Old/New Testament
Ang Awit tungkol sa Ubasan
5 Paawitin(A) ninyo ako sa aking pinakamamahal,
ng awit ng aking minamahal tungkol sa kanyang ubasan:
Ang aking pinakamamahal ay may ubasan
sa matabang burol.
2 Kanyang binungkal iyon at inalisan ng mga bato,
at tinamnan ng piling puno ng ubas,
nagtayo siya ng isang toreng bantayan sa gitna niyon,
at humukay doon ng isang pisaan ng ubas;
at kanyang hinintay na magbunga ng ubas,
ngunit nagbunga ito ng ligaw na ubas.
3 At ngayon, O mga mamamayan ng Jerusalem
at mga kalalakihan ng Juda,
hatulan ninyo, hinihiling ko sa inyo,
ako at ang aking ubasan.
4 Ano pa ang magagawa ko sa aking ubasan
na hindi ko nagawa? Sino ang nakakaalam?
Bakit, nang aking hinihintay na magbubunga ng mga ubas,
ito'y nagbunga ng ubas na ligaw?
5 Ngayo'y aking sasabihin sa inyo
ang gagawin ko sa aking ubasan.
Aking aalisin ang halamang-bakod niyon,
at ito ay susunugin,
aking ibabagsak ang pader niyon
at ito'y magiging lupang yapakan.
6 Aking pababayaang sira;
hindi aalisan ng sanga o bubungkalin man;
magsisitubo ang mga dawag at mga tinik;
akin ding iuutos sa mga ulap,
na huwag nila itong paulanan ng ulan.
7 Sapagkat ang ubasan ng Panginoon ng mga hukbo
ay ang sambahayan ng Israel,
at ang mga tao ng Juda
ay ang kanyang maligayang pananim;
at siya'y naghintay ng katarungan,
ngunit narito, pagdanak ng dugo;
ng katuwiran,
ngunit narito, pagdaing!
Ang Kasamaan ng Tao
8 Kahabag-habag sila na nagdudugtong ng bahay sa bahay,
na nagdaragdag ng bukid sa bukid
hanggang sa mawalan na ng pagitan,
at kayo'y patirahing nag-iisa
sa gitna ng lupain!
9 Sa aking pandinig ang Panginoon ng mga hukbo ay sumumpa:
“Tiyak na maraming bahay ang magigiba,
malalaki at magagandang bahay, na walang naninirahan.
10 Sapagkat ang walong ektarya[a] ng ubasan ay magbubunga lamang ng limang galon,[b]
at sampung omer[c] ng binhi ay magbubunga lamang ng isang efa.”[d]
11 Kahabag-habag sila na bumabangong maaga sa umaga,
upang sila'y makasunod sa nakalalasing na inumin;
na nagpupuyat hanggang sa kalaliman ng gabi,
hanggang sa mag-alab ang alak sa kanila!
12 Sila'y may lira at alpa,
pandereta at plauta, at alak sa kanilang mga kapistahan;
ngunit hindi nila pinahalagahan ang mga gawa ng Panginoon,
o minasdan man nila ang gawa ng kanyang mga kamay.
13 Kaya't ang aking bayan ay pupunta sa pagkabihag dahil sa kawalan ng kaalaman;
ang kanilang mararangal na tao ay namamatay sa gutom,
at ang napakarami nilang tao ay nalulugmok sa uhaw.
14 Kaya't pinalaki ng Sheol ang kanyang panlasa,
at ibinuka nito ang kanyang bibig na hindi masukat,
at ang kaluwalhatian ng Jerusalem,[e] at ang kanilang karamihan, at ang kanilang kahambugan,
at ang nagagalak sa gitna nila ay bumaba roon.
15 Ang tao ay pinayuyukod, at ang tao ay pinapagpapakumbaba,
at ang mga mata ng nagmamataas ay pinapagpapakumbaba.
16 Ngunit ang Panginoon ng mga hukbo ay itinaas sa katarungan,
at ang Diyos na Banal ay napatunayang banal sa katuwiran.
17 Kung magkagayo'y manginginain ang mga kordero na gaya sa kanilang pastulan,
at ang mga patabain sa mga wasak na lugar ay kakainin ng mga dayuhan.
18 Kahabag-habag sila na nagsisihila ng kasamaan sa pamamagitan ng mga panali ng pagkukunwari,
at ng kasalanan na tila lubid ng kariton,
19 na nagsasabi, “Pagmadaliin siya,
madaliin niya ang kanyang gawain
upang iyon ay aming makita;
at dumating nawa ang layunin ng Banal ng Israel
upang iyon ay aming malaman!”
20 Kahabag-habag sila na tinatawag na mabuti ang masama,
at ang masama ay mabuti;
na inaaring dilim ang liwanag,
at liwanag ang dilim;
na inaaring mapait ang matamis,
at matamis ang mapait!
21 Kahabag-habag sila na pantas sa kanilang sariling mga mata,
at marunong sa kanilang sariling paningin!
22 Kahabag-habag sila na mga malakas sa pag-inom ng alak,
at mga taong matatapang sa paghahalo ng matapang na inumin,
23 na pinawawalang-sala ang masama dahil sa suhol,
at ang katuwiran ng matuwid ay inaalis sa kanya!
24 Kaya't kung paanong ang dila ng apoy ay tumutupok sa dayami,
at ang tuyong damo ay natutupok sa liyab,
magiging gaya ng kabulukan ang kanilang ugat,
at ang kanilang bulaklak ay papailanglang na gaya ng alabok;
sapagkat kanilang itinakuwil ang tagubilin ng Panginoon ng mga hukbo,
at hinamak ang salita ng Banal ng Israel.
25 Kaya't nag-alab ang galit ng Panginoon laban sa kanyang bayan,
at iniunat niya ang kanyang kamay laban sa kanila, at sinaktan sila,
at ang mga bundok ay nayanig;
at ang kanilang mga bangkay ay naging gaya ng dumi
sa gitna ng mga lansangan.
Sa lahat ng ito ay hindi napawi ang kanyang galit,
kundi laging nakaunat ang kanyang kamay.
26 Siya'y magtataas ng hudyat sa mga bansa mula sa malayo,
at sisipulan sila mula sa mga dulo ng lupa;
at, narito, ito'y dumarating na napakatulin!
27 Walang napapagod o natitisod man,
walang umiidlip o natutulog man;
walang pamigkis na maluwag,
o napatid man ang mga panali ng mga sandalyas;
28 ang kanilang mga palaso ay matalas,
at lahat nilang pana ay nakahanda
ang mga kuko ng kanilang mga kabayo ay parang batong hasaan,
at ang kanilang mga gulong ay parang ipu-ipo.
29 Ang kanilang ungal ay gaya ng sa leon,
sila'y nagsisiungal na gaya ng mga batang leon;
sila'y nagsisiungal, at nanghuhuli ng biktima,
at kanilang tinatangay, at walang makapagliligtas.
30 Ang mga iyon ay uungal laban sa kanila sa araw na iyon
na gaya ng ugong ng dagat.
Kung may tumingin sa lupain,
narito, kadiliman at kahirapan,
at ang liwanag ay pinadilim ng mga ulap niyon.
Ang Pagkatawag kay Isaias
6 Noong(B) taong mamatay si Haring Uzias ay nakita ko ang Panginoon na nakaupo sa isang tronong matayog at mataas; at napuno ang templo ng laylayan ng kanyang damit.
2 Sa itaas niya ay nakatayo ang mga serafin; bawat isa'y may anim na pakpak; may dalawang nakatakip sa kanyang mukha, may dalawa na nakatakip sa kanyang mga paa, at may dalawa na naglilipad sa kanya.
3 At(C) tinawag ng isa ang isa at sinabi:
“Banal, banal, banal ang Panginoon ng mga hukbo;
ang buong lupa ay punô ng kanyang kaluwalhatian.”
4 At(D) ang mga pundasyon ng mga pintuan ay nayanig sa tinig ng sumisigaw, at ang bahay ay napuno ng usok.
5 Nang magkagayo'y sinabi ko: “Kahabag-habag ako! Ako'y napahamak sapagkat ako'y lalaking may maruruming labi, at ako'y naninirahan sa gitna ng bayan na may maruruming labi; sapagkat nakita ng aking mga mata ang Hari, ang Panginoon ng mga hukbo!”
6 Nang magkagayo'y lumipad papalapit sa akin ang isa sa mga serafin na may baga sa kanyang kamay na kanyang kinuha ng mga sipit mula sa dambana.
7 Inilapat niya ito sa aking bibig, at nagsabi, “Ngayong lumapat ito sa iyong mga labi, ang iyong kasamaan ay naalis na, at ang iyong kasalanan ay pinatawad na.”
8 At narinig ko ang tinig ng Panginoon, na nagsasabi, “Sinong susuguin ko, at sinong hahayo para sa atin?” Nang magkagayo'y sinabi ko, “Narito ako; suguin mo ako!”
9 At(E) sinabi niya, “Ikaw ay humayo, at sabihin mo sa bayang ito:
‘Patuloy kayong makinig, ngunit huwag ninyong unawain;
patuloy ninyong tingnan, ngunit huwag ninyong alamin!’
10 Patabain mo ang puso ng bayang ito,
at iyong pabigatin ang kanilang mga pandinig,
at iyong ipikit ang kanilang mga mata;
baka sila'y makakita ng kanilang mga mata,
at makarinig ng kanilang mga tainga,
at makaunawa ng kanilang puso,
at magbalik-loob, at magsigaling.”
11 Nang magkagayo'y sinabi ko, “O Panginoon, hanggang kailan?”
At siya'y sumagot:
“Hanggang sa ang mga lunsod ay magiba
na walang naninirahan,
at ang mga bahay ay mawalan ng tao,
at ang lupain ay maging lubos na mawasak,
12 at ilayo ng Panginoon ang mga tao,
at ang mga pinabayaang dako ay marami sa gitna ng lupain.
13 At bagaman magkaroon ng ikasampung bahagi roon,
muli itong susunugin,
gaya ng isang roble o isang ensina,
na ang tuod ay nananatiling nakatayo kapag ito ay pinuputol.”
Ang banal na binhi ang siyang tuod niyon.
Pagbati
1 Si(A) Pablo, apostol ni Cristo Jesus sa pamamagitan ng kalooban ng Diyos, sa mga banal [na nasa Efeso], at sa mga mananampalataya kay Cristo Jesus:
2 Sumainyo nawa ang biyaya at kapayapaang mula sa Diyos na ating Ama at sa Panginoong Jesu-Cristo.
Mga Pagpapalang Espirituwal kay Cristo
3 Purihin nawa ang Diyos at Ama ng ating Panginoong Jesu-Cristo, na siyang nagpapala sa atin kay Cristo ng bawat pagpapalang espirituwal sa sangkalangitan,
4 ayon sa pagkapili niya sa atin sa kanya bago itinatag ang sanlibutan, upang tayo'y maging banal at walang dungis sa harapan niya sa pag-ibig.
5 Tayo'y itinalaga sa pagkukupkop upang maging kanyang mga anak sa pamamagitan ni Jesu-Cristo, ayon sa kabutihan ng kanyang kalooban,
6 para sa ikapupuri ng kanyang maluwalhating biyaya, na ipinagkaloob niya ng walang bayad sa atin sa pamamagitan ng Minamahal.
7 Sa(B) kanya'y mayroon tayong katubusan sa pamamagitan ng kanyang dugo, na kapatawaran ng ating mga kasalanan, ayon sa mga kayamanan ng kanyang biyaya,
8 na pinasagana niya sa atin sa lahat ng karunungan at pagkaunawa,
9 na ipinaalam niya sa atin ang hiwaga ng kanyang kalooban, ayon sa mabuting layunin na kanyang itinakda kay Cristo,
10 bilang katiwala ng kaganapan ng panahon, upang tipunin ang lahat ng mga bagay kay Cristo, ang mga bagay na nasa sangkalangitan, at ang mga bagay na nasa ibabaw ng lupa;
11 sa kanya ay tumanggap din tayo ng isang mana, na itinalaga nang una pa ayon sa layunin niya na gumagawa ng lahat ng mga bagay ayon sa kanyang pasiya at kalooban;
12 upang tayo na unang umasa kay Cristo ay mabuhay upang purihin ang kanyang kaluwalhatian.
13 Sa kanya'y kayo rin naman, na nakarinig ng salita ng katotohanan, ang ebanghelyo ng inyong kaligtasan, at kayo na sumampalataya sa kanya, ay tinatakan ng ipinangakong Espiritu Santo.
14 Siya ang katibayan ng ating mana, hanggang sa ikatutubos ng pag-aari, sa ikapupuri ng kanyang kaluwalhatian.
Panalangin ni Pablo
15 Dahil dito, sapagkat narinig ko rin naman ang inyong pananampalataya sa Panginoong Jesus, at ang inyong pag-ibig sa lahat ng mga banal,
16 hindi ako tumitigil ng pagpapasalamat para sa inyo, na binabanggit kayo sa aking mga panalangin,
17 upang ang Diyos ng ating Panginoong Jesu-Cristo, ang Ama ng kaluwalhatian, ay magkaloob sa inyo ng espiritu ng karunungan at ng pahayag sa isang ganap na pagkakilala sa kanya,
18 yamang naliwanagan ang mga mata ng inyong puso, upang malaman ninyo kung ano ang pag-asa sa kanyang pagtawag, kung ano ang mga kayamanan ng kaluwalhatian ng kanyang pamana sa mga banal,
19 at kung ano ang di-masukat na kadakilaan ng kanyang kapangyarihan sa atin na sumasampalataya, ayon sa paggawa ng kapangyarihan ng kanyang lakas.
20 Kanyang(C) isinagawa ito kay Cristo, nang kanyang muling buhayin siya mula sa mga patay, at pinaupo sa kanyang kanan sa sangkalangitan,
21 higit na mataas kaysa lahat ng pamunuan, kapamahalaan, kapangyarihan, at paghahari, at sa bawat pangalan na pinangalanan, hindi lamang sa panahong ito, kundi maging sa darating na panahon.
22 At(D) kanyang inilagay ang lahat ng mga bagay sa ilalim ng kanyang mga paa, at ginawa siyang ulo ng lahat ng mga bagay sa iglesya,
23 na(E) siyang katawan niya, ang kapuspusan niya na pumupuspos ng lahat sa lahat.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001