Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Old/New Testament

Each day includes a passage from both the Old Testament and New Testament.
Duration: 365 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Nehemias 1-3

Nanalangin si Nehemias para sa Jerusalem

Ito ang kasaysayan ng mga nagawa ni Nehemias na anak ni Hacalias. Noon ay ikasiyam na buwan, ng ikadalawampung taon ng paghahari ni Artaxerxes. Akong si Nehemias ay nasa Lunsod ng Susa, ang kabiserang lunsod, nang dumating ang kapatid kong si Hanani, kasama ang isang pangkat ng mga lalaki mula sa Juda. Kinumusta ko sila tungkol sa Jerusalem at sa mga Judiong nagbalik sa Juda mula sa pagkabihag sa Babilonia.[a] Sumagot sila, “Kawawa naman sila roon. Hinahamak at nilalait ng mga dayuhang nakatira malapit doon.” Sinabi nila na wasak pa ang mga pader ng Jerusalem at ang mga pintuan ng lunsod ay hindi pa nagagawa mula nang sunugin iyon.

Nang marinig ko ito, naupo ako at napaiyak. Ilang araw akong nagdalamhati at nag-ayuno. Nanalangin ako ng ganito sa Diyos ng kalangitan: “O Yahweh, Diyos ng kalangitan, kayo ay dakila at nanginginig kami sa takot sa inyong presensya. Matapat ninyong tinutupad ang inyong tipan at wagas na pag-ibig sa mga nagmamahal sa inyo at tumutupad ng inyong mga utos. Pagmasdan ninyo ako at pakinggan ang aking panalangin. Nananalangin ako sa inyo araw at gabi para sa bayang Israel na inyong lingkod. Inaamin ko pong nagkasala kami sa inyo, ako at ang aking mga ninuno. Napakabigat ng aming kasalanan sa inyo! Hindi namin sinunod ang inyong Kautusan. Nilabag namin ang mga tuntuning ibinigay ninyo sa amin sa pamamagitan ng inyong lingkod na si Moises. Sinabi(A) ninyo kay Moises, ‘Kung kayong mga Israelita ay tatalikod sa akin, ikakalat ko kayo sa iba't ibang mga bansa. Subalit(B) kung manunumbalik kayo at tutupad sa aking mga utos, mapadpad man kayo sa pinakamalalayong lugar, titipunin ko kayong muli sa lupaing aking pinili upang sambahin ako roon.’ 10 Sila ang inyong mga lingkod at ang inyong bayan na tinubos sa pamamagitan ng inyong dakilang kapangyarihan at lakas. 11 O Panginoon, pakinggan ninyo ang panalangin ko, at ng iba pang lingkod ninyo na nagnanais magparangal sa inyo. Pagtagumpayin po ninyo ako ngayon at loobin po ninyong kahabagan ako ng hari.”

Pumunta si Nehemias sa Jerusalem

Nang panahong iyon, ako ang namamahala sa mga inumin ng hari.

Isang araw ng unang buwan, ika-20 taon ng paghahari ni Artaxerxes, binigyan ko siya ng kanyang inuming alak. Noon lamang niya ako nakitang malungkot. Tinanong niya ako, “Bakit ka nalulungkot? Tingin ko sa iyo'y wala ka namang sakit.” Natakot(C) ako kaya sinabi ko sa hari, “Nawa'y ingatan kayo ng Diyos, habang panahon! Nalulungkot po ako sapagkat ang lunsod na pinaglibingan sa aking mga ninuno ay wasak at ang mga pintuan niyon ay natupok ng apoy.”

“Ano ngayon ang nais mo?” tanong ng hari.

Nanalangin ako sa Diyos ng kalangitan, at pagkatapos, sinabi ko sa hari, “Kung pahihintulutan po ninyo ako, Kamahalan, nais kong umuwi sa Juda, upang itayong muli ang lunsod na pinaglibingan sa aking mga ninuno.”

Sinabi sa akin ng hari na noo'y katabi ng reyna, “Gaano ka katagal roon at kailan ka babalik?” Nagtakda ako ng panahon at malugod naman akong pinahintulutan.

Nakiusap ako sa hari na bigyan na rin niya ako ng mga liham para sa mga gobernador ng lalawigan sa Kanluran ng Ilog Eufrates upang paraanin ako patungong Juda. Gumawa rin siya ng sulat para kay Asaf, ang tagapamahala ng kagubatan ng kaharian upang bigyan ako ng mga trosong gagamitin sa pintuan ng muog ng Templo, sa pader ng lunsod at sa bahay na aking titirhan. Ang lahat ng ito ay ginawa ng hari dahil sa kabutihan ng Diyos sa akin.

Nang ako'y umalis, pinasamahan pa ako ng hari sa mga pinuno ng hukbo at sa isang hukbong nakakabayo. Pagdaan ko sa mga gobernador ng lalawigan sa Kanluran ng Eufrates, iniabot ko sa kanila ang liham ng hari. 10 Nang malaman ni Sanbalat na Horonita at ni Tobias na isang opisyal na Ammonita na may dumating upang itaguyod ang kapakanan ng mga Israelita, sila'y lubos na nagalit.

Ang Muling Pagtatayo ng Pader

11 Dumating ako sa Jerusalem. Tatlong araw na ako roon ay 12 hindi ko pa ipinaalam kaninuman ang ipinagagawa sa akin ng Diyos tungkol sa Jerusalem. Sa gabi nang ikatlong araw, gumising ako at lumabas ng lunsod na may ilang kasama. Ang tanging hayop na dinala namin ay ang asnong aking sinasakyan. 13 Lumabas ako sa Pintuan ng Libis sa daang patungo sa Bukal ng Dragon hanggang sa pintuang papunta sa tapunan ng basura. Sinuri kong mabuti ang giba-gibang pader ng Jerusalem at ang mga nasunog nitong pintuan. 14 Nagpatuloy ako sa Pintuang Bukal hanggang sa Paliguan ng Hari. Pagdating doon, walang madaanan ang sinasakyan kong asno. 15 Kaya't naglakad ako patungong Libis at siniyasat ko ang pader. Pagkatapos ay muli akong pumasok sa Pintuan ng Libis pabalik. 16 Hindi alam ng mga pinuno kung saan ako nanggaling at kung ano ang aking ginawa. Wala pa rin akong sinasabi sa mga Judio—sa mga pari, mga pinuno, mga opisyal, at sa iba pang magkakaroon ng bahagi sa gawain.

17 Pagkatapos, sinabi ko sa kanila, “Nakikita ninyo ang kalunus-lunos na kalagayan ng ating bayan. Wasak ang Jerusalem at sunog ang mga pintuan nito. Itayo nating muli ang pader ng lunsod upang mahango na tayo sa kahihiyan.” 18 At sinabi ko sa kanila kung paano ako pinagpala ng Diyos at kung ano ang sinabi sa akin ng hari.

“Kung gayon, simulan na natin ang pagtatayo,” ang sagot nila. Kaya't naghanda nga sila upang simulan ang gawain.

19 Ngunit nang malaman ito nina Sanbalat na Horonita at Tobias na isang opisyal na Ammonita, at maging si Gesem na taga-Arabia, pinagtawanan nila kami at hinamak, at sinabing, “Ano ang ginagawa ninyong iyan? Naghihimagsik ba kayo laban sa hari?”

20 Sinagot ko sila, “Pagtatagumpayin kami ng Diyos ng kalangitan, at kami na kanyang mga lingkod ay magsisimula nang magtayo. Ngunit kayo'y walang bahagi, karapatan o alaala man sa Jerusalem.”

Mga Parteng Ipinagagawa

Ganito muling itinayo ang nasirang pader ng lunsod. Ang pinakapunong pari na si Eliasib at ang mga kasamahan niyang pari ang muling nagtayo ng Pintuan ng mga Tupa. Binasbasan nila ito at pagkatapos ay nilagyan ng mga pinto. Binasbasan din nila ang pader hanggang sa Tore ng Sandaan, at sa Tore ni Hananel. Ang kasunod na bahagi ay itinayo ng mga taga-Jerico. Si Zacur na anak ni Imri ang nagtayo ng kasunod na bahagi.

Ang gumawa ng Pintuan ng Isda ay ang angkan ni Hasenaa. Nilagyan nila ito ng mga posteng pahalang, mga pinto at mga bakal na pangkandado.

Ang kasunod na bahagi naman ay ginawa ni Meremot na anak ni Urias at apo naman ni Hakoz. Ang gumawa ng kasunod nito ay si Mesulam na anak ni Berequias at apo ni Mesezabel.

Ang kasunod nito ay ginawa naman ni Zadok na anak ni Baana.

Ang kasunod na bahagi ay ginawa ng mga taga-Tekoa. Ngunit ang mga maharlika ay tumangging gawin ang mga iniatas ng mga namamahala.

Ang muling nag-ayos ng Pintuang Luma ay sina Joiada na anak ni Pasea at si Mesulam na anak ni Besodeias. Sila rin ang naglagay ng mga posteng pahalang, mga pinto at mga bakal na pangkandado.

Ang kasunod nito ay ginawa nina Melatias na taga-Gibeon at Jadon na taga-Meronot, at ng mga taga-Gibeon at Mizpa, hanggang sa tirahan ng gobernador ng lalawigan sa Kanluran ng Eufrates. Ang kasunod na bahagi ay ginawa ni Uziel na platero, anak ni Harhaia.

Ang sumunod na bahagi hanggang sa Malapad na Pader ay ginawa ni Hananias na manggagawa ng pabango. Ang kasunod na bahagi ay ginawa naman ng anak ni Hur na si Refaias, pinuno ng kalahating distrito ng Jerusalem.

10 Si Jedaias na anak ni Harumaf ang gumawa ng sunod na bahaging malapit sa kanyang bahay.

Ang kasunod nito ay ginawa naman ni Hatus na anak ni Hasabneias.

11 Ang bahaging kasunod hanggang sa Tore ng mga Hurno ay ginawa ni Malquias na anak ni Harim at ni Hasub na anak naman ni Pahat-moab.

12 Ang kasunod nito ay ginawa ng anak ni Halohesh na si Sallum, pinuno ng isa pang kalahating distrito ng Jerusalem. Siya'y tinulungan ng kanyang mga anak na babae.

13 Ang Pintuan ng Libis hanggang sa pintuang papunta sa tapunan ng basura ay itinayo ni Hanun at ng mga taga-Zanoa. Sila rin ang nag-ayos ng mga pinto at ng mga bakal na pangkandado. May 450 metro ang haba ng pader na inayos nila.

14 Ang pintuang papunta sa tapunan ng basura ay inayos ng anak ni Recab na si Malquias, pinuno ng distrito ng Beth-hakerem. Siya rin ang naglagay ng mga pinto at ng mga bakal na pangkandado.

15 Ang nag-ayos ng Pintuan ng Bukal ay ang anak ni Colhoze na si Sallum,[b] pinuno ng distrito ng Mizpa. Binubungan niya ito at nilagyan ng mga pintuan at mga bakal na pangkandado. Inayos din niya ang pader ng Ipunan ng Tubig ng Sela, patungo sa halamanan ng hari hanggang sa makababa ng hagdanan mula sa Lunsod ni David.

16 Mula naman doon hanggang sa tapat ng libingan ni David, tipunan ng tubig at ng himpilan ng mga bantay, ang nag-ayos ay ang anak ni Azbuk na si Nehemias, pinuno ng kalahating distrito ng Beth-sur.

Ang mga Levitang Nagtayo ng Pader

17 Ito naman ang mga Levitang nagtayo ng mga kasunod na bahagi ng pader:

Si Rehum na anak ni Bani ang gumawa ng kasunod na bahagi.

Ang sumunod na bahagi ay ginawa ni Hashabias, pinuno ng kalahating distrito ng Keila.

18 Ang anak ni Henadad na si Bavai, pinuno ng kalahating distrito ng Keila ang siya namang gumawa ng kasunod na bahagi.

19 Ang gumawa naman ng kasunod na bahagi ay ang anak ni Jeshua na si Ezer, pinuno ng Mizpa. Siya ang gumawa ng bahaging paakyat hanggang sa tapat ng taguan ng mga sandata.

20 Ang anak ni Zabai na si Baruc ang gumawa ng kasunod na bahagi, mula sa taguan ng mga sandata hanggang sa pintuan ng bahay ni Eliasib na pinakapunong pari.

21 Ang kasunod na bahagi ay ginawa ng anak ni Urias at apo ni Hakoz na si Meremot. Ito'y umabot hanggang sa dulo ng bahay ni Eliasib.

Ang mga Paring Nagtayo ng Pader

22 Ang mga sumusunod na pari ay nagtayo rin ng mga kasunod na bahagi ng pader:

Ang mga pari sa paligid ng Jerusalem ang gumawa ng kasunod na bahagi.

23 Sina Benjamin at Hasub ang nag-ayos ng kasunod na bahagi na nasa harapan ng kanilang mga bahay.

Si Azarias na anak ni Maaseias at apo ni Ananias ang gumawa ng kasunod na bahagi sa tapat ng kanyang bahay. 24 Mula dito hanggang sa sulok ng pader ang nag-ayos naman ay si Binui na anak ni Henadad.

25-26 Ang kasunod na bahagi ng pader ay ginawa ni Palal na anak ni Uzai. Ito'y mula sa sulok ng pader at ng tore sa itaas ng palasyo, malapit sa bulwagan ng mga bantay.

Ang kasunod na bahagi naman ay ginawa ni Pedaia na anak ni Paros. Ito'y pasilangan hanggang sa tabi ng Pintuang Tubig at ng toreng nagsisilbing bantay sa Templo. Malapit ito sa Ofel na tirahan ng mga manggagawa sa Templo.

Ang Iba pang mga Manggagawa

27 Ang mga taga-Tekoa naman ang nag-ayos ng bahagi mula sa toreng nagsisilbing bantay sa Templo hanggang sa Pader ng Ofel.

28 Isang pangkat ng mga pari ang nag-ayos ng pader sa pahilaga mula sa Pintuan ng Kabayo. Ginawa ng bawat isa ang bahaging nasa tapat ng kanyang bahay.

29 Si Zadok na anak ni Immer ang gumawa ng bahaging nasa tapat ng kanyang tahanan.

Ang kasunod nito'y ginawa ng anak ni Secanias na si Semaias, tagapamahala ng Pintuang Silangan.

30 Si Hananias na anak ni Selemias at si Hanun, pang-anim na anak ni Zalaf ang gumawa naman ng kasunod na bahagi. Ito'y pangalawang bahagi na kanilang ginawa.

Si Mesulam na anak ni Berequias naman ang nag-ayos ng pader sa tapat ng kanyang bahay.

31 Ang kasunod nito ay ginawa naman ni Malquias na isang platero. Ang ginawa niya'y umabot hanggang sa bahay ng mga katulong sa Templo at ng mga mangangalakal. Ang bahaging ito ay nasa tapat ng Pintuang Bantayan malapit sa silid na nasa itaas ng hilagang-silangang kanto ng pader. 32 Mula naman dito hanggang sa Pintuan ng mga Tupa, ang mga platero at mga mangangalakal ang nag-ayos ng pader.

Mga Gawa 2:1-21

Ang Pagdating ng Espiritu Santo

Nagkakatipon(A) silang lahat sa isang lugar nang sumapit ang araw ng Pentecostes. Walang anu-ano'y may ingay na nagmula sa langit, na tulad ng ugong ng malakas na hangin, at napuno nito ang bahay na kinaroroonan nila. May nakita silang parang mga dilang apoy na dumapo sa bawat isa sa kanila, at silang lahat ay napuspos ng Espiritu Santo at nagsimulang magsalita ng iba't ibang wika, ayon sa ipinagkaloob sa kanila ng Espiritu.

May mga debotong Judio noon sa Jerusalem na nagmula sa bawat bansa sa buong mundo. Nang marinig nila ang ugong, nagdatingan ang maraming tao. Namangha sila sapagkat nagsasalita ang mga alagad sa wika ng mga nakikinig. Sa pagkamangha at pagtataka ay kanilang nasabi, “Hindi ba taga-Galilea silang lahat? Bakit sila nakapagsasalita sa ating wika? Tayo'y mga taga-Partia, Media, Elam, Mesopotamia, Judea at Capadocia, Ponto at Asia[a]. 10 Mayroon pa sa ating taga-Frigia at Pamfilia, Egipto at sa mga lupain ng Libya na malapit sa bayan ng Cirene, at mga nagmula sa Roma, mga Judio at mga Hentil na nahikayat sa pananampalatayang Judio. 11 May mga taga-Creta at Arabia rin. Paano sila nakapagsasalita sa ating mga wika tungkol sa mga kahanga-hangang ginawa ng Diyos?” 12 Hindi nila lubusang maunawaan ang nangyari, kaya't nagtanungan sila, “Ano ang kahulugan nito?”

13 Ngunit may ilang nagsabi nang pakutya, “Lasing lang ang mga iyan!”

Nangaral si Pedro

14 Kaya't tumayo si Pedro, kasama ng labing-isang apostol, at nagsalita nang malakas, “Mga taga-Judea, at kayong lahat na nakatira sa Jerusalem, pakinggan ninyong mabuti ang sasabihin ko. 15 Hindi lasing ang mga taong ito, gaya ng palagay ninyo. Alas nuwebe pa lamang ng umaga ngayon. 16 Ang nakikita ninyo'y katuparan ng ipinahayag ni Propeta Joel,

17 ‘Ito(B) ang gagawin ko sa mga huling araw,’ sabi ng Diyos,
‘Ibubuhos ko ang aking Espiritu sa lahat ng tao;
    ipahahayag ng inyong mga anak na lalaki at babae ang aking mensahe.
Ang inyong mga kabataang lalaki ay makakakita ng mga pangitain,
    at ang inyong matatandang lalaki ay magkakaroon ng mga panaginip.
18 Sa panahong iyon, ibubuhos ko rin ang aking Espiritu,
    sa aking mga alipin, maging lalaki at maging babae,
    at ipahahayag nila ang aking mensahe.
19 Magpapakita ako ng mga kababalaghan sa langit
    at mga himala sa lupa;
    dugo, apoy at makapal na usok.
20 Ang araw ay magdidilim,
    ang buwan ay pupulang parang dugo,
    bago dumating ang dakila at maluwalhating araw ng Panginoon.
21 At sinumang tumawag sa pangalan ng Panginoon ay maliligtas.’

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.