Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Ang Kasunduan ng Dios at ni Abram
15 Pagkatapos noon, nagsalita ang Panginoon kay Abram sa pamamagitan ng isang pangitain. Sinabi niya, “Abram, huwag kang matakot dahil ako ang magiging kalasag mo at gagantimpalaan kita.”
2 Pero sinabi ni Abram, “O Panginoong Dios, ano po ang halaga ng gantimpala nʼyo sa akin dahil hanggang ngayon ay wala pa po akong anak. Ang magiging tagapagmana ko po ay si Eliezer na taga-Damascus. 3 Dahil hindi nʼyo po ako binigyan ng anak, kaya isa sa mga alipin ng sambahayan ko ang magmamana ng mga ari-arian ko.”
4 Sinabi sa kanya ng Panginoon, “Hindi siya ang magmamana ng mga ari-arian mo kundi ang sarili mong anak.” 5 Pagkatapos, dinala siya ng Panginoon sa labas at sinabi, “Masdan mo ang mga bituin sa langit, bilangin mo kung makakaya mo. Magiging ganyan din karami ang lahi mo.”
6 Nanalig si Abram sa Panginoon. At dahil dito, itinuring siyang matuwid.
7 Sinabi pa niya kay Abram, “Ako ang Panginoon na nag-utos sa iyo na lisanin ang Ur na sakop ng mga Caldeo[a] para ibigay sa iyo ang lupaing ito at magiging pag-aari mo.”
8 Pero sinabi ni Abram, “O Panginoong Dios, paano ko po malalaman na magiging akin ito?”
9 Sumagot ang Panginoon, “Dalhan mo ako rito ng isang dumalagang baka, isang babaeng kambing, at isang lalaking tupa, na ang bawat isaʼy tatlong taon ang gulang. At magdala ka rin ng isang inakay na batu-bato at isang inakay na kalapati.”
10 Kaya dinala ni Abram ang lahat ng ito sa Panginoon. Pagkatapos, pinaghati-hati niya at inilapag sa gitna na magkakatapat ang bawat kabiyak. Ang batu-bato lamang at ang kalapati ang hindi niya hinati. 11 Dumadapo sa hinating mga hayop ang mga ibong kumakain ng patay, pero binubugaw ito ni Abram.
12 Nang palubog na ang araw, nakatulog nang mahimbing si Abram at matinding takot ang dumating sa kanya.
17 Nang lumubog na ang araw at dumilim na, biglang may nakita si Abram na palayok na umuusok at nakasinding sulo, na dumaraan sa gitna ng mga hinating hayop. 18 Sa araw na iyon, gumawa ng kasunduan ang Panginoon kay Abram. Sinabi niya, “Ibibigay ko sa mga lahi mo ang lupaing ito mula sa dulo ng ilog na hangganan ng Egipto hanggang sa malaking ilog na Eufrates.
Panalangin ng Pagtitiwala
27 Ang Panginoon ang aking ilaw at Tagapagligtas.
Sino ang aking katatakutan?
Siya ang nagtatanggol sa akin kaya wala akong dapat katakutan.
2 Kapag sinasalakay ako ng masasamang tao o ng aking mga kaaway upang patayin,
sila ang nabubuwal at natatalo!
3 Kahit mapaligiran ako ng maraming kawal,
hindi ako matatakot.
Kahit salakayin nila ako,
magtitiwala ako sa Dios.
4 Isang bagay ang hinihiling ko sa Panginoon, ito ang tanging ninanais ko:
na akoʼy manirahan sa kanyang templo habang akoʼy nabubuhay,
upang mamasdan ang kanyang kadakilaan,
at hilingin sa kanya ang kanyang patnubay.
5 Sa oras ng kagipitan ay itatago niya ako sa kanyang templo,
at ilalagay niya ako sa ligtas na lugar.
6 Kaya mananaig ako sa mga kaaway ko na nakapaligid sa akin.
Maghahandog ako sa templo ng Panginoon habang sumisigaw sa kagalakan,
umaawit at nagpupuri.
7 Dinggin nʼyo Panginoon ang aking pagtawag.
Kahabagan nʼyo ako at sagutin ang aking dalangin.
8 Panginoon, hinipo nʼyo ang aking puso na lumapit sa inyo,
kaya narito ako, lumalapit sa inyo.
9 Huwag nʼyo po akong pagtaguan!
Ako na alipin nʼyo ay huwag nʼyong itakwil dahil sa inyong galit.
Kayo na laging tumutulong sa akin,
huwag nʼyo akong iwanan at pabayaan,
O Dios na aking Tagapagligtas.
10 Iwanan man ako ng aking mga magulang,
kayo naman, Panginoon, ang mag-aalaga sa akin.
11 Ituro nʼyo sa akin ang daang gusto nʼyong lakaran ko.
Patnubayan nʼyo ako sa tamang daan,
dahil sa mga kaaway ko na gusto akong gawan ng masama.
12 Huwag nʼyo akong ibigay sa aking mga kaaway,
dahil akoʼy kanilang pinagbibintangan ng kasinungalingan,
at nais nilang akoʼy saktan.
13 Ngunit naniniwala ako na mararanasan ko ang kabutihan nʼyo, Panginoon,
habang akoʼy nabubuhay dito sa mundo.
14 Magtiwala kayo sa Panginoon!
Magpakatatag kayo at huwag mawalan ng pag-asa.
Magtiwala lamang kayo sa Panginoon!
17 Mga kapatid, tularan nʼyo ako, at tularan din ninyo ang iba pang namumuhay nang tulad namin. 18 Sapagkat maraming namumuhay na salungat sa aral tungkol sa kamatayan ni Cristo sa krus. Ilang ulit ko nang sinabi sa inyo ang tungkol sa kanila, at naluluha akong ipaalala ulit ito sa inyo ngayon. 19 Kapahamakan ang kahihinatnan nila dahil dinidios nila ang kanilang tiyan.[a] Ipinagmamalaki pa nila ang mga bagay na dapat sana nilang ikahiya, at wala silang iniisip kundi ang mga makamundong bagay. 20 Ngunit para sa atin, ang langit ang tunay nating bayan. At mula roon, hinihintay natin nang may pananabik ang pagbabalik ng Tagapagligtas, ang Panginoong Jesu-Cristo. 21 Sa pagdating niya, babaguhin niya ang mahihina at namamatay nating katawang lupa at gagawing tulad ng maluwalhati niyang katawan. Gagawin niya ito sa pamamagitan ng kapangyarihan niyang sumasakop sa lahat ng bagay.
Mga Bilin
4 Kaya nga, mga minamahal na kapatid, magpakatatag kayo sa Panginoon. Mahal na mahal ko kayo at nasasabik akong makita kayo. Kayo ang kagalakan at gantimpala ko sa paglilingkod.
Ang Pag-ibig ni Jesus sa mga Taga-Jerusalem(A)
31 Nang mga sandaling iyon, dumating ang ilang Pariseo at sinabi kay Jesus, “Umalis na po kayo rito dahil gusto kayong ipapatay ni Herodes.” 32 Sumagot si Jesus, “Sabihin ninyo sa asong-gubat[a] na iyon na patuloy akong magpapalayas ng masasamang espiritu at magpapagaling ng may sakit ngayon at hanggang bukas, at sa ikatlong araw ay tatapusin ko na ang gawain ko. 33 Basta kailangang ipagpatuloy ko ang aking paglalakbay ngayon, bukas at sa makalawa, dahil hindi dapat mamatay ang propeta sa labas ng Jerusalem.
34 “Kayong mga taga-Jerusalem, binabato ninyo at pinapatay ang mga propeta na isinugo ng Dios sa inyo. Maraming beses ko na kayong gustong tipunin at alagaan gaya ng isang inahing manok na nagtitipon ng kanyang mga sisiw sa ilalim ng kanyang mga pakpak, pero ayaw ninyo. 35 Kaya bahala na kayo sa sarili ninyo. Sapagkat hindi nʼyo na ako makikita hanggang sa dumating ang panahon na sabihin ninyo, ‘Pagpalain ang dumarating sa pangalan ng Panginoon.’ ”[b]
Ang Pagbabagong-anyo ni Jesus(A)
28 Mga walong araw matapos sabihin ni Jesus iyon, isinama niya sina Pedro, Juan at Santiago sa isang bundok upang manalangin. 29 Habang nananalangin si Jesus, nagbago ang anyo ng kanyang mukha. At ang damit niya ay naging puting-puti at nakakasilaw tingnan. 30 Biglang lumitaw ang dalawang lalaki – sina Moises at Elias – at nakipag-usap sa kanya. 31 Nakakasilaw din ang kanilang anyo, at ang pinag-uusapan nila ni Jesus ay ang tungkol sa kanyang kamatayan na malapit nang maganap sa Jerusalem. 32 Tulog na tulog noon sina Pedro. Pero nagising sila at nakita nila ang nagliliwanag na anyo ni Jesus at ang dalawang lalaking nakatayo sa tabi niya. 33 Nang paalis na ang dalawang lalaki, sinabi ni Pedro kay Jesus, “Guro, mabuti poʼt narito kami.[a] Gagawa po kami ng tatlong kubol:[b] isa para sa inyo, isa para kay Moises at isa para kay Elias.” (Ang totoo, hindi niya alam ang sinasabi niya.) 34 At habang nagsasalita pa si Pedro, tinakpan sila ng ulap at natakot sila. 35 May narinig silang tinig mula sa ulap na nagsasabi, “Ito ang aking Anak, na aking pinili. Pakinggan ninyo siya!” 36 Nang tumigil ang tinig, nakita nilang nag-iisa na lang si Jesus. Hindi muna nila sinabi kahit kanino ang mga nasaksihan nila nang mga panahong iyon.
Pinagaling ni Jesus ang Batang Sinasaniban ng Masamang Espiritu(A)
37 Kinabukasan, pagbaba nila galing sa bundok ay sinalubong si Jesus ng napakaraming tao. 38 May isang lalaki roon sa karamihan na sumisigaw, “Guro, pakitingnan po ninyo ang kaisa-isa kong anak na lalaki! 39 Sinasaniban po siya ng masamang espiritu at bigla na lang siyang sumisigaw, nangingisay at bumubula ang bibig. Sinasaktan siya lagi ng masamang espiritu at halos ayaw siyang iwan. 40 Nakiusap ako sa mga tagasunod ninyo na palayasin nila ang masamang espiritu, pero hindi po nila kaya.” 41 Sumagot si Jesus, “Kayong henerasyon ng mga walang pananampalataya at baluktot ang pag-iisip! Hanggang kailan ba ako magtitiis sa inyo? Dalhin mo rito ang anak mo!” 42 Nang papalapit na ang bata, itinumba siya at pinangisay ng masamang espiritu. Pero pinalayas ni Jesus ang masamang espiritu at pinagaling ang bata, at ibinalik sa ama nito. 43 Namangha ang lahat sa kapangyarihan ng Dios.
Ang Ikalawang Pagpapahayag ni Jesus tungkol sa Kanyang Kamatayan(B)
Habang mangha pa ang lahat sa mga ginawa ni Jesus, sinabi niya sa mga tagasunod niya,
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®