Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
138 Ako'y magpapasalamat sa iyo ng aking buong puso: sa harap ng mga dios ay aawit ako ng mga pagpuri sa iyo.
2 Ako'y sasamba sa dako ng iyong banal na templo, at magpapasalamat sa iyong pangalan, dahil sa iyong kagandahang-loob at dahil sa iyong katotohanan: sapagka't iyong pinadakila ang iyong salita sa iyong buong pangalan.
3 Nang araw na ako'y tumawag ay sinagot mo ako, iyong pinatapang ako ng kalakasan sa aking kaluluwa.
4 Lahat ng mga hari sa lupa ay mangagpapasalamat sa iyo, Oh Panginoon, sapagka't kanilang narinig ang mga salita ng iyong bibig.
5 Oo, sila'y magsisiawit tungkol sa mga daan ng Panginoon; sapagka't dakila ang kaluwalhatian ng Panginoon.
6 Sapagka't bagaman ang Panginoon ay mataas, gumagalang din sa mababa: nguni't ang hambog ay nakikilala niya mula sa malayo.
7 Bagaman ako'y lumakad sa gitna ng kabagabagan, iyong bubuhayin ako; iyong iuunat ang iyong kamay laban sa poot ng aking mga kaaway, at ililigtas ako ng iyong kanan.
8 Pasasakdalin ng Panginoon ang tungkol sa akin: ang iyong kagandahang-loob, Oh Panginoon, ay magpakailan man; huwag mong pabayaan ang mga gawa ng iyong sariling mga kamay.
22 At sila'y naglakbay mula sa Cades: at ang mga anak ni Israel, sa makatuwid baga'y ang buong kapisanan, ay napasa bundok ng Hor.
23 At sinalita ng Panginoon kay Moises at kay Aaron sa bundok ng Hor, sa tabi ng hangganan ng lupain ng Edom, na sinasabi,
24 Si Aaron ay malalakip sa kaniyang bayan: sapagka't siya'y hindi makapapasok sa lupain na aking ibinigay sa mga anak ni Israel, sapagka't kayo'y nagsipanghimagsik laban sa aking salita sa tubig ng Meriba.
25 Dalhin mo si Aaron at si Eleazar na kaniyang anak, at isampa mo sila sa bundok ng Hor.
26 At hubaran mo si Aaron ng kaniyang mga suot at isuot mo kay Eleazar na kaniyang anak: at si Aaron ay malalakip sa kaniyang bayan, at doon siya mamamatay.
27 At ginawa ni Moises gaya ng iniutos ng Panginoon: at sila'y sumampa sa bundok ng Hor sa paningin ng buong kapisanan.
28 At hinubaran ni Moises si Aaron, ng kaniyang mga suot, at isinuot kay Eleazar na kaniyang anak; at namatay si Aaron doon sa taluktok ng bundok: at si Moises at si Eleazar ay bumaba sa bundok.
29 At nang makita ng buong kapisanan na si Aaron ay namatay, ay kanilang tinangisan si Aaron na tatlong pung araw, sa makatuwid baga'y ng buong sangbahayan ni Israel.
19 At siya'y kumain at lumakas. At siya'y nakisamang ilang araw sa mga alagad na nangasa Damasco.
20 At pagdaka'y kaniyang itinanyag sa mga sinagoga si Jesus, na siya ang Anak ng Dios.
21 At ang lahat ng sa kaniya'y nakarinig ay namangha, at nangagsabi, Hindi baga ito yaong sa Jerusalem ay lumipol sa mga nagsitawag sa pangalang ito? at sa ganitong nasa ay naparito siya, upang sila'y dalhing gapos sa harap ng mga pangulong saserdote.
22 Datapuwa't lalo nang lumakas ang loob ni Saulo, at nilito ang mga Judio na nangananahan sa Damasco, na pinatutunayan na ito ang Cristo.
23 At nang maganap ang maraming mga araw, ay nangagsanggunian ang mga Judio upang siya'y patayin:
24 Datapuwa't napagtalastas ni Saulo ang kanilang banta. At kanilang binantayan naman ang mga pintuang daan sa araw at gabi upang siya'y kanilang patayin:
25 Nguni't kinuha siya sa gabi ng kaniyang mga alagad, at siya'y ibinaba sa kuta na siya'y inihugos na nasa isang balaong.
Public Domain