Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
16 Ako ang Panginoon na gumawa ng daan sa gitna ng dagat. 17 Tinipon ko ang mga karwahe, mga kabayo, at mga sundalo ng Egipto, at winasak sa gitna ng dagat at hindi na sila nakabangon pa. Para silang ilaw na namatay. 18 Pero huwag na ninyong iisipin pa ang nakaraan, 19 dahil bagong bagay na ang gagawin ko. Itoʼy nangyayari at nakikita na ninyo. Gagawa ako ng daan at mga bukal sa disyerto. 20 Pararangalan ako ng maiilap na hayop, pati na ng mga asong-gubat[a] at mga kuwago, dahil maglalagay ako ng mga bukal sa disyerto para may mainom ang mga pinili kong mamamayan. 21 Sila ang mga taong aking nilikha para sa akin at para magpuri sa akin.
Dalangin para Iligtas
126 Nang muling ibinalik ng Panginoon sa Zion ang mga nabihag,[a] parang itoʼy panaginip lang.
2 Kami ay nagtawanan at nag-awitan dahil sa kagalakan.
At sinabi ng mga bansang hindi kumikilala sa Panginoon,
“Gumawa ng dakilang bagay ang Panginoon sa kanila.”
3 Totoong ginawan tayo ng dakilang bagay ng Panginoon,
at punong-puno tayo ng kagalakan.
4 Panginoon, muli nʼyo kaming paunlarin,
tulad ng tuyong batis na muling nagkaroon ng tubig.
5 Silang nagtatanim na lumuluha ay mag-aaning tuwang-tuwa.
6 Ang umalis na lumuluha, na may dalang binhi na itatanim ay babalik na masaya, na may dala-dalang mga ani.
4 Kung sabagay, mayroon akong maipagmamalaki kung ang pagsunod sa mga seremonya ang pag-uusapan. Kung iniisip ninuman na may katuwiran siyang magmalaki sa mga bagay na ito, lalo na ako. 5 Sapagkat noong walong araw pa lamang ako ay tinuli na ako. Isa akong Israelita na mula sa lahi ni Benjamin. Kaya kung pagiging tunay na Judio ang pag-uusapan, talagang tunay akong Judio. At kung pagsunod sa Kautusan ng mga Judio naman ang pag-uusapan, talagang sinusunod ko ito dahil Pariseo ako. 6 Kung tungkol naman sa sigasig ng pagsunod ko sa relihiyon ng mga Judio, inusig ko ang iglesya. Walang maipipintas sa akin pagdating sa pagsunod sa Kautusan. 7 Pinapahalagahan ko noon ang lahat ng ito, pero ngayon itinuturing ko na itong walang halaga dahil kay Cristo. 8 At hindi lang iyan, para sa akin, ang lahat ng bagay ay walang halaga kung ihahambing sa pagkakakilala ko kay Cristo Jesus na aking Panginoon. Itinuring ko na parang basura ang lahat ng bagay makamtan lang si Cristo, 9 at ako namaʼy maging kanya. Hindi na ako nagtitiwala na akoʼy magiging matuwid sa pamamagitan ng pagsunod sa Kautusan kundi sa pananampalataya kay Cristo. Ang pagiging matuwid ko ay kaloob sa akin ng Dios nang sumampalataya ako kay Cristo. 10 Nais ko ngayon na higit pang makilala si Cristo, maranasan ang kapangyarihan ng muli niyang pagkabuhay, makabahagi sa mga paghihirap niya at matulad sa kanya, sa kamatayan niya. 11 Sa ganoon, mabubuhay akong muli. Harinawa.
Magpatuloy Hanggang Makamtan ang Gantimpala
12 Hindi ko sinasabing nakamtan ko na ang lahat, o kayaʼy naging ganap na ako. Sa halip, patuloy akong nagsusumikap para makamtan iyon, dahil ito ang layunin ni Cristo Jesus nang tawagin niya ako. 13 Mga kapatid, hindi ko sinasabing naabot ko na ang ganap na buhay. Ngunit ito ang ginagawa ko ngayon: Kinakalimutan ko na ang nakaraan at pinagsisikapan kong makamtan ang nasa hinaharap. 14 Tulad ng isang manlalaro, nagpapatuloy ako hanggang makamtan ko ang gantimpala na walang iba kundi ang pagtawag sa akin ng Dios na makapamuhay sa langit sa pamamagitan ni Cristo Jesus.
Binuhusan ng Pabango si Jesus(A)
12 Anim na araw bago dumating ang Pista ng Paglampas ng Anghel, pumunta si Jesus sa Betania, kung saan nakatira si Lazarus na muli niyang binuhay. 2 Kaya naghanda sila roon ng hapunan para kay Jesus. Si Lazarus ay isa sa kasalo ni Jesus sa pagkain. Si Marta ang nagsilbi sa kanila. 3 Kumuha si Maria ng kalahating litro ng purong pabango na gawa sa halamang nardo na mamahaling pabango. Ibinuhos niya ito sa paa ni Jesus at pinunasan ng kanyang buhok. At humalimuyak ang pabango sa buong bahay. 4 Ang isa sa mga tagasunod ni Jesus na naroon ay si Judas Iscariote na magtatraydor sa kanya. Sinabi ni Judas, 5 “Isang taon na sweldo ang halaga ng pabangong iyan. Bakit hindi na lang iyan ipinagbili, at ibigay sa mahihirap ang pera?” 6 Sinabi niya ito, hindi dahil nagmamalasakit siya sa mga mahihirap kundi dahil isa siyang magnanakaw. Bilang tagapag-ingat ng pera nila, madalas niya itong kinukupitan. 7 Pero sinabi ni Jesus, “Hayaan mo siya. Ibinuhos niya ito sa katawan ko bilang paghahanda sa aking libing.[a] 8 Lagi nʼyong nakakasama ang mga mahihirap, pero akoʼy hindi nʼyo laging makakasama.”
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®