay ay magpuri sa Panginoon.
Purihin ninyo ang Panginoon!
19 Naroon sila ngayon sa Lambak ng Elah at nakikipaglaban sa mga Filisteo kasama ni Saul at ng iba pang mga Israelita.” 20 Kaya kinabukasan, madaling-araw pa lang ay bumangon na si David at inihanda ang mga pagkaing dadalhin niya. Iniwan niya ang mga tupa sa isang pastol at siyaʼy umalis ayon sa iniutos ni Jesse. Nang dumating siya sa kampo ng mga Israelita, palabas na ang mga sundalong nagsisigawan para makipaglaban. 21 Maya-maya, magkaharap na ang mga Israelita at mga Filisteo na handa nang maglaban. 22 Iniwan ni David ang mga dala-dala niya sa tagapag-asikaso ng mga kailangan ng hukbo, at tumakbo siya sa lugar ng labanan at kinamusta ang mga kapatid niya. 23 Habang kinakausap niya sila, lumabas si Goliat, ang mahusay na mandirigma na taga-Gat, at pumunta sa unahan ng mga Filisteo, at hinamon na naman niya ang mga Israelita. Narinig ito ni David. 24 Nang makita ng mga Israelita si Goliat, nagtakbuhan sila sa sobrang takot. 25 Nag-usap-usap sila, “Nakita ba ninyo ang lalaking iyon na sumusugod para hamunin ang Israel? Bibigyan ng hari ng malaking gantimpala ang sinumang makakapatay sa kanya. Hindi lang iyan, ibibigay pa niya rito para maging asawa ang isa sa mga anak niyang babae, at ang buo niyang sambahayan ay hindi na magbabayad ng buwis sa Israel.”
26 Nagtanong si David sa mga taong nakatayo malapit sa kanya, “Sino ba ang Filisteong iyon na hindi nakakakilala sa Dios[a] na humahamon sa mga sundalo ng buhay na Dios? Ano ba ang matatanggap ng taong makakapatay sa kanya para matigil na ang panghihiya niya sa Israel?” 27 At sumagot ang mga tao, “Tulad ng narinig mo, iyon nga ang gantimpala sa makakapatay kay Goliat.”
28 Nang marinig ito ni Eliab, ang nakatatandang kapatid ni David, na nakikipag-usap si David sa mga tao, nagalit siya. Sinabi niya kay David, “Bakit ka pumunta rito? Sino ang pinagbantay mo sa iilang tupa natin doon sa ilang? Akala mo kung sino ka. Alam ko kung gaano ka kayabang. Pumunta ka lang dito para manood ng labanan.” 29 Sinabi ni David, “Ano ba ang ginawa ko? Nagtatanong lang ako.” 30 Tinalikuran niya si Eliab at nagtanong sa iba para linawin ang mga nalaman niya kanina at ganoon din ang sagot na natanggap niya.
31 Nakarating kay Saul ang mga sinabi ni David. Kaya ipinatawag niya ito. 32 Pagdating ni David, sinabi niya kay Saul, “Wala po ni isa man sa atin ang dapat na panghinaan ng loob dahil lang sa Filisteong iyon. Ako na po na inyong lingkod ang makikipaglaban sa kanya.”
Ang Pag-uusig sa mga Apostol
17 Labis na nainggit ang punong pari at ang mga kasama niyang miyembro ng grupong Saduceo. 18 Kaya dinakip nila ang mga apostol at ikinulong. 19 Pero kinagabihan, binuksan ng anghel ng Panginoon ang pintuan ng bilangguan at pinalabas sila. Sinabi ng anghel sa kanila, 20 “Pumunta kayo sa templo at turuan ninyo ang mga tao tungkol sa bagong buhay na ibinibigay ng Dios.” 21 Sinunod nila ang sinabi ng anghel. Pagsikat ng araw, pumasok sila sa templo at nagturo sa mga tao.
Ipinatawag ng punong pari at ng kanyang mga kasamahan ang lahat ng pinuno ng mga Judio para magpulong ang buong Korte ng mga Judio. May mga inutusan din silang pumunta sa bilangguan para kunin ang mga apostol at dalhin sa kanila. 22 Pero pagdating ng mga inutusan sa bilangguan, wala na roon ang mga apostol. Kaya bumalik sila sa Korte ng mga Judio 23 at sinabi, “Pagdating namin sa bilangguan nakasusi pa ang mga pintuan, at nakabantay doon ang mga guwardya. Pero nang buksan namin, wala kaming nakitang tao sa loob.” 24 Nang marinig ito ng kapitan ng mga guwardya sa templo at ng punong pari, naguluhan sila at hindi maunawaan kung ano ang nangyari sa mga apostol. 25 Nang bandang huli, may taong dumating at nagbalita, “Ang mga taong ikinulong ninyo ay naroon na sa templo at nagtuturo sa mga tao.” 26 Agad na pumunta sa templo ang kapitan ng mga guwardya at ang kanyang mga tauhan at muling dinakip ang mga apostol, pero hindi nila sila pinuwersa dahil natatakot sila na baka batuhin sila ng mga tao.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®