Old/New Testament
Sa(A) Punong Mang-aawit: ayon sa Huwag Wawasakin. Miktam ni David, nang siya ay tumakas kay Saul sa kuweba.
57 Maawa ka sa akin, O Diyos, sa akin ay maawa ka,
sapagkat nanganganlong sa iyo ang aking kaluluwa,
sa lilim ng iyong mga pakpak ay manganganlong ako,
hanggang sa makaraan ang mga pagkawasak na ito.
2 Sa Diyos na Kataas-taasan ako'y dumaraing,
sa Diyos na nagsasagawa ng lahat na mga bagay sa akin.
3 Siya'y magsusugo mula sa langit at ako'y ililigtas
ilalagay niya sa kahihiyan ang sa akin ay yumuyurak, (Selah)
Susuguin ng Diyos ang kanyang pag-ibig na tapat at ang kanyang katapatan!
4 Ang aking kaluluwa ay nasa gitna ng mga leon,
ako'y nahihiga sa gitna ng mga taong bumubuga ng apoy,
sa mga anak ng tao na ang mga ngipin ay sibat at mga pana,
at matalas na mga tabak ang kanilang dila.
5 Mabunyi ka, O Diyos, sa itaas ng mga langit, ikaw naging dakila!
Ang iyong kaluwalhatian nawa'y mapasa buong lupa!
6 Naglagay sila ng silo para sa aking mga hakbang;
ang aking kaluluwa ay nakayuko.
Sila'y gumawa ng isang hukay sa aking daan,
ngunit sila mismo ang doon ay nabuwal. (Selah)
7 Ang aking puso ay tapat, O Diyos,
ang aking puso ay tapat!
Ako'y aawit, oo, ako'y aawit ng mga papuri!
8 Gumising ka, aking kaluwalhatian!
Gumising ka, O lira at alpa!
Gigisingin ko ang bukang-liwayway!
9 Ako'y magpapasalamat sa iyo, O Panginoon, sa gitna ng mga bayan.
Ako'y aawit sa iyo ng mga papuri sa gitna ng mga bansa.
10 Sapagkat ang iyong tapat na pag-ibig ay dakila hanggang sa mga langit,
ang iyong katapatan hanggang sa mga ulap.
11 O Diyos, sa itaas ng kalangitan, ikaw ay maging dakila!
Ang iyong kaluwalhatian nawa'y mapasa buong lupa!
Sa Punong Mang-aawit: ayon sa Huwag Wasakin. Miktam ni David.
58 Tunay bang kayo'y nagsasalita nang matuwid, kayong mga diyos?
Matuwid ba kayong humahatol, O kayong mga anak ng tao?
2 Hindi, sa inyong mga puso ay nagsisigawa kayo ng kamalian;
sa lupa ang karahasan ng inyong mga kamay ay inyong tinitimbang.
3 Ang masama ay naliligaw mula sa bahay-bata,
silang nagsasalita ng mga kasinungalingan ay naliligaw mula sa pagkapanganak.
4 Sila'y may kamandag na gaya ng kamandag ng ahas,
gaya ng binging ahas na nagtatakip ng kanyang pandinig,
5 kaya't hindi nito naririnig ang tinig ng mga engkantador,
ni ang tusong manggagayuma.
6 O Diyos, basagin mo ang mga ngipin sa kanilang mga bibig;
tanggalin mo ang mga pangil ng mga batang leon, O Panginoon!
7 Parang tubig na papalayong umaagos ay maglaho nawa sila,
kapag iniumang na niya ang kanyang mga palaso, maging gaya nawa sila ng mga pirasong naputol.
8 Maging gaya nawa ng kuhol na natutunaw habang nagpapatuloy,
gaya ng wala sa panahong panganganak na hindi nakakita ng araw kailanman.
9 Bago makaramdam ang inyong mga palayok sa init ng dawag,
kanyang kukunin ang mga iyon ng ipu-ipo ang sariwa at gayundin ang nagniningas.
10 Magagalak ang matuwid kapag nakita niya ang paghihiganti;
kanyang huhugasan ang kanyang mga paa ng dugo ng masama.
11 Sasabihin ng mga tao, “Tiyak na sa matuwid ay may gantimpala,
tiyak na may Diyos na humahatol sa lupa.”
Panalangin(B) upang Ingatan
Sa Punong Mang-aawit: ayon sa Huwag Wasakin. Miktam ni David, nang magsugo si Saul, at kanilang bantayan ang bahay upang patayin siya.
59 Iligtas mo ako sa aking mga kaaway, O Diyos ko,
mula sa mga nag-aalsa laban sa akin, sa itaas ay ilagay mo ako.
2 Iligtas mo ako sa mga gumagawa ng kasamaan,
at iligtas mo ako sa mga taong sa dugo ay uhaw.
3 Narito, sapagkat pinagtatangkaan ang aking buhay;
ang mga taong mababagsik laban sa akin ay nagsasama-sama.
Hindi dahil sa aking pagsuway o sa aking kasalanan man, O Panginoon,
4 sila'y tumatakbo at naghahanda sa di ko kasalanan.
Ikaw ay bumangon, tulungan mo ako, at iyong masdan!
5 Ikaw, O Panginoong Diyos ng mga hukbo, na Diyos ng Israel.
Gumising ka upang iyong parusahan ang lahat ng mga bansa;
huwag mong patatawarin ang sinumang may kataksilang nagpakana ng masama. (Selah)
6 Tuwing hapon ay bumabalik sila,
tumatahol na parang aso,
at nagpapagala-gala sa lunsod.
7 Narito, sila'y nanunungayaw sa pamamagitan ng kanilang bibig;
mga tabak ay nasa kanilang mga labi—
sapagkat sinasabi nila, “Sinong makikinig sa amin?”
8 Ngunit ikaw, O Panginoon, ay pinagtatawanan mo sila,
iyong tinutuya ang lahat ng mga bansa.
9 Dahil sa kanyang kalakasan, babantayan kita,
sapagkat ikaw, O Diyos ay muog ko.
10 Ang aking Diyos sa kanyang tapat na pag-ibig ay sasalubong sa akin;
ipinahihintulot ng aking Diyos na ako'y tumingin na may pagtatagumpay sa aking mga kaaway.
11 Huwag mo silang patayin, baka makalimot ang aking bayan;
pangalatin mo sila sa pamamagitan ng iyong kapangyarihan, at ibaba mo sila,
O Panginoon na kalasag namin!
12 Dahil sa kasalanan ng kanilang bibig, at sa mga salita ng kanilang mga labi,
masilo nawa sila sa kanilang kapalaluan,
dahil sa sumpa at sinalita nilang kasinungalingan.
13 Pugnawin mo sila sa poot,
pugnawin mo sila hanggang sa sila'y wala na,
upang malaman ng tao na ang Diyos ang namumuno sa Jacob,
hanggang sa mga wakas ng lupa. (Selah)
14 Bawat hapon ay bumabalik sila,
na tumatahol na parang aso
at pagala-gala sa lunsod.
15 Sila'y gumagala upang may makain,
at tumatahol kapag hindi sila nabusog.
16 Ngunit aking aawitin ang iyong kalakasan;
oo, aking aawiting malakas sa umaga ang iyong tapat na pag-ibig,
sapagkat ikaw ay naging aking muog,
at kanlungan sa araw ng aking kapighatian.
17 O aking kalakasan, aawit ako ng mga papuri sa iyo,
sapagkat ikaw, O Diyos, ay muog ko,
ang Diyos na nagpapakita sa akin ng tapat na pagsuyo.
Ang Halimbawa ni Abraham
4 Ano nga ang ating sasabihin na natuklasan ni Abraham na ating ninuno ayon sa laman?
2 Sapagkat kung si Abraham ay itinuring na ganap sa pamamagitan ng mga gawa, ay mayroon sana siyang ipagmamalaki, ngunit hindi sa Diyos.
3 Sapagkat(A) ano ang sinasabi ng kasulatan? “Sumampalataya si Abraham sa Diyos, at iyon ay ibinilang sa kanya na katuwiran.”
4 Ngayon sa gumagawa, ang kabayaran ay hindi itinuturing na biyaya, kundi siyang talagang nararapat.
5 Ngunit sa kanya na hindi gumagawa, kundi sumasampalataya sa kanya na umaaring-ganap sa masamang tao, ang kanyang pananampalataya ay itinuturing na katuwiran.
6 Gaya naman ng sinasabi ni David tungkol sa pagiging mapalad ng tao na itinuturing ng Diyos na matuwid na hiwalay sa gawa:
7 “Mapapalad(B) ang mga pinatatawad sa kanilang mga masasamang gawa,
at ang mga tinakpan ang kanilang mga kasalanan.
8 Mapalad ang tao na hindi ibibilang laban sa kanya ng Panginoon ang kasalanan.”
9 Ipinahayag nga ba ang pagiging mapalad na ito sa pagtutuli, o gayundin sa di-pagtutuli? Sapagkat sinasabi natin, “Ang pananampalataya ay ibinilang na pagiging matuwid kay Abraham.”
10 Paano nga ito ibinilang? Iyon ba'y bago siya tinuli o nang tuli na siya? Iyon ay hindi pagkatapos na siya ay tuliin, kundi bago siya tinuli.
11 Tinanggap(C) niya ang tanda ng pagtutuli, na isang tatak ng pagiging matuwid sa pamamagitan ng pananampalataya na nasa kanya nang siya'y di pa tuli. Ang layunin ay upang siya'y maging ama ng mga sumasampalataya, bagaman sila'y di-tuli, at upang ang pagiging matuwid ay maibilang din sa kanila,
12 gayundin ang ama ng pagtutuli na hindi lamang sa mga pagtutuli kundi pati naman sa mga sumusunod sa mga hakbang ng pananampalataya na taglay ng ating amang si Abraham na nasa kanya bago siya tinuli.
Makakamit ang Pangako sa Pamamagitan ng Pananampalataya
13 Sapagkat(D) ang pangako na kanyang mamanahin ang sanlibutan ay hindi dumating kay Abraham o sa kanyang binhi sa pamamagitan ng kautusan kundi sa pamamagitan ng pagiging matuwid ng pananampalataya.
14 Sapagkat(E) kung silang nasa kautusan ang siyang mga tagapagmana, walang kabuluhan ang pananampalataya, at pinawawalang saysay ang pangako.
15 Sapagkat ang kautusan ay gumagawa ng galit; ngunit kung saan walang kautusan ay wala ring paglabag.
16 Dahil(F) dito, iyon ay batay sa pananampalataya, upang maging ayon sa biyaya; upang ang pangako ay maging tiyak para sa lahat ng binhi, hindi lamang sa nasa kautusan, kundi pati naman sa nasa pananampalataya ni Abraham (na ama nating lahat,
17 gaya(G) ng nasusulat, “Ginawa kitang ama ng maraming bansa”) sa harapan ng Diyos na kanyang sinampalatayanan, na nagbibigay-buhay sa mga patay, at ang mga bagay na hindi buháy noon ay binubuhay niya ngayon.
18 Umaasa(H) kahit wala nang pag-asa, siya'y sumampalataya na siya'y magiging “ama ng maraming bansa” ayon sa sinabi, “Magiging napakarami ang iyong binhi.”
19 Hindi(I) siya nanghina sa pananampalataya, itinuring niya ang sariling katawan tulad sa patay na (sapagkat siya'y may mga isandaang taon na noon), at ang pagkabaog ng bahay-bata ni Sarah.
20 Gayunman, hindi siya nag-alinlangan sa pangako ng Diyos sa pamamagitan ng di-paniniwala, kundi pinalakas siya ng pananampalataya habang niluluwalhati niya ang Diyos,
21 at lubos na naniwala na kayang gawin ng Diyos ang kanyang ipinangako.
22 Kaya't ang kanyang pananampalataya[a] ay ibinilang na katuwiran sa kanya.
23 Ngayo'y hindi lamang dahil sa kanya isinulat ang salitang, “sa kanya'y ibinilang,”
24 kundi dahil din naman sa atin, na ibibilang sa atin na mga sumasampalataya sa kanya na muling bumuhay kay Jesus na ating Panginoon mula sa mga patay,
25 na(J) ibinigay sa kamatayan dahil sa ating mga pagsuway at muling binuhay upang tayo'y ariing-ganap.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001