Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Gawa 16:9-15

Nang gabing iyon, ipinakita ng Dios kay Pablo ang isang pangitain. Nakita niya ang isang taga-Macedonia na nakatayo at nagmamakaawa sa kanya. Sinabi ng tao, “Tumawid ka rito sa Macedonia at tulungan kami.” 10 Pagkatapos makita ni Pablo ang pangitaing iyon, gumayak agad kami papunta sa Macedonia, dahil naramdaman naming pinapapunta kami roon ng Dios para mangaral ng Magandang Balita sa mga taga-roon.

Naniwala si Lydia kay Jesus

11 Bumiyahe kami mula Troas papuntang Samotrace, at kinabukasan ay dumating kami sa Neapolis. 12 Mula Neapolis, pumunta kami sa Filipos, ang pangunahing lungsod ng Macedonia. Maraming nakatira roon na taga-Roma. Tumigil kami roon ng ilang araw. 13 Pagdating ng Araw ng Pamamahinga, lumabas kami sa lungsod at pumunta sa tabi ng ilog sa pag-aakalang may lugar doon na pinagtitipunan ng mga Judio para manalangin. Nagkataong may mga babaeng nagtitipon doon, kaya nakiupo kami at nakipag-usap sa kanila. 14 Isa sa mga nakikinig sa amin ay si Lydia na taga-Tyatira. Siyaʼy isang negosyante ng mga mamahaling telang kulay ube, at sumasamba siya sa Dios. Binuksan ng Panginoon ang kanyang puso para tanggapin ang mga sinasabi ni Pablo. 15 Nagpabautismo siya at ang kanyang pamilya.[a] Pagkatapos, sinabi niya, “Kung naniniwala kayo na ako ay isa nang tunay na mananampalataya sa Panginoon, doon na kayo tumuloy sa aking bahay.” At nakumbinsi niya kaming tumuloy sa bahay nila.

Salmo 67

Awit ng Pasasalamat

67 O Dios, kaawaan nʼyo kami at pagpalain.
    Ipakita nʼyo sa amin ang inyong kabutihan,
upang malaman ng lahat ng bansa ang inyong mga pamamaraan at pagliligtas.
Purihin ka sana ng lahat ng tao, O Dios.
Magalak sana ang lahat ng tao at umawit ng papuri sa inyo,
    dahil sa makatarungan nʼyong paghahatol at pagpapatnubay sa lahat ng bansa.
O Dios, purihin sana kayo ng lahat ng bansa.
6-7 Mag-ani sana ng sagana ang mga lupain.
    Nawaʼy pagpalain nʼyo kami, O Dios, na aming Dios.
    At magkaroon sana ng takot sa inyo ang lahat ng tao sa buong mundo.

Pahayag 21:10

10 Napuspos agad ako ng Banal na Espiritu, at dinala ako ng anghel sa tuktok ng napakataas na bundok. At ipinakita niya sa akin ang Banal na Lungsod, ang bagong Jerusalem, na bumababa mula sa langit galing sa Dios.

Pahayag 21:22-22:5

22 Wala akong nakitang templo sa lungsod na iyon, dahil ang pinaka-templo ay walang iba kundi ang Panginoong Dios na makapangyarihan sa lahat at ang Tupa. 23 Hindi na kailangan ang araw o ang buwan sa lungsod dahil ang kapangyarihan ng Dios ang nagbibigay ng liwanag, at ang Tupa ang ilaw doon. 24 Ang ilaw ng lungsod na iyon ay magbibigay-liwanag sa mga bansa. At dadalhin doon ng mga hari sa mundo ang mga kayamanan nila. 25 Palaging bukas ang mga pinto ng lungsod dahil wala nang gabi roon. 26 Ang magaganda at mamahaling bagay ng mga bansa ay dadalhin din sa lungsod na iyon. 27 Pero hindi makakapasok doon ang anumang bagay na marumi sa paningin ng Dios, ang mga gumagawa ng mga bagay na nakakahiya, at ang mga sinungaling. Ang mga makakapasok lang doon ay ang mga taong nakasulat ang pangalan sa aklat ng Tupa, na listahan ng mga taong binigyan ng buhay na walang hanggan.

22 Ipinakita rin sa akin ng anghel ang ilog na nagbibigay-buhay. Ang tubig nito ay kasinglinaw ng kristal at dumadaloy mula sa trono ng Dios at ng Tupa, at umaagos sa gitna ng pangunahing lansangan ng lungsod. Sa magkabilang tabi ng ilog ay may punongkahoy na nagbibigay-buhay. Namumunga ito ng 12 beses sa isang taon, isang beses sa bawat buwan. At ang mga dahon nito ay ginagamit sa pagpapagaling sa mga bansa. Walang anumang isinumpa ng Dios na makikita roon. Naroon ang trono ng Dios at ng Tupa, at sasambahin siya ng mga lingkod niya. Makikita nila ang kanyang mukha, at isusulat sa mga noo nila ang kanyang pangalan. Wala nang gabi roon, kaya hindi na kailangan ang mga ilawan o ang liwanag ng araw, dahil ang Panginoong Dios ang magiging ilaw nila. At maghahari sila magpakailanman.

Juan 14:23-29

23 Sumagot si Jesus, “Ang nagmamahal sa akin ay susunod sa aking salita. Mamahalin siya ng aking Ama at mananahan kami sa kanya. 24 Ngunit ang hindi nagmamahal sa akin ay hindi sumusunod sa aking mga salita. At ang mga salitang narinig nʼyo ay hindi nanggaling sa akin kundi sa Amang nagsugo sa akin.

25 “Sinasabi ko ang mga bagay na ito habang kasama nʼyo pa ako. 26 Pero kapag nakaalis na ako, ang Tagatulong na walang iba kundi ang Banal na Espiritu ang ipapadala ng Ama bilang kapalit ko. Siya ang magtuturo sa inyo ng lahat ng bagay at magpapaalala sa inyo ng lahat ng mga sinabi ko sa inyo.

27 “Huwag kayong mabagabag, at huwag kayong matakot, dahil iniiwan ko sa inyo ang kapayapaan. Ang aking kapayapaan ang ibinibigay ko sa inyo. Hindi ito katulad ng kapayapaang ibinibigay ng mundo. 28 Narinig nʼyo ang sinabi ko na aalis ako pero babalik din sa inyo. Kung mahal nʼyo ako, ikasisiya nʼyo ang pagpunta ko sa Ama, dahil mas dakila ang Ama kaysa sa akin. 29 Sinasabi ko ito ngayon sa inyo bago pa man mangyari upang sumampalataya kayo sa akin[a] kapag nangyari na ito.

Juan 5:1-9

Pinagaling ni Jesus ang Isang Lalaki sa Betesda

Pagkatapos nito, pumunta si Jesus sa Jerusalem upang dumalo sa isang pista ng mga Judio. Sa isang pintuan ng lungsod ng Jerusalem, kung saan idinadaan ang mga tupa ay may paliguan na ang tawag sa wikang Hebreo ay Betesda.[a] Sa paligid nito ay may limang silungan, kung saan nakahiga ang maraming may sakit – mga bulag, pilay at mga paralitiko. [Hinihintay nilang gumalaw ang tubig, dahil paminsan-minsan, may isang anghel ng Dios na bumababa at kinakalawkaw ang tubig. Ang unang makalusong sa tubig pagkatapos makalawkaw ng anghel ay gumagaling, kahit ano pa ang kanyang sakit.][b] May isang lalaki roon na 38 taon nang may sakit. Nakita ni Jesus ang lalaki na nakahiga roon at nalaman niyang matagal na itong may sakit. Kaya tinanong siya ni Jesus, “Gusto mo bang gumaling?” Sumagot ang may sakit, “Gusto ko po sana, pero walang tumutulong sa aking lumusong sa tubig kapag kinakalawkaw na ito. Sa tuwing papunta pa lang ako, nauunahan na ako ng iba.” Sinabi ni Jesus sa kanya, “Tumayo ka, buhatin mo ang higaan mo at lumakad!” Agad na gumaling ang lalaki. Binuhat niya ang higaan niya at lumakad.

Nangyari ito sa Araw ng Pamamahinga.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®