Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
4 Ang salita nga ng Panginoon ay dumating sa akin, na nagsasabi,
5 Bago kita inanyuan sa tiyan ay nakilala kita, at bago ka lumabas sa bahay-bata ay pinapaging banal kita; inihalal kitang propeta sa mga bansa.
6 Nang magkagayo'y sinabi ko, Ah, Panginoong Dios! narito, hindi ako marunong magsalita: sapagka't ako'y bata.
7 Nguni't sinabi sa akin ng Panginoon, Huwag mong sabihin, Ako'y bata: sapagka't saan man kita susuguin ay paroroon ka, at anomang iutos ko sa iyo ay sasalitain mo.
8 Huwag kang matakot dahil sa kanila; sapagka't ako'y sumasaiyo upang iligtas kita, sabi ng Panginoon.
9 Nang magkagayo'y iniunat ng Panginoon ang kaniyang kamay, at hinipo ang aking bibig; at sinabi sa akin ng Panginoon, Narito, inilagay ko ang aking mga salita sa iyong bibig:
10 Tingnan mo, aking pinapagpupuno ka sa araw na ito sa mga bansa at sa mga kaharian, upang magalis at magbagsak at upang magsira at magwasak, upang magtayo at magtatag.
71 Sa iyo Oh Panginoon, nanganganlong ako: huwag akong mapahiya kailan man.
2 Iligtas mo ako sa iyong katuwiran, at sagipin mo ako: ikiling mo ang iyong pakinig sa akin, at iligtas mo ako,
3 Ikaw ay maging kanlungan ng aking tahanan, na aking kapaparunang lagi: ikaw ay nagbigay utos na iligtas ako; sapagka't ikaw ay aking malaking bato at aking kuta.
4 Sagipin mo ako, Oh aking Dios, sa kamay ng masama, sa kamay ng liko at mabagsik na tao.
5 Sapagka't ikaw ay aking pagasa, Oh Panginoong Dios: ikaw ay aking tiwala mula sa aking kabataan.
6 Sa pamamagitan mo ay naalalayan ako mula sa bahay-bata: ikaw ang kumuha sa akin sa tiyan ng aking ina: ang pagpuri ko'y magiging laging sa iyo.
13 Kung ako'y magsalita ng mga wika ng mga tao at ng mga anghel, datapuwa't wala akong pagibig, ay ako'y naging tanso na tumutunog, o batingaw na umaalingawngaw.
2 At kung magkaroon ako ng kaloob na panghuhula, at maalaman ko ang lahat ng mga hiwaga at ang lahat ng mga kaalaman; at kung magkaroon ako ng buong pananampalataya, na ano pa't mapalipat ko ang mga bundok, datapuwa't wala akong pagibig, ay wala akong kabuluhan.
3 At kung ipagkaloob ko ang lahat ng aking mga tinatangkilik upang ipakain sa mga dukha, at kung ibigay ko ang aking katawan upang sunugin, datapuwa't wala akong pagibig, ay walang pakikinabangin sa akin.
4 Ang pagibig ay mapagpahinuhod, at magandang-loob; ang pagibig ay hindi nananaghili; ang pagibig ay hindi nagmamapuri, hindi mapagpalalo.
5 Hindi naguugaling mahalay, hindi hinahanap ang kaniyang sarili, hindi nayayamot, hindi inaalumana ang masama;
6 Hindi nagagalak sa kalikuan, kundi nakikigalak sa katotohanan;
7 Lahat ay binabata, lahat ay pinaniniwalaan, lahat ay inaasahan, lahat ay tinitiis.
8 Ang pagibig ay hindi nagkukulang kailan man: kahit maging mga hula, ay mangatatapos; maging mga wika, ay titigil: maging kaalaman, ay mawawala.
9 Sapagka't nangakakakilala tayo ng bahagya, at nanganghuhula tayo ng bahagya;
10 Datapuwa't kung dumating ang sakdal, ang bahagya ay matatapos.
11 Nang ako'y bata pa, ay nagsasalita akong gaya ng bata, nagdaramdam akong gaya ng bata, nagiisip akong gaya ng bata: ngayong maganap ang aking pagkatao, ay iniwan ko na ang mga bagay ng pagkabata.
12 Sapagka't ngayo'y malabo tayong nakakikita sa isang salamin; nguni't pagkatapos ay makikita natin sa mukhaan: ngayo'y nakikilala ko ng bahagya, nguni't pagkatapos ay makikilala ko ng gaya naman ng pagkakilala sa akin.
13 Datapuwa't ngayo'y nanatili ang tatlong ito: ang pananampalataya, ang pagasa, at ang pagibig; nguni't ang pinakadakila sa mga ito ay ang pagibig.
21 At siya'y nagpasimulang magsabi sa kanila, Ngayo'y naganap ang kasulatang ito sa inyong mga pakinig.
22 At siya'y pinatotohanan ng lahat, at nangagtataka sa mga salita ng biyaya na lumalabas sa kaniyang bibig: at sinabi nila, Hindi baga ito ang anak ni Jose?
23 At sinabi niya sa kanila, Walang salang sasabihin ninyo sa akin itong talinghaga, Manggagamot, gamutin mo ang iyong sarili: ang anomang aming narinig na ginawa sa Capernaum, ay gawin mo naman dito sa iyong lupain.
24 At sinabi niya, Katotohanang sinasabi ko sa inyo, Walang propetang kinalulugdan sa kaniyang tinubuang lupa.
25 Datapuwa't katotohanang sinasabi ko sa inyo, Maraming mga baong babai sa Israel nang mga araw ni Elias, nang sarhan ang langit sa loob ng tatlong taon at anim na buwan, noong datnan ng malaking kagutom ang buong sangkalupaan;
26 At sa kanino man sa kanila ay hindi sinugo si Elias, kundi sa Sarepta sa lupa ng Sidon, sa isang babaing bao.
27 At maraming ketongin sa Israel nang panahon ni Eliseo na propeta; at sinoman sa kanila'y hindi nilinis, kundi lamang si Naaman na Siro.
28 At nangapuspos ng galit ang lahat ng nangasa sinagoga, sa pagkarinig nila ng mga bagay na ito;
29 At sila'y nagsitindig, at ipinagtabuyan siya sa labas ng bayan at dinala siya hanggang sa ibabaw ng taluktok ng gulod na kinatatayuan ng kanilang bayan, upang siya'y maibulid nila ng patiwarik.
30 Datapuwa't pagdaraan niya sa gitna nila, ay yumaon ng kaniyang lakad.
Public Domain