Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Salmo 133

Pagsasamahang may Pagkakaisa

133 Napakagandang tingnan ang mga mamamayan ng Dios na namumuhay nang may pagkakaisa.
Itoʼy parang mamahaling langis na ibinuhos sa ulo ni Aaron na dumaloy sa kanyang balbas at kwelyo ng damit.
Katulad din ito ng hamog sa Bundok ng Hermon na umaabot sa Bundok ng Zion.
    At dito sa Zion ay nangako ang Panginoon na magbibigay nang pagpapala, at itoʼy ang buhay na walang hanggan.

1 Samuel 20:1-23

Si David at si Jonatan

20 Tumakas si David mula sa Nayot sa Rama, at pumunta kay Jonatan at nagtanong, “Ano ba ang kasalanang nagawa ko sa iyong ama at gusto niya akong patayin?” Sumagot si Jonatan, “Hindi ka mamatay! Sigurado akong wala siyang pinaplanong ganyan. Maliit man o malaking bagay, ipinapaalam ng ama ko sa akin lahat ng gagawin niya. Kung binabalak ka niyang patayin, ipinaalam na sana niya ito sa akin. Kaya hindi totoo yan.” Pero sinabi ni David, “Alam na alam ng iyong ama ang tungkol sa pagkakaibigan natin kaya minabuti niya na huwag nang ipaalam sa iyo ang plano niyang pagpatay sa akin, dahil baka masaktan ka lang. Pero tinitiyak ko sa iyo, at sa harap ng presensya ng Panginoon na buhay, na nasa panganib ang buhay ko.” Sinabi ni Jonatan, “Kung anuman ang gusto mo, gagawin ko.” Kaya sinabi ni David, “Bukas ay Pista ng Pagsisimula ng Buwan,[a] at gaya ng nakagawian, dapat akong kumain kasama ng iyong ama. Pero hayaan mo akong makaalis at magtago sa bukid hanggang sa gabi ng ikatlong araw. Kung hahanapin ako ng iyong ama, sabihin mo sa kanya na humingi ako ng pahintulot sa iyo na umuwi sa amin sa Betlehem para makasama ko ang buong pamilya ko sa paghahandog na ginagawa nila taun-taon. Kapag hindi siya nagalit, ibig sabihin akoʼy wala sa panganib. Pero kapag nagalit siya, alam mo nang binabalak niya akong patayin. Kaya kung maaari, tulungan mo ako, gawin mo sa akin ang kabutihang ito, ayon sa napagkasunduan natin sa harap ng presensya ng Panginoon. Pero kung nagkasala man ako, ikaw na ang pumatay sa akin. Bakit mo pa ako ibibigay sa iyong ama?” Sumagot si Jonatan, “Hindi iyan mangyayari! Kung nalalaman ko na may balak ang aking ama na patayin ka, ipapaalam ko agad sa iyo.” 10 Nagtanong si David, “Paano ko malalaman kung galit o hindi ang iyong ama?” 11 Sinabi ni Jonatan, “Sumama ka sa akin sa bukid.” Kaya nagpunta sila roon.

12 Sinabi ni Jonatan kay David, “Nangangako ako sa Panginoon, ang Dios ng Israel, na bukas sa ganito ring oras, o sa susunod na araw, makikipag-usap ako sa aking ama, at kung mabuti ang pakitungo niya tungkol sa iyo, ipapaalam ko sa iyo. 13 Pero kung may balak ang aking ama na patayin ka, at hindi ko ito ipinaalam sa iyo para makatakas ka, sanaʼy parusahan ako nang matindi ng Panginoon. Ngayon, samahan ka sana ng Panginoon gaya ng ginawa niya noon sa aking ama. 14 At ipakita mo sana ang pagmamahal mo sa akin habang akoʼy nabubuhay pa gaya ng pagmamahal ng Panginoon sa atin. At kung patay na ako, 15 ipagpatuloy mo pa rin ang pagmamahal sa pamilya ko, kahit pa patayin ng Panginoon ang lahat ng kaaway mo.”

16 Kaya gumawa si Jonatan ng kasunduan sa pamilya ni David, at sinabi niya, “Ibigay ka sana ng Panginoon sa iyong mga kaaway, kapag hindi ka tumupad sa kasunduan natin[b].” 17 At pinasumpa ulit ni Jonatan si David ng pagmamahal sa kanya dahil mahal na mahal niya si David gaya ng pagmamahal niya sa kanyang sarili. 18 Pagkatapos, sinabi niya kay David, “Bukas ay Pista ng Pagsisimula ng Buwan at malalaman nila na wala ka roon dahil bakante ang upuan mo. 19 Sa makalawa, bago gumabi, pumunta ka sa dati mong pinagtaguan sa bukid. Maghintay ka roon sa may bato ng Ezel. 20 Darating ako at papana ng tatlong beses sa gilid ng bato na parang may pinapana ako. 21 Pagkatapos, uutusan ko ang isang bata na hanapin ang palaso. Kung sasabihin ko sa kanya na nasa gilid niya ang mga palaso, lumabas ka. Tinitiyak ko sa iyo, sa harap ng presensya ng Panginoon na buhay, na wala kang dapat katakutang panganib. 22 Pero kung sasabihin ko sa bata na nasa banda pa roon ang mga palaso, nangangahulugan ito na kailangan mong tumakas dahil pinapatakas ka ng Panginoon. 23 Tungkol sa sumpaan natin, alalahanin mo na ang Panginoon ang ating saksi magpakailanman.”

1 Samuel 20:35-42

35 Kinaumagahan, pumunta si Jonatan sa bukid para makipagkita kay David gaya ng napagkasunduan. May kasama siyang batang lalaki. Sinabi niya sa bata, 36 “Tumakbo ka na at hanapin mo ang mga palasong ipapana ko.” Kaya tumakbo ang bata at pumana si Jonatan sa unahan nito. 37 Nang dumating ang bata sa lugar na binagsakan ng palaso, sumigaw si Jonatan, “Nasa banda pa roon ang mga palaso. 38 Magmadali ka. Pulutin mo!” Pinulot ng bata ang mga palaso at bumalik sa kanyang amo. 39 Walang kaalam-alam ang bata kung ano ang kahulugan ng mga pangyayari. Sina David at Jonatan lang ang nakakaalam. 40 Pagkatapos, ibinigay ni Jonatan ang mga palaso sa bata at sinabi, “Dalhin mo ito pabalik sa bayan.”

41 Nang makaalis na ang bata, lumabas si David sa batong pinagtataguan niya at lumuhod sa harap ni Jonatan ng tatlong beses na ang mukhaʼy nakadikit sa lupa bilang paggalang. Niyakap[a] nila ang isaʼt isa na kapwa umiiyak, pero mas malakas ang iyak ni David. 42 Sinabi ni Jonatan kay David, “Sige, sanaʼy maging matiwasay ang iyong paglalakbay. At sanaʼy tulungan tayo ng Panginoon na matupad ang mga sumpaan natin sa isaʼt isa, hanggang sa mga magiging angkan natin.” Lumakad na si David, at si Jonatan namaʼy bumalik sa bayan.

Gawa 11:19-26

Ang Iglesya ng Antioc sa Syria

19 Simula nang mamatay si Esteban, nangalat ang mga mananampalataya dahil sa pag-uusig sa kanila. Ang iba ay nakarating sa Fenicia, Cyprus, at Antioc. Ipinapahayag nila ang Magandang Balita kahit saan sila pumunta, pero sa mga Judio lamang. 20 Pero ang ibang mananampalataya na taga-Cyprus at taga-Cyrene ay pumunta sa Antioc at nagpahayag ng Magandang Balita tungkol sa Panginoong Jesus maging sa mga hindi Judio. 21 Ang kapangyarihan ng Panginoon ay nasa kanila at marami ang sumampalataya at nagbalik-loob sa Panginoon.

22 Ang pangyayaring ito ay nabalitaan ng iglesya sa Jerusalem, kaya pinapunta nila si Bernabe sa Antioc. 23 Pagdating niya roon, natuwa siya dahil nakita niya ang mga kabutihang ginawa ng Dios sa mga tao roon. At pinayuhan niya sila na maging matapat at matatag sa kanilang pananampalataya sa Panginoon. 24 Mabuting tao si Bernabe. Pinapatnubayan siya ng Banal na Espiritu, at matibay ang kanyang pananampalataya sa Dios. Kaya marami sa Antioc ang sumampalataya sa Panginoon.

25 Pagkatapos, pumunta si Bernabe sa Tarsus para hanapin si Saulo. 26 Nang makita niya si Saulo, isinama niya ito pabalik sa Antioc. At isang taon silang nakasama ng iglesya roon, at maraming tao ang kanilang tinuruan. Sa Antioc unang tinawag na mga Cristiano ang mga tagasunod ni Jesus.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®