Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
56 Maawa ka sa akin, Oh Dios: sapagka't sasakmalin ako ng tao: buong araw ay nangbababag siya na pinipighati ako.
2 Ibig akong sakmalin ng aking mga kaaway buong araw: sapagka't sila'y maraming may kapalaluan na nagsisilaban sa akin.
3 Sa panahong ako'y matakot, aking ilalagak ang aking tiwala sa iyo.
4 Sa Dios (ay pupuri ako ng kaniyang salita), sa Dios ay inilagak ko ang aking tiwala, hindi ako matatakot; anong magagawa ng laman sa akin?
5 Buong araw ay binabaligtad nila ang aking mga salita: lahat ng kanilang mga pagiisip ay laban sa akin sa ikasasama.
6 Sila'y nagpipisan, sila'y nagsisipagkubli, kanilang tinatandaan ang aking mga hakbang, gaya ng kanilang pagaabang sa aking kaluluwa.
7 Tatakas ba sila sa pamamagitan ng masama? Sa galit ay ilugmok mo ang mga bayan, Oh Dios.
8 Iyong isinasaysay ang aking mga paggagala: ilagay mo ang aking mga luha sa iyong botelya; wala ba sila sa iyong aklat?
9 Tatalikod nga ang aking mga kaaway sa kaarawan na ako'y tumawag: ito'y nalalaman ko, sapagka't ang Dios ay kakampi ko.
10 Sa Dios (ay pupuri ako ng salita), sa Panginoon (ay pupuri ako ng salita),
11 Sa Dios ay inilagak ko ang aking tiwala, hindi ako matatakot; anong magagawa ng tao sa akin?
12 Ang iyong mga panata ay sa akin, Oh Dios: ako'y magbabayad ng mga handog na pasalamat sa iyo.
13 Sapagka't iniligtas mo ang aking kaluluwa sa kamatayan: hindi mo ba iniligtas ang aking mga paa sa pagkahulog? upang ako'y makalakad sa harap ng Dios sa liwanag ng buhay.
8 At ang salita ng Panginoon ay dumating sa kaniya, na sinasabi,
9 Ikaw ay bumangon, paroon ka sa Sarepta, na nauukol sa Sidon, at tumahan ka roon: narito, aking inutusan ang isang baong babae roon na pakanin ka.
10 Sa gayo'y bumangon siya, at naparoon sa Sarepta; at nang siya'y dumating sa pintuan ng bayan, narito, isang baong babae ay nandoon na namumulot ng mga patpat: at tinawag niya siya, at sinabi, Isinasamo ko sa iyo na dalhan mo ako ng kaunting tubig sa inuman, upang aking mainom.
11 At nang siya'y yumayaon upang kumuha, tinawag niya siya, at sinabi, Dalhan mo ako, isinasamo ko sa iyo, ng isang subong tinapay sa iyong kamay.
12 At kaniyang sinabi, Ang Panginoon mong Dios ay buhay, ako'y wala kahit munting tinapay, kundi isang dakot na harina sa gusi, at kaunting langis sa banga: at, narito, ako'y namumulot ng dalawang patpat, upang ako'y pumasok, at ihanda sa akin at sa aking anak, upang aming makain, bago kami mamatay.
13 At sinabi ni Elias sa kaniya, Huwag kang matakot; yumaon ka, at gawin mo ang iyong sinabi, nguni't igawa mo muna ako ng munting tinapay, at ilabas mo sa akin, at pagkatapos ay gumawa ka para sa iyo at para sa iyong anak.
14 Sapagka't ganito ang sabi ng Panginoon, ng Dios ng Israel, Ang gusi ng harina ay hindi makukulangan, o ang banga ng langis man ay mababawasan hanggang sa araw na magpaulan ang Panginoon sa ibabaw ng lupa.
15 At siya'y yumaon, at ginawa ang ayon sa sabi ni Elias: at kumain ang babae, at siya, at ang kaniyang sangbahayan na maraming araw.
16 Ang gusi ng harina ay hindi nakulangan, o ang banga ng langis man ay nabawasan, ayon sa salita ng Panginoon, na kaniyang sinalita sa pamamagitan ni Elias.
6 Gayon man, ay nangagsasalita kami ng karunungan sa mga may gulang: bagaman hindi ng karunungan ng sanglibutang ito, o ng mga may kapangyarihan sa sanglibutang ito, na ang mga ito'y nangauuwi sa wala:
7 Kundi sinasalita namin ang karunungan ng Dios sa hiwaga, yaong karunungan na itinalaga ng Dios, bago nilalang ang mga sanglibutan sa ikaluluwalhati natin:
8 Na hindi napagkilala ng sinomang pinuno sa sanglibutang ito: sapagka't kung nakilala sana nila, ay dising di ipinako sa krus ang Panginoon ng kaluwalhatian:
9 Datapuwa't gaya ng nasusulat, Ang mga bagay na hindi nakita ng mata, at ni narinig ng tainga, Ni hindi pumasok sa puso ng tao, Anomang mga bagay na inihanda ng Dios sa kanila na nangagsisiibig sa kaniya.
10 Nguni't ang mga ito ay ipinahayag sa atin ng Dios sa pamamagitan ng Espiritu; sapagka't nasisiyasat ng Espiritu ang lahat ng mga bagay, oo, ang malalalim na mga bagay ng Dios.
11 Sapagka't sino sa mga tao ang nakakakilala ng mga bagay ng tao, kundi ang espiritu ng tao, na nasa kaniya? gayon din naman ang mga bagay ng Dios ay hindi nakikilala ng sinoman, maliban na ng Espiritu ng Dios.
12 Nguni't ating tinanggap, hindi ang espiritu ng sanglibutan, kundi ang espiritung mula sa Dios; upang ating mapagkilala ang mga bagay na sa atin ay ibinigay na walang bayad ng Dios.
13 Na ang mga bagay na ito ay atin namang sinasalita, hindi sa mga salitang itinuturo ng karunungan ng tao, kundi sa itinuturo ng Espiritu; na iniwawangis natin ang mga bagay na ayon sa espiritu sa mga pananalitang ayon sa espiritu.
14 Nguni't ang taong ayon sa laman ay hindi tumatanggap ng mga bagay ng Espiritu ng Dios: sapagka't ang mga ito ay kamangmangan sa kaniya; at hindi niya nauunawa, sapagka't ang mga yaon ay sinisiyasat ayon sa espiritu.
15 Nguni't ang sa espiritu ay nagsisiyasat sa lahat ng mga bagay, at siya'y hindi sinisiyasat ng sinoman.
16 Sapagka't sino ang nakakilala ng pagiisip ng Panginoon, upang siya'y turuan niya? Datapuwa't nasa atin ang pagiisip ni Cristo.
Public Domain