Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Ang Dating Biblia (1905) (ADB1905)
Version
Awit 99

99 Ang Panginoon ay naghahari: manginig ang mga bayan. Siya'y nauupo sa mga querubin; makilos ang lupa.

Ang Panginoon ay dakila sa Sion; at siya'y mataas na higit sa lahat ng mga bayan.

Purihin nila ang iyong dakila at kakilakilabot na pangalan: siya'y banal.

Ang lakas naman ng hari ay umiibig ng kahatulan; ikaw ay nagtatatag ng karampatan, ikaw ay nagsasagawa ng kahatulan at katuwiran sa Jacob.

Ibunyi ninyo ang Panginoon nating Dios, at magsisamba kayo sa harap ng kaniyang tungtungan; siya'y banal.

Si Moises at si Aaron sa gitna ng kaniyang mga saserdote, at si Samuel sa kanila na nagsisitawag sa kaniyang pangalan; sila'y nagsisitawag sa Panginoon, at siya'y sumasagot sa kanila.

Siya'y nagsasalita sa kanila sa haliging ulap: kanilang iniingatan ang kaniyang mga patotoo, at ang palatuntunan na ibinigay niya sa kanila.

Sumagot ka sa kanila, Oh Panginoon naming Dios; ikaw ay Dios na nagpatawad sa kanila, bagaman nanghiganti ka sa kanilang mga gawa.

Ibunyi ninyo ang Panginoon nating Dios, at magsisamba kayo sa kaniyang banal na bundok; sapagka't ang Panginoon nating Dios ay banal.

Deuteronomio 9:15-24

15 Sa gayo'y pumihit ako at bumaba ako mula sa bundok, at ang bundok ay nagniningas sa apoy, at ang dalawang tapyas ng tipan ay nasa aking dalawang kamay.

16 At tumingin ako, at, narito, kayo'y nakapagkasala na laban sa Panginoon ninyong Dios: kayo'y nagsigawa para sa inyo ng isang guyang binubo: kayo'y lumihis na madali sa daan na iniutos sa inyo ng Panginoon.

17 At aking tinangnan ang dalawang tapyas, at aking inihagis sa aking dalawang kamay, at aking iniwalat sa harap ng inyong mga mata.

18 At ako'y nagpatirapa sa harap ng Panginoon, gaya ng una, na apat na pung araw at apat na pung gabi; hindi ako kumain ng tinapay ni uminom ng tubig; dahil sa inyong buong kasalanan na inyong ipinagkasala sa paggawa ninyo ng masama sa paningin ng Panginoon na minungkahi ninyo siya sa galit;

19 Sapagka't natatakot ako dahil sa galit at maningas na poot, na ikinayamot ng Panginoon sa inyo, na lilipulin sana kayo. Nguni't dininig din naman ako noon ng Panginoon.

20 At ang Panginoo'y totoong nagalit kay Aaron na siya sana'y papatayin: at akin din namang idinalangin si Aaron nang panahon ding yaon.

21 At aking kinuha ang inyong kasalanan, ang guyang inyong ginawa, at aking sinunog sa apoy, at aking niyapakan, na dinurog na mainam, hanggang sa naging durog na parang alabok; at aking inihagis ang alabok niyaon sa batis na umaagos mula sa bundok.

22 At sa Tabera, at sa Massa, at sa Kibroth-hataa-vah, ay inyong minungkahi ang Panginoon sa galit.

23 At nang suguin kayo ng Panginoon mula sa Cades-barnea, na sabihin, Sumampa kayo at ariin ninyo ang lupain na ibinigay ko sa inyo; kayo nga'y nanghimagsik laban sa utos ng Panginoon ninyong Dios, at hindi ninyo pinanampalatayanan siya, ni dininig ang kaniyang tinig.

24 Kayo'y naging mapanghimagsik laban sa Panginoon, mula nang araw na kayo'y aking makilala.

Lucas 10:21-24

21 Nang oras ding yaon siya'y nagalak sa Espiritu Santo, at sinabi, Ako'y nagpapasalamat sa iyo, Oh Ama, Panginoon ng langit at lupa, na iyong inilihim ang mga bagay na ito sa mga pantas at matatalino, at ipinahayag mo sa mga sanggol: gayon nga, Ama; sapagka't gayon ang nakalulugod sa iyong paningin.

22 Ang lahat ng mga bagay ay ibinigay sa akin ng aking Ama: at walang nakakakilala kung sino ang Anak, kundi ang Ama; at kung sino ang Ama, kundi ang Anak, at yaong ibiging pagpahayagan ng Anak.

23 At paglingon sa mga alagad, ay sinabi niya ng bukod, Mapapalad ang mga matang nangakakakita ng mga bagay na inyong nangakikita:

24 Sapagka't sinasabi ko sa inyo, na maraming propeta at mga hari ang nangaghahangad na mangakakita ng mga bagay na inyong nangakikita, at hindi nila nangakita at mangarinig ang mga bagay na inyong nangaririnig, at hindi nila nangarinig.

Ang Dating Biblia (1905) (ADB1905)

Public Domain