Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Ang Dating Biblia (1905) (ADB1905)
Version
Awit 35:11-28

11 Mga saksing masasama ay nagsisitayo; sila'y nangagtatanong sa akin ng mga bagay na di ko nalalaman.

12 Iginaganti nila sa akin ay kasamaan sa mabuti, sa pagpapaulila ng aking kaluluwa.

13 Nguni't tungkol sa akin, nang sila'y may sakit, ang aking suot ay magaspang na kayo: aking pinagdalamhati ang aking kaluluwa ng pagaayuno; at ang aking dalangin ay nagbabalik sa aking sariling sinapupunan.

14 Ako'y nagasal na tila aking kaibigan o aking kapatid: ako'y yumuyukong tumatangis na tila iniiyakan ang kaniyang ina.

15 Nguni't pagka ako'y natisod sila'y nangagagalak, at nagpipisan: ang mga uslak ay nagpipisan laban sa akin, at hindi ko nalaman;

16 Gaya ng mga nanunuyang suwail sa mga kapistahan, kanilang pinagngangalit sa akin ang kanilang mga ngipin.

17 Panginoon, hanggang kailan titingin ka? Iligtas mo ang aking kaluluwa sa kanilang mga pagsira, ang aking sinta mula sa mga leon.

18 Ako'y magpapasalamat sa iyo sa dakilang kapisanan: aking pupurihin ka sa gitna ng maraming tao.

19 Huwag magalak sa akin na may kamalian ang aking mga kaaway; ni magkindat man ng mata ang nangagtatanim sa akin ng walang kadahilanan.

20 Sapagka't sila'y hindi nangagsasalita ng kapayapaan: kundi sila'y nagsisikatha ng mga magdarayang salita laban sa mga tahimik sa lupain.

21 Oo, kanilang ibinuka ng maluwang ang kanilang bibig laban sa akin; kanilang sinasabi: Aha, aha, nakita ng aming mata.

22 Iyong nakita ito, Oh Panginoon; huwag kang tumahimik, Oh Panginoon, huwag kang lumayo sa akin.

23 Kumilos ka, at ikaw ay gumising upang gawan ako ng kahatulan, sa aking usap, Dios ko at Panginoon ko.

24 Hatulan mo ako, Oh Panginoon kong Dios, ayon sa iyong katuwiran; at huwag mo silang pagalakin sa akin.

25 Huwag silang magsabi sa kanilang sarili: Aha, nasa namin: huwag silang magsabi: Aming sinakmal siya.

26 Mangapahiya nawa sila, at mangalito na magkakasama ang mga nangagalak sa aking pagkapahamak: manganamit nawa ng kahihiyan at kasiraang puri ang nangagmamalaki laban sa akin.

27 Magsihiyaw nawa ng kagalakan, at mangasayahan, ang nagsisilingap ng aking katuwiran: Oo, mangagsabi nawa silang palagi: Dakilain ang Panginoon, na nalulugod sa kaginhawahan ng kaniyang lingkod.

28 At ang aking dila ay mangungusap ng iyong katuwiran, at ng pagpuri sa iyo sa buong araw.

Exodo 35:1-29

35 At pinulong ni Moises ang buong kapisanan ng mga anak ni Israel, at sinabi sa kanila, Ito ang mga salita na iniutos ng Panginoon, na inyong gagawin.

Anim na araw na gagawa, datapuwa't ang ikapitong araw ay ipangingilin ninyo, isang sabbath na takdang kapahingahan sa Panginoon: sinomang gumawa ng anomang gawa sa araw na iyan ay papatayin.

Huwag kayong magpapaningas ng apoy sa inyong buong tahanan sa araw ng sabbath.

At sinalita ni Moises, sa buong kapisanan ng mga anak ni Israel, na sinasabi, Ito ang bagay na iniutos ng Panginoon, na sinasabi,

Magsikuha kayo sa inyo ng isang handog na taan sa Panginoon; sinomang may kusang loob, ay magdala ng handog sa Panginoon; ginto, at pilak, at tanso;

At kayong bughaw, at kulay-ube, at pula, at lino, at balahibo ng kambing;

At mga balat ng tupang lalake na tininang pula, at mga balat ng poka, at kahoy na akasia;

At langis na pangilawan, at mga espesia sa langis na pangpahid, at sa mabangong kamangyan:

At mga batong onix, at mga batong pangkalupkop, na pang-epod, at pangpektoral.

10 At pumarito ang bawa't matalino sa inyo, at gawin ang lahat ng iniutos ng Panginoon;

11 Ang tabernakulo, ang tolda niyan, at ang takip niyan, ang mga kawit niyan, at ang mga tabla niyan, ang mga barakilan niyan, ang mga haligi niyan, at ang mga tungtungan niyan;

12 Ang kaban, at ang mga pingga niyan, ang luklukan ng awa, at ang lambong ng tabing;

13 Ang dulang at ang mga pingga niyan, at ang lahat ng kasangkapan niyan at ang tinapay na handog;

14 Ang kandelero rin naman na pangilaw, at ang mga kasangkapan niyan, at ang mga ilawan niyan, at ang langis na pangilawan;

15 At ang dambana ng kamangyan at ang mga pingga niyan, at ang langis na pangpahid, at ang mabangong kamangyan, at ang tabing na pangpintuan sa pintuan ng tabernakulo;

16 Ang dambana ng handog na susunugin, sangpu ng salang tanso niyan, at lahat ng mga kasangkapan niyan, ang hugasan at ang tungtungan niyan;

17 Ang mga tabing sa looban, ang mga haligi niyan, at ang mga tungtungan ng mga iyan, at ang tabing sa pintuan ng looban;

18 Ang mga tulos ng tabernakulo, at ang mga tulos ng looban, at ang mga panali ng mga iyan;

19 Ang mga mainam na yaring kasuutan sa pangangasiwa sa dakong banal, ang mga banal na kasuutan kay Aaron na saserdote, at ang mga kasuutan ng kaniyang mga anak, upang mangasiwa sa katungkulang saserdote.

20 At ang buong kapisanan ng mga anak ni Israel ay umalis sa harap ni Moises.

21 At sila'y lumapit, lahat ng tao na napukaw ang kalooban, at lahat na pinapagkusa ng sariling diwa, at nagdala ng panghandog sa Panginoon, sa gawain sa tabernakulo ng kapisanan, at sa buong ipaglilingkod at sa mga banal na kasuutan.

22 At sila'y naparoon, mga lalake at mga babae, yaong lahat na nagkaroon ng kusang loob, at nagdala ng mga espile, at ng mga hikaw, at ng mga singsing na panatak, at ng mga pulsera, ng madlang hiyas na ginto; sa makatuwid baga'y lahat na naghandog ng handog na ginto sa Panginoon.

23 At bawa't taong may kayong bughaw, at kulay-ube, at pula, at lino, at balahibo ng mga kambing, at balat ng mga tupa na tininang pula, at ng mga balat ng poka, ay nangagdala.

24 Ang lahat na naghandog ng handog na pilak at tanso, ay nagdala ng handog sa Panginoon: at lahat ng taong may kahoy na akasia na magagamit sa anomang gawa na paglilingkod ay nagdala.

25 At lahat ng mga babaing matatalino ay nagsihabi ng kanilang mga kamay, at dinala ang kanilang mga hinabi, na kayong bughaw, at kulay-ube, at pula, at lino.

26 At lahat ng mga babae na napukaw ang kalooban, sa karunungan, ay nagsihabi ng balahibo ng mga kambing.

27 At ang mga pinuno ay nagdala ng mga batong onix, at ng mga batong pangkalupkop na gamit sa epod, at sa pektoral;

28 At ng mga espesia, at ng langis; na pangilawan, at langis na pangpahid, at pangmabangong kamangyan.

29 Ang mga anak ni Israel ay nagdala ng kusang handog sa Panginoon; bawa't lalake at babae, na ang puso'y nagkusang nagpadala ng magagamit sa lahat na gawain, na iniutos ng Panginoon sa pamamagitan ni Moises na gawin.

Mga Gawa 10:9-23

Nang kinabukasan nga samantalang sila'y patuloy sa kanilang paglalakad, at nang malapit na sa bayan, si Pedro ay umakyat sa ibabaw ng bahay upang manalangin, nang may oras na ikaanim;

10 At siya'y nagutom at nagnais kumain: datapuwa't samantalang nangaghahanda sila, ay nawalan siya ng diwa;

11 At nakita niyang bukas ang langit, at may isang sisidlang bumababa, gaya ng isang malapad na kumot, na nakabitin sa apat na panulok na bumababa sa lupa:

12 Na doo'y naroroon ang lahat ng uri ng mga hayop na may apat na paa at ang mga nagsisigapang sa lupa at ang mga ibon sa langit.

13 At dumating sa kaniya ang isang tinig, Magtindig ka, Pedro; magpatay ka at kumain.

14 Datapuwa't sinabi ni Pedro, Hindi maaari, Panginoon; sapagka't kailan ma'y hindi ako kumain ng anomang bagay na marumi at karumaldumal.

15 At muling dumating sa kaniya ang tinig sa ikalawa, Ang nilinis ng Dios, ay huwag mong ipalagay na marumi.

16 At ito'y nangyaring makaitlo: at pagdaka'y binatak sa langit ang sisidlan.

17 Samantalang natitilihang totoo si Pedro sa kaniyang sarili, kung ano ang kahulugan ng pangitaing kaniyang nakita, narito, ang mga taong sinugo ni Cornelio, nang maipagtanong ang bahay ni Simon, ay nangagsitayo sa harapan ng pintuan.

18 At nangagsitawag at nangagtanong kung si Simon, na pinamagatang Pedro, ay nanunuluyan doon.

19 At samantalang iniisip ni Pedro ang tungkol sa pangitain, ay sinabi sa kaniya ng Espiritu, Narito, hinahanap ka ng tatlong tao.

20 Datapuwa't magtindig ka, at manaog ka, at sumama ka sa kanila, na huwag kang magalinlangan ng anoman: sapagka't sila'y aking sinugo.

21 At pinanaog ni Pedro ang mga tao, at sinabi, Narito, ako ang hinahanap ninyo: ano baga ang dahil ng inyong ipinarito?

22 At sinabi nila, Ang senturiong si Cornelio, na taong matuwid at matatakutin sa Dios, at may mabuting patotoo ng buong bansa ng mga Judio, ay pinagpaunawaan ng Dios sa pamamagitan ng isang banal na anghel na ikaw ay paparoonin sa kaniyang bahay, at upang makarinig sa iyo ng mga salita.

23 Kaya't sila'y pinapasok at pinatuloy sila. At nang kinabukasa'y nagbangon siya at umalis na kasama nila, at siya'y sinamahan ng ilang kapatid na mula sa Joppe.

Ang Dating Biblia (1905) (ADB1905)

Public Domain