Old/New Testament
Ang Pag-ibig ng Diyos
Awit ni David.
103 Purihin mo ang Panginoon, O kaluluwa ko;
at lahat ng nasa loob ko,
purihin ang kanyang banal na pangalan!
2 Purihin mo ang Panginoon, O kaluluwa ko,
at huwag mong kalimutan ang lahat niyang mga biyaya—
3 na siyang nagpapatawad ng lahat mong mga kasamaan;
na siyang nagpapagaling ng lahat mong karamdaman,
4 na siyang tumutubos ng iyong buhay sa Hukay:
na siyang nagpuputong sa iyo ng habag at tapat na pagmamahal,
5 na siyang bumubusog sa iyong nasa ng mga mabubuting bagay;
anupa't nababago na gaya ng sa agila ang iyong kabataan.
6 Ang Panginoon ay nagsasagawa ng mga matuwid na gawa
at katarungan sa lahat ng naaapi.
7 Kanyang ipinaalam ang kanyang mga daan kay Moises,
ang kanyang mga gawa sa mga anak ni Israel.
8 Ang(A) Panginoon ay mahabagin at mapagbiyaya,
hindi magagalitin at sa tapat na pag-ibig ay sagana.
9 Hindi siya laging makikipaglaban,
ni pananatilihin ang kanyang galit magpakailanman.
10 Hindi niya tayo pinakikitunguhan ayon sa ating mga kasalanan,
ni ginantihan tayo nang ayon sa ating mga kasamaan.
11 Sapagkat kung paanong ang mga langit ay mataas kaysa lupa,
ang kanyang tapat na pag-ibig sa mga natatakot sa kanya ay gayon kadakila!
12 Kung gaano ang layo ng silangan sa kanluran,
gayon inilayo niya sa atin ang ating mga pagsuway.
13 Kung paanong ang ama ay nahahabag sa mga anak niya,
gayon nahahabag ang Panginoon sa mga natatakot sa kanya.
14 Sapagkat ang ating kalagayan ay kanyang nalalaman,
naaalala niya na tayo'y alabok.
15 Tungkol sa tao, ang kanyang mga araw ay parang damo,
siya'y lumalagong gaya ng bulaklak sa parang;
16 ito'y dinaanan ng hangin, at ito'y naglaho,
at ang mga lugar niyon ay hindi na nalalaman.
17 Ngunit ang tapat na pag-ibig ng Panginoon ay mula sa walang hanggan hanggang sa walang hanggan
para sa mga natatakot sa kanya,
at ang kanyang katuwiran ay hanggang sa mga anak ng mga anak,
18 sa mga nag-iingat ng tipan niya,
at sa nakakaalalang gawin ang mga utos niya.
19 Itinatag ng Panginoon ang kanyang trono sa mga kalangitan,
at naghahari sa lahat ang kanyang kaharian.
20 Purihin ninyo ang Panginoon, kayong mga anghel niya;
kayong mga makapangyarihan sa kalakasan na gumaganap ng kanyang salita,
na nakikinig sa tinig ng kanyang salita!
21 Purihin ninyo ang Panginoon, kayong lahat ng hukbo niya;
kayong mga lingkod niya na nagsisigawa ng kanyang kalooban!
22 Purihin ninyo ang Panginoon, lahat ng kanyang mga gawa,
sa lahat ng dako ng kanyang kapamahalaan.
Purihin mo ang Panginoon, O kaluluwa ko.
Bilang Pagpupuri sa Manlalalang
104 Purihin mo ang Panginoon, O kaluluwa ko!
O Panginoon kong Diyos, napakadakila mo!
Karangalan at kamahalan ang kasuotan mo,
2 na siyang bumabalot ng liwanag sa iyo na parang bihisan;
na gaya ng tabing ay nag-unat ng kalangitan;
3 na siyang naglalagay ng mga biga ng kanyang mga matataas na silid sa tubig;
na ginawang kanyang karwahe ang mga ulap,
na sumasakay sa mga pakpak ng hangin,
4 na(B) ginagawa niyang mga sugo ang mga hangin,
at kanyang mga tagapangasiwa ay nagliliyab na apoy.
5 Iyong inilagay ang lupa sa kanyang saligan,
upang ito'y huwag mayanig kailanman.
6 Tinakpan mo ito ng kalaliman na tila isang bihisan;
ang tubig ay tumatayo sa itaas ng mga bundok.
7 Sa iyong pagsaway ay tumakbo sila,
sa ugong ng iyong kulog ay nagsitakas sila.
8 Ang mga bundok ay bumangon, lumubog ang mga libis,
sa dakong pinili mo para sa kanila.
9 Ikaw ay naglagay ng hangganan na hindi nila dapat daanan,
upang ang lupa ay hindi na nila muling matakpan.
10 Siya'y nagsusugo ng mga bukal sa mga libis;
ang mga iyon ay umagos sa pagitan ng mga bundok,
11 kanilang binibigyan ng inumin ang bawat hayop sa parang;
pinapawi ng mailap na asno ang kanilang pagkauhaw.
12 Sa tabi nila ay nagkaroon ng kanilang tahanan ang mga ibon sa himpapawid;
sila'y nagsisiawit sa mga sanga.
13 Mula sa iyong mga matataas na silid ay dinidilig mo ang mga bundok;
sa bunga ng iyong mga gawa ang lupa'y busog.
14 Iyong pinalalago para sa mga hayop ang damo,
at ang pananim upang sakahin ng tao,
upang siya'y makapagbigay ng pagkain mula sa lupa,
15 at ng alak upang pasayahin ang puso ng tao,
ng langis upang paliwanagin ang kanyang mukha,
at tinapay upang palakasin ang puso ng tao.
16 Ang mga punungkahoy ng Panginoon ay busog,
ang mga sedro sa Lebanon na kanyang itinanim.
17 Sa mga iyon ay gumagawa ng kanilang mga pugad ang mga ibon;
ang tagak ay mayroong kanyang bahay sa puno ng igos.
18 Ang matataas na bundok ay para sa maiilap na kambing;
ang malalaking bato ay kanlungan ng mga kuneho.
19 Ginawa mo ang buwan upang takdaan ang mga panahon;
nalalaman ng araw ang kanyang panahon ng paglubog.
20 Itinatalaga mo ang kadiliman at ito'y nagiging gabi;
nang ang lahat ng mga halimaw sa gubat ay gumagapang.
21 Umuungal ang mga batang leon para sa kanilang biktima,
na naghahanap ng kanilang pagkain mula sa Diyos.
22 Kapag ang araw ay sumisikat sila'y nagsisialis,
at humihiga sa kanilang mga yungib.
23 Ang tao ay humahayo sa kanyang gawain,
at sa kanyang paggawa hanggang sa kinahapunan.
24 O Panginoon, napakarami ng iyong mga gawa!
Sa karunungan ay ginawa mo silang lahat,
ang lupa ay punô ng iyong mga nilalang.
25 Nariyan ang dagat, malaki at maluwang,
na punô ng mga bagay na di mabilang,
ng maliit at malaking bagay na may buhay.
26 Doon(C) nagsisiyaon ang mga sasakyang-dagat,
at ang Leviatan na iyong nilikha upang doon ay maglibang.
27 Lahat ng ito sa iyo ay naghihintay,
upang mabigyan sila sa tamang panahon ng kanilang pagkain.
28 Iyong ibinibigay sa kanila, ito ay kanilang tinitipon;
iyong ibinubukas ang iyong kamay, sila'y napupuno ng mabubuting bagay.
29 Iyong ikinukubli ang iyong mukha, sila'y nangangamba;
iyong inalis ang kanilang hininga, sila'y namamatay,
at nagsisibalik sa kanilang pagiging alabok.
30 Iyong isinusugo ang iyong Espiritu, sila'y nalilikha,
at iyong binabago ang balat ng lupa.
31 Manatili nawa ang kaluwalhatian ng Panginoon kailanman;
magalak nawa ang Panginoon sa kanyang mga gawa,
32 na siyang tumitingin sa lupa at ito'y nayayanig,
na humihipo sa mga bundok at ito'y umuusok!
33 Aawit ako sa Panginoon habang ako'y nabubuhay;
ako'y aawit ng papuri sa aking Diyos, habang ako'y nabubuhay.
34 Maging kalugud-lugod nawa sa kanya ang aking pagbubulay-bulay,
para sa akin, ako'y magagalak sa Panginoon.
35 Malipol nawa ang mga makasalanan sa lupa,
at mawala nawa ang masama.
O kaluluwa ko! Purihin ang Panginoon.
Purihin ang Panginoon!
Ang Cristong Ipinako sa Krus
2 Mga kapatid, nang ako ay dumating sa inyo, hindi ako dumating na nagpapahayag sa inyo ng patotoo ng Diyos sa pamamagitan ng matatayog na pananalita o karunungan.
2 Sapagkat aking ipinasiyang walang anumang malaman sa gitna ninyo, maliban na si Jesu-Cristo, at siya na ipinako sa krus.
3 Ako'y(A) nakasama ninyo na may kahinaan, takot, at lubhang panginginig.
4 Ang aking pananalita at ang aking pangangaral ay hindi sa pamamagitan ng mapang-akit na mga salita ng karunungan, kundi sa pagpapamalas ng Espiritu at ng kapangyarihan,
5 upang ang inyong pananampalataya ay huwag maging batay sa karunungan ng mga tao, kundi sa kapangyarihan ng Diyos.
Ang Tunay na Karunungan ng Diyos
6 Subalit sa mga may gulang na ay nagsasalita kami ng karunungan, gayunma'y hindi ang karunungan ng panahong ito, o ng mga pinuno sa panahong ito, na ang mga ito'y mauuwi sa wala.
7 Kundi nagsasalita kami tungkol sa karunungan ng Diyos, na hiwaga at inilihim, na itinalaga ng Diyos bago ang mga panahon para sa ikaluluwalhati natin.
8 Walang sinuman sa mga pinuno ng sanlibutang ito ang nakaunawa nito, sapagkat kung naunawaan nila, ay hindi sana nila ipinako sa krus ang Panginoon ng kaluwalhatian.
9 Subalit(B) kagaya ng nasusulat,
“Ang mga bagay na hindi nakita ng mata, at hindi narinig ng tainga,
at hindi pumasok sa puso ng tao,
ay ang mga bagay na inihanda ng Diyos para sa kanila na nagmamahal sa kanya.”
10 Ngunit ang mga ito ay ipinahayag sa amin ng Diyos sa pamamagitan ng Espiritu; sapagkat sinisiyasat ng Espiritu ang lahat ng mga bagay, maging ang malalalim na mga bagay ng Diyos.
11 Sapagkat sinong tao ang nakakaalam ng isipan ng isang tao, kundi ang espiritu ng tao na nasa kanya? Kaya't walang nakakaalam ng mga isipan ng Diyos, maliban sa Espiritu ng Diyos.
12 Ngayon ay aming tinanggap, hindi ang espiritu ng sanlibutan, kundi ang Espiritung mula sa Diyos, upang aming malaman ang mga bagay na walang bayad na ibinigay sa amin ng Diyos.
13 Na ang mga bagay na ito ay aming sinasabi hindi sa mga salitang itinuro ng karunungan ng tao, kundi ng itinuturo ng Espiritu na ipinapaunawa ang mga espirituwal ng mga espirituwal.
14 Ngunit ang taong hindi ayon sa espiritu ay hindi tumatanggap ng mga bagay ng Espiritu ng Diyos, sapagkat ang mga iyon ay kahangalan sa kanya at hindi niya iyon nauunawaan, sapagkat ang mga iyon ay nauunawaan sa pamamagitan ng espiritu.
15 Ngunit nauunawaan ng taong espirituwal ang lahat ng mga bagay, subalit hindi siya nauunawaan ng sinuman.
16 “Sapagkat(C) sino ang nakakaalam ng pag-iisip ng Panginoon, upang siya'y turuan niya?” Subalit nasa amin[a] ang pag-iisip ni Cristo.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001