Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
19 Ang kalangitan ay nagpapahayag ng kaluwalhatian ng Dios; at ipinakikilala ng kalawakan ang gawa ng kaniyang kamay.
2 Sa araw-araw ay nagbabadya ng pananalita, at sa gabi-gabi ay nagpapakilala ng kaalaman.
3 Walang pananalita o wika man; ang kanilang tinig ay hindi marinig.
4 Ang kanilang pangungusap ay lumaganap sa buong lupa, at ang kanilang mga salita ay hanggang sa wakas ng sanglibutan. Sa kanila inilagay niya ang tabernakulo na ukol sa araw,
5 Na gaya ng kasintahang lalake na lumalabas mula sa kaniyang silid. At nagagalak na gaya ng malakas na tao na tatakbo ng kaniyang takbo.
6 Ang kaniyang labasan ay mula sa wakas ng mga langit, at ang kaniyang ligid ay sa mga wakas niyaon: at walang bagay na nakukubli sa pagiinit niyaon.
7 Ang kautusan ng Panginoon ay sakdal, na nagsasauli ng kaluluwa: ang patotoo ng Panginoon ay tunay, na nagpapapantas sa hangal.
8 Ang mga tuntunin ng Panginoon ay matuwid, na nagpapagalak sa puso: ang utos ng Panginoon ay dalisay, na nagpapaliwanag ng mga mata.
9 Ang takot sa Panginoon ay malinis, na nananatili magpakailan man: ang mga kahatulan ng Panginoon ay katotohanan, at lubos na matuwid.
10 Mga pinipitang higit kay sa ginto, oo, higit kay sa maraming dalisay na ginto: lalong mainam kay sa pulot, at sa pulot-pukyutan.
11 Higit dito'y sa pamamagitan ng mga iyo'y mapagpapaunahan ang iyong lingkod: sa pagiingat ng mga yaon ay may dakilang ganting-pala.
12 Sinong makasisiyasat ng kaniyang mga kamalian? Paliwanagan mo ako sa mga kubling kamalian.
13 Italikod mo rin ang iyong lingkod sa mga kapalaluang sala: huwag mong papagtaglayin ang mga yaon ng kapangyarihan sa akin: kung magkagayo'y magiging matuwid ako, at magiging malinis ako sa malaking pagsalangsang.
14 Maging kalugodlugod nawa ang mga salita ng aking bibig, at ang pagbubulay ng aking puso sa iyong paningin, Oh Panginoon, na aking malaking bato, at aking manunubos.
61 Ang Espiritu ng Panginoong Dios ay sumasa akin; sapagka't pinahiran ako ng Panginoon upang ipangaral ang mabubuting balita sa mga maamo; kaniyang sinugo ako upang magpagaling ng mga bagbag na puso, upang magtanyag ng kalayaan sa mga bihag, at magbukas ng bilangguan sa nangabibilanggo;
2 Upang magtanyag ng kalugodlugod na taon ng Panginoon, at ng kaarawan ng panghihiganti ng ating Dios; upang aliwin yaong lahat na nagsisitangis;
3 Upang iukol sila na nagsisitangis sa Sion, upang bigyan sila ng putong na bulaklak na kahalili ng mga abo, ng langis ng kagalakan na kahalili ng pagtangis, ng damit ng kapurihan na kahalili ng kabigatan ng loob; upang sila'y matawag na mga punong kahoy ng katuwiran, na pananim ng Panginoon upang siya'y luwalhatiin.
4 At sila'y magtatayo ng mga dating sira, sila'y magbabangon ng mga dating giba, at kanilang huhusayin ang mga sirang bayan, ang mga nagiba sa maraming sali't saling lahi.
5 At ang mga taga ibang lupa ay magsisitayo at mangagpapastol ng inyong mga kawan, at ang mga taga ibang lupa ay magiging inyong mga mangaararo at mangungubasan.
6 Nguni't kayo'y tatawaging mga saserdote ng Panginoon; tatawagin kayo ng mga tao na mga tagapangasiwa ng ating Dios: kayo'y magsikain ng kayamanan ng mga bansa, at sa kanilang kaluwalhatian ay mangagmamapuri kayo.
7 Kahalili ng inyong kahihiyan ay nagtatamo kayo ng ibayong karangalan; at kahalili ng pagkalito ay magagalak sila sa kanilang bahagi: kaya't sa kanilang lupain ay mangagaari sila ng ibayong kasaganaan, walang hanggang kagalakan ang mapapasa kanila.
7 O hindi baga ninyo nalalaman mga kapatid (sapagka't nagsasalita ako sa mga taong nakakaalam ng kautusan), na ang kautusan ay naghahari sa tao samantalang siya'y nabubuhay?
2 Sapagka't ang babae na may asawa ay itinali ng kautusan sa asawa samantalang ito ay nabubuhay; datapuwa't kung ang asawa'y mamatay, ay kalag na sa kautusan ng asawa.
3 Kaya nga kung, samantalang nabubuhay ang asawa, siya'y makikisama sa ibang lalake, siya'y tatawaging mangangalunya: datapuwa't kung mamatay ang asawa, ay laya na siya sa kautusan, ano pa't siya'y hindi na mangangalunya, bagaman siya'y makisama sa ibang lalake.
4 Gayon din naman, mga kapatid ko, kayo'y nangamatay rin sa kautusan sa pamamagitan ng katawan ni Cristo; upang kayo'y makisama sa iba, sa makatuwid baga'y doon sa nabuhay na maguli, upang tayo'y magsipagbunga sa Dios.
5 Sapagka't nang tayo'y nangasa laman, ang mga pitang salarin na pawang sa pamamagitan ng kautusan, ay nagsigawa sa ating mga sangkap upang magsipagbunga sa kamatayan.
6 Datapuwa't ngayon tayo'y nangaligtas sa kautusan, yamang tayo'y nangamatay doon sa nakatatali sa atin; ano pa't nagsisipaglingkod na tayo sa panibagong espiritu, at hindi sa karatihan ng sulat.
Public Domain