Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
8 At ang buong bayan ay nagpipisan na parang isang lalake sa luwal na dako na nasa harap ng pintuang-bayan ng tubig; at sila'y nangagsalita kay Ezra na kalihim, na dalhin ang aklat ng kautusan ni Moises, na iniutos ng Panginoon sa Israel.
2 At dinala ni Ezra na saserdote ang aklat ng kautusan sa harap ng kapisanan, na mga lalake at mga babae, at lahat na makadidinig na may kaalaman nang unang araw ng ikapitong buwan.
3 At binasa niya roon sa harap ng luwal na dako na nasa harap ng pintuang-bayan ng tubig, mula sa madaling araw hanggang sa katanghaliang tapat sa harapan ng mga lalake at mga babae, at ng makakaalam: at ang mga pakinig ng buong bayan ay nakikinig sa aklat ng kautusan.
5 At binuksan ni Ezra ang aklat sa paningin ng buong bayan; (sapagka't siya'y nasa mataas sa buong bayan;) at nang kaniyang buksan, ang buong bayan ay tumayo:
6 At si Ezra ay pumuri sa Panginoon, na dakilang Dios. At ang buong bayan ay sumagot: Siya nawa, Siya nawa, na may pagtataas ng kanilang mga kamay: at kanilang iniyukod ang kanilang mga ulo, at nagsisamba sa Panginoon na ang kanilang mga mukha'y nakatungo sa lupa.
8 At sila'y nagsibasa sa aklat, sa kautusan ng Dios, na maliwanag; at kanilang ibinigay ang kahulugan, na anopa't kanilang nabatid ang binasa.
9 At si Nehemias na siyang tagapamahala, at si Ezra na saserdote na kalihim, at ang mga Levita na nangagturo sa bayan, ay nangagsabi sa buong bayan: Ang araw na ito ay banal sa Panginoon ninyong Dios; huwag kayong magsitaghoy, ni magsiiyak man. Sapagka't ang buong bayan ay umiyak, nang kanilang marinig ang mga salita ng kautusan.
10 Nang magkagayo'y kaniyang sinabi sa kanila, Magsilakad kayo ng inyong lakad, magsikain kayo ng taba, at magsiinom kayo ng matamis; at mangagpadala kayo ng mga bahagi roon sa walang naihanda: sapagka't ang araw na ito ay banal sa ating Panginoon: huwag din kayong mangamanglaw; sapagka't ang kagalakan sa Panginoon ay inyong kalakasan.
19 Ang kalangitan ay nagpapahayag ng kaluwalhatian ng Dios; at ipinakikilala ng kalawakan ang gawa ng kaniyang kamay.
2 Sa araw-araw ay nagbabadya ng pananalita, at sa gabi-gabi ay nagpapakilala ng kaalaman.
3 Walang pananalita o wika man; ang kanilang tinig ay hindi marinig.
4 Ang kanilang pangungusap ay lumaganap sa buong lupa, at ang kanilang mga salita ay hanggang sa wakas ng sanglibutan. Sa kanila inilagay niya ang tabernakulo na ukol sa araw,
5 Na gaya ng kasintahang lalake na lumalabas mula sa kaniyang silid. At nagagalak na gaya ng malakas na tao na tatakbo ng kaniyang takbo.
6 Ang kaniyang labasan ay mula sa wakas ng mga langit, at ang kaniyang ligid ay sa mga wakas niyaon: at walang bagay na nakukubli sa pagiinit niyaon.
7 Ang kautusan ng Panginoon ay sakdal, na nagsasauli ng kaluluwa: ang patotoo ng Panginoon ay tunay, na nagpapapantas sa hangal.
8 Ang mga tuntunin ng Panginoon ay matuwid, na nagpapagalak sa puso: ang utos ng Panginoon ay dalisay, na nagpapaliwanag ng mga mata.
9 Ang takot sa Panginoon ay malinis, na nananatili magpakailan man: ang mga kahatulan ng Panginoon ay katotohanan, at lubos na matuwid.
10 Mga pinipitang higit kay sa ginto, oo, higit kay sa maraming dalisay na ginto: lalong mainam kay sa pulot, at sa pulot-pukyutan.
11 Higit dito'y sa pamamagitan ng mga iyo'y mapagpapaunahan ang iyong lingkod: sa pagiingat ng mga yaon ay may dakilang ganting-pala.
12 Sinong makasisiyasat ng kaniyang mga kamalian? Paliwanagan mo ako sa mga kubling kamalian.
13 Italikod mo rin ang iyong lingkod sa mga kapalaluang sala: huwag mong papagtaglayin ang mga yaon ng kapangyarihan sa akin: kung magkagayo'y magiging matuwid ako, at magiging malinis ako sa malaking pagsalangsang.
14 Maging kalugodlugod nawa ang mga salita ng aking bibig, at ang pagbubulay ng aking puso sa iyong paningin, Oh Panginoon, na aking malaking bato, at aking manunubos.
12 Sapagka't kung paanong ang katawan ay iisa, at mayroong maraming mga sangkap, at ang lahat ng mga sangkap ng katawan, bagama't marami, ay iisang katawan; gayon din naman si Cristo.
13 Sapagka't sa isang Espiritu ay binabautismuhan tayong lahat sa isang katawan, maging tayo'y Judio o Griego, maging mga alipin o mga laya; at tayong lahat ay pinainom sa isang Espiritu.
14 Sapagka't ang katawan ay hindi iisang sangkap, kundi marami.
15 Kung sasabihin ng paa, Sapagka't hindi ako kamay, ay hindi ako sa katawan; hindi nga dahil dito'y hindi sa katawan.
16 At kung sasabihin ng tainga, Sapagka't hindi ako mata, ay hindi ako sa katawan; hindi nga dahil dito'y hindi sa katawan.
17 Kung ang buong katawan ay pawang mata, saan naroroon ang pakinig? Kung ang lahat ay pawang pakinig, saan naroroon ang pangamoy.
18 Datapuwa't ngayo'y inilagay ng Dios ang bawa't isa sa mga sangkap ng katawan, ayon sa kaniyang minagaling.
19 At kung ang lahat nga'y pawang isang sangkap, saan naroroon ang katawan?
20 Datapuwa't maraming mga sangkap nga, nguni't iisa ang katawan.
21 At hindi makapagsasabi ang mata sa kamay, Hindi kita kinakailangan: at hindi rin ang ulo sa mga paa, Hindi ko kayo kailangan.
22 Hindi, kundi lalo pang kailangan yaong mga sangkap ng katawan na wari'y lalong mahihina:
23 At yaong mga sangkap ng katawan, na inaakala nating kakaunti ang kapurihan, sa mga ito ipinagkakaloob natin ang lalong saganang papuri; at ang mga sangkap nating mga pangit ay siyang may lalong saganang kagandahan;
24 Yamang ang mga sangkap nating magaganda ay walang kailangan: datapuwa't hinusay ng Dios ang katawan na binigyan ng lalong saganang puri yaong sangkap na may kakulangan;
25 Upang huwag magkaroon ng pagkakabahabahagi sa katawan; kundi ang mga sangkap ay mangagkaroon ng magkasing-isang pagiingat sa isa't isa.
26 At kung ang isang sangkap ay nagdaramdam, ang lahat ng mga sangkap ay nangagdaramdam na kasama niya; o kung ang isang sangkap ay nagkakapuri, ang lahat ng mga sangkap ay nangagagalak na kasama niya.
27 Kayo nga ang katawan ni Cristo, at bawa't isa'y samasamang mga sangkap niya.
28 At ang Dios ay naglagay ng ilan sa iglesia, una-una'y mga apostol, ikalawa'y mga propeta, ikatlo'y mga guro, saka mga himala, saka mga kaloob na pagpapagaling, mga pagtulong, mga pamamahala, at iba't ibang mga wika.
29 Lahat baga'y mga apostol? lahat baga'y mga propeta? lahat baga'y mga guro? lahat baga'y mga manggagawa ng mga himala?
30 May mga kaloob na pagpapagaling baga ang lahat? nangagsasalita baga ang lahat ng mga wika? lahat baga ay nangagpapaliwanag?
31 Datapuwa't maningas ninyong nasain, ang lalong dakilang mga kaloob. At itinuturo ko sa inyo ang isang daang kagalinggalingan.
14 At bumalik si Jesus sa Galilea sa kapangyarihan ng Espiritu: at kumalat ang kabantugan tungkol sa kaniya sa palibot ng buong lupain.
15 At nagtuturo siya sa mga sinagoga nila, na niluluwalhati ng lahat.
16 At siya'y napasa Nazaret na kaniyang nilakhan: at ayon sa kaniyang kaugalian, siya'y pumasok sa sinagoga nang araw ng sabbath, at nagtindig upang bumasa.
17 At ibinigay sa kaniya ang aklat ng propeta Isaias. At binuklat niya ang aklat, na nasumpungan niya ang dakong kinasusulatan,
18 Sumasa akin ang Espiritu ng Panginoon, Sapagka't ako'y pinahiran niya upang ipangaral ang mabubuting balita sa mga dukha: Ako'y sinugo niya upang itanyag sa mga bihag ang pagkaligtas, At sa mga bulag ang pagkakita, Upang bigyan ng kalayaan ang nangaaapi,
19 Upang itanyag ang kaayaayang taon ng Panginoon.
20 At binalumbon niya ang aklat, at isinauli sa naglilingkod, at naupo: at ang mga mata ng lahat ng nangasa sinagoga ay nangakatitig sa kaniya.
21 At siya'y nagpasimulang magsabi sa kanila, Ngayo'y naganap ang kasulatang ito sa inyong mga pakinig.
Public Domain