Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Ang Dating Biblia (1905) (ADB1905)
Version
Awit 120

120 Sa aking kahirapan ay dumaing ako sa Panginoon, at sinagot niya ako.

Iligtas mo ang aking kaluluwa, Oh Panginoon, sa mga sinungaling na labi, at mula sa magdarayang dila.

Anong maibibigay sa iyo, at anong magagawa pa sa iyo, ikaw na magdarayang dila?

Mga hasang pana ng makapangyarihan, at mga baga ng enebro.

Sa aba ko, na nakikipamayan sa Mesech, na tumatahan ako sa mga tolda sa Kedar!

Malaon ng tinatahanan ng aking kaluluwa na kasama niyang nagtatanim sa kapayapaan.

Ako'y sa kapayapaan: nguni't pagka ako'y nagsasalita, sila'y sa pakikidigma.

Jeremias 22:11-17

11 Sapagka't ganito ang sabi ng Panginoon tungkol kay Sallum na anak ni Josias, na hari sa Juda, na nagharing kahalili ni Josias na kaniyang ama, na lumabas sa dakong ito. Siya'y hindi na babalik pa rito:

12 Kundi sa dakong pinagdalhan sa kaniyang bihag, doon siya mamamatay, at hindi na niya makikita ang lupaing ito.

13 Sa aba niya na nagtatayo ng kaniyang bahay sa pamamagitan ng kalikuan, at ng kaniyang mga silid sa pamamagitan ng kalisyaan; na pinapaglilingkod ng kaniyang kapuwa na walang upa, at hindi niya binibigyan ng kaniyang kabayaran;

14 Na nagsasabi, Ako'y magtatayo ng maluwang na bahay at maluwang na mga silid, at nabubuksan ng mga dungawan; at nakikisamihan ng cedro, at nakukulayan ng pula.

15 Ikaw baga'y maghahari, sapagka't ikaw ay mayroong lalong maraming cedro? hindi ba ang iyong ama ay kumain at uminom, at naglapat ng kahatulan at kaganapan? nang magkagayo'y ikinabuti niya.

16 Kaniyang hinatulan ang usap ng dukha at mapagkailangan; nang magkagayo'y ikinabuti nga. Hindi baga ito ang pagkilala sa akin? sabi ng Panginoon.

17 Nguni't ang iyong mga mata at ang iyong puso ay sa kasakiman lamang, at upang magbubo ng walang salang dugo, at sa kapighatian, at sa karahasan, upang gawin.

Lucas 11:37-52

37 Samantala ngang siya'y nagsasalita, ay inanyayahan siya ng isang Fariseo na kumaing kasalo niya: at siya'y pumasok, at naupo sa dulang.

38 At nang makita ito ng Fariseo, ay nagtaka na siya'y hindi muna naghugas bago mananghali.

39 At sinabi sa kaniya ng Panginoon, Gayon nga kayong mga Fariseo na nililinis ninyo ang dakong labas ng saro at ng pinggan; datapuwa't ang loob ninyo'y puno ng panglulupig at kasamaan.

40 Kayong mga haling, di baga ang gumawa ng dakong labas ay siya ring gumawa ng dakong loob?

41 Datapuwa't ilimos ninyo ang mga bagay na nasa kalooban; at narito, ang lahat ng mga bagay ay malilinis sa inyo.

42 Datapuwa't sa aba ninyong mga Fariseo! sapagka't nagbibigay kayo ng ikapu ng yerbabuena, at ng ruda, at ng bawa't gugulayin, at pinababayaan ninyo ang katarungan at ang pagibig ng Dios: datapuwa't dapat ngang gawin ninyo ang mga ito, at huwag pabayaan di ginagawa ang mga yaon.

43 Sa aba ninyong mga Fariseo! sapagka't inyong iniibig ang mga pangulong upuan sa mga sinagoga, at ang mga pagpupugay sa mga pamilihan.

44 Sa aba ninyo! sapagka't kayo'y tulad sa mga libingang hindi nakikita, at di nalalaman ng mga taong nagsisilakad sa ibabaw nila.

45 At pagsagot ng isa sa mga tagapagtanggol ng kautusan, ay nagsabi sa kaniya, Guro, sa pagsasabi mo nito, pati kami ay iyong pinupulaan.

46 At sinabi niya, Sa aba rin naman ninyong mga tagapagtanggol ng kautusan! sapagka't inyong ipinapapasan sa mga tao ang mga pasang mahihirap dalhin, at hindi man lamang ninyo hinihipo ng isa sa inyong mga daliri ang mga pasan.

47 Sa aba ninyo! sapagka't inyong itinatayo ang mga libingan ng mga propeta, at ang mga yao'y pinatay ng inyong mga magulang.

48 Kayo nga'y mga saksi at nagsisisangayon sa mga gawa ng inyong mga magulang: sapagka't pinatay ng mga ito ang mga yaon, at itinatayo ninyo ang kanilang mga libingan.

49 Kaya nga, sinasabi naman ng karunungan ng Dios, Magsusugo ako sa kanila ng mga propeta at mga apostol; at ilan sa kanila ay kanilang papatayin at paguusigin;

50 Upang hingin sa lahing ito ang dugo ng lahat ng mga propeta, na ibinubo buhat nang itatag ang sanglibutan;

51 Mula sa dugo ni Abel, hanggang sa dugo ni Zacarias, na pinatay sa pagitan ng dambana at ng santuario: oo, sinasabi ko sa inyo, na ito'y hihingin sa lahing ito.

52 Sa aba ninyong mga tagapagtanggol ng kautusan! sapagka't inalis ninyo ang susi ng karunungan: hindi kayo nagsipasok, at inyong sinasansala ang nagsisipasok.

Ang Dating Biblia (1905) (ADB1905)

Public Domain