Old/New Testament
1 Ang(A) awit ng mga awit na kay Solomon.Babae
2 Hagkan niya sana ako ng mga halik ng kanyang bibig!
Sapagkat mas mabuti kaysa alak ang iyong pag-ibig,
3 ang iyong mga langis na pambuhos ay mabango;
langis na ibinuhos ang pangalan mo;
kaya't ang mga dalaga'y umiibig sa iyo.
4 Palapitin mo ako sa iyo, magmadali tayo.
Dinala ako ng hari sa mga silid niya.
Kami ay matutuwa at sa iyo'y magsasaya.
Aming itataas ng higit kaysa alak ang pag-ibig mo,
matuwid ang pag-ibig nila sa iyo.
5 Ako'y maitim, ngunit kahali-halina,
O kayong mga anak na babae ng Jerusalem,
gaya ng mga tolda sa Kedar,
gaya ng mga tabing ni Solomon.
6 Huwag ninyo akong masdan dahil sa ako'y maitim,
sapagkat sinunog ako ng araw.
Ang mga anak ng aking ina ay galit sa akin,
ginawa nila akong tagapangalaga ng mga ubasan;
ngunit ang sarili kong ubasan ay hindi ko nabantayan.
7 Sabihin mo sa akin, ikaw na minamahal ng aking kaluluwa,
saan ka nagpapastol ng iyong kawan,
saan mo pinahihiga sa katanghalian;
sapagkat bakit ako'y magiging gaya ng nalalambungan,
sa tabi ng mga kawan ng iyong mga kasamahan?
Mangingibig
8 Kung hindi mo nalalaman,
O ikaw na pinakamaganda sa mga babae,
sumunod ka sa mga landas ng kawan,
at ipastol mo ang mga anak ng kambing
sa tabi ng mga tolda ng mga pastol.
Pag-uusap ng Magkasuyo
9 Aking itinutulad ka, O aking sinta,
sa isang kabayo sa mga karwahe ni Faraon.
10 Pinagaganda ng mga pahiyas ang iyong mga pisngi,
ang iyong leeg ng mga kuwintas na palamuti.
11 Igagawa ka namin ng mga gintong kuwintas,
na may mga pilak na pahiyas.
Babae
12 Samantalang ang hari ay nasa kanyang hapag,
ang aking nardo ay nagsasabog ng kanyang kabanguhan.
13 Ang aking mahal ay gaya ng supot ng mira para sa akin,
na humihilig sa pagitan ng aking dibdib.
14 Ang aking sinta para sa akin ay kumpol na bulaklak ng hena
sa mga ubasan ng En-gedi.
Lalaki
15 O napakaganda mo, aking sinta,
totoong, ikaw ay maganda;
mga kalapati ang iyong mga mata.
Babae
16 O napakaganda mo, aking sinta,
kaakit-akit na tunay,
ang ating higaan ay luntian.
17 Ang mga biga ng ating bahay ay mga sedro,
ang kanyang mga bubong ay mga sipres.
2 Ako'y rosas[a] ng Sharon,
isang liryo ng mga libis.
Lalaki
2 Kung ano ang liryo sa gitna ng mga tinikan,
gayon ang aking pag-ibig sa gitna ng mga kadalagahan.
Babae
3 Kung ano ang puno ng mansanas sa gitna ng mga punungkahoy sa kagubatan,
gayon ang aking sinta sa gitna ng mga kabinataan.
Ako'y naupo sa ilalim ng kanyang anino na may malaking pagsasaya,
at ang kanyang bunga ay matamis sa aking panlasa.
4 Dinala niya ako sa bahay na may handaan,
at ang watawat niya sa akin ay pagmamahal.
5 Bigyan ninyo ako ng mga pasas,
aliwin ninyo ako ng mga mansanas;
sapagkat ako'y may sakit na pagsinta.
6 Ang kanyang kaliwang kamay sana ay nasa ilalim ng aking ulo,
at ang kanyang kanang kamay ay niyayakap ako!
7 O mga anak na babae ng Jerusalem, kayo'y aking pinagbibilinan,
alang-alang sa mga usang lalaki at babae sa kaparangan,
na huwag ninyong pukawin, o gisingin man ang pagmamahal,
hanggang sa kanyang maibigan.
Babae
8 Ang tinig ng aking giliw!
Narito, siya'y dumarating,
palukso-lukso sa mga bundok,
palundag-lundag sa mga burol.
9 Ang aking sinta ay gaya ng usa
o ng batang usa.
Tingnan mo, siya'y nakatayo
sa likod ng aming bakod,
sa mga bintana'y sumisilip,
sa mga durungawa'y nagmamasid.
10 Ang aking sinta ay nagsalita, at nagsabi sa akin,
“Bumangon ka, maganda kong sinta,
at tayo'y umalis;
11 Sapagkat, ang taglamig ay lumipas na;
ang ulan ay tapos na at wala na.
12 Ang mga bulaklak ay namumukadkad sa lupa;
ang panahon ng pag-aawitan ay dumating,
at ang tinig ng batu-bato
ay naririnig sa ating lupain.
13 Lumalabas na ang mga bunga ng puno ng igos,
at ang mga puno ng ubas ay namumulaklak,
ang kanilang bango'y humahalimuyak.
Bumangon ka, maganda kong sinta,
at tayo'y umalis.
14 O kalapati ko, na nasa mga bitak ng bato,
sa puwang ng bangin,
ipakita mo sa akin ang iyong mukha,
iparinig mo sa akin ang iyong tinig;
sapagkat matamis ang iyong tinig,
at ang iyong mukha ay kaibig-ibig.
15 Ihuli ninyo kami ng mga asong-gubat,
ng mga munting asong-gubat,
na sumisira ng mga ubasan,
sapagkat ang aming mga ubasan ay namumulaklak na.”
Babae
16 Ang sinta ko ay akin, at kanya ako;
ipinapastol niya ang kanyang kawan sa gitna ng mga liryo.
17 Hanggang sa ang araw ay huminga,
at ang mga anino'y tumakas,
pumihit ka, sinta ko, at ikaw ay maging gaya ng usa
o ng batang usa sa mga bundok ng Bether.
3 Sa ibabaw ng aking higaan sa gabi,
hinanap ko siyang iniibig ng aking kaluluwa;
hinanap ko siya, ngunit hindi ko siya natagpuan.
2 “Ako'y babangon at lilibot sa lunsod,
sa mga lansangan at sa mga liwasan,
hahanapin ko siya na iniibig ng aking kaluluwa.”
Hinanap ko siya, ngunit hindi ko siya natagpuan.
3 Nakita ako ng mga tanod,
habang sila'y naglilibot sa lunsod.
“Nakita ba ninyo siya na sinisinta ng aking kaluluwa?”
4 Halos di pa ako nakakalayo sa kanila,
nang masumpungan ko siya na iniibig ng aking kaluluwa.
Pinigilan ko siya, at hindi ko hinayaang umalis,
hanggang sa siya'y aking nadala sa bahay ng aking ina,
at sa silid niya na naglihi sa akin.
5 O mga anak na babae ng Jerusalem, kayo'y aking pinagbibilinan,
alang-alang sa mga usang lalaki at babae sa kaparangan,
na huwag ninyong pukawin o gisingin man ang pagmamahal,
hanggang sa kanyang maibigan.
Ang Pangkasalang Pagdating
Babae
6 Ano itong umaahon mula sa ilang,
na gaya ng haliging usok,
na napapabanguhan ng mira at ng kamanyang,
ng lahat ng mabangong pulbos ng mangangalakal?
7 Tingnan ninyo, iyon ang higaan ni Solomon!
Animnapung magigiting na lalaki ang nasa palibot niyon,
sa magigiting na lalaki ng Israel.
8 Silang lahat ay may sakbat na tabak,
at sanay sa pakikidigma:
bawat isa'y may tabak sa kanyang hita,
sa mga hudyat sa gabi ay laging handa.
9 Si Haring Solomon ay gumawa para sa sarili ng higaang binubuhat
mula sa kahoy ng Lebanon.
10 Ginawa niyang pilak ang mga haligi niyon,
ang likod niyon ay ginto, at ang upuan ay kulay ube;
ang loob niyon ay hinabi ng may pag-ibig
ng mga anak na babae ng Jerusalem.
11 Humayo kayo,
O mga anak na babae ng Zion,
at inyong masdan si Haring Solomon,
na may korona na ipinutong sa kanya ng kanyang ina,
sa araw ng kanyang kasal,
sa araw ng katuwaan ng kanyang puso.
Tinanggap si Pablo ng mga Apostol
2 Pagkalipas(A) ng labing-apat na taon, muli akong nagtungo sa Jerusalem kasama si Bernabe, at isinama ko rin si Tito.
2 Ngunit ako'y nagtungo dahil sa isang pahayag, at isinaysay ko sa harapan nila ang ebanghelyo na aking ipinangangaral sa mga Hentil (subalit palihim sa harapan ng mga kinikilalang pinuno), baka sa anumang paraan ako'y tumatakbo, o tumakbo nang walang kabuluhan.
3 Subalit maging si Tito na kasama ko ay hindi pinilit na patuli, bagama't isang Griyego.
4 Subalit dahil sa mga huwad na kapatid na lihim na ipinasok, na pumasok upang tiktikan ang kalayaan na taglay namin kay Cristo Jesus, upang kami'y alipinin—
5 sa kanila ay hindi kami sumuko upang magpasakop, kahit isang saglit, upang ang katotohanan ng ebanghelyo ay manatili sa inyo.
6 Subalit(B) mula sa mga wari'y mga kinikilalang pinuno—maging anuman sila, ay walang anuman sa akin: ang Diyos ay hindi nagpapakita ng pagtatangi—ang mga pinunong iyon ay hindi nagdagdag ng anuman sa akin.
7 Kundi nang makita nila na sa akin ay ipinagkatiwala ang ebanghelyo para sa mga hindi tuli, kung paanong ipinagkatiwala kay Pedro ang ebanghelyo sa mga tuli,
8 sapagkat ang gumawa sa pamamagitan ni Pedro sa pagka-apostol sa mga tuli ay siya ring gumawa sa akin sa pagka-apostol sa mga Hentil;
9 at nang malaman nila ang biyayang sa akin ay ipinagkaloob, ang mga kanang kamay ng pakikisama ay ibinigay sa akin at kay Bernabe nina Santiago, Cefas[a] at Juan, sila na itinuturing na mga haligi, upang kami ay pumunta sa mga Hentil, at sila'y para sa mga tuli.
10 Ang kanila lamang hiniling ay aming alalahanin ang mga dukha, na siya namang aking pinananabikang gawin.
Sinaway ni Pablo si Pedro sa Antioquia
11 Ngunit nang dumating si Cefas[b] sa Antioquia, sumalungat ako sa kanya nang mukhaan, sapagkat siya'y nahatulang nagkasala.
12 Bago dumating ang ilan mula kay Santiago, dati siyang nakikisalo sa mga Hentil. Ngunit nang sila'y dumating, siya'y umurong at humiwalay dahil natatakot sa pangkat ng pagtutuli.
13 At ang ibang mga Judio ay nakisama sa kanya sa ganitong pagkukunwari, kaya't maging si Bernabe ay natangay ng kanilang pagkukunwari.
14 Ngunit nang makita ko na hindi sila lumalakad nang matuwid sa katotohanan ng ebanghelyo, sinabi ko kay Cefas[c] sa harapan nilang lahat, “Kung ikaw, na Judio, ay namumuhay gaya ng mga Hentil at di gaya ng mga Judio, bakit mo pinipilit ang mga Hentil na mamuhay na gaya ng mga Judio?”
Naliligtas ang mga Judio at Hentil sa Pamamagitan ng Pananampalataya
15 Tayo mismo ay ipinanganak na mga Judio, at hindi mga Hentil na makasalanan,
16 at(C) nalalaman natin na ang tao ay hindi inaaring-ganap sa pamamagitan ng mga gawa ng kautusan, kundi sa pamamagitan ng pananampalataya kay Jesu-Cristo, at tayo ay sumasampalataya kay Cristo Jesus, upang ariing-ganap sa pamamagitan ng pananampalataya kay Cristo, at hindi sa pamamagitan ng mga gawa ng kautusan, sapagkat sa pamamagitan ng mga gawa ng kautusan ay hindi aariing-ganap ang sinumang laman.
17 Ngunit kung sa ating pagsisikap na ariing-ganap kay Cristo, tayo mismo ay natagpuang mga makasalanan, si Cristo ba ay lingkod ng kasalanan? Huwag nawang mangyari!
18 Kung ang mga bagay na aking sinira ay aking muling itayo, pinatutunayan ko sa aking sarili na ako'y suwail.
19 Sapagkat ako sa pamamagitan ng kautusan ay namatay sa kautusan, upang ako'y mabuhay sa Diyos.
20 Ako'y ipinakong kasama ni Cristo at hindi na ako ang nabubuhay, kundi si Cristo ang nabubuhay sa akin, at ang buhay na ikinabubuhay ko ngayon sa laman ay ikinabubuhay ko sa pamamagitan ng pananampalataya sa Anak[d] ng Diyos na sa akin ay nagmahal, at nagbigay ng kanyang sarili dahil sa akin.
21 Hindi ko pinawawalang halaga ang biyaya ng Diyos, sapagkat kung ang pag-aaring-ganap ay sa pamamagitan ng kautusan, kung gayon, si Cristo ay namatay nang walang kabuluhan.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001