Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
145 Ibubunyi kita, Dios ko, Oh Hari; at aking pupurihin ang pangalan mo magpakailan-kailan pa man.
2 Araw-araw ay pupurihin kita; at aking pupurihin ang pangalan mo magpakailan-kailan pa man.
3 Dakila ang Panginoon, at marapat na purihin; at ang kaniyang kadakilaan ay hindi masayod.
4 Ang isang lahi ay pupuri ng iyong mga gawa sa isa. At ipahahayag ang iyong mga makapangyarihang gawa.
5 Sa maluwalhating kamahalan ng iyong karangalan, at sa iyong mga kagilagilalas na mga gawa, magbubulay ako.
6 At ang mga tao ay mangagsasalita ng kapangyarihan ng iyong kakilakilabot na mga gawa; at aking ipahahayag ang iyong kadakilaan.
7 Kanilang sasambitin ang alaala sa iyong dakilang kabutihan, at aawitin nila ang iyong katuwiran.
8 Ang Panginoon ay mapagbiyaya, at puspos ng kahabagan; banayad sa pagkagalit, at dakila sa kagandahang-loob.
9 Ang Panginoon ay mabuti sa lahat; at ang kaniyang mga malumanay na kaawaan ay nasa lahat niyang mga gawa.
10 Lahat mong mga gawa ay mangagpapasalamat sa iyo Oh Panginoon; at pupurihin ka ng iyong mga banal.
11 Sila'y mangagsasalita ng kaluwalhatian ng iyong kaharian, at mangungusap ng iyong kapangyarihan;
12 Upang ipabatid sa mga anak ng mga tao ang kaniyang mga makapangyarihang gawa, at ang kaluwalhatian ng kamahalan ng kaniyang kaharian.
13 Ang kaharian mo'y walang hanggang kaharian, at ang kapangyarihan mo'y sa lahat ng sali't saling lahi.
14 Inaalalayan ng Panginoon ang lahat na nangabubuwal, at itinatayo yaong nangasusubasob.
15 Ang mga mata ng lahat ay nangaghihintay sa iyo; at iyong ibinigay sa kanila ang kanilang pagkain sa ukol na panahon.
16 Iyong binubuksan ang iyong kamay, at sinasapatan mo ang nasa ng bawa't bagay na may buhay.
17 Ang Panginoon ay matuwid sa lahat niyang daan, at mapagbiyaya sa lahat niyang mga gawa.
18 Ang Panginoon ay malapit sa lahat na nagsisitawag sa kaniya, sa lahat na nagsisitawag sa kaniya sa katotohanan.
19 Kaniyang tutuparin ang nasa nila na nangatatakot sa kaniya; kaniya ring didinggin ang kanilang daing, at ililigtas sila.
20 Iniingatan ng Panginoon ang lahat na nagsisiibig sa kaniya; nguni't lahat ng masama ay lilipulin niya.
21 Ang aking bibig ay magsasalita ng kapurihan ng Panginoon; at purihin ng lahat na laman ang kaniyang banal na pangalan magpakailan-kailan pa man.
9 Inagaw mo ang aking puso, kapatid ko, kasintahan ko, iyong inagaw ang aking puso ng isang sulyap ng iyong mga mata, ng isang kuwintas ng iyong leeg.
10 Pagkaganda ng iyong pagsinta, kapatid ko, kasintahan ko! Pagkaigi ng iyong pagsinta kay sa alak! At ang amoy ng iyong mga langis kay sa lahat na sari-saring pabango!
11 Ang iyong mga labi, Oh kasintahan ko, na nagsisitulo na gaya ng pulot-pukyutan: pulot at gatas ay nasa ilalim ng iyong dila; at ang amoy ng iyong mga suot ay gaya ng amoy ng Libano.
12 Halamanang nababakuran ang kapatid ko, ang kasintahan ko; bukal na nababakuran, balon na natatakpan.
13 Ang iyong mga pananim ay halamanan ng mga granada, na may mahalagang mga bunga; albena sangpu ng mga pananim na nardo,
14 Nardo at azafran, calamo at kanela, sangpu ng lahat na punong kahoy na kamangyan; mira at mga eloe, sangpu ng lahat na pinakamainam na especia.
15 Ikaw ay bukal ng mga halamanan, balon ng mga buhay na tubig, at mga balong na tubig na mula sa Libano.
16 Gumising ka, Oh hilagaang hangin; at parito ka, ikaw na timugan; humihip ka sa aking halamanan, upang ang mga bango niya'y sumalimuoy. Masok ang aking sinta sa kaniyang halamanan, at kumain siya ng kaniyang mahalagang mga bunga.
5 Ako'y dumating sa aking halamanan, kapatid ko, kasintahan ko: aking dinampot ang aking mira pati ang aking especia; aking kinain ang aking pulotpukyutan pati ang aking pulot; aking ininom ang aking alak pati ang aking gatas. Magsikain kayo, Oh mga kaibigan; magsiinom kayo, oo, magsiinom kayo ng sagana, Oh sinisinta.
33 At sinabi nila sa kaniya, Ang mga alagad ni Juan ay nangagaayunong madalas, at nagsisigawa ng mga pagdaing; gayon din ang mga alagad ng mga Fariseo; datapuwa't ang mga iyo'y nagsisikain at nagsisiinom.
34 At sinabi ni Jesus sa kanila, Mangyayari bagang papagayunuhin ninyo ang mga abay sa kasalan samantalang ang kasintahang lalake ay kasama nila?
35 Datapuwa't darating ang mga araw; at pagka inalis sa kanila ang kasintahang lalake, kung magkagayo'y mangagaayuno sila sa mga araw na yaon.
36 At sinalita rin naman niya sa kanila ang isang talinghaga: Walang taong pumilas sa bagong damit at itinagpi sa damit na luma; sa ibang paraa'y sisirain ang bago, at sa luma naman ay hindi bagay ang tagping mula sa bago.
37 At walang taong nagsisilid ng alak na bago sa mga balat na luma; sa ibang paraa'y papuputukin ng alak na bago ang mga balat, at mabububo, masisira ang mga balat.
38 Kundi dapat isilid ang alak na bago sa mga bagong balat.
39 At walang taong nakainom ng alak na laon, ay iibig sa alak na bago; sapagka't sasabihin niya, Mabuti ang laon.
Public Domain