Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Ang Dating Biblia (1905) (ADB1905)
Version
Awit 106:1-12

106 Purihin ninyo ang Panginoon. Oh mangagpasalamat kayo sa Panginoon; sapagka't siya'y mabuti; sapagka't ang kaniyang kagandahang-loob ay magpakailan man.

Sinong makapagbabadya ng mga makapangyarihang gawa ng Panginoon, o makapagpapakilala ng buo niyang kapurihan?

Mapalad silang nangagiingat ng kahatulan, at siyang gumagawa ng katuwiran sa buong panahon.

Alalahanin mo ako, Oh Panginoon, ng lingap na iyong ipinagkaloob sa iyong bayan; Oh dalawin mo ako ng iyong pagliligtas:

Upang makita ko ang kaginhawahan ng iyong hirang, upang ako'y magalak sa kasayahan ng iyong bansa, upang ako'y lumuwalhati na kasama ng iyong mana.

Kami ay nangagkasala na kasama ng aming mga magulang, kami ay nangakagawa ng kasamaan, kami ay nagsigawa ng masama.

Hindi naunawa ng aming mga magulang ang iyong mga kababalaghan sa Egipto; hindi nila inalaala ang karamihan ng iyong mga kagandahang-loob, kundi naging mapanghimagsik sa dagat, sa makatuwid baga'y sa Dagat na Mapula.

Gayon ma'y iniligtas niya sila dahil sa kaniyang pangalan, upang kaniyang maipabatid ang kaniyang matibay na kapangyarihan.

Kaniyang sinaway naman ang Dagat na Mapula, at natuyo: sa gayo'y pinatnubayan niya sila sa mga kalaliman, na parang ilang.

10 At iniligtas niya sila sa kamay ng nangagtatanim sa kanila, at tinubos niya sila sa kamay ng kaaway.

11 At tinabunan ng tubig ang kanilang mga kaaway: walang nalabi sa kanila kahit isa.

12 Nang magkagayo'y sinampalatayanan nila ang kaniyang mga salita; inawit nila ang kaniyang kapurihan.

Mga Hukom 4:1-16

At ginawa uli ng mga anak ni Israel ang masama sa paningin ng Panginoon, nang mamatay si Aod.

At ipinagbili sila ng Panginoon sa kamay ni Jabin na hari sa Canaan, na naghahari sa Asor; na ang puno sa hukbong yaon ay si Sisara, na siyang tumatahan sa Haroseth ng mga bansa.

At dumaing ang mga anak ni Israel sa Panginoon: sapagka't siya'y may siyam na raan na karong bakal; at dalawang pung taong pinighati niyang mainam ang mga anak ni Israel.

Si Debora nga, na propetisa, asawa ni Lapidoth, ay naghukom sa Israel nang panahong yaon.

At siya'y tumahan sa ilalim ng puno ng palma ni Debora, sa pagitan ng Rama at Beth-el, sa lupaing maburol ng Ephraim; at sinampa siya ng mga anak ni Israel upang pahatol.

At kaniyang ipinatawag si Barac, na anak ni Abinoam mula sa Cedes-nephtali, at sinabi sa kaniya, Hindi ba ang Panginoon, ang Dios ng Israel, ay nagutos na sinasabi, Yumaon ka, at pumaroon ka sa bundok ng Tabor, at magsama ka ng sangpung libong lalake sa mga anak ni Nephtali at sa mga anak ni Zabulon?

At aking isusulong sa iyo sa ilog Cison, si Sisara, na puno sa hukbo ni Jabin, pati ng kaniyang mga karo at ng kaniyang karamihan; at aking ibibigay siya sa iyong kamay.

At sinabi ni Barac sa kaniya, Kung ikaw ay sasama sa akin ay paroroon nga ako: nguni't kung hindi ka sasama sa akin, ay hindi ako paroroon.

At kaniyang sinabi, Walang pagsalang sasama ako sa iyo: gayon ma'y ang lakad na iyong ipagpapatuloy ay hindi magiging sa iyong kapurihan; sapagka't ipagbibili ng Panginoon si Sisara sa kamay ng isang babae. At si Debora ay tumindig at sumama kay Barac sa Cedes.

10 At tinawag ni Barac ang Zabulon at ang Nephtali na magkasama sa Cedes; at doo'y umahon ang sangpung libong lalake na kasunod niya: at si Debora ay umahong kasama niya.

11 Si Heber nga na Cineo ay humiwalay sa mga Cineo, sa makatuwid baga'y sa mga anak ni Hobab, na biyanan ni Moises, at itinayo ang kaniyang tolda hanggang sa encina sa Zaananim, na nasa siping ng Cedes.

12 At kanilang isinaysay kay Sisara na si Barac na anak ni Abinoam ay umahon sa bundok ng Tabor.

13 At pinapagpisang magkakasama ni Sisara ang lahat niyang mga karo, na siyam na raang karong bakal, at ang buong bayan na kasama niya, mula sa Haroseth ng mga bansa hanggang sa ilog Cison.

14 At sinabi ni Debora kay Barac, Tumindig ka; sapagka't ito ang araw na ibinigay ng Panginoon si Sisara sa iyong kamay: hindi ba lumabas ang Panginoon sa harap mo? Sa gayo'y lumusong si Barac mula sa bundok ng Tabor, at sangpung libong lalake ang kasunod niya.

15 At nilansag ng Panginoon si Sisara, at lahat ng mga karo niya, at ang buong hukbo niya, ng talim ng tabak sa harap ni Barac; at lumunsad si Sisara sa kaniyang karo, at tumakas na tumakbo.

16 Nguni't hinabol ni Barac ang mga karo, at ang hukbo, hanggang sa Haroseth ng mga bansa: at ang buong hukbo ni Sisara ay nahulog sa talim ng tabak; walang lalaking nalabi.

Efeso 6:10-17

10 Sa katapustapusa'y magpakalakas kayo sa Panginoon, at sa kapangyarihan ng kaniyang kalakasan.

11 Mangagbihis kayo ng buong kagayakan ng Dios, upang kayo'y magsitibay laban sa mga lalang ng diablo.

12 Sapagka't ang ating pakikibaka ay hindi laban sa laman at dugo, kundi laban sa mga pamunuan, laban sa mga kapangyarihan, laban sa mga namamahala ng kadilimang ito sa sanglibutan, laban sa mga ukol sa espiritu ng kasamaan sa mga dakong kaitaasan.

13 Dahil dito magsikuha kayo ng buong kagayakan ng Dios, upang kayo'y mangakatagal sa araw na masama, at kung magawa ang lahat, ay magsitibay.

14 Magsitibay nga kayo, na ang inyong mga baywang ay may bigkis na katotohanan, na may sakbat na baluti ng katuwiran,

15 At ang inyong mga paa ay may panyapak na paghahanda ng evangelio ng kapayapaan;

16 Bukod dito ay taglayin ninyo ang kalasag ng pananampalataya, na siyang ipapatay ninyo sa lahat ng nangagniningas na suligi ng masama.

17 At magsikuha rin naman kayo ng turbante ng kaligtasan, at ng tabak ng Espiritu, na siyang salita ng Dios:

Ang Dating Biblia (1905) (ADB1905)

Public Domain