Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Old/New Testament

Each day includes a passage from both the Old Testament and New Testament.
Duration: 365 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Mga Awit 4-6

Panalangin sa Gabi

Katha ni David upang awitin ng Punong Mang-aawit; sa saliw ng instrumentong may kuwerdas.

Sagutin mo po ang aking pagtawag,
    O Diyos, na aking kalasag!
Sa kagipitan ko, ako'y iyong tinulungan,
    kaawaan mo ako ngayon, dalangin ko'y pakinggan.

Kayong mga tao, hanggang kailan ninyo ako hahamakin?
    Ang walang kabuluhan at kasinungalingan,
    hanggang kailan ninyo iibigin? (Selah)[a]

Dapat ninyong malamang itinalaga ni Yahweh ang matuwid,
    kapag tumatawag ako sa kanya, siya'y nakikinig.

Huwag(A) hayaang magkasala ka nang dahil sa galit;
    sa iyong silid, pag-isipa't ika'y manahimik. (Selah)[b]
Nararapat na handog, inyong ialay,
    pagtitiwala n'yo'y kay Yahweh ibigay.

Tanong ng marami, “Sinong tutulong sa atin?”
    Ikaw, O Yahweh, ang totoong mahabagin!
Puso ko'y iyong pinuno ng lubos na kagalakan,
    higit pa sa pagkain at alak na inumin.

Sa aking paghiga, nakakatulog nang mahimbing,
    pagkat ikaw, Yahweh, ang nag-iingat sa akin.

Panalangin Upang Tulungan ng Diyos

Katha ni David upang awitin ng Punong Mang-aawit; sa saliw ng plauta.

Pakinggan mo, Yahweh, ang aking pagdaing,
    ang aking panaghoy, sana'y bigyang pansin.
Aking Diyos at hari, karaingan ko'y pakinggan,
    sapagkat sa iyo lang ako nananawagan.
Sa kinaumagahan, O Yahweh, tinig ko'y iyong dinggin,
    at sa pagsikat ng araw, tugon mo'y hihintayin.

Ikaw ay Diyos na di nalulugod sa kasamaan,
    mga maling gawain, di mo pinapayagan.
Ang mga palalo'y di makakatagal sa iyong harapan,
    mga gumagawa ng kasamaa'y iyong kinasusuklaman.
Pinupuksa mo, Yahweh, ang mga sinungaling,
    galit ka sa mamamatay-tao, at mga mapanlamang.

Ngunit dahil sa iyong dakilang pagmamahal,
    makakapasok ako sa iyong tahanan;
ika'y sambahin ko sa Templo mong banal,
    luluhod ako tanda ng aking paggalang.
Patnubayan mo ako, Yahweh, sa iyong katuwiran,
    dahil napakarami ng sa aki'y humahadlang,
    landas mong matuwid sa aki'y ipaalam, upang ito'y aking laging masundan.

Ang(B) mga sinasabi ng mga kaaway ko'y kasinungalingan;
    saloobin nila'y pawang kabulukan;
parang bukás na libingan ang kanilang lalamunan,
    pananalita nila'y pawang panlilinlang.
10 O Diyos, sila sana'y iyong panagutin,
    sa sariling pakana, sila'y iyong pabagsakin;
sa dami ng pagkakasala nila, sila'y iyong itakwil,
    sapagkat mapaghimagsik sila at mga suwail.

11 Ngunit ang humihingi ng tulong sa iyo ay masisiyahan,
    at lagi silang aawit nang may kagalakan.
Ingatan mo ang mga sa iyo'y nagmamahal,
    upang magpatuloy silang ika'y papurihan.
12 Pinagpapala mo, O Yahweh, ang mga taong matuwid,
    at gaya ng kalasag, protektado sila ng iyong pag-ibig.

Panalangin sa Panahon ng Bagabag

Katha ni David upang awitin ng Punong Mang-aawit: sa saliw ng instrumentong may kuwerdas; ayon sa Sheminit.[c]

O(C) Yahweh, huwag mo akong sumbatan nang dahil lamang sa galit,
    o kaya'y parusahan kapag ika'y nag-iinit.
Ubos na ang lakas ko, ako'y iyong kahabagan,
    pagalingin mo ako, mga buto ko'y nangangatal.
Ang aking kaluluwa'y lubha nang nahihirapan,
    O Yahweh, ito kaya'y hanggang kailan magtatagal?

Magbalik ka, O Yahweh, at buhay ko'y iligtas,
    hanguin mo ako ng pag-ibig mong wagas.
Kapag ako ay namatay, di na kita maaalala,
    sa daigdig ng mga patay, sinong sa iyo'y sasamba?

Pinanghihina ako nitong aking karamdaman;
    gabi-gabi'y basa sa luha itong aking higaan,
    binabaha na sa kaiiyak itong aking tulugan.
Mata ko'y namamaga dahil sa aking pagluha,
    halos di na makakita, mga kaaway ko ang may gawa.

Kayong(D) masasama, ako'y inyong layuan,
    pagkat dininig ni Yahweh ang aking karaingan.
Dinirinig ni Yahweh ang aking pagdaing,
    at sasagutin niya ang aking panalangin.
10 Ang mga kaaway ko'y daranas ng matinding takot at kahihiyan;
    sila'y aatras at sa biglang pagkalito'y magtatakbuhan.

Mga Gawa 17:16-34

Sa Atenas

16 Habang sina Silas at Timoteo'y hinihintay ni Pablo sa Atenas, napansin niyang puno ng mga diyus-diyosan ang lungsod kaya't nabagabag ang kanyang espiritu. 17 Kaya't nakipagpaliwanagan siya sa loob ng mga sinagoga roon, sa mga Judio at sa mga Hentil na sumasamba sa Diyos, at sa sinumang makatagpo niya sa liwasang-bayan araw-araw. 18 Nakipagtalo rin sa kanya ang ilang mga pilosopong Griego na mga Epicureo at Estoico. “Ano ba ang sinasabi sa atin ng nagmamarunong na iyan?” sabi ng ilan. Sabi naman ng iba, “Nangangaral yata tungkol sa ibang mga diyos.” Sinabi nila iyon dahil nangaral si Pablo tungkol kay Jesus at sa muling pagkabuhay. 19 Siya'y isinama nila at iniharap sa kapulungan ng Areopago at tinanong, “Maaari bang malaman namin kung ano itong bagong aral na itinuturo mo? 20 Bago sa aming pandinig ang sinasabi mo, kaya't nais naming malaman ang kahulugan nito.” 21 Sapagkat walang ginagawa ang mga taga-Atenas at mga dayuhang naninirahan doon kundi ang mag-usap-usap at makinig tungkol sa mga bagong turo.

22 Tumayo si Pablo sa harap ng kapulungan ng Areopago at nagsalita, “Mga taga-Atenas, napapansin kong kayo'y lubos na napaka-relihiyoso sa maraming bagay. 23 Sapagkat(A) sa paglalakad ko sa lungsod at pagmamasid sa inyong mga sinasamba, nakakita ako ng isang dambana na may nakasulat, ‘Sa Diyos na hindi kilala.’ Ang Diyos na inyong sinasamba kahit hindi ninyo nakikilala ang siya kong ipinapahayag sa inyo. 24 Ang(B) Diyos na gumawa ng sanlibutan at lahat ng naririto ay ang Panginoon ng langit at ng lupa, at hindi naninirahan sa mga templong ginawa ng tao. 25 Hindi(C) rin siya nangangailangan ng anumang tulong o paglilingkod ng tao, sapagkat siya mismo ang nagbibigay ng buhay, hininga at lahat ng bagay sa sangkatauhan. 26 Mula(D) sa isang tao'y nilikha niya ang lahat ng lahi sa buong mundo. Itinakda niya sa simula't simula pa ang kani-kanilang panahon at hangganan. 27 Ginawa(E) niya iyon upang hanapin nila ang Diyos; baka sakaling sa kanilang paghahanap, siya ay matagpuan nila. Ang totoo, hindi naman siya talagang malayo sa bawat isa sa atin; 28 sapagkat,

‘Nakasalalay sa kanya ang ating buhay, pagkilos at pagkatao.’

Tulad ng sinabi ng ilan sa inyong mga makata,

‘Tayo nga'y mga anak niya.’

29 Sapagkat tayo'y mga anak ng Diyos, huwag nating akalain na ang kanyang pagka-Diyos ay mailalarawan ng ginto, pilak, o bato na pawang likha ng isip at gawa ng kamay ng tao. 30 Sa mga nagdaang panahon ay pinalampas ng Diyos ang di pagkakilala sa kanya ng mga tao, ngunit ngayon ay iniuutos niya sa lahat ng tao sa bawat lugar na magsisi't talikuran ang kanilang masamang pamumuhay. 31 Sapagkat itinakda na niya ang araw ng paghuhukom sa sanlibutan, at ito'y buong katarungan niyang gagawin sa pamamagitan ng isang tao na kanyang hinirang. Pinatunayan niya ito sa lahat nang muli niyang binuhay ang taong iyon.”

32 Nang marinig nila ang sinabi ni Pablo tungkol sa muling pagkabuhay, tinuya siya ng ilan. Sinabi naman ng iba, “Nais naming mapakinggan kang muli tungkol dito.” 33 At iniwan ni Pablo ang mga tao. 34 May ilang sumama sa kanya at sumampalataya sa Diyos. Kabilang dito sina Dionisio na kaanib ng kapulungan ng Areopago, isang babaing nagngangalang Damaris, at mga iba pa.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.