Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
12 Purihin mo ang Panginoon, Oh Jerusalem; purihin mo ang iyong Dios, Oh Sion.
13 Sapagka't kaniyang pinatibay ang mga halang ng iyong mga pintuang-bayan; kaniyang pinagpala ang iyong mga anak sa loob mo.
14 Siya'y gumagawa ng kapayapaan sa iyong mga hangganan; kaniyang binubusog ka ng pinakamainam na trigo.
15 Kaniyang sinusugo ang kaniyang utos sa lupa; ang kaniyang salita ay tumatakbong maliksi.
16 Siya'y nagbibigay ng nieve na parang balahibo ng tupa; siya'y nagkakalat ng eskarcha na parang abo.
17 Kaniyang inihahagis na parang putol na maliit ang kaniyang hielo: sinong makatatagal sa harap ng lamig niyaon?
18 Kaniyang pinahahatdan ng salita, at tinutunaw: kaniyang pinahihihip ang kaniyang hangin, at ang tubig ay pinaagos.
19 Kaniyang ipinabatid ang kaniyang salita sa Jacob, ang kaniyang mga palatuntunan at mga kahatulan sa Israel.
20 Siya'y hindi gumawa ng gayon sa alin mang bansa: at tungkol sa kaniyang mga kahatulan, hindi nila nalaman. Purihin ninyo ang Panginoon.
1 Ang mga kawikaan ni Salomon na anak ni David na hari sa Israel:
2 Upang umalam ng karunungan at turo; upang bulayin ang mga salita ng pagkaunawa;
3 Upang tumanggap ng turo sa pantas na paguugali, sa katuwiran, at kahatulan, at karampatan;
4 Upang magbigay ng katalinuhan sa musmos. Kaalaman at pagbubulay sa kabataan:
5 Upang marinig ng pantas, at lumago sa ikatututo: at upang tamuhin ng taong may unawa ang magagaling na payo:
6 Upang umunawa ng kawikaan at ng kahulugan; ng mga salita ng pantas, at ng kanilang malalabong sabi.
7 Ang takot sa Panginoon ay pasimula ng kaalaman: nguni't ang mangmang ay humahamak sa karunungan at turo.
13 Sino ang marunong at matalino sa inyo? ipakita niya sa pamamagitan ng mabuting kabuhayan ang kaniyang mga gawa sa kaamuan ng karunungan.
14 Nguni't kung kayo'y mayroong mapapait na paninibugho at pagkakampikampi sa inyong puso, ay huwag ninyong ipagmapuri at huwag magsinungaling laban sa katotohanan.
15 Hindi ito ang karunungang bumababa mula sa itaas, kundi ang nauukol sa lupa, sa laman, sa diablo.
16 Sapagka't kung saan mayroong paninibugho at pagkakampikampi, ay doon mayroong kaguluhan at lahat ng gawang masama.
17 Nguni't ang karunungang buhat sa itaas, ay una-una'y malinis saka mapayapa, banayad, madaling panaingan, puspos ng kaawaan at ng mabubuting bunga, walang inaayunan, walang pagpapaimbabaw.
18 At ang bunga ng katuwiran ay natatanim sa kapayapaan sa mga nagsisigawa ng kapayapaan.
Public Domain