Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Old/New Testament

Each day includes a passage from both the Old Testament and New Testament.
Duration: 365 days
Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Mga Awit 110-112

Awit ni David.

110 Sinabi(A) ng Panginoon sa aking panginoon:
    “Umupo ka sa aking kanan,
hanggang sa aking gawing tuntungan ng iyong paa ang iyong mga kaaway.”

Iuunat ng Panginoon ang setro ng iyong kalakasan mula sa Zion.
    Mamuno ka sa gitna ng mga kaaway mo!
Kusang-loob na ihahandog ng iyong bayan
    sa araw ng iyong kapangyarihan
    sa kagandahan ng kabanalan.
Mula sa bukang-liwayway ng umaga,
    ang iyong kabataan ay darating sa iyo na hamog ang kagaya.
Sumumpa(B) ang Panginoon, at hindi magbabago ang kanyang isipan,
    “Ikaw ay pari magpakailanman ayon sa pagkapari ni Melquizedek.”
Ang Panginoon ay nasa iyong kanang kamay;
    dudurugin niya ang mga hari sa araw ng kanyang poot.
Siya'y maglalapat ng hatol sa mga bansa,
    kanyang pupunuin sila ng mga bangkay;
wawasakin niya ang mga pinuno sa kalaparan ng lupa.
Siya'y iinom sa batis sa tabi ng daan;
    kaya't ang kanyang ulo ay kanyang itataas.

111 Purihin ninyo ang Panginoon!
Ako'y magpapasalamat sa Panginoon ng aking buong puso,
    sa kapulungan ng matuwid at sa kapisanan.
Dakila ang mga gawa ng Panginoon,
    na pinag-aralan ng lahat na nalulugod sa mga iyon.
Ang kanyang gawa ay puno ng karangalan at kamahalan,
    at ang kanyang katuwiran ay nananatili magpakailanman.
Ginawa niyang maalala ang kanyang kahanga-hangang mga gawa,
    ang Panginoon ay mahabagin at mapagbiyaya.
Siya'y naglalaan ng pagkain sa mga natatakot sa kanya,
    lagi niyang aalalahanin ang tipan niya.
Ipinaalam niya sa kanyang bayan ang kapangyarihan ng kanyang mga gawa,
    sa pagbibigay niya sa kanila ng mana ng mga bansa.
Ang mga gawa ng kanyang mga kamay ay matuwid at makatarungan;
    ang lahat niyang mga tuntunin ay mapagkakatiwalaan,
ang mga iyon ay itinatag magpakailanpaman,
    ang mga iyon ay ginagawa sa katapatan at katuwiran.
Siya'y nagsugo ng katubusan sa kanyang bayan;
    kanyang iniutos ang kanyang tipan magpakailanman.
    Banal at kagalang-galang ang kanyang pangalan.
10 Ang(C) pagkatakot sa Panginoon ay pasimula ng karunungan;
    ang lahat na nagsisigawa nito ay may mabuting kaunawaan.
    Ang kanyang kapurihan ay mananatili magpakailanman!

Ang Kaligayahan ng Isang Mabuting Tao

112 Purihin ang Panginoon!
    Mapalad ang tao na natatakot sa Panginoon,
    na lubos na nagagalak sa kanyang mga utos!
Ang kanyang mga binhi ay magiging makapangyarihan sa lupa;
    ang salinlahi ng matuwid ay magiging mapalad.
Nasa kanyang bahay ang mga kayamanan at kariwasaan;
    at ang kanyang katuwiran ay nananatili magpakailanman.
Ang liwanag ay bumabangon sa kadiliman para sa matuwid,
    ang Panginoon ay mapagbiyaya at mahabagin at matuwid.
Ito ay mabuti sa taong mapagbigay at nagpapahiram,
    pananatilihin niya ang kanyang layunin sa katarungan.
Sapagkat siya'y hindi makikilos magpakailanman;
    ang matuwid ay maaalala magpakailanman.
Siya'y hindi matatakot sa masasamang balita;
    ang kanyang puso ay matatag, na sa Panginoon ay nagtitiwala.
Ang kanyang puso ay matatag, hindi siya matatakot,
    hanggang ang nais niya sa kanyang mga kaaway ay makita niya.
Siya'y(D) nagpamudmod, siya ay nagbigay sa dukha;
    ang kanyang katuwiran ay nananatili magpakailanman;
    ang kanyang sungay ay mataas sa karangalan.
10 Makikita ito ng masama at magagalit;
    pagngangalitin niya ang kanyang mga ngipin at matutunaw
    ang nasa ng masama ay mapapahamak.

1 Corinto 5

Imoralidad sa Loob ng Iglesya

Sa(A) katunayan ay nababalita na may pakikiapid sa inyo, at ang ganyang pakikiapid ay wala kahit sa mga pagano; sapagkat ang isang lalaki ay nakikipisan sa asawa ng kanyang ama.

At kayo ay nagmamalaki pa! Hindi ba dapat kayong malumbay, upang maalis sa gitna ninyo ang gumagawa nito?

Sapagkat bagaman ako ay wala sa katawan, ako'y nasa harapan ninyo sa espiritu. Kaya't tulad sa isang nasa harapan ninyo, hinahatulan ko na ang gumawa ng bagay na ito,

sa pangalan ng ating Panginoong Jesus. Kapag kayo ay nagkakatipon kasama ang aking espiritu na taglay ang kapangyarihan ng ating Panginoong Jesus,

ay ibigay ang ganyang tao kay Satanas sa ikawawasak ng laman, upang ang kanyang espiritu ay maligtas sa araw ng Panginoong Jesus.

Hindi(B) mabuti ang inyong pagmamapuri. Hindi ba ninyo nalalaman na ang kaunting pampaalsa ay nagpapaalsa sa buong masa?

Alisin(C) ninyo ang lumang pampaalsa, upang kayo'y maging bagong masa, kung paanong kayo nga'y walang pampaalsa. Sapagkat si Cristo, ang kordero ng ating paskuwa, ay naialay na.

Kaya(D) nga, ipagdiwang natin ang pista, hindi ng may lumang pampaalsa, o sa pampaalsa man ng masamang hangad at kasamaan, kundi sa tinapay na walang pampaalsa ng katapatan at katotohanan.

Isinulat ko sa inyo sa aking sulat na huwag kayong makisama sa mga mapakiapid,

10 hindi ang ibig sabihin ay sa mga mapakiapid ng sanlibutang ito, o sa mga masasakim at mga magnanakaw, o sa mga sumasamba sa diyus-diyosan, sa gayo'y kailangan pa kayong lumabas sa sanlibutan.

11 Kundi ngayon ay sinusulatan ko kayo na huwag kayong makisama sa kanino mang tinatawag na kapatid, kung siya'y mapakiapid, o sakim, o sumasamba sa diyus-diyosan, o nagmumura, o maglalasing, o magnanakaw—ni huwag man lamang kayong kumaing kasalo ng ganyang uri ng tao.

12 Sapagkat anong kinalaman ko sa paghatol sa nasa labas? Hindi ba yaong mga nasa loob ang inyong hahatulan?

13 Subalit(E) ang Diyos ang humahatol sa mga nasa labas. “Alisin ninyo ang masamang tao sa gitna ninyo.”

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001