Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Salmo 29

Ang Makapangyarihang Tinig ng Panginoon

29 Purihin ang Panginoon, kayong mga anak ng makapangyarihang Dios.[a]
    Purihin siya sa kanyang kadakilaan at kapangyarihan.
Papurihan ang Panginoon ng mga papuring nararapat sa kanyang pangalan.
    Sambahin ninyo siya sa kanyang banal na presensya.

Ang tinig ng Panginoong Dios na makapangyarihan ay dumadagundong
    na parang kulog sa ibabaw ng malalakas na alon ng karagatan.
Ang tinig ng Panginoon ay makapangyarihan at kagalang-galang.
Ang tinig ng Panginoon ay makakabali
    at makakapagpira-piraso ng pinakamatibay na mga puno ng sedro sa Lebanon.
Niyayanig ng tinig ng Panginoon ang mga bundok sa Lebanon
    at ang bundok ng Hermon[b], na parang bisirong baka na tumatalon-talon.
Ang tinig ng Panginoon ang nagpapakidlat.
Ang tinig din ng Panginoon ang nagpapayanig sa Disyerto ng Kadesh.
Sa tinig ng Panginoon, napapagalaw ang mga puno ng ensina,[c]
    at nalalagas ang mga dahon sa kagubatan.
    At ang lahat ng nasa templo ay sumisigaw,
    Ang Dios ay makapangyarihan!”

10 Ang Panginoon ang may kapangyarihan sa mga baha.
    Maghahari siya magpakailanman.
11 Ang Panginoon ang nagbibigay ng kalakasan sa kanyang mga mamamayan,
    at pinagpapala niya sila ng mabuting kalagayan.

Exodus 40:16-38

16 Ginawa ni Moises ang lahat ng iniutos sa kanya ng Panginoon.

17 Kaya itinayo ang Toldang Sambahan noong unang araw ng unang buwan. Ikalawang taon iyon nang paglabas nila ng Egipto. 18 Ganito itinayo ni Moises ang Tolda: Inilagay niya ang mga pundasyon, balangkas, biga, at haligi. 19 Inilatag niya ang Tolda at pinatungan niya ng pantaklob. Ginawa niyang lahat ito ayon sa iniutos sa kanya ng Panginoon.

20 Pagkatapos, ipinasok niya sa Kahon ang malalapad na batong sinulatan ng mga utos ng Dios, at isinuksok niya sa argolya[a] ng Kahon ang mga tukod na pambuhat, at tinakpan ito. 21 Ipinasok niya ang Kahon sa loob ng Toldang Sambahan, at isinabit ang kurtina para matakpan ang Kahon ng Kasunduan ayon sa iniutos ng Panginoon.

22 Inilagay niya ang mesa sa loob ng Tolda, sa bandang hilaga, sa labas ng kurtina. 23 At inilagay niya sa mesa ang tinapay na inihahandog sa presensya ng Panginoon. Ginawa niyang lahat ito ayon sa iniutos ng Panginoon.

24 Inilagay din niya ang lalagyan ng ilaw sa loob ng Tolda, sa harapan ng mesa, sa bandang timog. 25 At inilagay niya ang mga ilaw nito sa presensya ng Panginoon. Ginawa niyang lahat ito ayon sa iniutos sa kanya ng Panginoon.

26 Inilagay din niya ang gintong altar sa loob ng Tolda, sa harapan ng kurtina, 27 at nagsunog siya ng mabangong insenso sa altar. Ginawa niyang lahat ito ayon sa iniutos ng Panginoon.

28 Ikinabit din niya ang kurtina sa pintuan ng Tolda, 29 at inilagay niya malapit sa pintuan ang altar na pinagsusunugan ng mga handog. Pagkatapos, nag-alay siya sa altar na ito ng mga handog na sinusunog at mga handog bilang pagpaparangal sa Panginoon. Ginawa niyang lahat ito ayon sa iniutos sa kanya ng Panginoon.

30 Inilagay din niya ang planggana sa pagitan ng Tolda at ng altar. Nilagyan niya ito ng tubig para paghugasan. 31 At naghugas sina Moises, Aaron at ang mga anak niyang lalaki ng mga kamay at paa nila. 32 Maghuhugas sila kapag pumapasok sa Tolda o kapag lalapit sila sa altar. Ginawa nilang lahat ito ayon sa iniutos ng Panginoon kay Moises.

33 Pagkatapos, inilagay ni Moises ang mga kurtina ng bakuran, na nakapaligid sa Tolda at altar, pati ang kurtina sa pintuan ng bakuran. At natapos ni Moises ang lahat ng gawain niya.

Ang Makapangyarihang Presensya ng Panginoon(A)

34 Pagkatapos ng lahat ng ito, binalot ang Toldang Tipanan[b] ng makapangyarihang presensya ng Panginoon na nasa anyo ng isang ulap. 35 Hindi makapasok si Moises sa Tolda dahil nababalot ito ng makapangyarihang presensya ng Panginoon na nasa anyong ulap.

36 Kapag pumaitaas ang ulap mula sa Tolda at umalis, umaalis din ang mga Israelita sa pinagkakampuhan nila. 37 Pero kung hindi, hindi rin sila umaalis. 38 Ang ulap na sumisimbolo sa presensya ng Panginoon ay nasa itaas ng Tolda kapag araw, at nag-aapoy naman ito kapag gabi para makita ng lahat ng Israelita habang naglalakbay sila.

Gawa 16:35-40

35 Kinaumagahan, nag-utos ang mga opisyal sa mga pulis na palayain na sina Pablo. 36 At itoʼy ibinalita ng guwardya kay Pablo. Sinabi niya, “Nagpautos ang mga opisyal na palayain na kayo. Kaya maaari na kayong lumabas at umalis nang mapayapa.” 37 Pero sinabi ni Pablo sa mga pulis na inutusan, “Nilabag ng mga opisyal ang kautusan ng Roma dahil ipinahagupit nila kami sa publiko at ipinabilanggo nang walang paglilitis, kahit na mga Romano kami. At ngayon gusto nilang palayain kami nang palihim. Hindi maaari! Sila mismong mga opisyal ang dapat pumunta rito at magpalaya sa amin.” 38 Kaya bumalik ang mga pulis sa mga opisyal at ipinaalam sa kanila ang sinabi ni Pablo. Nang malaman nilang mga Romano pala sina Pablo, natakot sila. 39 Kaya pumunta ang mga opisyal sa bilangguan at humingi ng paumanhin kina Pablo. Pagkatapos, pinalabas sila at pinakiusapang umalis na sa lungsod na iyon. 40 Nang makalabas na sina Pablo at Silas sa bilangguan, pumunta sila kaagad sa bahay ni Lydia. Nakipagkita sila roon sa mga kapatid, at pinalakas nila ang pananampalataya ng mga ito. Pagkatapos, umalis na sila.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®