Old/New Testament
Payo sa mga Kabataang Lalaki
3 Anak ko, ang aral ko'y huwag mong kalimutan,
kundi ang aking mga utos sa iyong puso'y ingatan;
2 sapagkat kahabaan ng araw at mga taon ng buhay,
at kapayapaan, ang sa iyo'y kanilang ibibigay.
3 Huwag mong hayaang iwan ka ng kabaitan at katotohanan;
itali mo ang mga ito sa palibot ng iyong leeg,
isulat mo sa iyong puso.
4 Sa(A) gayo'y makakatagpo ka ng lingap at mabuting pangalan
sa paningin ng Diyos at ng tao.
5 Sa Panginoon ay buong puso kang magtiwala,
at huwag kang manalig sa sarili mong pang-unawa.
6 Sa lahat ng iyong mga lakad siya'y iyong kilalanin,
at itutuwid niya ang iyong mga landasin.
7 Huwag(B) kang magpakapantas sa iyong sariling mga mata;
matakot ka sa Panginoon, at sa kasamaan ay lumayo ka.
8 Ito'y magiging kagalingan sa laman mo,
at kaginhawahan sa iyong mga buto.
9 Parangalan mo ang Panginoon mula sa iyong kayamanan,
at ng mga unang bunga ng lahat mong ani;
10 sa gayo'y mapupuno nang sagana ang iyong imbakan,
at aapawan ng bagong alak ang iyong mga sisidlan.
11 Anak(C) (D) ko, ang disiplina ng Panginoon ay huwag mong hamakin,
at ang kanyang saway ay huwag mong itakuwil.
12 Sapagkat(E) sinasaway ng Panginoon ang kanyang minamahal,
gaya ng ama sa anak na kanyang kinalulugdan.
Ang Tunay na Kayamanan
13 Mapalad ang tao na nakakasumpong ng karunungan,
at ang tao na nagtatamo ng kaunawaan.
14 Sapagkat ang pakinabang dito kaysa pilak ay mas mainam,
at ang mapapakinabang dito ay higit kaysa gintong dalisay.
15 Kaysa mga alahas, siya ay mas mahalaga,
at wala sa mga bagay na ninanasa mo ang maihahambing sa kanya.
16 Ang mahabang buhay ay nasa kanyang kanang kamay;
sa kanyang kaliwang kamay ay mga yaman at karangalan.
17 Ang kanyang mga daan ay mga daan ng kaligayahan,
at ang lahat niyang mga landas ay kapayapaan.
18 Siya'y punungkahoy ng buhay sa mga humahawak sa kanya;
at mapalad ang lahat ng nakakapit sa kanya.
Ang Karunungan ng Diyos sa Paglikha
19 Itinatag ng Panginoon ang daigdig sa pamamagitan ng karunungan;
itinayo niya ang mga langit sa pamamagitan ng kaunawaan.
20 Sa kanyang kaalaman ang mga kalaliman ay nabiyak,
at nagpapatak ng hamog ang mga ulap.
Ang Tunay na Katiwasayan
21 Anak ko, huwag mong hayaang mawalay sa iyong mga mata,
ingatan mo ang magaling na dunong at mabuting pagpapasiya,
22 at sila'y magiging buhay sa iyong kaluluwa,
at sa iyong leeg ay magiging pampaganda.
23 Kung magkagayo'y tiwasay kang lalakad sa iyong daan,
at ang iyong paa ay di matitisod kailanman.
24 Kapag ikaw ay nakahiga, hindi ka matatakot;
kapag ika'y humimlay, magiging mahimbing ang iyong tulog.
25 Huwag kang matakot sa pagkasindak na bigla,
o sa pagdating ng pagsalakay ng masama,
26 sapagkat ang Panginoon ang magiging iyong pagtitiwala,
at iingatan mula sa pagkahuli ang iyong mga paa.
27 Huwag mong ipagkait ang mabuti sa kinauukulan,[a]
kapag ito'y nasa kapangyarihang gawin ng iyong kamay.
28 Huwag mong sabihin sa iyong kapwa, “Humayo ka, at bumalik na lamang,
at bukas ako magbibigay,” gayong mayroon ka naman.
29 Huwag kang magbalak ng masama laban sa iyong kapwa,
na naninirahan sa tabi mo nang may pagtitiwala.
30 Huwag kang makipagtalo sa kanino man nang walang dahilan,
kung hindi naman siya gumawa sa iyo ng kasamaan.
31 Huwag kang mainggit sa taong marahas,
at huwag mong piliin ang anuman sa kanyang mga landas;
32 sapagkat sa Panginoon ang suwail ay kasuklamsuklam,
ngunit ang matuwid ay kanyang pinagtitiwalaan.
33 Ang sumpa ng Panginoon ay nasa bahay ng masama;
ngunit ang tahanan ng matuwid ay kanyang pinagpapala.
34 Sa(F) mga nanunuya siya ay mapanuya,
ngunit sa mapagkumbaba ay nagbibigay siya ng biyaya.
35 Ang pantas ay magmamana ng kaluwalhatian,
ngunit kahihiyan ang magiging ganti sa mga hangal.
Ang Pakinabang ng Karunungan
4 Dinggin ninyo, mga anak, ang turo ng ama,
at makinig kayo upang magkamit kayo ng unawa;
2 sapagkat binibigyan ko kayo ng mabubuting panuntunan:
huwag ninyong talikuran ang aking aral.
3 Noong ako'y isang anak sa aking ama,
bata pa at tanging anak sa paningin ng aking ina,
4 tinuruan niya ako, at sa akin ay nagwika,
“Panghawakan ng iyong puso ang aking mga salita.
Tuparin mo ang aking mga utos, at mabubuhay ka.
5 Kunin mo ang karunungan, kunin mo ang kaunawaan,
huwag kang lumimot, ni sa mga salita ng aking bibig ay humiwalay.
6 Huwag mo siyang pabayaan at ikaw ay kanyang iingatan;
ibigin mo siya at ikaw ay kanyang babantayan.
7 Ang pasimula ng karunungan ay ito: Kunin mo ang karunungan,
sa lahat mong kukunin ay kunin mo ang unawa.
8 Pahalagahan mo siya, at itataas ka niya;
pararangalan ka niya kapag niyakap mo siya.
9 Isang kaaya-ayang putong sa ulo mo'y kanyang ilalagay,
isang magandang korona sa iyo'y kanyang ibibigay.”
10 Makinig ka, anak ko, at tanggapin mo ang aking mga sinasabi,
at ang mga taon ng iyong buhay ay magiging marami.
11 Itinuro ko sa iyo ang daan ng karunungan;
pinatnubayan kita sa mga landas ng katuwiran.
12 Kapag ikaw ay lumakad, hindi magigipit ang iyong mga hakbang;
at kung ikaw ay tumakbo, hindi ka mabubuwal.
13 Hawakan mong mabuti ang turo; huwag mong bitawan;
siya'y iyong ingatan, sapagkat siya'y iyong buhay.
14 Huwag kang pumasok sa landas ng masama,
at huwag kang lumakad sa daan ng taong masasama.
15 Iwasan mo iyon, huwag mong daanan;
talikuran mo, at iyong lampasan.
16 Sapagkat hindi sila nakakatulog, malibang sila'y nakagawa ng kasamaan;
at nananakawan sila ng tulog, malibang may isang taong kanilang mapabuwal.
17 Sapagkat sila'y kumakain ng tinapay ng kasamaan,
at umiinom ng alak ng karahasan.
18 Ngunit ang landas ng matuwid ay parang liwanag ng bukang-liwayway,
na sumisikat ng higit at mas maliwanag hanggang maging ganap na araw.
19 Ang daan ng masama ay parang malalim na kadiliman;
hindi nila nalalaman kung ano ang kanilang kinakatisuran.
20 Anak ko, makinig ka sa aking mga salita;
ikiling mo ang iyong pandinig sa aking mga wika.
21 Huwag mong hayaang sila'y mawala sa paningin mo;
ingatan mo sila sa kaibuturan ng iyong puso.
22 Sapagkat sa mga nakakatagpo sa kanila ang mga ito'y buhay,
at kagalingan sa kanilang buong katawan.
23 Ang iyong puso'y buong sikap mong ingatan,
sapagkat mula rito'y dumadaloy ang mga bukal ng buhay.
24 Ang madayang bibig ay iyong alisin,
ilayo mo sa iyo ang mga labing suwail.
25 Tuminging matuwid ang iyong mga mata sa unahan,
at ang iyong mga paningin ay maging matuwid sa iyong harapan.
26 Landas(G) ng iyong mga paa ay iyong tuwirin,
at magiging tiyak ang lahat ng iyong tatahakin.
27 Huwag kang lumiko sa kanan o sa kaliwa man;
ilayo mo ang iyong paa sa kasamaan.
Babala Laban sa Pakikiapid
5 Anak ko, pakinggan mo ang aking karunungan;
ikiling mo ang iyong pandinig sa aking kaunawaan;
2 upang mabuting pagpapasiya ay iyong maingatan,
at upang ang iyong mga labi ay makapagbantay ng kaalaman.
3 Sapagkat ang mga labi ng mapangalunyang babae sa pulot ay tumatagas,
at ang kanyang pananalita kaysa langis ay madulas;
4 ngunit mapait na gaya ng halamang lason sa bandang wakas,
tabak na may dalawang talim ang siyang kasintalas.
5 Ang kanyang mga paa sa kamatayan ay palusong;
ang kanyang mga hakbang ay nakahawak sa Sheol.
6 Hindi siya tumatahak sa landas ng buhay;
ang kanyang mga lakad ay di-panatag, at hindi niya ito nalalaman.
7 Ngayon nga, mga anak, sa akin kayo'y makinig,
at huwag kayong lumayo sa mga salita ng aking bibig.
8 Ilayo mo sa kanya ang iyong daan,
at huwag kang lumapit sa pintuan ng kanyang bahay;
9 baka ibigay mo ang iyong karangalan sa iba,
at ang iyong mga taon sa mga walang awa.
10 Baka mga dayuhan ang magtamasa sa iyong kayamanan,
at mapunta sa bahay ng di-kilala ang iyong pinagpaguran.
11 At ikaw ay manangis sa katapusan ng iyong buhay,
kapag naubos ang iyong laman at katawan.
12 At iyong sasabihin, “Tunay na ang pangaral ay aking kinamuhian,
at hinamak ng aking puso ang pagsaway!
13 Hindi ko sinunod ang tinig ng aking mga tagapagturo,
o ikiniling ko man ang aking pandinig sa aking mga guro.
14 Ako'y nasa bingit ng lubos na kapahamakan,
sa gitna ng kapisanan at ng kapulungan.”
15 Sa iyong sariling tipunan ng tubig ikaw ay uminom,
sa umaagos na tubig mula sa iyong sariling balon.
16 Dapat bang kumalat ang iyong mga bukal,
at ang mga agos ng tubig sa mga lansangan?
17 Hayaan mong maging para sa sarili mo lamang,
at hindi para sa mga kasama mong mga dayuhan.
18 Pagpalain ang iyong bukal;
at magalak ka sa asawa ng iyong kabataan.
19 Gaya ng magandang usa at mahinhing babaing usa,
bigyan kang kasiyahan ng dibdib niya sa tuwina,
at sa kanyang pag-ibig ay laging malugod ka.
20 Sapagkat, bakit anak ko, sa mapangalunyang babae ay malulugod ka,
at yayakap sa dibdib ng babaing banyaga?
21 Sapagkat ang mga lakad ng tao ay nasa harap ng mga mata ng Panginoon,
at kanyang sinisiyasat ang lahat niyang mga landas.
22 Ang masama'y nabibitag sa sarili niyang kasamaan,
at siya'y nahuhuli sa mga tali ng kanyang kasalanan.
23 Siya'y mamamatay sa kakulangan ng disiplina,
at dahil sa kanyang kahangalan ay naliligaw siya.
Pagbati
1 Si(A) Pablo, na apostol ni Cristo Jesus sa pamamagitan ng kalooban ng Diyos, at si Timoteo na ating kapatid, sa iglesya ng Diyos na nasa Corinto, kasama ng lahat ng mga banal na nasa buong Acaia:
2 Sumainyo nawa ang biyaya at kapayapaang mula sa Diyos na ating Ama at sa Panginoong Jesu-Cristo.
Pasasalamat sa Gitna ng Paghihirap
3 Purihin ang Diyos at Ama ng ating Panginoong Jesu-Cristo, ang Ama ng mga kaawaan at Diyos ng lahat ng kaaliwan;
4 na umaaliw sa atin sa lahat ng ating kapighatian, upang maaliw natin ang nasa anumang kapighatian, sa pamamagitan ng kaaliwan na inialiw sa atin ng Diyos.
5 Sapagkat kung paanong sumasagana sa atin ang mga pagdurusa ni Cristo, sa pamamagitan ni Cristo ay sumasagana rin sa atin ang kaaliwan.
6 Subalit kung kami man ay pinahihirapan, ito ay para sa inyong kaaliwan at kaligtasan; at kung kami ay inaaliw, ito ay para sa inyong kaaliwan, na inyong dinanas kapag kayo'y matiyagang nagtitiis ng gayunding paghihirap na aming dinaranas.
7 Ang aming pag-asa tungkol sa inyo ay matatag, sapagkat nalalaman namin na habang kayo'y karamay sa aming pagdurusa, kayo ay karamay din sa aming kaaliwan.
8 Hindi(B) namin ibig na di ninyo malaman, mga kapatid, ang tungkol sa mga kapighatian na naranasan namin sa Asia, sapagkat lubha kaming nabigatan ng higit sa aming kaya, anupa't kami ay nawalan na ng pag-asang mabuhay.
9 Tunay na nadama namin na tinanggap na namin ang hatol na kamatayan, upang kami ay huwag magtiwala sa aming sarili, kundi sa Diyos na bumubuhay sa mga patay.
10 Siya na nagligtas sa amin mula sa kakilakilabot na kamatayan at patuloy na magliligtas; sa kanya ay inilalagak namin ang ating pag-asa na muli niya kaming ililigtas.
11 Dapat din ninyo kaming tulungan sa pamamagitan ng panalangin upang marami ang magpasalamat alang-alang sa amin para sa pagpapalang ipinagkaloob sa amin bilang kasagutan sa maraming mga panalangin.
Pagbabago sa Paglalakbay ni Pablo
12 Sapagkat ang aming ipinagmamalaki ay ito, ang patotoo ng aming budhi; kami ay namuhay ng wasto sa sanlibutan, at lalo na sa inyo, na may kapayakan[a] at maka-Diyos na katapatan, hindi ayon sa karunungan ng laman, kundi sa biyaya ng Diyos.
13 Sapagkat hindi kami sumusulat sa inyo ng ibang mga bagay kundi kung ano ang inyong mababasa at mauunawaan; umaasa ako na lubos ninyong mauunawaan hanggang sa wakas.
14 Gaya ng inyong bahagyang pagkakilala sa amin, na kami ay inyong maipagmalaki gaya ninyo na aming ipinagmamalaki sa araw ng Panginoong Jesus.
15 Dahil sa pagtitiwalang ito, nais kong pumunta muna sa inyo, upang kayo'y magkaroon ng pangalawang biyaya.
16 Nais(C) kong dalawin kayo sa aking paglalakbay patungong Macedonia, at buhat sa Macedonia ay bumalik sa inyo, at nang matulungan ninyo ako sa aking paglalakbay patungong Judea.
17 Ako kaya ay nag-aatubili nang naisin kong gawin ito? Ginagawa ko ba ang aking mga panukala na gaya ng taong makasanlibutan, na nagsasabi ng “Oo, oo” at gayundin ng “Hindi, hindi?”
18 Ngunit kung paanong ang Diyos ay tapat, ang aming sinasabi sa inyo ay hindi “Oo at Hindi.”
19 Sapagkat(D) ang Anak ng Diyos, si Jesu-Cristo na ipinangaral namin sa inyo sa pamamagitan ko, ni Silvano at ni Timoteo, ay hindi “Oo at Hindi,” kundi sa kanya ay palaging “Oo.”
20 Sapagkat ang lahat ng mga pangako ng Diyos sa kanya ay “Oo.” Kaya't sa pamamagitan niya ay aming sinasambit ang “Amen,” sa ikaluluwalhati ng Diyos.
21 Subalit ang nagpapatibay sa amin na kasama ninyo kay Cristo, at nagpahid[b] sa amin ay ang Diyos,
22 inilagay rin niya ang kanyang tatak sa amin, at ibinigay sa amin ang Espiritu sa aming mga puso bilang paunang bayad.
23 Subalit tinatawagan ko ang Diyos upang sumaksi laban sa akin; upang hindi kayo madamay, hindi na ako muling pumunta sa Corinto.
24 Hindi sa nais naming maging panginoon sa inyong pananampalataya, kundi kami ay mga kamanggagawa ninyo para sa inyong kagalakan, sapagkat kayo'y nakatayong matatag sa inyong pananampalataya.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001