Old/New Testament
Inilarawan ni Zofar ang Bahagi ng Masama
20 Sinabi ni Zofar na Naamita,
2 “Ang iyong mga sinabi ay hindi ko na nagugustuhan
kaya hindi ko na mapigilan ang pagsali sa usapan.
3 Ang iyong mga sinabi ay puro panlalait,
kaya't tugon ko ngayo'y aking ipababatid.
4 “Hindi mo ba nalalaman na buhat pa sa simula,
nang ang tao ay ilagay sa ibabaw ng lupa,
5 ang pagmamataas ng masama ay di nagtatagal,
6 umabot man sa langit ang kanyang katanyagan,
at ang kanyang ulo, sa ulap ay umabot man.
7 Ngunit tulad ng alabok, ganap siyang mapaparam;
ang hantungan niya'y hindi alam ng sinuman.
8 Siya'y(A) parang panaginip na mawawala, parang pangitain sa gabi,
di na muling makikita.
9 Di na siya muli pang makikita ng mga dating kaibigan at kapamilya.
10 Makikisama sa mahihirap ang kanyang mga anak;
kayamanang kinamkam, mapapabalik lahat.
11 Ang lakas ng kabataan na dati niyang taglay,
kasama niyang mahihimlay sa alabok na hantungan.
12 “Ang lasa ng kasamaan para sa kanya ay matamis,
ninanamnam pa sa dila, samantalang nasa bibig.
13 Itong kanyang kasamaan ay hindi niya maiwan;
kahit gusto man niyang iluwa ay di niya magagawa.
14 Ngunit nang ito'y lunukin, dumaan sa lalamunan,
ubod pala ng pait, lason sa katawan.
15 Kayamanang kinamkam niya, kanya ngayong isusuka;
palalabasin nga ng Diyos mula sa kanyang bituka.
16 Ang nilulunok ng taong masama ay tulad ng kamandag,
parang tuklaw ng isang ahas na sa kanya ay papatay.
17 Ang mga ilog at batis na siyang dinadaluyan
ng pulot at gatas ay di na niya mamamasdan.
18 Di rin niya papakinabangan lahat ng pinaghirapan;
di niya malalasap ang naipong kayamanan,
19 sapagkat ang mahihirap ay inapi niya,
kinamkam ang mga bahay na itinayo ng iba.
20 “Kanyang pagkagahaman ay walang katapusan,
walang nakakaligtas sa kanyang kasakiman.
21 Kapag siya'y kumakain, wala siyang itinitira,
ngunit ang kasaganaan niya ngayo'y magwawakas na.
22 Sa kanyang kasaganaan, daranas ng kagipitan
at siya'y daratnan ng patung-patong na kahirapan.
23 Kumain na siya't magpakabusog!
Matinding galit ng Diyos sa kanya'y ibubuhos.
24 Makaligtas(B) man siya sa tabak na bakal,
palasong tanso naman ang sa kanya'y magbubuwal.
25 Kapag ito'y itinudla sa apdo niya ay tutusok;
kung makita niya ito,
manginginig siya sa takot.
26 Matinding kadiliman ang sa kanya'y naghihintay;
masusunog siya sa apoy na hindi namamatay.
Wala ring matitira sa kanyang pamilya.
27 Ipahahayag ng langit ang kasamaan ng taong ito,
laban sa kanya, ang lupa'y magpapatotoo.
28 Ang lahat ng kayamanan niya ay sisirain,
sa galit ng Diyos ito ay tatangayin.
29 “Ganito ang sasapitin ng lahat ng masasama,
kapasyahan ng Diyos, sa kanila'y itinakda.”
Pinatunayan ni Job na Masagana ang Buhay ng Masama
21 Ang sagot ni Job,
2 “Pakinggan ninyong mabuti itong aking sasabihin;
ituturing ko nang ito'y pag-aliw sa akin.
3 Ako muna'y inyong pagsalitain,
at pagkatapos nito, saka na ninyo laitin.
4 “Di laban sa tao itong aking hinanakit,
may sapat akong dahilan, kung bakit hindi makatiis.
5 Tingnan ninyo ang hitsura ko, hindi pa ba ito sapat
upang tumahimik na kayo at walang salitang mabigkas?
6 Tuwing iisipin ko itong sinapit ko,
ako'y nanginginig at nanlulumo.
7 Bakit kaya ang masama'y hinahayaan pang mabuhay,
tumatanda pa at nagtatagumpay?
8 Mayroon silang mga anak at mga apo,
naabutan pa nila ang paglaki ng mga ito.
9 Hindi pinipinsala ang kanilang mga tahanan;
parusa ng Diyos ay di nila nararanasan.
10 Ang pagdami ng kanilang mga hayop ay mabilis,
ang inahin nilang baka'y nasa ayos kung magbuntis.
11 Ang kanilang mga anak ay naghahabulan, parang tupang naglalaro at mayroon pang sayawan.
12 Umaawit sa saliw ng tamburin at lira, umiindak, nagsasayaw sa tunog ng mga plauta.
13 Ang buong buhay nila'y puspos ng kasaganaan;
at mapayapa ang kanilang pagharap sa kamatayan.
14 “Sinasabi nila sa Diyos, ‘Huwag mo kaming pakialaman.
Ayaw naming alamin ang iyong kalooban!
15 Sino ba ang Makapangyarihang Diyos upang sambahin namin?
At ano bang mapapala kung sa kanya'y mananalangin?’
16 Ang akala nila, sa sariling lakas galing ang tagumpay,
ngunit di ako sang-ayon sa kanilang palagay.
17 “Ilawan ba ng masama'y pinatay nang minsan?
Sila ba ay dumanas ng matinding kahirapan,
at ang parusa ng Diyos, sa kanila ba'y ipinataw?
18 Itinulad ba sa dayaming nililipad nitong hangin
o ipang walang laman, tinatangay sa papawirin?
19 “Sinasabi ninyong ang anak ay pinaparusahan dahil sa sala ng kanyang magulang.
Parusahan sana ng Diyos ang mismong may kasalanan!
20 Sa gayo'y mararanasan nila ang kahirapang sasapitin;
sa parusa ng Makapangyarihang Diyos, sila ang pagdanasin.
21 Kapag ang isang tao'y binawian ng buhay,
ano pang pakialam niya sa pamilyang naiwan?
22 Sinong makakapagturo ng dapat gawin ng Diyos,
na siyang humahatol sa buong sansinukob?
23 “May taong namamatay sa gitna ng kasaganaan,
panatag ang katayuan, maginhawa ang kabuhayan.
24 Katawan niya ay malusog,
at malalakas ang tuhod.
25 Mayroon namang namamatay sa kahirapan,
ni hindi nakalasap kahit kaunting kaligayahan.
26 Ngunit pareho silang sa alabok nahihimlay,
at kapwa inuuod ang kanilang katawan.
27 “Alam ko kung ano ang binabalak ninyong gawin
at ang masamang iniisip ninyo laban sa akin.
28 Tiyak na itatanong ninyo kung nasaan ang tahanan
ng taong namuhay sa kasamaan.
29 “Hindi ba ninyo naitatanong sa mga manlalakbay,
mga ulat nila'y hindi ba ninyo pinaniniwalaan?
30 Sa panahon ng kahirapan at kasawiang-palad,
di ba't ang masama ay laging naliligtas?
31 Sa kanyang kasamaa'y walang nagpapamukha,
walang naniningil sa masama niyang gawa.
32 Kapag siya ay namatay at inihatid na sa hukay,
maraming nagbabantay sa kanyang libingan.
33 Napakaraming sa kanya'y maghahatid sa libing,
pati lupang hihigan niya, sa kanya ay malambing.
34 Ngunit pang-aaliw ninyo'y walang kabuluhan,
pagkat lahat ng sagot ninyo'y pawang kasinungalingan!”
24 Nang sumunod na araw, dumating sila sa Cesarea. Doo'y naghihintay na sa kanila si Cornelio, pati ang mga kamag-anak at malalapit na kaibigan na kanyang inanyayahan. 25 Sinalubong ni Cornelio si Pedro, nagpatirapa sa harap nito at sinamba. 26 Ngunit sinabi ni Pedro, “Tumayo ka, ako'y tao ring tulad mo.”
27 Patuloy silang nag-uusap habang pumapasok sa bahay, at nakita ni Pedro na maraming taong natitipon doon. 28 Sinabi niya, “Alam naman ninyo na bawal sa isang Judio ang makihalubilo o dumalaw sa isang hindi Judio. Subalit ipinakita sa akin ng Diyos na hindi ko dapat ituring na marumi at di karapat-dapat pakitunguhan ang sinuman. 29 Kaya't nang ipasundo ninyo ako, hindi ako nag-atubiling sumama. Nais kong malaman kung bakit ninyo ako ipinasundo.”
30 Sumagot si Cornelio, “May apat na araw na ngayon ang nakakalipas, bandang alas tres din ng hapon, habang ako'y nananalangin[a] dito sa aking bahay, biglang tumayo sa harap ko ang isang lalaking nakakasilaw ang kasuotan.
31 “Sinabi niya, ‘Cornelio, nakarating sa Diyos ang iyong mga panalangin at nakita niya ang pagtulong mo sa dukha. 32 Ipasundo mo sa Joppa si Simon Pedro. Nanunuluyan siya sa bahay ni Simon na tagapagbilad ng balat ng hayop. Siya ay nakatira sa tabing-dagat.’ 33 Kaya't kaagad akong nagsugo sa inyo ng ilang tao, at sa inyong kagandahang-loob ay pumarito kayo. Ngayon ay naririto kaming lahat sa harap ng Diyos upang pakinggan ang lahat ng ipinapasabi ng Panginoon.[b]”
Nangaral si Pedro
34 At(A) nagsalita si Pedro, “Ngayon ko lubusang nauunawaan na walang itinatangi ang Diyos. 35 Nalulugod siya sa sinumang may takot sa kanya at gumagawa ng matuwid, kahit tagasaan mang bansa. 36 Ibinigay ng Diyos ang kanyang salita sa mga Israelita. Ipinahayag niya sa kanila ang Magandang Balita ng kapayapaan sa pamamagitan ni Jesu-Cristo, na siyang Panginoon ng lahat! 37 Alam ninyo ang pangyayaring naganap sa buong lupain ng mga Judio, na nagsimula sa Galilea pagkatapos na ipangaral ni Juan ang mensahe tungkol sa bautismo. 38 Alam ninyo ang tungkol kay Jesus na taga-Nazaret at kung paanong pinili siya ng Diyos at pinuspos ng Espiritu Santo at ng kapangyarihan. Alam din ninyo na pumunta siya sa iba't ibang dako upang gumawa ng kabutihan sa mga tao at pagalingin ang lahat ng pinapahirapan ng diyablo. Nagawa niya ang mga ito sapagkat kasama niya ang Diyos.
39 “Saksi kami sa lahat ng ginawa niya sa lupain ng mga Judio at sa Jerusalem. Siya'y pinatay nila; siya ay ipinako nila sa krus[c]. 40 Ngunit siya'y muling binuhay ng Diyos sa ikatlong araw at hinayaang ipakita ang sarili, 41 hindi sa lahat ng tao, kundi sa amin na mga pinili ng Diyos bilang mga saksi na nakasama niyang kumain at uminom pagkatapos na siya'y muling mabuhay. 42 Inatasan niya kaming mangaral sa mga tao at magpatotoo na siya ang itinalaga ng Diyos na maging hukom ng mga buháy at mga patay. 43 Siya ang tinutukoy ng mga propeta nang kanilang ipahayag na ang bawat sumampalataya sa kanya ay tatanggap ng kapatawaran sa kanilang mga kasalanan sa pamamagitan ng kanyang pangalan.”
Ipinagkaloob ang Espiritu Santo sa mga Hentil
44 Nagsasalita pa si Pedro, nang bumabâ ang Espiritu Santo sa lahat ng mga nakikinig. 45 Namangha ang mga mananampalatayang Judio na kasama ni Pedro sapagkat ibinigay din sa mga Hentil ang kaloob ng Espiritu Santo. 46 Narinig nila ang mga ito na nagsasalita sa iba't ibang wika at nagpupuri sa Diyos. Kaya't sinabi ni Pedro, 47 “Tulad natin, sila'y pinagkalooban din ng Espiritu Santo. Sino ang makakapagbawal na bautismuhan sila sa tubig?” 48 At iniutos niyang bautismuhan sila sa pangalan ni Jesu-Cristo. Pagkatapos, hiniling nila kay Pedro na manatili pa roon nang ilang araw.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.