Old/New Testament
Mangingibig
4 O napakaganda mo, mahal ko;
talagang ikaw ay maganda;
Ang iyong mga mata ay mga kalapati
sa likod ng iyong talukbong.
Ang iyong buhok ay gaya ng kawan ng mga kambing,
na bumababa sa gulod ng bundok ng Gilead.
2 Ang iyong mga ngipin ay gaya ng mga kawan ng mga batang tupa na bagong gupit,
na nagsiahon mula sa paglilinis,
na bawat isa'y may anak na kambal,
at walang nagluluksa isa man sa kanila.
3 Ang iyong mga labi ay gaya ng pising mapula,
at ang iyong bibig ay kahali-halina.
Ang iyong mga pisngi ay gaya ng kalahati ng granada,
sa likod ng iyong talukbong.
4 Ang iyong leeg ay gaya ng tore ni David,
na itinayo upang pagtaguan ng mga sandata,
na kinabibitinan ng libong kalasag,
na ang lahat ay mga kalasag ng mga mandirigma.
5 Ang iyong dalawang suso ay gaya ng dalawang batang usa
na mga kambal ng isang inahing usa,
na nanginginain sa gitna ng mga liryo.
6 Hanggang sa ang araw ay huminga
at ang mga anino ay tumakas,
ako'y paroroon sa bundok ng mira,
at sa burol ng kamanyang.
7 Ikaw ay totoong maganda, sinta ko;
walang kapintasan sa iyo.
8 Sumama ka sa akin mula sa Lebanon, kasintahan ko.
Sumama ka sa akin mula sa Lebanon.
Tumanaw ka mula sa taluktok ng Amana,
mula sa taluktok ng Senir at ng Hermon,
mula sa mga yungib ng mga leon,
mula sa mga bundok ng mga leopardo.
9 Inagaw mo ang aking puso, kapatid ko, kasintahan ko,
inagaw mo ang aking puso ng isang sulyap ng mga mata mo,
ng isang hiyas ng kuwintas mo.
10 Napakatamis ng iyong pag-ibig, kapatid ko, kasintahan ko!
Higit na mainam ang iyong pagsinta kaysa alak!
At ang amoy ng iyong mga langis kaysa anumang pabango!
11 Ang iyong mga labi, O kasintahan ko, ay nagbibigay ng katas,
pulot at gatas ay nasa ilalim ng iyong dila;
at ang bango ng iyong mga suot ay gaya ng amoy ng Lebanon.
12 Halamanang nababakuran ang kapatid ko, ang kasintahan ko;
halamanang nababakuran, isang bukal na natatakpan.
13 Ang iyong mga pananim ay halamanan ng mga granada,
na may piling-piling mga bunga;
hena na may nardo,
14 may nardo at safro, kalamo at kanela,
sampu ng lahat na puno ng kamanyang;
mira at mga aloe,
sampu ng lahat ng pabangong pinakamainam—
15 isang bukal ng mga halamanan, balon ng mga tubig na buháy,
at dumadaloy na batis mula sa Lebanon.
Babae
16 Gumising ka, O hanging amihan,
at pumarito ka, O hanging habagat!
Humihip ka sa aking halamanan,
upang ang bango niya'y humalimuyak.
Pumasok ang aking sinta sa halamanan niya,
at kumain siya ng mga piling-piling bunga.
Mangingibig
5 Ako'y dumating sa aking halamanan, kapatid ko, kasintahan ko,
aking tinipon ang aking mira pati ang aking pabango,
kinain ko ang aking pulot-pukyutan pati ang aking pulot;
ininom ko ang aking alak pati ang aking gatas.
Mga Babae
Magsikain kayo, O mga kaibigan; at magsiinom:
magsiinom kayo nang sagana, mga mangingibig!
Babae
2 Ako'y nakatulog, ngunit ang aking puso ay gising.
Makinig! ang aking sinta ay tumutuktok.
Mangingibig
“Pagbuksan mo ako, kapatid ko, sinta ko,
kalapati ko, ang aking walang kapintasan,
sapagkat ang aking ulo ay basa ng hamog,
ang bungkos ng aking buhok ng mga patak ng gabi.”
Babae
3 Hinubad ko na ang aking kasuotan,
paano ko ito isusuot?
Hinugasan ko ang aking mga paa
paano ko sila parurumihin?
4 Isinuot ng aking sinta ang kanyang kamay sa butas ng pintuan,
at ang aking puso ay nanabik sa kanya.
5 Ako'y bumangon upang pagbuksan ang aking sinta;
at sa aking mga kamay ay tumulo ang mira,
at sa aking mga daliri ang lusaw na mira,
sa mga hawakan ng trangka.
6 Pinagbuksan ko ang aking sinta,
ngunit ang aking sinta ay tumalikod at umalis na.
Pinanghina na ako ng aking kaluluwa nang siya'y magsalita.
Aking hinanap siya, ngunit hindi ko siya natagpuan;
tinawag ko siya, ngunit hindi siya sumagot.
7 Natagpuan ako ng mga tanod,
habang sila'y naglilibot sa lunsod,
binugbog nila ako, ako'y kanilang sinugatan,
inagaw nila ang aking balabal,
ng mga bantay na iyon sa pader.
8 Pinagbibilinan ko kayo, O mga anak na babae ng Jerusalem,
kung inyong matagpuan ang aking sinta,
inyong saysayin sa kanya,
na ako'y may sakit na pagsinta.
Mga Babae
9 Ano ang iyong mahal na higit kaysa ibang mahal,
O ikaw na pinakamaganda sa mga babae?
Ano ang iyong mahal na higit kaysa ibang mahal,
na gayon ang iyong bilin sa amin?
Babae
10 Ang aking minamahal ay maningning at mamula-mula,
na namumukod-tangi sa sampung libo.
11 Ang kanyang ulo ay pinakamainam na ginto;
ang bungkos ng kanyang buhok ay maalon-alon
at kasing-itim ng uwak.
12 Ang kanyang mga mata ay tulad ng mga kalapati
sa tabi ng mga bukal ng tubig;
na hinugasan ng gatas
at tamang-tama ang pagkalagay.
13 Ang kanyang mga pisngi ay gaya ng pitak ng mga pabango,
na nagsasabog ng halimuyak.
Ang kanyang mga labi ay mga liryo,
na nagbibigay ng lusaw na mira.
14 Ang kanyang mga kamay ay mga singsing na ginto,
na nilagyan ng mga hiyas.
Ang kanyang katawan ay gaya ng yaring garing
na binalot ng mga zafiro.
15 Ang kanyang hita ay mga haliging alabastro,
na inilagay sa mga patungang ginto.
Ang kanyang anyo ay gaya ng Lebanon
na marilag na gaya ng mga sedro.
16 Ang kanyang pananalita ay pinakamatamis;
at siya'y totoong kanais-nais.
Ito'y aking sinta at ito'y aking kaibigan,
O mga anak na babae ng Jerusalem.
Kautusan o Pananampalataya
3 O hangal na mga taga-Galacia! Sino ang gumayuma sa inyo? Sa harapan ng inyong mga mata ay hayagang ipinakita si Jesu-Cristo na ipinako sa krus!
2 Ang tanging bagay na nais kong matutunan mula sa inyo ay ito: Tinanggap ba ninyo ang Espiritu sa pamamagitan ng mga gawa ng kautusan, o sa pamamagitan ng pakikinig sa pananampalataya?
3 Napakahangal ba ninyo? Nagpasimula kayo sa Espiritu, ngayon ba'y nagtatapos kayo sa laman?
4 Inyo bang naranasan ang maraming bagay ng walang kabuluhan?—kung tunay nga na ito ay walang kabuluhan.
5 Ang Diyos[a] ba ay nagbibigay sa inyo ng Espiritu at gumagawa ng mga himala sa gitna ninyo sa pamamagitan ng inyong pagtupad sa mga gawa ng kautusan, o sa pakikinig sa pananampalataya?
6 Kung(A) paanong si Abraham ay sumampalataya sa Diyos, at ito'y ibinilang sa kanya na katuwiran.
7 Kaya't(B) inyong nakikita na ang mga sumasampalataya ay mga anak ni Abraham.
8 At(C) ang kasulatan, na nakakaalam nang una pa man na aariing-ganap ng Diyos ang mga Hentil sa pamamagitan ng pananampalataya, ay ipinahayag ang ebanghelyo nang una pa man kay Abraham, na sinasabi, “Sa iyo ay pagpapalain ang lahat ng mga bansa.”
9 Kaya't ang mga sumasampalataya ay pinagpapalang kasama ng mananampalatayang si Abraham.
10 Sapagkat(D) ang lahat na umaasa sa mga gawa ng kautusan ay nasa ilalim ng sumpa; sapagkat nasusulat, “Sumpain ang bawat isang hindi sumusunod sa lahat ng bagay na nasusulat sa aklat ng kautusan.”
11 Ngayon(E) ay maliwanag na walang sinumang inaaring-ganap sa harapan ng Diyos sa pamamagitan ng kautusan, sapagkat “Ang matuwid ay mabubuhay sa pamamagitan ng pananampalataya.”[b]
12 Subalit(F) ang kautusan ay hindi nakasalig sa pananampalataya; sa halip, “Ang gumagawa ng mga iyon ay mabubuhay sa mga iyon.”
13 Tinubos(G) tayo ni Cristo mula sa sumpa ng kautusan nang siya'y naging sumpa para sa atin—sapagkat nasusulat, “Sumpain ang bawat binibitay sa punungkahoy”—
14 upang kay Cristo Jesus ang pagpapala ni Abraham ay dumating sa mga Hentil, upang ating tanggapin ang pangako ng Espiritu sa pamamagitan ng pananampalataya.
Ang Pangako kay Abraham
15 Mga kapatid, ako ay nagsasalita ayon sa tao, kapag napagtibay na ang tipan ng isang tao, walang makapagdaragdag o makapagpapawalang-bisa nito.
16 Ngayon, ang mga pangako ay ginawa kay Abraham at sa kanyang binhi. Hindi sinasabi, “At sa mga binhi,” na tungkol sa marami; kundi tungkol sa iisa, “At sa iyong binhi,” na si Cristo.
17 Ito(H) ang ibig kong sabihin: “Ang kautusan, na dumating pagkaraan ng apat na raan at tatlumpung taon, ay hindi nagpapawalang-bisa sa tipan na dati nang pinagtibay ng Diyos, upang pawalang-saysay ang pangako.
18 Sapagkat(I) kung ang mana ay sa pamamagitan ng kautusan, ito ay hindi na sa pamamagitan ng pangako, subalit ipinagkaloob ito ng Diyos kay Abraham sa pamamagitan ng pangako.
Ang Layunin ng Kautusan
19 Bakit pa mayroong kautusan? Ito ay idinagdag dahil sa mga paglabag, hanggang sa dumating ang binhi na siyang pinangakuan; at ito'y ibinigay sa pamamagitan ng mga anghel sa kamay ng isang tagapamagitan.
20 Ngayon, ang tagapamagitan ay nangangahulugan na may higit sa iisang panig; subalit ang Diyos ay iisa.
21 Kung gayon, ang kautusan ba ay salungat sa mga pangako ng Diyos? Huwag nawang mangyari. Sapagkat kung ibinigay ang isang kautusan na makapagbibigay-buhay, samakatuwid, ang katuwiran ay sa pamamagitan ng kautusan.
22 Subalit ibinilanggo ng kasulatan ang lahat ng mga bagay sa ilalim ng kasalanan, upang ang ipinangako sa pamamagitan ng pananampalataya kay Jesu-Cristo ay maibigay sa mga sumasampalataya.
23 Ngunit bago dumating ang pananampalataya, nabibilanggo tayo at binabantayan sa ilalim ng kautusan, hanggang sa ang pananampalataya ay ipahayag.
24 Kaya't ang kautusan ay naging ating tagasupil hanggang sa dumating si Cristo, upang tayo'y ariing-ganap sa pamamagitan ng pananampalataya.
25 Subalit ngayong dumating na ang pananampalataya, tayo ay wala na sa ilalim ng tagasupil.
26 Sapagkat kay Cristo Jesus, kayong lahat ay mga anak ng Diyos sa pamamagitan ng pananampalataya.
27 Sapagkat ang lahat na sa inyo na binautismuhan kay Cristo ay ibinihis si Cristo.
28 Walang Judio o Griyego, walang alipin o malaya, walang lalaki o babae, sapagkat kayong lahat ay iisa kay Cristo Jesus.
29 At(J) kung kayo'y kay Cristo, kayo nga'y mga binhi ni Abraham, mga tagapagmana ayon sa pangako.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001