Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Old/New Testament

Each day includes a passage from both the Old Testament and New Testament.
Duration: 365 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Job 14-16

Maikli ang Buhay ng Tao

14 “Ang(A) buhay ng tao'y maikli lamang,
    subalit punung-puno ng kahirapan.
Tulad ng bulaklak na namumukadkad, nalalanta at nalalagas,
    parang aninong nagdaraan, naglalaho at napaparam.
Titingnan mo pa ba ang ganitong nilalang?
    Dadalhin mo pa ba siya sa hukuman?
Mayroon bang malinis na magmumula,
    sa taong marumi at masama?
Sa simula pa'y itinakda na ang kanyang araw,
    at bilang na rin ang kanyang mga buwan,
nilagyan mo na siya ng hangganan na hindi niya kayang lampasan.
Lubayan mo na siya at pabayaan,
    nang makatikim naman kahit kaunting kaginhawahan.

“Kahoy na pinutol ay may pag-asa,
    muli itong tutubo at magsasanga.
Kahit pa ang ugat nito ay matanda na,
    at mamatay ang puno sa kinatatamnan niya,
    ngunit ito'y nag-uusbong kapag diniligan, ito'y magsasanga tulad ng batang halaman.
10 Ngunit ang tao kapag namatay, iyon na ang kanyang katapusan,
    pagkalagot ng kanyang hininga, saan naman kaya siya pupunta?

11 “Tulad ng ilog na tumigil sa pag-agos,
    at gaya ng lawa na ang tubig ay naubos.
12 Ngunit ang tao kapag namatay hindi na babangon
    hanggang ang langit ay maparam.
13 Itago mo na sana ako sa daigdig ng mga patay,
    hanggang sa ang poot mo'y mapawi nang lubusan,
    at muli mong maalala ang aking kalagayan.
14 Kung ang tao ay mamatay, siya kaya'y muling mabubuhay?
Ngunit para sa akin, paglaya ko sa hirap ay aking hihintayin.
15 Ikaw ay tatawag at ako'y sasagot,
    sa iyong nilikha, ikaw ay malulugod.
16 Kung magkagayon, bawat hakbang ko'y iyong babantayan,
    di mo na tatandaan ang aking mga kasalanan.
17 Ang mga kasalanan ko'y iyong patatawarin,
    lahat ng kasamaan ko'y iyong papawiin.

18 “Darating ang araw na guguho ang kabundukan,
    malilipat ng lugar mga batong naglalakihan.
19 Sa buhos ng tubig, ang bato ay naaagnas,
    ang lupang matigas sa baha ay natitibag,
    gayon ang pag-asa ng tao, kapag iyong winasak.
20 Nilulupig mo ang tao at tuluyang naglalaho,
    sa sandali ng kamatayan nagbabago ang kanyang anyo.
21 Anak man niya'y parangalan, hindi na niya malalaman,
    hindi na rin mababatid kung bigyan silang kahihiyan.
22 Ang kanya lamang nadarama ay sakit ng sariling katawan,
    ang tanging iniisip ay ang sariling kalungkutan.”

Ang Ikalawang Sagutan(B)

15 Ang sagot ni Elifaz na taga-Teman,

“Mga salita mo'y pawang kahangalan,
    ang sinasabi mo ay parang hangin lang.
Ang sinasabi mo'y salita ng isang hangal,
    di ka maililigtas ng salitang walang saysay.
Kung ikaw ang masusunod, wala nang matatakot sa Diyos,
    at nais mong hadlangan ang sa kanya'y dumudulog.
Kasamaan mo'y nahahalata sa iyong mga salita,
    nais mo pang magtago sa mga salitang may daya.
Kaya nga ang humahatol sa iyo ay hindi ako,
    salita mong binibigkas ang humatol sa iyo.

“Akala mo ba'y ikaw ang unang taong isinilang?
    Nauna ka pa ba sa mga kabundukan?
Naroon ka ba nang sabihin ng Diyos ang kanyang plano,
    o sa palagay mo'y ikaw lang ang may talino?
Ano ba ang alam mo na di namin nalalaman?
    Lahat ng naiintindihan mo'y amin ding nauunawaan.
10 Ang mga may uban sa buhok ay aming kasama,
    mga taong matatanda pa sa iyong ama.

11 “Inaaliw ka ng Diyos ngunit ayaw mong pansinin,
    ang banayad naming payo na sa puso nanggagaling.
12 Bakit nagmamatigas pa, ipinipilit ang sarili?
    Mga mata'y nanlilisik, kapag tinitingnan kami.
13 Bakit ba ang galit mo'y sa Diyos ibinubunton
    at sa kanya iniuukol ang salitang walang hinahon?

14 “Sino(C) ba ang walang sala, at malinis na lubos?
    Sinong isinilang na matuwid sa harap ng Diyos?
15 Kung doon sa mga anghel, tiwala ng Diyos ay di lubusan,
    kahit silang nasa langit ay mayroon ding pagkukulang.
16 Gaano pa kaya ang taong nasanay sa kasamaan,
    laging uhaw sa masama at hindi tama.

17 “Makinig ka at sa iyo'y aking sasabihin,
    ang lahat ng nakita ko at naabot ng paningin.
18 Mga taong matatalino ang sa akin ay nagturo,
    mga katotohanang inilahad ng kanilang mga ninuno.
19 Ang lupain ay sa kanila lamang ibinigay
    at walang dayuhan na sa kanila'y nakipanirahan.

20 “Ang taong mapang-api at puno
ng kasamaan,
    laging nasa ligalig habang siya'y nabubuhay.
21 Lagi siyang makakarinig nakakatakot na tinig,
    papasukin siya ng tulisan kung kailan siya'y tahimik.
22 Hindi siya makakatakas sa lagim ng kamatayan
    pagkat mayroong tabak na sa kanya'y nag-aabang.
23     Mga buwitre'y naghihintay upang kainin ang kanyang bangkay,[a]
alam niyang madilim ang kanyang kinabukasan.
24     Takot ang naghahari sa buo niyang katauhan,
    parang laging hinahabol ng haring makapangyarihan.

25 “Ganito ang sasapitin ng taong nagyayabang
    at ng humahamon sa Diyos na Makapangyarihan.
26-27 Ipinagmamalaki pa ang ginagawang pagsuway
    at ang palagi niyang hawak ay kanyang kalasag,
    at ang hangad ay habulin at labanan ang Maykapal.
28 Siya ay nanakop ng maraming bayan,
    mga bahay na nilisan ay kanyang kinamkam,
    ngunit mga iyon ay mawawasak pagdating ng digmaan.
29 Ang kayamanan niya ay hindi magtatagal,
    maging ang buhay niya'y madali ring papanaw.
30 Sa gitna ng dilim siya'y makukubkob,
    siya'y matutulad sa punongkahoy na nasunog,
    na ang bulaklak ay tinatangay ng hangin.
31 Dahil nagtiwala siya sa kahangalan,
    kahangalan din ang kanyang kabayaran.
32 Maaga niyang tatanggapin ang kanyang kabayaran,
    tulad ng sangang nalanta, di na muling mananariwa.
33 Makakatulad niya'y ubas na kahit hilaw na bunga'y nalalagas,
    at tulad ng olibo na ang mga bulaklak ay nalalaglag.
34 Walang matitira sa lahi ng masama,
    masusunog ang bahay na sa suhol nagmula.
35 Ganyan ang mga taong nagbabalak ng kasamaan,
    pandaraya ang palaging nasa puso at isipan.”

Idinaing ni Job ang Ginagawa sa Kanya ng Diyos

16 Sumagot naman si Job,
“Narinig ko nang lahat ang inyong mga sinabi,
    kayong lahat ay mang-aaliw na walang silbi.
Wala na bang katapusan, mga salita mong walang laman?
    Bakit ka ba nagsasalita ng ganyan?

“Kaya ko ring sabihin ang lahat ng sinabi ninyo,
    kapag kayo ang dumaranas ng hirap kong ito.
Matatambakan ko rin kayo ng salita at payo,
    may kibit na ng balikat, may iling pa ng ulo.
Ngunit ang sasabihin ko'y pampalakas ng inyong loob,
    mga salitang bibitiwa'y pampabawas ng kirot.

“Kung ako ay magsalita, hirap ko'y di maaalis;
    kung magsawalang-kibo nama'y naroon pa rin ang sakit.
Pinanlupaypay ng Diyos ang abâ kong katauhan
    at nilipol pa niya pati aking sambahayan.
    Nakadikit na sa buto at kulubot ang aking balat,
larawan ng mga hirap na aking dinaranas;
    ito raw ay katunayan ng aking kasalanan.
Dahil sa matinding poot niya sa akin halos ako'y kanyang pagputul-putulin;
    mga mata'y nanlilisik, may poot kung tumingin.
10 Nilalait ako ng mga tao,
    pinapaligiran at sinasampal ako.
11 Ipinaubaya na ako ng Diyos sa masasama, pinabayaan sa mga taong walang awa.
12 Sa aking pananahimik,
    ako'y kanyang ginambala,
    sinakal, dinurog at pinuntirya ng pana.
13 Tinatamaan ako ng pana sa kabi-kabila,
    sugat ko'y malubha
    ngunit wala pa rin siyang awa.
14 Paulit-ulit niya akong sinusugatan,
    para siyang mandirigmang galit na galit sa kalaban.

15 “Ako'y nakasuot ng damit-panluksa,
    nakaupo sa alikabok, katawa'y nanghihina.
16 Sa kaiiyak ko'y pula na ang aking mukha,
    mata ko'y wala nang makita pagkat namamaga.
17     Wala naman akong ginagawang masama,
    panalangin ko sa Diyos ay tapat at walang daya.

18 “Huwag mong tabunan, O Lupa, ang aking kaapihan,
huwag ipagkait sa akin ang hangad kong katarungan!
19 Ang(D) aking testigo ay nasa langit,
    siyang tatayo't magtatanggol ng aking panig.
20 Mga kaibigan ko ang sa aki'y humahamak,
    kaya sa Diyos na lamang ako ay iiyak.

21 “May magtanggol sana sa akin sa harap ng Maykapal,
    tulad ng pagpanig ng isang tao sa kanyang kaibigan.
22 Pagkat ilang taon na lang itong aking itatagal,
    ako'y papunta na sa huli kong hantungan.

Mga Gawa 9:22-43

22 Ngunit lalong naging makapangyarihan ang pangangaral ni Saulo at walang maisagot ang mga Judiong naninirahan sa Damasco sa kanyang pagpapatunay na si Jesus ang Cristo.

23 Pagkaraan(A) ng maraming araw, nagkaisa ang mga Judio na patayin si Saulo. 24 Araw at gabi ay inaabangan nila si Saulo sa mga pintuang-bayan para patayin, ngunit nalaman niya ito. 25 Kaya't isang gabi, inilagay siya ng kanyang mga alagad sa isang basket at ibinabâ sa kabila ng pader.

Si Saulo sa Jerusalem

26 Pagdating ni Saulo sa Jerusalem, sinikap niyang mapabilang sa mga alagad doon. Ngunit silang lahat ay takot sa kanya dahil hindi sila makapaniwalang isa na siyang alagad. 27 Subalit dinala siya ni Bernabe sa mga apostol at isinalaysay nito sa kanila kung paano nagpakita at nakipag-usap ang Panginoon kay Saulo nang ito'y nasa daan papunta sa Damasco. Sinabi rin ni Bernabe na buong tapang na nangaral sa Damasco si Saulo sa pangalan ni Jesus. 28 Kaya mula noon, si Saulo'y kasa-kasama na nila sa buong Jerusalem, at buong tapang na nangangaral doon sa pangalan ng Panginoon. 29 Nakipag-usap din siya at nakipagtalo sa mga Helenista, kaya't tinangka nilang patayin siya. 30 Nalaman ito ng mga kapatid kaya't inihatid nila si Saulo sa Cesarea at pinauwi sa Tarso.

31 Kaya't ang iglesya sa buong Judea, Galilea at Samaria ay naging mapayapa at matatag. At patuloy silang namuhay na may takot sa Panginoon, at sa tulong ng Espiritu Santo ay lumago sila.

Nagpunta si Pedro sa Lida at sa Joppa

32 Naglalakbay noon si Pedro sa mga bayan-bayan upang dalawin ang mga hinirang ng Panginoon. Pagdating niya sa Lida, 33 natagpuan niya roon ang isang lalaking nagngangalang Eneas. Ito'y isang paralitiko at walong taon nang nakaratay. 34 Sinabi ni Pedro sa kanya, “Eneas, pinapagaling ka ni Jesu-Cristo. Tumayo ka't iligpit mo ang iyong higaan!”

At agad siyang tumayo. 35 Nakita siya ng lahat ng naninirahan sa Lida at Saron, at sila'y sumunod sa Panginoon.

36 Sa Joppa naman ay may isang alagad na babae na ang pangalan ay Tabita. Sa wikang Griego, ang kanyang pangalan ay Dorcas[a]. Ginugol niya ang kanyang panahon sa paggawa ng kabutihan at pagkakawanggawa. 37 Nang mga araw na iyon, nagkasakit siya at namatay. Nilinis ang kanyang bangkay at ibinurol ito sa silid sa itaas. 38 Malapit lang sa Joppa ang Lida. Kaya't nang mabalitaan ng mga alagad na si Pedro ay nasa Lida, nagsugo sila ng dalawang lalaki upang siya'y pakiusapang pumunta agad sa Joppa. 39 Sumama naman sa kanila si Pedro, at pagdating doon, dinala siya sa silid sa itaas. Kaagad lumapit sa kanya ang lahat ng mga biyuda; umiiyak sila at ipinapakita ang mga damit at mga balabal na ginawa ni Dorcas para sa kanila noong ito'y nabubuhay pa. 40 Pinalabas ni Pedro ang lahat at siya'y lumuhod at nanalangin. Pagkatapos, humarap siya sa bangkay at sinabi, “Tabita, bumangon ka!” Dumilat si Tabita at naupo nang makita nito si Pedro. 41 Hinawakan ni Pedro ang kanyang kamay at tinulungang bumangon. Pagkatapos, tinawag niya ang mga hinirang ng Panginoon at ang mga biyuda, at iniharap sa kanila si Dorcas na buháy na. 42 Ang pangyayaring ito'y nabalita sa buong Joppa kaya't marami ang sumampalataya sa Panginoon. 43 Maraming araw ding nanatili si Pedro sa Joppa, sa bahay ng isang tagapagbilad ng balat ng hayop na nagngangalang Simon.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.