Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
19 Ang kalangitan ay nagpapahayag ng kaluwalhatian ng Dios; at ipinakikilala ng kalawakan ang gawa ng kaniyang kamay.
2 Sa araw-araw ay nagbabadya ng pananalita, at sa gabi-gabi ay nagpapakilala ng kaalaman.
3 Walang pananalita o wika man; ang kanilang tinig ay hindi marinig.
4 Ang kanilang pangungusap ay lumaganap sa buong lupa, at ang kanilang mga salita ay hanggang sa wakas ng sanglibutan. Sa kanila inilagay niya ang tabernakulo na ukol sa araw,
5 Na gaya ng kasintahang lalake na lumalabas mula sa kaniyang silid. At nagagalak na gaya ng malakas na tao na tatakbo ng kaniyang takbo.
6 Ang kaniyang labasan ay mula sa wakas ng mga langit, at ang kaniyang ligid ay sa mga wakas niyaon: at walang bagay na nakukubli sa pagiinit niyaon.
7 Ang kautusan ng Panginoon ay sakdal, na nagsasauli ng kaluluwa: ang patotoo ng Panginoon ay tunay, na nagpapapantas sa hangal.
8 Ang mga tuntunin ng Panginoon ay matuwid, na nagpapagalak sa puso: ang utos ng Panginoon ay dalisay, na nagpapaliwanag ng mga mata.
9 Ang takot sa Panginoon ay malinis, na nananatili magpakailan man: ang mga kahatulan ng Panginoon ay katotohanan, at lubos na matuwid.
10 Mga pinipitang higit kay sa ginto, oo, higit kay sa maraming dalisay na ginto: lalong mainam kay sa pulot, at sa pulot-pukyutan.
11 Higit dito'y sa pamamagitan ng mga iyo'y mapagpapaunahan ang iyong lingkod: sa pagiingat ng mga yaon ay may dakilang ganting-pala.
12 Sinong makasisiyasat ng kaniyang mga kamalian? Paliwanagan mo ako sa mga kubling kamalian.
13 Italikod mo rin ang iyong lingkod sa mga kapalaluang sala: huwag mong papagtaglayin ang mga yaon ng kapangyarihan sa akin: kung magkagayo'y magiging matuwid ako, at magiging malinis ako sa malaking pagsalangsang.
14 Maging kalugodlugod nawa ang mga salita ng aking bibig, at ang pagbubulay ng aking puso sa iyong paningin, Oh Panginoon, na aking malaking bato, at aking manunubos.
5 Nang magkagayo'y umalingawngaw ang malakas na daing ng bayan at ng kanilang mga asawa laban sa kanilang mga kapatid na mga Judio,
2 Sapagka't may nagsisipagsabi, Kami, ang aming mga anak na lalake at babae ay marami: tulutan kaming magsikuha ng trigo, upang aming makain at mabuhay kami.
3 May nagsisipagsabi naman: Aming isinasangla ang aming mga bukid at ang aming mga ubasan, at ang aming mga bahay: tulutan kaming magsikuha ng trigo, dahil sa kasalatan.
4 May nagsisipagsabi naman: Aming ipinangutang ng salapi ang buwis sa hari na hinihingi sa aming mga bukid at aming mga ubasan.
5 Gayon ma'y ang aming laman ngayon ay gaya ng laman ng aming mga kapatid, ang aming mga anak ay gaya ng kanilang mga anak: at, narito, aming dinadala sa pagkaalipin ang aming mga anak na lalake at babae upang maging mga alipin, at ang iba sa aming mga anak na babae ay nangadala sa pagkaalipin: wala man lamang kaming kapangyarihang makatulong; sapagka't ibang mga tao ang nagtatangkilik ng aming bukid at ng aming mga ubasan.
6 At ako'y nagalit na mainam, nang aking marinig ang kanilang daing at ang mga salitang ito.
7 Nang magkagayo'y sumangguni ako sa aking sarili, at nakipagtalo ako sa mga mahal na tao at sa mga pinuno, at nagsabi sa kanila, Kayo'y nangagpapatubo, bawa't isa sa kaniyang kapatid. At ako'y nagdaos ng malaking kapulungan laban sa kanila.
8 At sinabi ko sa kanila, Kami ayon sa aming kaya ay aming tinubos ang aming mga kapatid na mga Judio, na mga naipagbili sa mga bansa; at inyo ba ring ipagbibili ang inyong mga kapatid, at sila'y maipagbibili sa amin? Nang magkagayo'y nagsitahimik sila, at hindi nakasumpong kailan man ng salita.
9 Sinabi ko rin, Ang bagay na inyong ginagawa ay hindi mabuti: hindi ba kayo marapat magsilakad sa takot sa ating Dios, dahil sa pagdusta ng mga bansa, na ating mga kaaway?
10 At ako'y gayon din, ang aking mga kapatid at ang aking mga lingkod ay nangutang sa kanila ng salapi at trigo. Isinasamo ko sa inyo na ating iwan ang patubong ito.
11 Isinasamo ko sa inyo, na isauli ninyo sa kanila, sa araw ding ito, ang kanilang mga bukid, at ang kanilang mga ubasan, ang kanilang mga olibohan, at ang kanilang mga bahay, gayon din ang ikasangdaang bahagi ng salapi, at ng trigo, ng alak, at ng langis, na inyong hinihingi sa kanila.
12 Nang magkagayo'y sinabi nila, Aming isasauli, at wala kaming hihilingin sa kanila; gayon namin gagawin, gaya ng iyong sinasabi. Nang magkagayo'y tinawag ko ang mga saserdote at pinanumpa ko sila, na sila'y magsisigawa ng ayon sa pangakong ito.
13 Ipinagpag ko naman ang aking laylayan, at ako'y nagsabi, Ganito ipagpag ng Dios ang bawa't tao mula sa kaniyang bahay, at mula sa kaniyang gawain, na hindi tumupad ng pangakong ito; sa makatuwid baga'y ganito ipagpag siya, at mahungkag. At ang buong kapisanan ay nagsabi, Siya nawa, at pumuri sa Panginoon. At ginawa ng bayan ayon sa pangakong ito.
39 At nang maganap na nila ang lahat ng mga bagay na alinsunod sa kautusan ng Panginoon, ay nangagbalik sila sa Galilea, sa kanilang sariling bayang Nazaret.
40 At lumalaki ang bata, at lumalakas, at napupuspos ng karunungan: at sumasa kaniya ang biyaya ng Dios.
41 At nagsisiparoon taon-taon ang kaniyang mga magulang sa Jerusalem sa kapistahan ng paskua.
42 At nang siya'y may labindalawang taon na, ay nagsiahon sila ayon sa kaugalian ng kapistahan;
43 At nang kanilang maganap na ang mga araw, sa pagbalik nila, ay naiwan ang batang si Jesus sa Jerusalem; at di nalalaman ng kaniyang mga magulang;
44 Nguni't sa pagaakala nilang siya'y nasa kasamahan, ay nagsiyaon sila nang isang araw na paglalakbay; at hinahanap nila siya sa mga kamaganak at mga kakilala;
45 At nang di nila siya matagpuan, ay nagsipagbalik sila sa Jerusalem, na hinahanap siya.
46 At nangyari, na nang makaraan ang tatlong araw, ay nangatagpuan nila siya sa templo, na nakaupo sa gitna ng mga guro, na sila'y pinakikinggan, at sila'y tinatanong:
47 At ang lahat ng sa kaniya'y nangakakarinig ay nagsisipanggilalas sa kaniyang katalinuhan at sa kaniyang mga sagot.
48 At nang siya'y mangakita nila, ay nangagtaka sila; at sinabi sa kaniya ng kaniyang ina, Anak, bakit ginawa mo sa amin ang ganyan? narito, ang iyong ama at ako na hinahanap kang may hapis.
49 At sinabi niya sa kanila, Bakit ninyo ako hinahanap? di baga talastas ninyo na dapat akong maglumagak sa bahay ng aking Ama.
50 At di nila naunawa ang pananalitang sa kanila'y sinabi.
51 At lumusong siyang kasama nila, at napasa Nazaret; at napasakop sa kanila: at iniingatan ng kaniyang ina sa kaniyang puso ang lahat ng mga pananalitang ito.
52 At lumalaki si Jesus sa karunungan at sa pangangatawan, at sa pagbibigay lugod sa Dios at sa mga tao.
Public Domain